M’Cheyne Bible Reading Plan
Nag-alay ng mga Handog na Sinusunog
16 Kanilang ipinasok ang kaban ng Diyos, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para rito, at sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog, at mga handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.
2 Pagkatapos makapaghandog si David ng handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.
3 Siya'y namahagi sa buong Israel, sa lalaki at gayundin sa babae, sa bawat isa ng isang tinapay at isang bahaging laman, at mga tinapay na pasas.
4 Bukod dito'y hinirang niya ang ilan sa mga Levita upang maglingkod sa harapan ng kaban ng Panginoon, at upang manalangin, magpasalamat, at magpuri sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
5 Si Asaf ang pinuno, at ang ikalawa'y sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matithias, Eliab, Benaya, Obed-edom, at si Jeiel, na sila ang tutugtog sa mga alpa at mga lira. Si Asaf ang magpapatunog ng pompiyang,
6 at sina Benaya at Jahaziel na mga pari ang patuloy na hihihip sa mga tambuli sa harapan ng kaban ng tipan ng Diyos.
7 Nang araw na iyon ay unang iniutos ni David na ang pagpapasalamat ay awitin sa Panginoon, sa pamamagitan ni Asaf at ng kanyang mga kapatid.
Ang Awit ng Pagpapasalamat(A)
8 O kayo'y magpasalamat sa Panginoon, tumawag kayo sa kanyang pangalan;
ipakilala ninyo sa mga bayan ang kanyang mga gawa.
9 Umawit kayo sa kanya, magsiawit kayo ng mga papuri sa kanya;
ipahayag ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
10 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magalak ang puso ng mga nagsisihanap sa Panginoon.
11 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang lakas;
palagi ninyong hanapin ang kanyang pakikiharap.
12 Alalahanin ninyo ang kanyang kamanghamanghang mga gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan, ang mga hatol na kanyang binigkas,
13 O kayong binhi ni Israel na kanyang lingkod,
kayong mga anak ni Jacob na kanyang pinili.
14 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga hatol ay nasa buong lupa.
15 Alalahanin ninyo ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libu-libong salinlahi;
16 ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
at ang kanyang pangakong isinumpa kay Isaac,
17 na(C) kanyang pinagtibay bilang isang tuntunin kay Jacob,
bilang isang walang hanggang tipan kay Israel,
18 na sinasabi, “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan,
ang bahagi ng inyong mana.”
19 Noong sila'y kakaunti sa bilang;
at wala pang gasinong halaga, at nakikipamayan doon;
20 na nagpagala-gala sa iba't ibang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan,
21 hindi(D) niya hinayaan na pagmalupitan sila ng sinuman,
kanyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22 na sinasabi, “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta!”
23 Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa,
ihayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
24 Ipahayag ninyo ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa,
ang kanyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25 Sapagkat dakila ang Panginoon at karapat-dapat purihin.
Siya'y marapat na katakutan nang higit sa lahat ng diyos.
26 Sapagkat lahat ng diyos ng mga bayan ay mga diyus-diyosan;
ngunit ang Panginoon ang gumawa ng mga langit.
27 Karangalan at kamahalan ang nasa harapan niya,
kalakasan at kasayahan ang nasa kanyang tahanan.
28 Iukol ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at ang kalakasan.
29 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kanyang pangalan;
magdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya.
Inyong sambahin ang Panginoon sa banal na kaayusan.
30 Manginig sa harap niya ang buong lupa:
oo, ang sanlibuta'y nakatayong matatag, hindi kailanman makikilos.
31 Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa;
at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!”
32 Hayaang umugong ang dagat at ang lahat ng pumupuno dito,
matuwa ang parang at ang lahat ng naroon;
33 kung magkagayo'y aawit ang mga punungkahoy sa gubat dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
34 O(E) magpasalamat kayo sa Panginoon sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
35 Sabihin din ninyo:
“Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
at tipunin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa,
upang kami'y magpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
36 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan.”
At sinabi ng buong bayan, “Amen!” at pinuri ang Panginoon.
