M’Cheyne Bible Reading Plan
5 Kaya't(A) natapos ang lahat ng gawaing ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama; at itinago ang pilak, ginto, at ang lahat ng mga kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ng Diyos.
Ang Kaban ng Tipan ay Dinala sa Templo(B)
2 Pinulong(C) ni Solomon sa Jerusalem ang matatanda ng Israel, at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.
3 Ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa kapistahan na nasa ikapitong buwan.
4 Dumating ang lahat ng matatanda sa Israel at pinasan ng mga Levita ang kaban.
5 Kanilang dinala ang kaban, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapang nasa tolda; ang mga ito'y dinala ng mga pari at ng mga Levita.
6 Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipun-tipon sa harapan niya ay nasa harapan ng kaban, na naghahandog ng napakaraming mga tupa at mga baka, na ang mga ito ay hindi mabilang.
7 Ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa kabanal-banalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
8 Sapagkat iniladlad ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak sa ibabaw ng kaban, kaya't ang mga kerubin ay lumulukob sa kaban at sa mga pasanan nito.
9 Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa banal na dako sa harapan ng panloob na santuwaryo, ngunit ang mga ito ay hindi nakikita sa labas; at ang mga iyon ay naroroon hanggang sa araw na ito.
10 Walang(D) anumang bagay sa loob ng kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay doon ni Moises sa Horeb, na doon ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Ehipto.
Ang Kaluwalhatian ng Panginoon
11 Nang ang mga pari ay lumabas sa banal na dako (sapagkat ang lahat ng pari na naroroon ay nagtalaga ng kanilang mga sarili, at hindi sinunod ang kanilang pagkakapangkat-pangkat.
12 Lahat ng mga mang-aawit na mga Levita, sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang mga anak at mga kapatid, na nakadamit ng pinong lino, na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ay nakatayo sa gawing silangan ng dambana na may kasamang isandaan at dalawampung pari na umiihip ng mga trumpeta.
13 Katungkulan(E)(F) ng mga umiihip ng trumpeta at ng mga mang-aawit na sila'y marinig na sama-sama sa pagpupuri at pasasalamat sa Panginoon), at nang ang awit ay inilakas, na may mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang kagamitang panugtog, sa pagpupuri sa Panginoon,
“Sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,”
ang bahay ng Panginoon ay napuno ng ulap,
14 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang makapaglingkod dahil sa ulap; sapagkat ang kaluwalhatian ng Panginoon ang pumuno sa bahay ng Diyos.
Ang Talumpati ni Solomon sa mga Tao(G)
6 Pagkatapos ay sinabi ni Solomon,
“Sinabi ng Panginoon na siya'y titira sa makapal na kadiliman.
2 Ipinagtayo kita ng isang marangyang bahay,
isang lugar na titirhan mo magpakailanman.”
3 Pumihit ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, samantalang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.
4 Kanyang(H) sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang kanyang ipinangako sa pamamagitan ng kanyang bibig kay David na aking ama na sinasabi,
5 ‘Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayan buhat sa lupain ng Ehipto, hindi pa ako pumili ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay manatili roon; at hindi ako pumili ng sinumang lalaki bilang pinuno ng aking bayang Israel.
6 Ngunit aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay manatili roon at aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.’
7 Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
8 Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Yamang nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na ito ay nasa iyong puso.
9 Gayunma'y hindi ikaw ang magtatayo ng bahay, kundi ang iyong anak na ipapanganak sa iyo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’
10 Ngayo'y tinupad ng Panginoon ang kanyang ginawang pangako, sapagkat ako'y naging kapalit ni David na aking ama, at umupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at itinayo ko ang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
11 Doo'y aking inilagay ang kaban na kinalalagyan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mga anak ni Israel.”
Subukin ang mga Espiritu
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan.
2 Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman ay sa Diyos,
3 at ang bawat espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng anti-Cristo, na inyong narinig na darating at ngayo'y nasa sanlibutan na.
4 Kayo'y sa Diyos, mga munting anak, at inyong dinaig sila sapagkat siyang nasa inyo ay higit na dakila kaysa sa nasa sanlibutan.
5 Sila'y sa sanlibutan: kaya't tungkol sa sanlibutan ang kanilang sinasabi at pinapakinggan sila ng sanlibutan.
6 Kami ay sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa amin at ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa amin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
9 Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.
10 Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Diyos nang gayon, nararapat na mag-ibigan din naman tayo sa isa't isa.
12 Walang(A) nakakita kailanman sa Diyos; kung tayo'y nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin.
13 Dito'y nalalaman namin na kami'y nananatili sa kanya at siya'y sa amin, sapagkat binigyan niya kami ng kanyang Espiritu.
14 At nakita namin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.
15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananahan sa kanya, at siya'y sa Diyos.
16 At ating nalaman at sinampalatayanan ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya.
17 Dito'y naging ganap ang pag-ibig sa atin upang tayo'y magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa araw ng paghuhukom; sapagkat kung ano siya, ay gayundin naman tayo sa sanlibutang ito.
