M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinatigil ang Pagsambang Pagano(A)
23 Pagkatapos ang hari ay nagsugo, at tinipon niya ang lahat ng matatanda ng Juda at Jerusalem.
2 At pumunta ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
3 Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan.
4 Inutusan(B) ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel.
5 Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit.
6 At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao.
7 Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera.
8 Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod.
9 Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid.
10 Kanyang(C) nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae.
11 Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw.
12 Ang(D) mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron.
13 Nilapastangan(E) ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon.
14 At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste,[a] at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao.
15 Bukod(F) dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste.[b]
16 Sa(G) pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng Panginoon na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito.
17 Pagkatapos(H) ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.”
18 Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19 At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang Panginoon, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel.
20 Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(I)
21 At iniutos ng hari sa buong bayan, “Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa Panginoon ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.”
22 Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda;
23 ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa Panginoon.
Iba pang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias
24 Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng Panginoon.
25 Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa Panginoon ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya.
26 Gayunma'y hindi tinalikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang malaking pagkapoot laban sa Juda, dahil sa lahat ng panggagalit na ipinanggalit ni Manases sa kanya.
27 At sinabi ng Panginoon, “Aalisin ko rin ang Juda sa aking paningin, gaya ng pag-aalis ko sa Israel, at aking itatakuwil ang lunsod na ito na aking pinili, ang Jerusalem, at ang bahay na dito ay aking sinabi, Ang pangalan ko'y doroon.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(J)
28 Ang iba pa sa mga gawa ni Josias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?
29 Nang mga araw niya, si Faraon-neco na hari ng Ehipto ay umahon laban sa hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Si Haring Josias ay pumaroon laban sa kanya; at pinatay siya ni Faraon-neco sa Megido, nang kanyang makita siya.
30 Dinala siyang patay ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang sariling libingan. At kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias, binuhusan siya ng langis, at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama.
Si Haring Jehoahaz ng Juda(K)
31 Si Jehoahaz[d] ay dalawampu't tatlong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlong buwan sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
32 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga magulang.
33 Ibinilanggo siya ni Faraon-neco sa Ribla sa lupain ng Hamat, upang siya'y hindi makapaghari sa Jerusalem; at pinapagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at isang talentong ginto.
34 At(L) ginawa ni Faraon-neco si Eliakim na anak ni Josias bilang haring kapalit ni Josias, na kanyang ama, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim. Ngunit kanyang dinala si Jehoahaz at siya'y dumating sa Ehipto at namatay doon.
Si Haring Jehoiakim ng Juda(M)
35 Ibinigay ni Jehoiakim ang pilak at ang ginto kay Faraon; ngunit kanyang pinapagbuwis ang lupain upang ibigay ang salapi ayon sa utos ni Faraon. Kanyang siningilan ng pilak at ginto ang taong-bayan ng lupain, sa bawat isa ayon sa kanyang paghahalaga, upang ibigay kay Faraon-neco.
36 Si(N) Jehoiakim ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Zebida na anak ni Pedaya na taga-Ruma.
37 Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga ninuno.
5 Bawat pinakapunong pari na pinili mula sa mga tao ay pinangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, para sa kanilang kapakanan, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan.
2 Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan.
3 Dahil(A) dito, kailangang siya'y maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, at gayundin para sa taong-bayan.
4 At(B) sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron.
5 Maging(C) si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya,
“Ikaw ay aking Anak,
ako ngayon ay naging Ama mo.”
6 Gaya(D) rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
7 Sa(E) mga araw ng kanyang buhay dito sa mundo,[a] si Jesus[b] ay naghandog ng mga panalangin at mga pakiusap na may malakas na pagtangis at pagluha sa may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang magalang na pagpapasakop.
8 Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis,
9 at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya;
10 yamang itinalaga ng Diyos bilang pinakapunong pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Babala Laban sa Pagtalikod
11 Tungkol sa kanya'y marami kaming masasabi, at mahirap ipaliwanag, palibhasa'y naging mapurol na kayo sa pakikinig.
12 Sapagkat(F) bagaman sa panahong ito'y dapat na kayo'y mga guro na, kailangang muling may magturo sa inyo ng mga unang simulain ng aral ng Diyos. Kayo'y nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.
13 Sapagkat bawat tumatanggap ng gatas ay walang alam sa salita ng katuwiran palibhasa'y isa siyang sanggol.
14 Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga nasa hustong gulang, na dahil sa pagsasagawa ay nasanay ang kanilang mga pandama na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.
Babala ng Araw ng Panginoon
2 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion,
patunugin ninyo ang hudyat sa aking banal na bundok!
Manginig ang lahat ng naninirahan sa lupain,
sapagkat ang araw ng Panginoon ay dumarating, ito'y malapit na;
2 isang araw ng kadiliman at pagkulimlim,
araw ng mga ulap at makapal na dilim!
Gaya ng bukang-liwayway na kumakalat sa mga bundok,
isang dakila at makapangyarihang hukbo ang dumarating;
hindi nagkaroon kailanman ng gaya nila,
ni magkakaroon pa man pagkatapos nila,
hanggang sa mga taon ng maraming salinlahi.
3 Isang apoy ang tumutupok sa harapan nila;
at sa likuran nila'y isang nagliliyab na apoy.
Ang lupain ay parang halamanan ng Eden sa harapan nila,
ngunit sa likuran nila'y isang sirang ilang;
at walang nakatakas sa kanila.
4 Ang(A) anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo;
at sila'y tumatakbong gaya ng mga kabayong pandigma.
5 Gaya ng rumaragasang karwahe
ay lumulukso sila sa tuktok ng mga bundok,
gaya ng hugong ng liyab ng apoy
na tumutupok sa dayami,
gaya ng isang makapangyarihang hukbo na nakahanda sa labanan.
