Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 14

Si Haring Amasias ng Juda(A)

14 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel, si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoaddin na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin ng Panginoon, gayunman ay hindi gaya ni David na kanyang magulang; kanyang ginawa ang ayon sa lahat ng ginawa ni Joas na kanyang ama.

Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; ang taong-bayan ay nagpatuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

Nang matatag na ang kaharian sa kanyang kamay, pinatay niya ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.

Ngunit(B) hindi niya pinatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao ayon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, “Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi ang bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”

Siya'y pumatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela nang salakayin niya ito, at tinawag itong Jokteel, na siyang pangalan nito hanggang sa araw na ito.

Nang magkagayo'y nagpadala ng mga sugo si Amasias kay Jehoas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na sinasabi, “Halika, tayo'y magharap sa isa't isa.”

At si Jehoas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang damo na nasa Lebanon ay nagpasabi ng ganito sa isang sedro na nasa Lebanon, na sinasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae upang maging asawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon at tinapakan ang damo.

10 Tunay na sinaktan mo ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso. Masiyahan ka sa iyong kaluwalhatian, at manatili ka sa bahay; sapagkat bakit ka gagawa ng kaguluhan upang ikaw ay mabuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

11 Ngunit ayaw makinig ni Amasias. Kaya't umahon si Jehoas na hari ng Israel, siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagharap sa labanan sa Bet-shemes na sakop ng Juda.

12 Ang Juda ay nagapi ng Israel; at bawat isa ay tumakas patungo sa kanya-kanyang tirahan.

13 Nabihag ni Jehoas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Jehoas na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dumating sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko mula sa pintuang-bayan ng Efraim hanggang sa pintuang-bayan ng Panulukan.

14 Kanyang sinamsam ang lahat ng ginto at pilak, at ang lahat ng sisidlang matatagpuan sa bahay ng Panginoon at sa kabang-yaman ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.

15 Ang iba sa mga gawa ni Jehoas na kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y nakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Israel?

16 At natulog si Jehoas na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang Pagkamatay ni Haring Amasias ng Juda(C)

17 Si Amasias na anak ni Joas, na hari ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon pagkamatay ni Jehoas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.

18 Ang iba sa mga gawa ni Amasias, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Juda?

19 Sila'y nagsabwatan laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas patungong Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish at pinatay siya roon.

20 Kanilang dinala siya na sakay ng mga kabayo, at siya'y inilibing sa Jerusalem na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

21 Kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na labing-anim na taong gulang, at ginawa siyang haring kapalit ng kanyang amang si Amasias.

22 Kanyang itinayo ang Elat at isinauli ito sa Juda, pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kanyang mga ninuno.

23 Nang ikalabinlimang taon ni Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda, si Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel ay nagsimulang maghari sa Samaria, at siya'y naghari ng apatnapu't isang taon.

24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya tinalikdan ang lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala.

25 Kanyang(D) ibinalik ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamat hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si propeta Jonas na anak ni Amitai, na mula sa Gat-hefer.

26 Sapagkat nakita ng Panginoon na ang paghihirap ng Israel ay totoong masaklap, sapagkat walang naiwan, laya man o bihag, at walang tumulong sa Israel.

27 Ngunit hindi sinabi ng Panginoon na kanyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kaya't kanyang iniligtas sila sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas.

28 Ang iba sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na dating sakop ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Israel?

29 At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ang mga hari ng Israel. At si Zacarias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

2 Timoteo 4

Sa harapan ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay, at sa pamamagitan ng kanyang pagpapakita at sa kanyang kaharian, ay inaatasan kita:

ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di-kapanahunan, magtuwid ka, manaway ka, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo.

Sapagkat darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa,

at tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip.

Ngunit ikaw ay maging matino sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, ganapin mong lubos ang iyong ministeryo.

Tungkol sa akin, ako'y ibinuhos na tulad sa inuming handog, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na.

Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya.

Kaya't mula ngayon ay nakalaan na sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kanyang pagpapakita.

Mga Personal na Tagubilin

Magsikap kang pumarito agad sa akin,

10 sapagkat(A) iniwan ako ni Demas, na umibig sa sanlibutang ito, at nagtungo sa Tesalonica; si Crescente ay nagtungo sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia.

11 Si(B) Lucas lamang ang kasama ko. Sunduin mo si Marcos at isama mo, sapagkat siya'y kapaki-pakinabang sa akin sa ministeryo.

12 Samantala,(C) si Tiquico ay sinugo ko sa Efeso.

13 Ang(D) balabal na aking iniwan sa Troas kay Carpo ay iyong dalhin pagparito mo, at ang mga aklat, lalung-lalo na ang mga pergamino.

14 Maraming(E) ginawang kasamaan sa akin si Alejandro na panday ng tanso. Gagantihan siya ng Panginoon ayon sa kanyang mga gawa.

15 Mag-ingat ka rin sa kanya, sapagkat tunay na kanyang sinalungat ang aming ipinangangaral.

16 Sa aking unang pagsasanggalang ay walang sinumang kumampi sa akin, bagkus pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawang singilin sa kanila ito.

17 Ngunit ang Panginoon ay tumindig sa tabi ko at ako'y pinalakas niya upang sa pamamagitan ko ay ganap na maipahayag ang mensahe upang mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. Kaya't ako'y iniligtas sa bibig ng leon.