Tagapangasiwa sa Harap ng Kaban
37 Kaya't iniwan ni David doon si Asaf at ang kanyang mga kapatid sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang patuloy na mangasiwa sa harap ng kaban, gaya ng kailangang gawain sa araw-araw.
38 Gayundin si Obed-edom at ang kanyang animnapu't walong kapatid; samantalang si Obed-edom na anak ni Jedutun at si Asa ay magiging mga bantay sa pinto.
39 At kanyang iniwan ang paring si Zadok at ang kanyang mga kapatid na mga pari sa harapan ng tolda ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gibeon,
40 upang patuloy na maghandog ng mga handog na sinusunog sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog sa umaga at hapon, ayon sa lahat nang nasusulat sa kautusan ng Panginoon na kanyang iniutos sa Israel.
41 Kasama nila si Heman at si Jedutun, at ang nalabi sa mga pinili at itinalaga sa pamamagitan ng pangalan upang magpasalamat sa Panginoon, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
42 Sina Heman at Jedutun ay may mga trumpeta at mga pompiyang para sa tugtugin at mga panugtog para sa mga banal na awitin. Ang mga anak ni Jedutun ay inilagay sa pintuan.
43 At(F) ang buong bayan ay nagsiuwi sa kani-kanilang bahay, at si David ay umuwi upang basbasan ang kanyang sambahayan.
Ang Dila
3 Mga kapatid ko, huwag maging guro ang marami sa inyo, yamang nalalaman nating hahatulan tayo ng mas mahigpit.
2 Sapagkat tayong lahat ay natitisod sa maraming bagay. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa pananalita, ito ay isang taong sakdal, may kakayahang pigilan ang buong katawan.
3 Kung tayo nga'y naglalagay ng mga preno sa bibig ng mga kabayo upang sumunod sila sa atin, ibinabaling natin ang kanilang buong katawan.
4 Tingnan ninyo ang mga barko: bagama't napakalalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayunma'y napapabaling sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman naisin ng piloto.
5 Gayundin naman, ang dila ay isang maliit na bahagi ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Tingnan ninyo kung paanong sinusunog ng maliit na apoy ang malalaking gubat!
6 At ang dila'y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan. Dinudungisan nito ang buong katawan, at sinusunog ang pag-inog ng kalikasan, at ito mismo ay sinusunog ng impiyerno.[a]
7 Sapagkat ang bawat uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga hayop na gumagapang at mga nilalang sa dagat ay mapapaamo at napapaamo na ng tao,
8 subalit ang dila ay hindi napapaamo ng tao, isang hindi napipigilang kasamaang punô ng lasong nakamamatay.
9 Sa(A) pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos.
10 Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito.
11 Ang isang bukal ba ay binubukalan ng matamis at mapait?
12 Mga kapatid ko, maaari ba na ang puno ng igos ay magbunga ng olibo, o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin maaaring daluyan ng tabang ang maalat na tubig.
Dalawang Uri ng Karunungan
13 Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kanyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.
14 Ngunit kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagiging makasarili sa inyong puso, huwag kayong magmalaki at huwag kayong magsinungaling laban sa katotohanan.
15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi makalupa, makalaman, may sa demonyo.
16 Sapagkat kung saan mayroong paninibugho at pagiging makasarili, doon ay mayroong kaguluhan at bawat gawang masama.
17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, mapagbigay, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari.
18 At ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan ng mga gumagawa ng kapayapaan.
Ang Pagmamataas ng Edom ay Ibababa
1 Ang(A) pangitain ni Obadias.
Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa Edom:
Kami ay nakarinig ng mga balita mula sa Panginoon,
at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Bumangon kayo! Tumindig tayo laban sa kanya sa pakikipagdigma!”
2 Narito, gagawin kitang maliit sa mga bansa;
ikaw ay lubhang hinahamak.
3 Dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
ikaw na naninirahan sa mga bitak ng bato,
na ang tahanan ay matayog
na nagsasabi sa iyong puso, “Sinong magbababa sa akin sa lupa?”
4 Bagaman ikaw ay nagtatayo nang mataas na parang agila,
bagaman inilalagay mo ang iyong pugad na kasama ng mga bituin,
aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.
