Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 3-4

Ang Angkan ni David

Ito ang mga anak ni David na ipinanganak sa kanya sa Hebron: ang panganay ay si Amnon, kay Ahinoam na Jezreelita; ang ikalawa'y si Daniel, kay Abigail na Carmelita;

ang ikatlo'y si Absalom, na ang ina ay si Maaca na anak na babae ni Talmai, na hari sa Geshur; ang ikaapat ay si Adonias na ang ina ay si Hagit;

ang ikalima'y si Shefatias, kay Abithal; ang ikaanim ay si Itream, kay Egla na asawa niya.

Anim(A) ang ipinanganak sa kanya sa Hebron; at naghari siya doon ng pitong taon at anim na buwan. Sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon.

Ito(B) ang mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem: sina Shimea, Sobab, Natan, at Solomon, apat kay Batsua na anak na babae ni Amiel;

at sina Ibhar, Elisama, Elifelet;

Noga, Nefeg, Jafia;

Elisama, Eliada, at Elifelet, siyam.

Lahat ng ito'y mga anak ni David, bukod pa ang mga anak ng mga asawang-lingkod; at si Tamar ay kanilang kapatid na babae.

10 Ang anak ni Solomon ay si Rehoboam, si Abias na kanyang anak, si Asa na kanyang anak, si Jehoshafat na kanyang anak;

11 si Joram na kanyang anak, si Ahazias na kanyang anak, si Joas na kanyang anak;

12 si Amasias na kanyang anak, si Azarias na kanyang anak, si Jotam na kanyang anak;

13 si Ahaz na kanyang anak, si Hezekias na kanyang anak, si Manases na kanyang anak;

14 si Amon na kanyang anak, si Josias na kanyang anak.

15 Ang mga anak ni Josias: ang panganay ay si Johanan, ang ikalawa'y si Jehoiakim, ang ikatlo'y si Zedekias, ang ikaapat ay si Shallum.

16 Ang mga anak ni Jehoiakim: si Jeconias na kanyang anak, si Zedekias na kanyang anak.

17 Ang mga anak ni Jeconias, na bihag: sina Shealtiel na kanyang anak,

18 Malchiram, Pedaya, Shenassar, Jekamias, Hosama, at Nedabia.

19 Ang mga anak ni Pedaya: sina Zerubabel, at Shimei. Ang mga anak ni Zerubabel ay sina Mesulam, Hananias, at si Shelomit na kanilang kapatid na babae;

20 at sina Hasuba, Ohel, Berequias, Hasadia, at Jusabhesed, lima.

21 Ang mga anak ni Hananias ay sina Pelatias, at Jeshaias; ang mga anak ni Refaias, ang mga anak ni Arnan, ang mga anak ni Obadias, ang mga anak ni Shecanias.

22 Ang anak ni Shecanias ay si Shemaya; at ang mga anak ni Shemaya ay sina Hatus, Igal, Bariaas, Nearias, at Shafat, anim.

23 Ang mga anak ni Nearias ay sina Elioenai, Hizkias, at Azricam, tatlo.

24 Ang mga anak ni Elioenai ay sina Hodavias, Eliasib, Pelaias, Akub, Johanan, Delaias, at Anani, pito.

Ang mga Anak ni Juda

Ang mga anak ni Juda ay sina Perez, Hesron, Carmi, Hur, at Sobal.

At naging anak ni Reaya na anak ni Sobal si Jahat. Naging anak ni Jahat sina Ahumai at Laad. Ito ang mga angkan ng mga Soratita.

Si Etam ang ama ng mga ito: sina Jezreel, Isma, at Idbas, at ang pangalan ng kanilang kapatid na babae ay Haslelponi;

at si Penuel na ama ni Gedor, at si Eser na ama ni Husa. Ito ang mga anak ni Hur, na panganay ng Efrata, na ama ng Bethlehem.

Si Ashur na ama ni Tekoa ay nag-asawa ng dalawa: sina Hela at Naara.