18 Ako'y ililigtas ng Panginoon sa bawat masamang gawa at ako'y kanyang iingatan para sa kanyang kaharian sa langit. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Huling Pagbati at Basbas

19 Batiin(F) mo sina Priscila at Aquila at ang sambahayan ni Onesiforo.

20 Si(G) Erasto ay nanatili sa Corinto, ngunit si Trofimo ay iniwan kong maysakit sa Mileto.

21 Magsikap kang pumarito bago dumating ang taglamig. Binabati ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia, at ng lahat ng mga kapatid.

22 Ang Panginoon nawa'y sumainyong espiritu. Sumainyo nawa ang biyaya.[a]

Hoseas 7

Kapag pagagalingin ko na ang Israel,
    ang kasamaan nga ng Efraim ay mabubunyag,
    at ang masasamang gawa ng Samaria;
sapagkat sila'y nandaraya,
    ang magnanakaw ay nanloloob,
    at ang mga tulisan ay nananamsam sa labas.
Ngunit hindi nila isinasaalang-alang sa kanilang mga puso
    na aking tinatandaan ang lahat nilang masasamang gawa.
Ngayo'y pinalilibutan sila ng kanilang sariling mga gawa;
    sila'y nasa harap ko.

Sabwatan sa Palasyo

Kanilang pinasasaya ang hari sa pamamagitan ng kanilang kasamaan,
    at ng kanilang pagsisinungaling ang mga pinuno.
Silang lahat ay mga mangangalunya;
    sila'y parang pinainit na pugon,
na ang magtitinapay nito ay tumitigil sa pagpapaningas ng apoy,
    mula sa paggawa ng masa hanggang sa ito'y malagyan ng pampaalsa.
Nang araw ng ating hari ang mga pinuno
    ay nagkasakit dahil sa tapang ng alak;
    kanyang iniunat ang kanyang kamay kasama ng mga mapanlibak.
Sapagkat sila'y nagniningas tulad ng isang pugon, habang sila'y nag-aabang,
    ang kanilang magtitinapay ay natutulog magdamag,
    sa kinaumagaha'y lumalagablab na parang nagliliyab na apoy.
Silang lahat ay mainit na parang pugon,
    at nilalamon nila ang kanilang mga hukom.
Lahat ng kanilang mga hari ay nabuwal;
    at wala ni isa sa kanila na tumatawag sa akin.

Ang Israel at ang mga Bansa

Ang Efraim ay nakikisalamuha sa mga bansa;
    ang Efraim ay isang tinapay na hindi binaligtad.
Nilalamon ng mga dayuhan ang kanyang lakas,
    at hindi niya ito nalalaman;
mga uban ay nakasabog sa kanya,
    at hindi niya ito nalalaman.
10 Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya;
    gayunma'y hindi sila nanumbalik sa Panginoon nilang Diyos,
    ni hinanap man siya, dahil sa lahat ng ito.

11 At ang Efraim ay parang isang kalapati,
    hangal at walang pang-unawa
    sila'y tumatawag sa Ehipto, sila'y pumupunta sa Asiria.
12 Habang sila'y humahayo, aking ilaladlad ang aking lambat sa kanila;
    akin silang ibabagsak na parang mga ibon sa himpapawid;
    aking parurusahan sila ayon sa iniulat sa kanilang kapisanan.
13 Kahabag-habag sila, sapagkat sila'y lumayo sa akin!
    Ang pagkawasak ay sumakanila, sapagkat sila'y naghimagsik laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
    ngunit nagsasalita sila ng mga kasinungalingan laban sa akin.
14 Sila'y hindi dumadaing sa akin mula sa kanilang puso,
    kundi sila'y nananangis sa kanilang mga higaan;
sila'y nagtitipon dahil sa trigo at alak;
    sila'y naghihimagsik laban sa akin.
15 Kahit na aking sinanay at pinalakas ang kanilang mga bisig,
    gayunma'y nagbalak sila ng masama laban sa akin.
16 Sila'y nanunumbalik, ngunit hindi sa kanya na kataas-taasan;
    sila'y parang mandarayang busog;
ang kanilang mga pinuno ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak
    dahil sa poot ng kanilang dila.
Ito ang magiging katuyaan sa kanila sa lupain ng Ehipto.

Mga Awit 120-122

Awit ng Pag-akyat.

120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,

    at sinagot niya ako.
“O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
    mula sa dilang mandaraya.”

Anong ibibigay sa iyo,
    at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
    ikaw na mandarayang dila?

Matalas na palaso ng mandirigma,
    na may nag-aapoy na baga ng enebro!

Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
    na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
    kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
Ako'y para sa kapayapaan;
    ngunit kapag ako'y nagsasalita,
    sila'y para sa pakikidigma!

Awit ng Pag-akyat.

121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
    ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
    na siyang gumawa ng langit at lupa.

Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
    siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
Siyang nag-iingat ng Israel
    ay hindi iidlip ni matutulog man.

Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
    ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
    ni ng buwan man kapag gabi.

Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
    kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
    mula sa panahong ito at magpakailanpaman.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
    “Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
Ang mga paa natin ay nakatayo
    sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;

Jerusalem, na natayo
    na parang lunsod na siksikan;
na inaahon ng mga lipi,
    ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
    upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
    ang mga trono ng sambahayan ni David.

Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
    “Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
    at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
    aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
    hahanapin ko ang iyong ikabubuti.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001