18 Walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagkat ang takot ay may kaparusahan at ang natatakot ay hindi pa nagiging sakdal sa pag-ibig.
19 Tayo'y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin.
20 Kung sinasabi ng sinuman, “Iniibig ko ang Diyos,” at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita.
21 At ang utos na ito na mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
3 Kahabag-habag ang madugong lunsod!
punung-puno ng kabulaanan at samsam—
at sa kanya'y hindi nawawalan ng biktima!
2 Ang bagsak ng panghagupit, at ang pagragasa ng gulong,
nagdadambahang kabayo at lukso ng mga karwahe!
3 Sumusugod ang mga mangangabayo,
kumikislap na tabak at kumikinang na sibat,
at napakaraming patay,
bunton ng mga bangkay,
at walang katapusang mga bangkay;
sila'y natitisod sa mga bangkay—
4 Ang lahat ay dahil sa di mabilang na pagpapakasama ng bayarang babae,[a]
ang maganda at babaing dalubhasa sa pag-eengkanto,
na nagbibili ng mga bansa sa pamamagitan ng kanyang pagiging bayarang babae.[b]
at ang mga bayan sa pamamagitan ng kanyang mga pag-eengkanto.
5 Narito, ako'y laban sa iyo,
sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
at aking itataas ang damit mo sa iyong mukha;
at ipapakita ko sa mga bansa ang iyong kahubaran
at sa mga kaharian ang iyong kahihiyan.
6 Tatapunan kita ng basura
at gagawin kitang hamak,
at gagawin kang katatawanan.
7 At ang lahat ng titingin sa iyo, ay lalayo sa iyo, at magsasabi,
“Ang Ninive ay sira, sinong tataghoy sa kanya?”
saan ako hahanap ng mga mang-aaliw para sa iyo?
8 Ikaw ba'y mas mabuti pa sa Noamon
na nakaupo sa tabi ng Nilo,
na may tubig sa palibot niya;
na ang kuta niya'y ang dagat,
at ang tubig ay kanyang pader?
9 Ang Etiopia ang kanyang lakas,
pati ang Ehipto, at iyon ay walang hangganan;
ang Put at Lubim ay kanyang naging mga katulong.
10 Gayunman siya'y ipinatapon,
siya'y dinala sa pagkabihag;
maging ang kanyang mga anak ay pinagputul-putol
sa dulo ng lahat ng mga lansangan;
pinagpalabunutan ang kanyang mararangal na tao,
at ang lahat ng kanyang mga dakilang tao ay ginapos ng mga tanikala.
11 Ikaw man ay malalasing,
ikaw ay itatago,
ikaw ay hahanap
ng kanlungan mula sa kaaway.
12 Lahat ng iyong kuta ay magiging parang puno ng igos
na may unang hinog na mga igos;
na kapag inuga ay nalalaglag sa
bibig ng kumakain.
13 Narito, ang iyong bayan
sila'y mga babae sa gitna mo.
Ang mga pintuan ng iyong lupain
ay bukas nang maluwang sa iyong mga kaaway;
nilamon ng apoy ang iyong mga halang.
14 Umigib ka ng tubig para sa pagkubkob;
tibayan mo ang iyong mga muog;
pumasok ka sa putikan,
magbayo ka sa lusong,
hawakan mo ang hulmahan ng tisa!
15 Doon ka sasakmalin ng apoy;
tatagpasin ka ng tabak.
Lalamunin ka nito na gaya ng balang.
Magpakarami kang gaya ng balang:
magpakarami kang gaya ng tipaklong!
16 Pinarami mo ang iyong mga mangangalakal
nang higit kaysa mga bituin sa langit.
Ibinuka ng balang ang kanyang mga pakpak at lumipad na papalayo.
17 Ang iyong mga pinuno ay gaya ng mga tipaklong,
at ang iyong mga tagapamahala ay parang kawan ng balang,
na dumadapo sa mga bakod
sa araw na malamig—
kapag ang araw ay sumikat, sila'y nagliliparan,
walang nakakaalam kung nasaan sila.
18 Ang iyong mga pastol ay natutulog,
O hari ng Asiria;
ang iyong mga maharlika ay nahihimbing.
Ang iyong bayan ay nakakalat sa mga bundok,
at walang magtitipon sa kanila.
19 Walang paggaling ang iyong sakit,
ang iyong sugat ay malubha.
Lahat ng makabalita sa iyo
ay pumapalakpak ng kanilang kamay sa iyo.
Sapagkat sino ang kailanma'y nakaligtas sa iyong walang tigil na kalupitan?
Si Jesus at si Zaqueo
19 Siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico,
2 at doon ay may isang lalaki na ang pangalan ay Zaqueo. Siya'y isang punong maniningil ng buwis at mayaman.
