M’Cheyne Bible Reading Plan
Bumagsak ang Jerusalem(A)
25 Sa(B) ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, sa ikasampung araw ng ikasampung buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating kasama ang lahat niyang hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob ito; at nagtayo sila ng mga kutang pagkubkob sa palibot nito.
2 Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias.
3 Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang taggutom ay napakatindi sa lunsod, anupa't walang pagkain para sa mamamayan ng lupain.
4 Nang(C) magkagayo'y gumawa ng isang butas sa lunsod; ang hari kasama ang lahat ng lalaking mandirigma ay tumakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader na nasa tabi ng halamanan ng hari, bagaman ang mga Caldeo ay nasa palibot ng lunsod. At sila ay humayo sa daang patungo sa Araba.
5 Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at kanilang inabutan siya sa mga kapatagan ng Jerico at ang lahat niyang hukbo ay nangalat at iniwan siya.
6 Dinakip nila ang hari at kanilang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla na naggawad ng hatol sa kanya.
7 Kanilang(D) pinatay ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan at dinukit ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala at dinala sa Babilonia.
Giniba ang Templo(E)
8 Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, si Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay, na lingkod ng hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem.
9 Kanyang(F) sinunog ang bahay ng Panginoon, ang bahay ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; bawat malaking bahay ay sinunog niya.
10 Ibinagsak ang mga pader sa palibot ng Jerusalem ng lahat ng hukbo ng mga Caldeo na kasama ng punong-kawal ng bantay.
11 Ang nalabing mga tao na naiwan sa lunsod, at ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia, at ang nalabi sa napakaraming tao ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay.
12 Ngunit iniwan ng punong-kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging mag-uubas at magsasaka.
13 Ang(G) mga haliging tanso na nasa bahay ng Panginoon at ang mga patungan at ang sisidlang tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo at dinala ang tanso sa Babilonia.
14 At(H) kanilang tinangay ang mga palayok, mga pala, mga pamutol ng mitsa, mga pinggan para sa insenso, lahat ng kagamitang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo,
15 gayundin ang mga apuyan at ang mga mangkok. Ang anumang yari sa ginto at sa pilak ay dinalang lahat ng punong-kawal ng bantay.
16 Ang dalawang haligi, sisidlang tanso, at sa mga patungang ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay hindi kayang timbangin.
17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyon; ang taas ng kapitel ay tatlong siko na may palamuti at granada na pawang yari sa tanso ang nasa kapitel sa palibot. At ang ikalawang haligi ay gaya rin niyon at may palamuti.
Dinala ang Mamamayan ng Juda sa Babilonia(I)
18 At kinuha ng punong-kawal ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na ikalawang pari, at ang tatlong bantay-pinto;
19 at mula sa lunsod ay kumuha siya ng isang pinuno na nangangasiwa sa mga lalaking mandirigma, limang lalaki sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng punong-kawal ng hukbo na nagtipon ng mga tao ng lupain, at animnapung lalaki sa taong-bayan ng lupain na natagpuan sa lunsod.
20 Kinuha sila ni Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay at dinala sila sa hari ng Babilonia sa Ribla.
21 Pinuksa sila ng hari ng Babilonia at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamat. Sa gayon dinalang-bihag ang Juda mula sa kanyang lupain.
Si Gedalias, Tagapamahala ng Juda(J)
22 Sa(K) mga taong-bayang naiwan sa lupain ng Juda na iniwan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, hinirang niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Safan.
23 Nang mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga hukbo at ng kanilang mga kalalakihan na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay pumunta sila kay Gedalias sa Mizpah. Sila ay sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumet na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maacatita.
24 At si Gedalias ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga kalalakihan na sinasabi, “Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga pinunong Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito ay sa ikabubuti ninyo.”
25 Ngunit(L) nang ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, na mula sa angkan ng hari, ay dumating kasama ng sampung lalaki at sinaktan si Gedalias, kaya't siya'y namatay kasama ang mga Judio at mga Caldeo na mga kasama niya sa Mizpah.
26 Pagkatapos(M) ang buong bayan, hamak at dakila, at ang mga pinuno ng hukbo ay tumindig at pumunta sa Ehipto, sapagkat sila'y takot sa mga Caldeo.
Si Jehoiakin ay Pinalaya sa Bilangguan(N)
27 At nangyari, nang ikadalawampu't pitong araw, nang ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag ni Jehoiakin na hari ng Juda, si Evil-merodac na hari ng Babilonia, nang taong siya'y magsimulang maghari, ay pinalaya sa bilangguan si Jehoiakin na hari ng Juda.
28 Siya'y nagsalita na may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng upuan sa itaas ng mga upuan ng mga haring kasama niya sa Babilonia.
29 Kaya't hinubad ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilangguan. At sa bawat araw ng kanyang buhay ay palagi siyang kumakain sa hapag ng hari;
30 at para sa pantustos sa kanya, may palagiang panustos na ibinibigay sa kanya ang hari, bawat araw ay isang bahagi, habang siya ay nabubuhay.
Ang Pagkapari ni Melquizedek
7 Itong(A) si Melquizedek, hari ng Salem, pari ng Kataas-taasang Diyos, ang siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari at siya'y kanyang binasbasan,
2 at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan.
3 Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman.
4 Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam.
5 At(B) ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham.
6 Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako.
