M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Haring Josias ng Juda(A)
34 Si(B) Josias ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem.
2 Kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa mga landas ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa.
3 Sapagkat sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kanyang pinasimulang hanapin ang Diyos ni David na kanyang ninuno. At sa ikalabindalawang taon ay kanyang pinasimulang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste,[a] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma.
Sinira ni Josias ang Pagsambang Pagano
4 At(C) kanilang winasak ang mga dambana ng mga Baal sa kanyang harapan; at kanyang ibinagsak ang mga dambana ng insenso na nasa ibabaw nila. Ang mga sagradong poste,[b] mga larawang inukit, at mga larawang hinulma ay kanyang pinagputul-putol, dinurog, at isinabog sa mga libingan ng naghandog sa kanila.
5 Sinunog(D) din niya ang mga buto ng mga pari sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.
6 At sa mga bayan ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, sa kanilang mga guho sa palibot,
7 ay kanyang winasak ang mga dambana at dinurog ang mga sagradong poste[c] at mga larawang inukit hanggang maging alabok, at pinagputul-putol ang lahat ng dambana ng insenso sa buong lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem.
Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(E)
8 Sa ikalabingwalong taon ng kanyang paghahari, nang kanyang malinis na ang lupain at ang bahay, ay kanyang sinugo si Safan na anak ni Azalia, at si Maasias na tagapamahala ng lunsod, at si Joah na anak ni Joahaz na tagapagtala, upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon niyang Diyos.
9 Sila'y pumunta kay Hilkias na pinakapunong pari at ibinigay ang salapi na dinala sa bahay ng Diyos na nalikom ng mga Levita at mga bantay sa pintuan mula sa kamay ng Manases at ng Efraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, Juda, Benjamin, at sa mga naninirahan sa Jerusalem.
10 Iyon ay kanilang ibinigay sa mga manggagawang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay iyon ng mga manggagawa na gumagawa sa bahay ng Panginoon upang kumpunihin at isaayos ang bahay.
11 Ibinigay nila iyon sa mga karpintero at sa mga tagapagtayo upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga trosong panghalang at mga biga para sa mga gusaling hinayaang magiba ng mga hari ng Juda.
12 At matapat na ginawa ng taong-bayan ang gawain. Inilagay na mga tagapamahala sa kanila sina Jahat at Obadias na mga Levita, mula sa mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga Kohatita upang mangasiwa. Ang mga Levita, na pawang bihasa sa mga kagamitang panugtog,
13 ay namahala sa mga tagabuhat ng mga pasan at pinamamahalaan ang lahat ng gumagawa sa bawat uri ng paglilingkod; at ang ibang mga Levita ay mga manunulat, mga pinuno, at mga bantay-pinto.
14 Samantalang kanilang inilalabas ang salaping ipinasok sa bahay ng Panginoon, natagpuan ni Hilkias na pari ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.
15 Sinabi ni Hilkias kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan.
16 Dinala ni Safan ang aklat sa hari, at bukod dito'y iniulat pa sa hari, “Lahat ng ipinamahala sa iyong mga lingkod ay kanilang ginagawa.
17 Kanilang kinuhang lahat ang salaping natagpuan sa bahay ng Panginoon at ibinigay ito sa kamay ng mga tagapamahala at mga manggagawa.”
18 At sinabi ni Safan na kalihim sa hari, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At binasa ito ni Safan sa harapan ng hari.
19 Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kanyang suot.
20 At inutusan ng hari sina Hilkias, Ahicam na anak ni Safan, Abdon na anak ni Micaias, Safan na kalihim, at si Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,
21 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon, para sa akin at sa kanila na naiwan sa Israel at Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na natagpuan sapagkat malaki ang poot ng Panginoon na nabubuhos sa atin. Sapagkat hindi iningatan ng ating mga ninuno ang salita ng Panginoon, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat sa aklat na ito.”
22 Kaya't si Hilkias at silang mga sinugo ng hari, ay pumunta kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum na anak ni Tokhat, na anak ni Haras, na tagapag-ingat ng silid ng kasuotan; (siya nga'y nakatira sa Jerusalem sa Ikalawang Bahagi;) at kanilang sinabi sa kanya ang gayon.
