Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Marcos 1:23-45

23 Naroon sa sinagoga ang isang lalaking sinasaniban ng maruming espiritu. Bigla itong sumigaw: 24 “Ano'ng kailangan mo sa amin, Jesus na taga-Nazareth? Pumunta ka ba rito upang puksain kami? Kilala kita—ang Hinirang ng Diyos.” 25 Subalit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa kanya!” 26 Pinangisay ng maruming espiritu ang lalaki, nagsisigaw at pagkatapos ay lumabas mula dito. 27 Labis na namangha ang mga tao, at nag-usap-usap, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihang inuutusan niya maging ang maruruming espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya!” 28 Mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(A)

29 Mula sa sinagoga ay agad silang tumuloy sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil sa lagnat. Kaagad nilang sinabi kay Jesus[a] ang tungkol sa kanya. 31 Kaya't lumapit si Jesus sa babae, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Nawala kaagad ang lagnat ng babae at siya'y naglingkod sa kanila. 32 Pagsapit ng gabi, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasaniban ng demonyo. 33 Lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Nagpagaling siya ng maraming taong may iba't ibang uri ng sakit, at nagpalayas ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat alam ng mga ito kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(B)

35 Kinabukasan, madaling araw pa'y bumangon na si Jesus at lumabas na ng bahay. Nagtungo siya sa isang di-mataong lugar, at doon ay nanalangin. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan nito. 37 Nang siya'y natagpuan nila, sinabi nilang, “Hinahanap ka ng lahat.” 38 Sumagot si Jesus, “Pumunta tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral din ako roon. Ito ang dahilan ng aking pagparito.” 39 Kaya (C) nilakbay ni Jesus ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Pinagaling ang Isang Ketongin(D)

40 May isang ketonging lumapit kay Jesus, lumuhod at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo'y magagawa ninyong linisin ako.” 41 Labis na nahabag si Jesus sa ketongin, kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Nais ko. Maging malinis ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at ito'y luminis. 43 Pagkatapos niya itong pagbilinan nang mahigpit, kaagad niya itong pinaalis. 44 Ganito (E) ang bilin niya sa lalaki, “ Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, magpasuri ka sa pari at maghandog ka ayon sa utos ni Moises. Gawin mo ito bilang patunay sa kanila na malinis ka na.” 45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Kaya't hindi na hayagang makapasok sa mga bayan si Jesus, at sa halip ay nanatili na lamang sa labas ng bayan. Gayunman, kahit doo'y patuloy siyang dinadayo ng mga tao na mula pa sa iba't ibang dako.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.