Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Marcos 4:21-41

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(A)

21 Sinabi (B) pa ni Jesus, “Ang ilaw bang sinindihan ay inilalagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan? Hindi ba't inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Sapagkat (C) anumang nakatago ay malalantad, at anumang nalilihim ay mabubunyag. 23 Ang may pandinig ay makinig.” 24 Sinabi rin (D) niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong pinakikinggan. Kung ano ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo, at higit pa roon ang ibibigay sa inyo. 25 Sapagkat (E) ang mayroon na ay bibigyan pa; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: May isang taong naghasik ng binhi sa lupa. 27 Natutulog siya at gumigising sa araw at gabi, sumisibol pa rin at lumalaki ang binhi nang hindi niya namamalayan kung paano. 28 Ang lupa sa kanyang sarili ang nagpapasibol sa halaman,[a] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil. 29 Kapag (F) hinog na ang bunga, magsusugo agad ang magsasaka ng gagapas sapagkat panahon na ng pag-aani.”

Ang Butil ng Mustasa(G)

30 Nagpatuloy si Jesus, “Saan natin maihahambing ang paghahari ng Diyos? Ano'ng talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? 31 Tulad ito ng binhi ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi. 32 Ngunit kapag ito'y naihasik, lumalaki ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng halaman. Yumayabong ang mga sanga nito, kaya't ang mga ibon ay nakapagpupugad sa lilim nito.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga(H)

33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ipinangaral sa kanila ni Jesus ang Salita, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34 Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya ang lahat nang sarilinan sa kanyang mga alagad.

Pinatigil ni Jesus ang Unos(I)

35 Kinagabihan, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at tumawid ng lawa lulan ng bangkang sinasakyan ni Jesus. May iba pang mga bangkang sumabay sa kanila. 37 Dumating ang isang malakas na unos kaya't hinampas ng malalaking alon ang bangkang kanilang sinasakyan. Halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus nama'y natutulog sa hulihan ng bangka at nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” sabi nila, “wala ba kayong malasakit? Malulunod na tayo!” 39 Bumangon si Jesus, sinaway ang hangin at inutusan ang lawa, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan. 40 Sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?” 41 Labis silang natakot at sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ito? Pati hangin at tubig ay sumusunod sa kanya?”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.