Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 16

Mga Kaguluhan sa Israel(A)

16 Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasha na hari ng Israel ay pumunta laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang mahadlangan niya ang sinumang lalabas o pupunta kay Asa na hari ng Juda.

At kumuha si Asa ng pilak at ginto mula sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari, at ipinadala ang mga ito kay Ben-hadad, na hari ng Siria, na naninirahan sa Damasco, na sinasabi,

“Magkaroon nawa ng pagkakasundo sa pagitan nating dalawa, gaya ng sa aking ama at sa iyong ama. Ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasha na hari ng Israel upang siya'y lumayo sa akin.”

At nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong-kawal ng kanyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang nasakop ang Ijon, Dan, Abel-maim, at ang lahat ng mga bayang imbakan ng Neftali.

Nang mabalitaan ito ni Baasha, inihinto niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kanyang paggawa.

Pagkatapos ay isinama ni Haring Asa ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama at ang kahoy nito, na ginagamit ni Baasha sa pagtatayo at ginamit din niya sa pagtatayo ng Geba at Mizpah.

Si Propeta Hanani

Nang panahong iyon ay pumunta kay Asa na hari sa Juda si Hanani na propeta, at sinabi sa kanya, “Sapagkat ikaw ay umasa sa hari ng Siria, at hindi ka umasa sa Panginoon mong Diyos, tinakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.

Hindi ba ang mga taga-Etiopia at ang mga Lubim ay isang napakalaking hukbo na may napakaraming mga karwahe at mangangabayo? Ngunit sapagkat ikaw ay umasa sa Panginoon, kanyang ibinigay sila sa iyong kamay.

Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nagpaparoo't parito sa palibot ng buong lupa, upang ipakita ang kanyang kapangyarihan alang-alang sa kanila na ang mga puso ay tapat sa kanya. Ikaw ay gumawang may kahangalan sa bagay na ito; sapagkat mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga digmaan.”

10 Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa propeta at inilagay siya sa bilangguan sapagkat siya'y nagalit sa kanya dahil sa bagay na ito. At pinagmalupitan ni Asa ang ilan sa mga taong-bayan nang panahon ding iyon.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Asa(B)

11 Ang mga gawa ni Asa, mula una hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.

12 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, si Asa ay nagkaroon ng karamdaman sa kanyang mga paa; ang kanyang sakit ay naging malubha. Gayunman, maging sa kanyang pagkakasakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi humingi ng tulong sa mga manggagamot.

13 Si Asa ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at namatay sa ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari.

14 Kanilang inilibing siya sa libingan na kanyang ipinagawa para sa kanyang sarili sa lunsod ni David. Kanilang inihiga siya sa higaan na nilagyan ng iba't ibang uri ng espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango. Sila'y gumawa ng isang napakalaking apoy para sa kanyang karangalan.

Apocalipsis 5

Ang Aklat at ang Kordero

At(A) nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang aklat[a] na may sulat sa loob at sa likod, na tinatakan ng pitong tatak.

At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na nagpapahayag sa malakas na tinig, “Sino ang karapat-dapat magbukas ng aklat at magtanggal ng mga tatak nito?”

At walang sinuman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ang makapagbukas ng aklat o makatingin man sa loob nito.

Ako'y labis na umiyak, sapagkat walang natagpuang sinuman na karapat-dapat magbukas ng aklat, o tumingin sa loob nito.

At(B) sinabi sa akin ng isa sa matatanda, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon sa lipi ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang mabuksan niya ang aklat at ang pitong tatak nito.”

Pagkatapos(C) ay nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na nilalang na buháy at sa gitna ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad sa isang pinaslang, na may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong Espiritu ng Diyos, na sinugo sa buong daigdig.

Siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono.

Pagkakuha(D) niya sa aklat, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpatirapa sa harapan ng Kordero, na ang bawat isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na punô ng insenso, na siyang mga panalangin ng mga banal.