23 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,
24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda.
25 Sapagkat tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking poot ay ibubuhos sa dakong ito at hindi mapapawi.
26 Ngunit sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang iyong narinig,
27 sapagkat ang iyong puso ay nagsisisi, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos nang iyong marinig ang kanyang mga salita laban sa dakong ito, at sa mga mamamayan nito, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ko, at pinunit mo ang iyong suot, at umiyak sa harapan ko; dininig din kita, sabi ng Panginoon.
28 Ilalakip kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay mapapalakip na payapa sa iyong libingan. Hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaang aking dadalhin sa lugar na ito at sa mamamayan nito.’” At kanilang dinala ang mensahe sa hari.
Nakipagtipan si Josias upang Sundin ang Panginoon(F)
29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at tinipon ang lahat ng matatanda sa Juda at sa Jerusalem.
30 Umakyat ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, ang mga pari at mga Levita, at lahat ng mga tao, maging dakila at hamak. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
31 Ang hari ay tumayo sa kanyang lugar at nakipagtipan sa harapan ng Panginoon, upang lumakad nang ayon sa Panginoon at ingatan ang kanyang mga utos, mga patotoo, at mga tuntunin, ng kanyang buong puso at kaluluwa, upang isagawa ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.
32 Kanyang pinanumpa rito ang lahat ng nasa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga naninirahan sa Jerusalem ang ayon sa tipan ng Diyos ng kanilang mga ninuno.
33 At inalis ni Josias ang lahat ng karumaldumal sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel, at ang lahat ng nasa Israel ay pinapaglingkod sa Panginoon nilang Diyos. Sa lahat ng kanyang mga araw ay hindi sila humiwalay sa pagsunod sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.
Ang Sanlibong Taon
20 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di-matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala.
2 At(A) sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya ng isang libong taon,
3 at siya'y itinapon sa di-matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito, kailangang siya'y pawalan sa maikling panahon.
4 Nakakita(B) ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo kay Jesus, at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw, o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.
5 Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na muli.
6 Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.
Ang Pagkagapi kay Satanas
7 At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan,
8 at(C) lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.
9 Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok.
10 At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman.
Ang Paghuhukom
11 At(D) nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila.
12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat.
13 At iniluwa ng dagat ang mga patay na nasa kanya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa.
14 Ang kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy;
15 at ang sinumang hindi natagpuang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.
Tinuligsa ang mga Di-Banal na Pari
2 “Ngayon, O kayong mga pari, ang utos na ito ay para sa inyo.
2 Kung hindi kayo makikinig, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso na bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ipadadala ko sa inyo ang sumpa at aking susumpain ang mga pagpapala ninyo. Sa katunayan, akin na silang isinumpa, sapagkat hindi ninyo inilagak sa inyong puso.
3 Narito, sasawayin ko ang inyong anak, at sasabugan ko ng dumi ang inyong mga mukha, ang dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo'y aalisin kasama nito.
4 Inyong(A) malalaman na aking ipinadala ang utos na ito sa inyo upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Ang(B) aking tipan sa kanya ay isang tipan ng buhay at kapayapaan; at ibinigay ko ang mga iyon sa kanya upang siya'y matakot; at siya'y natakot sa akin, at siya'y nagbigay-galang sa aking pangalan.
6 Ang kautusan ng katotohanan ay nasa kanyang bibig, at walang kalikuan na nasumpungan sa kanyang mga labi. Siya'y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo niya sa kasamaan ang marami.
7 Sapagkat ang mga labi ng pari ay dapat mag-ingat ng kaalaman, at dapat hanapin ng mga tao ang kautusan sa kanyang bibig, sapagkat siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Ngunit kayo'y lumihis sa daan; naging dahilan kayo upang matisod ang marami sa pamamagitan ng inyong kautusan, inyong pinasama ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Kaya't ginawa ko kayong hamak at aba sa harap ng buong bayan, yamang hindi ninyo iningatan ang aking mga daan, kundi nagpakita kayo ng pagtatangi sa inyong kautusan.”