3 Nagsikap siyang makita kung sino si Jesus, subalit hindi magawa dahil sa karamihan ng mga tao, sapagkat siya'y pandak.
4 Kaya't tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita siya, sapagkat siya'y daraan sa daang iyon.
5 At nang dumating si Jesus[a] sa lugar na iyon, siya'y tumingala, at sinabi sa kanya, “Zaqueo, dali ka at bumaba ka; sapagkat kailangang ako'y tumuloy sa bahay mo ngayon.”
6 Kaya't siya'y nagmadali, bumaba, at natutuwa siyang tinanggap.
7 Nang kanilang makita ito ay nagbulungan silang lahat, na nagsasabi, “Siya'y pumasok upang maging panauhin ng isang taong makasalanan.”
8 Si Zaqueo ay tumindig at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha at kung sa pamamagitan ng pandaraya ay may kinuha ako sa kanino mang tao, babayaran ko siya ng apat na ulit.”
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating sa bahay na ito ngayon ang kaligtasan, sapagkat siya man ay anak din ni Abraham.
10 Sapagkat(A) ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala.”
Ang Talinghaga ng Sampung Mina[b](B)
11 Samantalang(C) pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya at nagsalaysay ng isang talinghaga, sapagkat siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagkat kanilang inakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag na kaagad.
12 Sinabi nga niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian at pagkatapos ay bumalik.
13 Tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.’
14 Subalit kinapootan siya ng kanyang mga mamamayan at nagsugo sila sa kanya ng kinatawan na nagsasabi, ‘Ayaw namin na ang taong ito'y maghari sa amin.’
15 Nang siya'y bumalik, pagkatapos matanggap ang kaharian, sinabi niyang tawagin ang mga aliping binigyan niya ng salapi, upang malaman niya kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.
16 Dumating ang una, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng sampung mina pa.’
17 At sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin. Sapagkat naging tapat ka sa kakaunti, mamahala ka sa sampung lunsod.’
18 Dumating ang ikalawa, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng limang mina.’
19 Sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay mamamahala sa limang lunsod.’
20 Dumating ang isa pa, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina na aking itinago sa isang panyo;
21 ako'y natakot sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mahigpit, kinukuha mo ang hindi mo itinabi, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’
22 Sinabi niya sa kanya, ‘Hinahatulan kita mula sa sarili mong bibig, ikaw na masamang alipin. Alam mo na ako'y taong mahigpit, na kumukuha ng hindi ko itinabi, at gumagapas ng hindi ko inihasik.
23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang aking salapi sa bangko at nang sa aking pagbalik ay makuha ko iyon pati ng tinubo?’
24 At sinabi niya sa mga nakatayo, ‘Kunin ninyo sa kanya ang mina, at ibigay ninyo sa may sampung mina.’
25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, siya'y mayroong sampung mina.’
26 ‘Sinasabi(D) ko sa inyo na sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay; subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
27 Ngunit itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harapan ko.’”
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(E)
28 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya na umakyat tungo sa Jerusalem.
29 Nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olibo, ay sinugo niya ang dalawa sa mga alagad,
30 na sinasabi, “Pumunta kayo sa katapat na nayon at sa pagpasok ninyo roon, ay makikita ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin ninyo rito.
31 At kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan? Ganito ang inyong sasabihin, ‘Kailangan siya ng Panginoon.’”
32 Ang mga sinugo ay pumunta at natagpuan ang ayon sa sinabi niya sa kanila.
33 Nang kinakalagan nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari nito, ‘Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?’
34 At sinabi nila, “Kailangan ito ng Panginoon.”
35 Dinala nila ito kay Jesus at ipinatong nila ang kanilang mga damit sa batang asno at isinakay nila si Jesus doon.
36 At samantalang siya'y nakasakay, inilalatag ng mga tao[c] ang kanilang mga damit sa daan.
37 Nang malapit na siya sa libis ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagpasimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na kanilang nakita,
38 na(F) sinasabi,
“Mapalad ang Hari
na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Kapayapaan sa langit,
at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”
39 Ilan sa mga Fariseo na mula sa maraming tao ay nagsabi sa kanya, “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.”
40 At sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo na kung tatahimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.”
Iniyakan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya at nakita ang lunsod, ito'y kanyang iniyakan,
42 na sinasabi, “Kung sa araw na ito ay alam mo sana ang mga bagay na tungo sa kapayapaan! Subalit ngayo'y nakakubli ito sa iyong mga mata.
43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na ang mga kaaway mo ay magtatayo ng muog sa palibot mo at papaligiran ka, at gigipitin ka sa bawat panig.
44 At ibabagsak ka sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Sa iyo'y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo.”
Nilinis ni Jesus ang Templo(G)
45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nagtitinda,
46 na(H) sinasabi sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang aking bahay ay magiging bahay-dalanginan,’
subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
47 Nagturo(I) siya araw-araw sa templo. Ngunit pinagsisikapan ng mga punong pari, ng mga eskriba, at ng mga pinuno ng bayan na siya'y patayin.
48 Ngunit wala silang nakitang magagawa nila, sapagkat nakatuon ang pansin ng buong bayan sa kanyang mga salita.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001