At(E) sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi,

“Ikaw ay karapat-dapat na kumuha sa aklat
    at magbukas ng mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinatay, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay binili mo para sa Diyos
    ang mga tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa.
10 At(F) sila'y iyong ginawang isang kaharian at mga pari para sa aming Diyos;
    at sila'y maghahari sa ibabaw ng lupa.”

11 Nakita(G) ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda; at ang bilang nila ay milyun-milyon at libu-libo,

12 na nagsasabi ng may malakas na tinig,

“Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan.”

13 At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi,

“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman.

14 At ang apat na nilalang na buháy ay nagsabi, “Amen!” At ang matatanda ay nagpatirapa at sumamba.

Zacarias 1

Nanawagan ang Panginoon sa Kanyang Bayan

Nang(A) ikawalong buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, ang propeta, na sinasabi,

“Ang Panginoon ay galit na galit sa inyong mga ninuno.

Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Manumbalik kayo sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno, na sa kanila'y sinabi ng mga unang propeta, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad, at sa inyong masasamang gawa.’ Ngunit hindi nila ako pinakinggan o pinansin man, sabi ng Panginoon.

Ang inyong mga ninuno, nasaan sila? At ang mga propeta, nabubuhay ba sila magpakailanman?

Ngunit ang aking mga salita at mga tuntunin na aking iniutos sa aking mga lingkod na mga propeta, hindi ba inabutan ng mga ito ang inyong mga ninuno? Kaya't sila'y nagsisi at nagsabi, ‘Kung paano ang inisip na gawin sa amin ng Panginoon ng mga hukbo, ayon sa aming mga lakad, at ayon sa aming mga gawa, gayon ang ginawa niya sa amin.’”

Ang mga Kabayo sa Pangitain ni Zacarias

Nang ikadalawampu't apat na araw nang ikalabing-isang buwan, na buwan ng Sebat, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, na propeta, na sinasabi:

“Nakita(B) ko noong gabi at narito, isang lalaking nakasakay sa isang pulang kabayo! Siya'y nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa lambak. Sa likuran niya'y may mga kabayong pula, hubero at puti.

Nang magkagayo'y aking sinabi, ‘O panginoon ko, ano ang mga ito?’ At ang anghel na nakipag-usap sa akin ay nagsabi sa akin, ‘Aking ipapakita sa iyo kung anu-ano ang mga ito.’

10 Ang lalaking nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ay sumagot, ‘Ang mga iyon ang mga sinugo ng Panginoon upang manmanan ang lupa.’

11 Sila'y sumagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto, ‘Nalibot na namin ang lupa, at narito, ang buong lupa ay mapayapa at tahimik.’

12 Nang magkagayo'y sinabi ng anghel ng Panginoon, ‘O Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan ka mawawalan ng habag sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda, na sa kanila'y nagalit ka nitong pitumpung taon?’

13 Ang Panginoon ay sumagot ng malumanay at nakaaaliw na mga salita sa anghel na nakipag-usap sa akin.

14 Kaya't sinabi sa akin ng anghel na nakipag-usap sa akin, ‘Sumigaw ka, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y lubos na naninibugho para sa Jerusalem at sa Zion.

15 Ako'y galit na galit sa mga bansang tiwasay, sapagkat habang kakaunti pa ang aking galit, kanilang ipinagpatuloy ang pagwasak.

16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y bumalik sa Jerusalem na may pagkahabag. Ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang pising panukat ay iuunat sa ibabaw ng Jerusalem.

17 Muli kang sumigaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: ‘Ang aking mga lunsod ay muling aapawan ng kasaganaan, at muling aaliwin ng Panginoon ang Zion, at muling pipiliin ang Jerusalem.’”