Ang Pagtataksil ng Israel at Juda
10 Hindi ba iisa lamang ang ating ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumalang sa atin? Bakit nga tayo nagtataksil sa isa't isa na nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno?
11 Naging taksil ang Juda, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagkat nilapastangan ng Juda ang santuwaryo ng Panginoon, na kanyang iniibig, at nag-asawa sa anak na babae ng ibang diyos.
12 Ihiwalay nawa ng Panginoon mula sa mga tolda ng Jacob ang taong gumawa nito, ang sinumang gigising o sasagot o magdadala ng handog sa Panginoon ng mga hukbo!
13 Ito rin ay inyong ginagawa: Tinatakpan ninyo ang dambana ng Panginoon ng mga luha, ng pagtangis, at ng pagdaing, sapagkat hindi na niya nililingap ang handog, ni tinatanggap na may kasiyahan sa inyong kamay.
14 Gayunma'y inyong sinasabi, “Sa anong dahilan?” Sapagkat ang Panginoon ay saksi sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng kataksilan, bagaman siya'y iyong kasama, at iyong asawa sa pamamagitan ng tipan.
15 Ngunit wala ni isang gumawa niyon na mayroong nalabing Espiritu.[a] Ano ang ginawa niya noong naghahanap siya ng lahing maka-Diyos? Kaya't ingatan ninyo ang inyong espiritu, at huwag nang hayaang ang sinuman ay magtaksil sa asawa ng kanyang kabataan.
16 “Sapagkat aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at ang pagtatakip ng tao sa kanyang damit na may karahasan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili at huwag kayong magtaksil.”
Nalalapit ang Araw ng Paghatol
17 Inyong niyamot ang Panginoon ng inyong mga salita. Gayunma'y sinasabi ninyo, “Paano namin siya niyamot?” Sa inyong pagsasabi, “Bawat gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at sila'y kanyang kinalulugdan.” O sa pagtatanong, “Nasaan ang Diyos ng katarungan?”
19 Pagkatapos ay kinuha ni Pilato si Jesus at siya'y hinagupit.
2 Ang mga kawal ay gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong sa kanyang ulo, at siya'y sinuotan ng isang balabal na kulay-ube.
3 Sila'y lumapit sa kanya, na nagsasabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya'y kanilang pinagsusuntok.
4 Si Pilato ay muling lumabas at sa kanila'y sinabi, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang inyong malaman na wala akong nakitang anumang kasalanan sa kanya.”
5 Lumabas nga si Jesus, na may koronang tinik at balabal na kulay-ube. Sinabi ni Pilato sa kanila, “Narito ang tao!”
6 Nang siya ay makita ng mga punong pari at ng mga punong-kawal, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus, sapagkat ako'y walang nakitang kasalanan sa kanya.”
7 Sumagot sa kanya ang mga Judio, “Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang iyon ay dapat siyang mamatay, sapagkat inaangkin niya na siya ay Anak ng Diyos.”
8 Nang marinig ni Pilato ang salitang ito ay lalo siyang natakot.
9 Siya'y muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at sinabi kay Jesus, “Taga-saan ka?” Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus.
10 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mong makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang ikaw ay pakawalan at may kapangyarihang ikaw ay ipako sa krus?”
11 Sumagot si Jesus sa kanya, “Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya't ang nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”
12 Mula noo'y sinikap ni Pilato na siya'y pakawalan. Ngunit ang mga Judio ay nagsisigawang, “Kung pakakawalan mo ang taong ito ay hindi ka kaibigan ni Cesar.[a] Ang bawat nag-aangkin na siya'y hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.”
13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Plataporma (sa Hebreo ay Gabbatha).
14 Noon ay Paghahanda ng Paskuwa, at noo'y mag-iikaanim na oras.[b] Sinabi niya sa mga Judio, “Narito ang inyong Hari!”
15 Sila'y nagsigawan, “Ilayo siya, ilayo siya, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari liban kay Cesar.”
Ipinako si Jesus sa Krus(A)
16 At ibinigay ni Pilato[c] si Jesus[d] sa kanila upang maipako sa krus.
17 Kinuha nila si Jesus, at siya'y lumabas na pasan niya ang krus, patungo sa tinatawag na Pook ng Bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota.