At ipinanganak sa kanya ni Naara sina Ahuzam, Hefer, Themeni, at Ahastari. Ito ang mga anak ni Naara.

Ang mga anak ni Hela ay sina Zeret, Izar at Ethnan.

Naging anak ni Koz sina Anob, at Zobeba; at ang mga angkan ni Aharhel na anak ni Harum.

Si Jabez ay higit na kagalang-galang kaysa kanyang mga kapatid; at tinawag ng kanyang ina ang kanyang pangalan na Jabez,[a] na sinasabi, “Sapagkat ipinanganak ko siya nang may kahirapan.”

10 At si Jabez ay dumalangin sa Diyos ng Israel, na nagsasabi, “O ako nawa'y iyong pagpalain, at palawakin ang aking nasasakupan na ang iyong kamay ay sumaakin, at ingatan mo ako sa kasamaan, upang huwag akong maghirap!” At ipinagkaloob ng Diyos sa kanya ang kanyang hiniling.

11 Naging anak ni Kelub na kapatid ni Sua si Macir, na siyang ama ni Eston.

12 At naging anak ni Eston sina Betrafa, Pasea, Tehina, na ama ni Irnahas. Ito ang mga lalaki ng Reca.

13 At ang mga anak ni Kenaz: sina Otniel at Seraya; at ang anak ni Otniel ay si Hatat.

14 Naging anak ni Meonathi si Ofra; naging anak ni Seraya si Joab, na ama ng Geharasim;[b] sapagkat sila'y mga manggagawa.

15 Ang mga anak ni Caleb na anak ni Jefone ay sina Iru, Ela, at Naham; at ang anak[c] ni Ela ay si Kenaz.

16 Ang mga anak ni Jehalelel ay sina Zif, Zifa, Tirias, at Asarel.

17 Ang mga anak ni Ezra ay sina Jeter, Mered, Efer, at Jalon; at ipinanganak niya sina Miriam, Shammai, at Isba, na ama ni Estemoa.

18 At ipinanganak ng kanyang asawang Judio si Jered, na ama ni Gedor, at si Eber na ama ni Soco, at si Jekutiel na ama ni Zanoa. At ito ang mga anak ni Bethia na anak na babae ni Faraon, na naging asawa ni Mered.

19 Ang mga anak ng asawa ni Hodias, na kapatid na babae ni Naham, ay ang ama ni Keila na Garmita, at ni Estemoa na Maacatita.

20 Ang mga anak ni Simon ay sina Amnon, Rina, Benhanan, at Tilon. At ang mga anak ni Ishi ay sina Zohet, at Benzohet.

21 Ang mga anak ni Shela na anak ni Juda ay sina Er na ama ni Lecha, at si Laada na ama ni Maresha, at ang mga angkan ng sambahayan ng nagsisigawa ng pinong lino sa Bet-asbea;

22 at si Jokim, at ang mga lalaki ng Cozeba, at si Joas, si Saraf, na siyang nagpasuko sa Moab, at si Jasubilehem. Ang mga talaan nga ay luma na.

23 Ang mga ito'y mga magpapalayok at mga taga-Netaim at Gedera. Doo'y naninirahan sila na kasama ng hari para sa kanyang gawain.

Ang mga Anak ni Simeon

24 Ang mga anak ni Simeon ay sina Nemuel, Jamin, Jarib, Zera, Shaul;

25 si Shallum na kanyang anak, si Mibsam na kanyang anak, si Misma na kanyang anak.

26 Ang mga anak ni Misma ay si Hamuel na kanyang anak, si Zacur na kanyang anak, si Shimei na kanyang anak.

27 At si Shimei ay nagkaanak ng labing-anim na lalaki at anim na babae; ngunit ang kanyang mga kapatid ay hindi nagkaanak ng marami, o dumami man ang buong angkan nila na gaya ng mga anak ni Juda.