5 Kung ang mga magnanakaw ay pumaroon sa iyo,
kung ang mga manloloob sa gabi—
gaano ka winasak!—
di ba sila'y magnanakaw lamang ng sapat sa kanila?
Kung ang mga mamimitas ng ubas ay pumaroon sa iyo,
di ba sila'y mag-iiwan ng laglag na ubas?
6 O paanong si Esau ay nilooban,
hinanap ang kanyang mga kayamanan!
7 Lahat ng lalaking iyong kakampi ay dadalhin ka sa hangganan;
ang mga kasamahan mo na kasunod mo ay dadayain ka at dadaigin ka.
Ang mga kumakain ng iyong tinapay ay tatambangan ka—
walang pagkaunawa sa kanya.
8 Di ko ba lilipulin sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
ang mga taong pantas mula sa Edom,
at ang pagkaunawa mula sa bundok ng Esau?
9 At ang iyong mga makapangyarihang tao ay mababalisa, O Teman,
upang ang bawat tao ay maalis sa bundok ng Esau sa pamamagitan ng pagkatay.
Bakit pa Pinarusahan ang Edom
10 Dahil sa karahasang ginawa sa iyong kapatid na Jacob
ay kahihiyan ang tatakip sa iyo,
at ikaw ay aalisin magpakailanman.
11 Nang araw na ikaw ay tumayo sa malayo,
nang araw na dalhin ng mga dayuhan ang kanyang kayamanan,
at pumasok ang mga dayuhan sa kanyang mga pintuan
at pinagpalabunutan ang Jerusalem,
ikaw ay naging gaya ng isa sa kanila.
12 Huwag ka ngang matuwa sa araw ng iyong kapatid
sa araw ng kanyang kapahamakan,
huwag kang magalak dahil sa mga anak ni Juda,
sa araw ng kanilang pagkawasak;
hindi ka sana nagmalaki sa araw ng pagkabalisa.
13 Huwag kang pumasok sa pintuan ng aking bayan
sa araw ng kanilang kapahamakan;
oo, huwag kang matuwa sa kanyang pagkapahamak
sa araw ng kanilang kasakunaan,
huwag kang magnakaw ng kanilang kayamanan
sa araw ng kanilang kapahamakan.
14 Huwag kang tumayo sa mga sangandaan
upang puksain ang kanyang mga takas;
huwag ibilanggo ang kanyang mga nalabi
sa araw ng kabalisahan.
Ang Paghatol sa mga Bansa
15 Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na laban sa lahat ng mga bansa.
Kung ano ang iyong ginawa, ay siyang gagawin sa iyo;
ang iyong gawa ay babalik sa iyong sariling ulo.
16 Sapagkat kung paanong kayo'y uminom sa aking banal na bundok,
gayon iinom ang lahat ng mga bansa sa palibot,
sila'y iinom, at magpapasuray-suray,
at magiging wari bang sila'y hindi nabuhay.
Ang Tagumpay ng Israel
17 Ngunit sa bundok ng Zion ay doroon ang mga nakatakas,
at ito ay magiging banal;
at aangkinin ng sambahayan ni Jacob ang kanilang sariling ari-arian.
18 At ang sambahayan ni Jacob ay magiging isang apoy,
ang sambahayan ni Jose ay isang liyab,
ang sambahayan ni Esau ay dayami,
at sila'y kanilang susunugin, at sila'y tutupukin;
at walang malalabi sa sambahayan ni Esau; sapagkat sinabi ng Panginoon.
19 Silang nasa Negeb ay mag-aangkin ng Bundok ng Esau,
at silang nasa Shefela ay ang lupain ng mga Filisteo;
at kanilang aangkinin ang lupain ng Efraim, at ang lupain ng Samaria;
at aangkinin ng Benjamin ang Gilead.
20 Ang mga bihag sa Hala na kabilang sa bayan ng Israel
ay mag-aangkin ng Fenicia hanggang sa Zarefta;
at ang mga bihag ng Jerusalem na nasa Sefarad
ay aangkinin ang mga bayan ng Negeb.
21 At ang mga tagapagligtas ay aahon sa Bundok ng Zion
upang hatulan ang bundok ng Esau;
at ang kaharian ay magiging sa Panginoon.