6 Sa kanilang harapan ay nagdadalamhati ang mga tao,
lahat ng mukha ay namumutla.
7 Sila'y sumasalakay na gaya ng mga mandirigma,
kanilang iniakyat ang pader na gaya ng mga kawal.
Bawat isa'y patungo sa kanya-kanyang lakad,
at hindi sila lumilihis ng kanilang mga daan.
8 Hindi sila nagtutulakan sa isa't isa;
bawat isa'y lumalakad sa kanya-kanyang landas;
kanilang sinasagupa ang mga sandata,
at hindi sila mapahinto.
9 Kanilang nilulukso ang lunsod;
kanilang tinatakbo ang mga pader;
kanilang inaakyat ang mga bahay;
sila'y pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw.
10 Ang(B) lupa ay nayayanig sa harap nila,
ang langit ay nanginginig.
Ang araw at ang buwan ay nagdidilim
at ang mga bituin ay nawawalan ng kanilang kaningningan.
11 Pinatutunog(C) ng Panginoon ang kanyang tinig
sa unahan ng kanyang hukbo;
sapagkat ang kanyang hukbo ay napakalaki,
siya na nagsasagawa ng kanyang salita ay makapangyarihan.
Sapagkat ang araw ng Panginoon ay dakila at kakilakilabot;
sinong makakatagal?
Isang Panawagan upang Magsisi
12 “Gayunma'y ngayon,” sabi ng Panginoon,
“manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso,
na may pag-aayuno, at may pagtangis, at pagdadalamhati.
13 At punitin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong mga damit.”
Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos;
sapagkat siya'y mapagbiyaya at mahabagin,
hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig
at nalulungkot sa kasamaan.
14 Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at malulungkot,
at mag-iiwan ng isang pagpapala sa likuran niya,
ng handog na butil at handog na inumin
sa Panginoon ninyong Diyos?
15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion;
magtakda kayo ng isang ayuno,
tumawag kayo ng isang taimtim na pagtitipon.
16 Tipunin ninyo ang bayan.
Pakabanalin ang kapulungan;
tipunin ang matatanda,
tipunin ang mga bata,
at ang mga sanggol na pasusuhin.
Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kanyang silid,
at ang bagong kasal na babae sa kanyang silid.
17 Tumangis ang mga pari, ang mga lingkod ng Panginoon
sa pagitan ng portiko at ng dambana,
at kanilang sabihin, “Maawa ka sa iyong bayan, O Panginoon,
at huwag mong gawing katatawanan ang iyong mana,
na hinahamak ng mga bansa.
Bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan,
‘Nasaan ang kanilang Diyos?’”
Ibinalik ng Panginoon ang Katabaan ng Lupain
18 At ang Panginoon ay nanibugho para sa kanyang lupain,
at nahabag sa kanyang bayan.
19 At ang Panginoon ay sumagot at sinabi sa kanyang bayan,
“Narito, ako'y magpapadala sa inyo ng trigo, alak, at langis,
at kayo'y mabubusog;
at hindi ko kayo gagawing
isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa.
20 “Aking ilalayo nang malayo sa inyo ang mula sa hilaga,
at itataboy ko siya sa tuyo at sirang lupain,
ang kanyang unaha'y sa dagat silangan,
at ang kanyang hulihan ay sa dagat kanluran;
ang kanyang baho at masamang amoy ay aalingasaw,
sapagkat siya'y gumawa ng malalaking bagay.
21 “Huwag kang matakot, O lupa,
ikaw ay matuwa at magalak;
sapagkat ang Panginoon ang gumawa ng mga dakilang bagay!
22 Huwag kayong matakot, kayong mga hayop sa parang;
sapagkat ang mga pastulan sa ilang ay sariwa;
ang punungkahoy ay nagbubunga,
ang puno ng igos at ang puno ng ubas ay saganang nagbubunga.
23 “Kayo'y matuwa, O mga anak ng Zion,
at magalak sa Panginoon ninyong Diyos;
sapagkat kanyang ibinigay ang maagang ulan para sa inyong ikawawalang-sala,
kanyang ibinuhos para sa inyo ang isang masaganang ulan,
ang maaga at ang huling ulan, gaya nang dati.
24 Ang mga giikan ay mapupuno ng trigo,
at ang mga sisidlan ay aapawan ng alak at langis.
25 “Aking isasauli sa inyo ang mga taon
na kinain ng kuyog na balang,
ng gumagapang na balang, at ng maninirang balang, at ng nagngangatngat na balang
na siyang aking malaking hukbo, na aking sinugo laban sa inyo.
26 “Kayo'y kakain nang sagana at mabubusog,
at inyong pupurihin ang pangalan ng Panginoon ninyong Diyos,
na gumawa ng kababalaghan sa inyo;
at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya.
27 At inyong malalaman na ako'y nasa gitna ng Israel,
at ako ang Panginoon ninyong Diyos, at wala nang iba;
at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya.
Ang Araw ng Panginoon
28 “At(D) mangyayari pagkatapos nito,
na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
ang inyong matatanda ay mananaginip ng mga panaginip,
ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain.
29 At maging sa mga lingkod na lalaki at babae
ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking Espiritu.
30 “At ako'y magbibigay ng mga tanda sa langit at sa lupa, dugo, apoy, at mga haliging usok.
31 Ang(E) araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.
32 At(F) mangyayari na ang sinumang tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas, sapagkat sa bundok ng Zion at sa Jerusalem ay pupunta ang mga nakatakas, gaya ng sinabi ng Panginoon, at kabilang sa mga naligtas ay yaong mga tinatawag ng Panginoon.
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001