28 At(C) sila'y nanirahan sa Beer-seba, sa Molada, sa Hazar-shual;

29 sa Bilha, Ezem, Tolad;

30 sa Betuel, Horma, Siclag;

31 sa Bet-marcabot, Hazar-susim, Bet-beri, at sa Saaraim. Ito ang kanilang mga bayan hanggang sa maghari si David.

32 Ang mga nayon ng mga ito ay Etam, Ain, Rimon, Tocen, at Asan; limang bayan.

33 Ang lahat ng kanilang mga nayon ay nasa palibot ng mga bayang iyon, hanggang sa Baal. Ang mga ito ang naging kanilang mga tahanan, at sila'y mayroong talaan ng kanilang lahi.

34 Sina Mesobab, Jamlec, at si Josha na anak ni Amasias;

35 si Joel, at si Jehu na anak ni Josibias, na anak ni Seraya, na anak ni Aziel;

36 sina Elioenai, Jaacoba, Jesohaia, Asaya, Adiel, Jesimiel, at si Benaya;

37 at si Ziza na anak ni Sifi, na anak ni Allon, na anak ni Jedias, na anak ni Simri, na anak ni Shemaya.

38 Ang mga nabanggit na ito sa pangalan ay mga pinuno sa kanilang mga angkan, at ang mga sambahayan ng kanilang mga magulang ay nadagdagan ng marami.

39 Sila'y nagtungo sa pasukan ng Gedor, hanggang sa dakong silangan ng libis, upang ihanap ng pastulan ang kanilang mga kawan.

40 Sila'y nakatagpo roon ng mabuting pastulan. Ang lupain ay maluwang, tahimik, at payapa, sapagkat ang mga unang nanirahan doon ay nagmula kay Ham.

41 Ang mga nakatalang ito sa pangalan ay dumating sa mga araw ni Hezekias na hari ng Juda, at winasak ang kanilang mga tolda, at ang mga Meunim na natagpuan doon, at nilipol na lubos, hanggang sa araw na ito, at sila'y nanirahang kapalit nila; sapagkat may pastulan doon para sa kanilang mga kawan.

42 At ang iba sa kanila, ang limang daang lalaki sa mga anak ni Simeon, ay pumunta sa bundok ng Seir, ang kanilang mga pinuno ay sina Pelatias, Nearias, Refaias, at si Uziel, na mga anak ni Ishi.

43 Kanilang pinuksa ang nalabi sa mga Amalekita na nakatakas, at nanirahan sila roon hanggang sa araw na ito.

Mga Hebreo 9

Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo

Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo.

Sapagkat(A) inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal.

Sa(B) likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.

Dito(C) ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan.

Sa(D) ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa.

Pagkatapos(E) magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod;

subalit(F) sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong-bayan.

Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo.

Iyon ay isang sagisag[a] ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba,

10 kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay.

11 Ngunit nang dumating si Cristo na Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na darating,[b] sa pamamagitan ng lalong dakila at lalong sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi sa sangnilikhang ito,

12 at hindi rin sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga toro, kundi sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo, siya ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Banal, sa gayo'y tinitiyak ang walang hanggang katubusan.

13 Sapagkat(G) kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro, at ang abo ng dumalagang baka na iwiniwisik sa mga nadungisan ay makapagpapabanal sa ikalilinis ng laman,

14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog ang kanyang sarili na walang dungis sa Diyos, ay maglilinis ng ating budhi mula sa mga gawang patay upang maglingkod sa Diyos na buháy?

15 Kaya't siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang ang mga tinawag ay tumanggap ng pangako na pamanang buhay na walang hanggan. Yamang naganap ang isang kamatayan na tumutubos sa kanila mula sa mga pagsalangsang sa ilalim ng unang tipan.

16 Sapagkat kung saan mayroong tipan, ang kamatayan ng gumawa niyon ay dapat matiyak.

17 Sapagkat ang isang tipan ay pinagtitibay sa kamatayan, yamang ito'y walang bisa habang nabubuhay pa ang gumawa ng tipan.