Ang Pangitain tungkol sa mga Sungay at mga Panday

18 Aking itinaas ang aking paningin at aking nakita, at narito, apat na sungay!

19 Aking sinabi sa anghel na nakipag-usap sa akin, “Ano ang mga ito?” At siya'y sumagot sa akin, “Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel, at sa Jerusalem.”

20 Ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday.

21 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ano ang ipinaritong gawin ng mga ito?” Siya'y sumagot, “Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, na walang lalaki na nagtaas ng kanyang ulo at ang mga ito'y dumating upang takutin sila, upang ibagsak ang mga sungay ng mga bansa na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda upang ito'y pangalatin.”

Juan 4

Si Jesus at ang Babaing Samaritana

Nang malaman ni Jesus[a] na nabalitaan ng mga Fariseo na siya ay gumagawa at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan,

(kahit hindi nagbabautismo si Jesus, kundi ang kanyang mga alagad)

umalis siya sa Judea at muling bumalik sa Galilea.

Subalit kailangang dumaan siya sa Samaria.

Sumapit(A) siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak.

Naroon ang balon ni Jacob. Nang pagod na si Jesus sa kanyang paglalakbay, naupo siya sa tabi ng balon. Noon ay malapit nang magtanghaling-tapat.

Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bigyan mo ako ng inumin.”

Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain.

Sinabi(B) sa kanya ng babaing Samaritana, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.)[b]

10 Sumagot si Jesus, “Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”

11 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buháy?

12 Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?”

13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,

14 subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.

15 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.”

17 Ang babae ay sumagot sa kanya, “Wala akong asawa.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sabi mo, ‘Wala akong asawa;’

18 sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito.”

19 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.

20 Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem.”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem.

22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio.

23 Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.

24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae sa kanya, “Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.”

26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!”

27 Nang oras na iyon ay dumating ang kanyang mga alagad. Sila'y nagtaka na siya'y nakikipag-usap sa isang babae, subalit walang nagsabi, “Ano ang gusto mo?” o, “Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?”

28 Kaya't iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig at pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao,

29 “Halikayo, tingnan ninyo ang isang tao na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na nga kaya ang Cristo?”

30 Lumabas sila sa lunsod, at pumunta sa kanya.

31 Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”

32 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”

33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”

34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.

35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid[c] at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.

36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.

37 Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’

38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”

39 At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.”

40 Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw.

41 At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita.

42 Sinabi nila sa babae, “Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno

43 Pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya roon at nagtungo sa Galilea,

44 sapagkat(C) si Jesus din ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa kanyang sariling lupain.

45 Kaya't(D) nang siya'y dumating sa Galilea ay tinanggap siya ng mga taga-Galilea, nang kanilang makita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan, sapagkat sila ay pumunta rin sa kapistahan.

46 Pagkatapos(E) ay pumunta siyang muli sa Cana ng Galilea na doo'y kanyang ginawang alak ang tubig. At sa Capernaum ay naroroon ang isang pinuno ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay maysakit.

47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pumunta siya roon at nakiusap sa kanya na siya'y pumunta at pagalingin ang kanyang anak na lalaki sapagkat siya'y malapit nang mamatay.

48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kababalaghan ay hindi kayo mananampalataya.”

49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta ka na bago mamatay ang aking anak.”

50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka na, ang anak mo ay mabubuhay.” Pinaniwalaan ng lalaki ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at siya'y humayo sa kanyang lakad.

51 Habang siya'y papunta, sinalubong siya ng kanyang mga alipin na nagsasabing ang kanyang anak ay ligtas na.[d]

52 Kaya't itinanong niya sa kanila ang oras nang siya'y nagsimulang gumaling. At sinabi nila sa kanya, “Kahapon, nang ika-isa ng hapon, nawalan siya ng lagnat.”

53 Kaya't nalaman ng ama na sa oras na iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang anak mo ay mabubuhay.” Kaya't siya'y sumampalataya, at ang kanyang buong sambahayan.

54 Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya'y pumunta sa Galilea mula sa Judea.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001