7 Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas.
8 At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay.
9 Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham,
10 sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek.
Ang Paring Tulad ni Melquizedek
11 Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron?
12 Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan.
13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana.
14 Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari.
15 At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek,
16 na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa.
17 Sapagkat(C) pinatotohanan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
18 Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang
19 (sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.
20 At iyon ay mayroong panunumpa. Yaong nang una ay naging pari ay nagsimula sa kanilang katungkulan na walang panunumpa,
21 ngunit(D) ang isang ito ay naging pari na may panunumpa,
“Nanumpa ang Panginoon at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’”
22 Sa gayon, si Jesus ay naging tagapanagot ng isang higit na mabuting tipan.
23 Marami sa bilang ang dating mga pari, sapagkat sila'y hinadlangan ng kamatayan upang makapagpatuloy sa panunungkulan.
24 Subalit hawak niya ang pagiging pari magpakailanman, sapagkat siya ay nagpapatuloy magpakailanman.
25 Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
26 Sapagkat nararapat na tayo'y magkaroon ng gayong Pinakapunong Pari, banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas kaysa mga langit.
27 Hindi(E) gaya ng ibang mga pinakapunong pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una para sa kanyang sariling mga kasalanan, at saka para sa mga kasalanan ng bayan; ito'y ginawa niyang minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili.
28 Sapagkat hinihirang ng kautusan bilang mga pinakapunong pari ang mga taong may kahinaan, ngunit ang salita ng panunumpa na dumating na kasunod ng kautusan ay humirang sa Anak na ginawang sakdal magpakailanman.
1 Ang(A) mga salita ni Amos, na kasama ng mga pastol ng Tekoa, na nakita niya tungkol sa Israel nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda, at nang mga araw ni Jeroboam na anak ni Joas na hari ng Israel, dalawang taon bago lumindol.
2 At(B) kanyang sinabi:
“Ang Panginoon ay umuungal mula sa Zion,
at ipinahahayag ang kanyang tinig mula sa Jerusalem;
at ang mga pastulan ng mga pastol ay nagluluksa,
at ang tuktok ng Carmel ay natutuyo.”
Hinatulan ng Diyos ang mga Kalapit-bayan ng Israel:
Ang Siria
3 Ganito(C) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Damasco,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang giniik ang Gilead
ng panggiik na bakal.
4 Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa sambahayan ni Hazael,
at tutupukin niyon ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
5 Aking wawasakin ang mga halang ng pintuan ng Damasco,
at aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Libis ng Aven,
at siyang humahawak ng setro mula sa Bet-eden;
at ang bayan ng Siria ay tutungo sa pagkabihag sa Kir,” sabi ng Panginoon.
Ang Filistia
6 Ganito(D) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Gaza,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa;
sapagkat kanilang dinalang-bihag ang buong bayan,
upang ibigay sila sa Edom.
7 Ngunit ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Gaza,
at tutupukin nito ang mga tanggulan niyon.
8 Aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Asdod,
at siyang humahawak ng setro mula sa Ascalon;
at aking ipipihit ang aking kamay laban sa Ekron,
at ang nalabi sa mga Filisteo ay malilipol,”
sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Tiro
9 Ganito(E) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Tiro,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom,
at hindi inalala ang tipan ng pagkakapatiran.
10 Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Tiro,
at tutupukin nito ang kanyang tanggulan.”
Ang Edom
11 Ganito(F) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng Edom,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat hinabol niya ng tabak ang kanyang kapatid,
at ipinagkait ang lahat ng habag,
at ang kanyang galit ay laging nangwawasak,
at taglay niya ang kanyang poot magpakailanman.
12 Ngunit magsusugo ako ng apoy sa Teman,
at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Bosra.”
Ang Amon
13 Ganito(G) ang sabi ng Panginoon:
“Dahil sa tatlong pagsuway ng mga anak ni Amon,
at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa,
sapagkat kanilang pinaluwa ang bituka ng mga babaing nagdadalang-tao sa Gilead,
upang kanilang mapalawak ang kanilang hangganan.
14 Kaya't ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Rabba,
at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan,
na may sigawan sa araw ng pakikipaglaban,
na may bagyo sa araw ng ipu-ipo.
15 At ang kanilang hari ay tutungo sa pagkabihag,
siya at ang kanyang mga pinuno na magkakasama,” sabi ng Panginoon.
Awit ni David.
144 Purihin ang Panginoon, ang aking malaking bato,
kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban;
2 ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan,
aking muog at aking tagapagligtas;
aking kalasag at siya kong kinakanlungan,
na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan.
3 Panginoon,(A) ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin,
o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin?
4 Ang tao ay katulad ng hininga,
gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya.
5 Iyuko mo ang iyong kalangitan, O Panginoon, at ikaw ay pumanaog!
Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok.
6 Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin,
suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin!
7 Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay,
iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig,
mula sa kamay ng mga dayuhan,
8 na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos;
sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog,
10 na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay,
na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak.
11 Iligtas mo ako,
at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan
ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang,
at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato
na tinabas para sa gusali ng isang palasyo;
13 ang amin nawang mga kamalig ay mapuno,
na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay;
ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo
at mga sampung libo sa aming mga parang;
14 ang mga baka namin nawa ay manganak
na walang makukunan o mawawalan,
huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan!
15 Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan!
Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001