18 Kaya't maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay ng walang dugo.

19 Sapagkat(H) nang sabihin ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at mapulang balahibo at isopo, at winisikan niya ang aklat at gayundin ang buong bayan,

20 na sinasabi, “Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos sa inyo.”

21 Sa(I) gayunding paraan, ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa banal na pagsamba ay pinagwiwisikan niya ng dugo.

22 Sa(J) katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.

Ang Sakripisyong Nag-aalis ng Kasalanan

23 Kaya't kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito, ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito.

24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin.

25 Hindi upang ihandog na paulit-ulit ang kanyang sarili, gaya ng pinakapunong pari na pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo na hindi mula sa kanya,

26 sapagkat kung gayon ay kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili.

27 At yamang itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom,

28 ay(K) gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.

Amos 3

Pakinggan ninyo ang salitang ito na sinabi ng Panginoon laban sa inyo, O mga anak ni Israel, laban sa buong sambahayan na aking iniahon papalabas mula sa lupain ng Ehipto:

“Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa;
    kaya't parurusahan ko kayo sa lahat ninyong mga kasamaan.

Ang Gawain ng Propeta

“Makakalakad ba ang dalawa na magkasama,
    malibang sila'y mayroong ginawang tipanan?
Uungal ba ang leon sa gubat,
    kapag wala siyang huli?
Sisigaw ba ang batang leon mula sa kanyang yungib,
    kung wala siyang nahuling anuman?
Malalaglag ba ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa,
    kapag walang silo para dito?
Lulukso ba ang panghuli mula sa lupa,
    kapag wala itong nahuling anuman?
Hihipan ba ang trumpeta sa isang lunsod,
    at ang taong-bayan ay hindi matatakot?
Sasapit ba ang kasamaan sa lunsod,
    malibang ginawa ito ng Panginoon?
Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin,
    malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim
    sa kanyang mga lingkod na mga propeta.
Ang leon ay umungal, sinong di matatakot?
    Ang Panginoong Diyos ay nagsalita;
    sinong hindi magsasalita ng propesiya?”

Ang Hatol sa Samaria

Ihayag ninyo sa mga muog sa Asdod,
    at sa mga muog sa lupain ng Ehipto,
at inyong sabihin, “Magtipun-tipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
    at inyong masdan ang malaking kaguluhan sa gitna niya,
    at ang pagpapahirap na nasa gitna niya.”
10 “Hindi nila alam ang paggawa ng matuwid,” sabi ng Panginoon,
    “sila na nag-iimbak ng karahasan at pagnanakaw sa kanilang mga muog.”
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Palilibutan ng isang kaaway ang lupain
    at kanyang ibabagsak ang iyong tanggulan,
    at ang iyong mga muog ay sasamsaman.”

12 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Kung paanong inaagaw ng pastol sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang piraso ng tainga, gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na naninirahan sa Samaria, na may sulok ng hiligan at bahagi ng isang kama.”

13 “Pakinggan ninyo, at magpatotoo kayo laban sa sambahayan ni Jacob,”
    sabi ng Panginoong Diyos, ng Diyos ng mga hukbo:
14 “Sa(A) araw na aking parusahan ang Israel dahil sa kanyang pagsuway,
    ay aking parurusahan din ang mga dambana ng Bethel,
at ang mga sungay ng dambana ay tatanggalin,
    at sila'y malalaglag sa lupa.
15 At aking wawasakin ang bahay na pang-taglamig na kasabay ng bahay na pang-tag-init;
    at ang mga bahay na garing ay mawawala,
at ang malalaking bahay ay magwawakas,”
sabi ng Panginoon.

Mga Awit 146-147

146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
    ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
    o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
    sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
    na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
na(A) gumawa ng langit at lupa,
    ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
    binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
    Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
    kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
    ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.

10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
    ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!

147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
    sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
    kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
    at tinatalian ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
    ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
    hindi masukat ang kanyang unawa.
Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
    kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.

Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
    umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
    naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
    nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
    at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
    ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
    sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.

12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
    Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
    pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
    binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
    mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
    siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
    sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
    kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
    ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
    at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001