18 Doon ay kanilang ipinako siya at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawat tagiliran, at sa gitna nila ay si Jesus.
19 Sumulat din si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa itaas ng krus. At ang nakasulat ay “Jesus na Taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.”
20 Marami sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagkat ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod, at ito'y isinulat sa Hebreo, sa Latin, at sa Griyego.
21 Kaya't sinabi kay Pilato ng mga punong pari ng mga Judio, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinasabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”
22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.”
23 Nang maipako ng mga kawal si Jesus, kanilang kinuha ang kanyang mga kasuotan at hinati sa apat na bahagi, sa bawat kawal ay isang bahagi. Gayundin ang tunika, at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.
24 Kaya't(B) sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin, kundi tayo'y magpalabunutan kung kanino mapupunta.” Ito ay upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi,
“Pinaghatian nila ang aking mga kasuotan,
at ang aking balabal ay kanilang pinagpalabunutan.”
25 Ang mga bagay na ito ay ginawa ng mga kawal.
Samantala, nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina, at ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.
26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal, na nakatayong katabi niya ay sinabi niya sa kanyang ina, “Babae, narito ang iyong anak!”
27 Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” At mula noon ay dinala siya ng alagad sa kanyang sariling tahanan.
Ang Kamatayan ni Jesus(C)
28 Pagkatapos(D) nito, sapagkat alam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay sinabi niya (upang matupad ang kasulatan), “Nauuhaw ako.”
29 Mayroon doong isang sisidlang punô ng maasim na alak, kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka[e] sa isang sanga ng isopo,[f] kanilang inilagay sa kanyang bibig.
30 Nang matanggap ni Jesus ang suka[g] ay sinabi niya, “Natupad na.” At itinungo ang kanyang ulo, at siya ay namatay.[h]
Inulos ang Tagiliran ni Jesus
31 Sapagkat noo'y araw ng Paghahanda, upang maiwasan na ang mga katawan ay manatili sa krus sa araw ng Sabbath (sapagkat dakila ang araw ng Sabbath na iyon), hiniling ng mga Judio kay Pilato na baliin ang kanilang mga binti at sila'y alisin doon.
32 Kaya't dumating ang mga kawal at binali ang binti ng una at ng isa pa na ipinako sa krus na kasama niya.
33 Ngunit nang dumating sila kay Jesus at makitang patay na, ay hindi na nila binali ang kanyang mga binti.
34 Subalit tinusok ng sibat ng isa sa mga kawal ang kanyang tagiliran at biglang lumabas ang dugo at tubig.
35 Siya na nakakita nito ay nagpatotoo, at ang kanyang patotoo ay tunay, at nalalaman niya na siya'y nagsasabi ng totoo upang kayo rin ay maniwala.
36 Sapagkat(E) ang mga bagay na ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan, “Kahit isa mang buto niya'y hindi mababali.”
37 At(F) sinabi rin sa isa pang kasulatan, “Titingin sila sa kanya na kanilang tinusok ng sibat.”
Paglilibing kay Jesus(G)
38 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga-Arimatea, na isang lihim na alagad ni Jesus, dahil sa takot sa mga Judio, ay nakiusap kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus, at siya'y pinahintulutan ni Pilato. Kaya't siya'y pumunta roon at kinuha ang kanyang bangkay.
39 Dumating(H) din si Nicodemo, na noong una ay lumapit sa kanya noong gabi, na may dalang pinaghalong mira at mga aloe, halos isandaang libra ang timbang.
40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga telang lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.
41 Sa lugar ng pinagpakuan sa kanya ay may isang halamanan, at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailanma'y hindi pa nalalagyan ng sinuman.
42 Kaya't dahil sa Paghahanda ng mga Judio, sapagkat malapit ang libingan, ay kanilang inilagay doon si Jesus.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001