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(A)
5 Samantalang(B) sinisiksik si Jesus[a] ng napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos, siya'y nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret.
2 Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa; wala na roon ang mga mangingisda at naghuhugas na ng kanilang mga lambat.
3 Lumulan siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at hiniling sa kanya na ilayo ito nang kaunti sa lupa. Siya'y umupo at mula sa bangka ay nagturo sa mga tao.
4 Nang matapos na siya sa pagsasalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumunta ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.”
5 Sumagot(C) si Simon, “Guro, sa buong magdamag ay nagpakapagod kami at wala kaming nahuli. Subalit dahil sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.”
6 Nang(D) magawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda, at halos masira ang kanilang mga lambat,
7 kaya't kinawayan nila ang mga kasamahan nilang nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Sila'y lumapit at pinuno ng isda ang dalawang bangka, anupa't sila'y nagpasimulang lumubog.
8 Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako'y taong makasalanan, O Panginoon.”
9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang kasama ay namangha dahil sa mga isdang kanilang nahuli,
10 gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasamahan ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot, mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.”
11 Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(E)
12 Samantalang siya'y nasa isa sa mga lunsod, may dumating na isang lalaki na punô ng ketong.[b] Nang makita niya si Jesus, lumuhod siya at nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais mo ay maaari mo akong linisin.”
13 Iniunat niya ang kanyang kamay at siya'y hinawakan at sinabi, “Nais ko, maging malinis ka.” At agad nawala ang kanyang ketong.
14 Ipinagbilin(F) niya sa kanya na huwag sabihin kaninuman. “Humayo ka, magpakita ka sa pari, at maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises dahil ikaw ay naging malinis, bilang patotoo sa kanila.”
15 Subalit lalo niyang ikinalat ang balita tungkol kay Jesus. Nagtipon ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit.
16 Subalit umaalis si Jesus patungo sa ilang at nananalangin.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Lumpo(G)
17 Isang araw, habang siya'y nagtuturo, may nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan, na nagmula sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya upang magpagaling.
18 At may dumating na mga lalaking may dalang isang lalaking lumpo na nasa isang higaan at sinikap nilang maipasok ang lumpo sa bahay at mailagay sa harap ni Jesus.[c]
19 Subalit dahil wala silang makitang daan dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan ng bahay at ibinaba siya pati na ang kanyang higaan mula sa binutas nilang bubungan sa gawing gitna, sa harapan ni Jesus.
20 Nang makita niya ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”
21 Ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimulang magtanong, “Sino ba ito na nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos lamang?”
22 Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ito pinag-aalinlanganan sa inyong mga puso?
23 Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’
24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan,”—sinabi niya ito sa lumpo, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”
25 Kaagad siyang tumindig sa harapan nila, binuhat ang kanyang hinigaan, at umuwi sa kanyang bahay na niluluwalhati ang Diyos.
26 Labis na namangha ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos. Napuno sila ng takot, na nagsasabi, “Nakakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka.”
Tinawag ni Jesus si Levi(H)
27 Pagkatapos nito ay umalis si Jesus[d] at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
28 Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya.
29 Ipinaghanda siya ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay at napakaraming maniningil ng buwis at iba pa na nakaupong kasalo nila.
30 Nagbulung-bulungan(I) ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, “Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit.
32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi.”
Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(J)
33 At sinabi nila sa kanya, “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at mag-alay ng mga panalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Fariseo, subalit ang sa iyo ay kumakain at umiinom.”
34 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila?
35 Subalit darating ang mga araw kapag kinuha sa kanila ang lalaking ikakasal, saka pa lamang sila mag-aayuno sa mga araw na iyon.”
36 Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: “Walang taong pumipilas sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kapag gayon, mapupunit ang bago at ang tagping mula sa bago ay di bagay sa luma.
37 At walang taong naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kung gayon, papuputukin ng bagong alak ang mga balat, at matatapon, at masisira ang mga balat.
38 Sa halip, ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat.
39 At walang sinumang matapos uminom ng alak na laon ay magnanais ng bago, sapagkat sinasabi niya, ‘Masarap ang laon.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001