M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Sugo ni David ay Nilapastangan ni Hanun(A)
19 Pagkatapos nito, si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
2 At sinabi ni David, “Papakitunguhan kong may katapatan si Hanun na anak ni Nahas, sapagkat ang kanyang ama ay nagpakita ng katapatan sa akin.” Kaya't nagpadala si David ng mga sugo upang aliwin si Hanun[a] tungkol sa kanyang ama. Nang ang mga lingkod ni David ay dumating kay Hanun sa lupain ng mga anak ni Ammon upang aliwin siya,
3 sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, sapagkat siya'y nagsugo ng mga mang-aaliw sa iyo? Hindi ba ang kanyang mga lingkod ay pumarito sa iyo upang siyasatin, ibagsak, at tiktikan ang lupain?”
4 Sa gayo'y sinunggaban ni Hanun ang mga lingkod ni David, inahitan sila at ginupit sa gitna ang kanilang mga suot hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.
5 At sila'y humayo. Nang ibalita kay David ang nangyari sa mga lalaki, nagsugo siya upang salubungin sila, sapagkat lubhang napahiya ang mga lalaki. At sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at pagkatapos ay bumalik kayo.”
6 Nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, si Hanun at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak upang umupa ng mga karwahe at mga mangangabayo mula sa Mesopotamia, sa Aram-maaca, at mula sa Soba.
7 Umupa sila ng tatlumpu't dalawang libong karwahe at ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo, na dumating at nagkampo sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagkatipon mula sa kanilang mga bayan at dumating upang makipaglaban.
8 Nang ito'y mabalitaan ni David, sinugo niya si Joab at ang buong hukbo ng mga mandirigma.
9 Ang mga anak ni Ammon ay lumabas at humanay sa pakikipaglaban sa pasukan ng lunsod, at ang mga hari na pumaroon ay sama-sama sa kaparangan.
Natalo ang Ammon at ang Aram
10 Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatuon sa kanya sa harapan at sa likuran, pinili niya ang ilan sa mga piling lalaki ng Israel, at inihanay sila laban sa mga taga-Aram,
11 at ang nalabi sa mga tauhan ay kanyang ipinamahala sa kanyang kapatid na si Abisai, at sila'y humanay laban sa mga anak ni Ammon.
12 At sinabi niya, “Kung ang mga taga-Aram ay napakalakas para sa akin, tutulungan mo ako, ngunit kung ang mga anak ni Ammon ay napakalakas para sa iyo, tutulungan kita.
13 Magpakatatag ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos, at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti sa kanya.”
14 Kaya't si Joab at ang mga taong kasama niya ay lumapit sa harapan ng mga taga-Aram sa pakikipaglaban at sila'y tumakas sa harapan niya.
15 Nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga-Aram ay nagsitakas, sila ay tumakas din mula kay Abisai na kanyang kapatid at pumasok sa bayan. At si Joab ay pumunta sa Jerusalem.
16 Ngunit nang makita ng mga taga-Aram na sila'y natalo ng Israel, sila'y nagpadala ng mga sugo at isinama ang mga taga-Aram na nasa kabila ng Eufrates, na kasama ni Sofac na punong-kawal ng hukbo ni Hadadezer upang manguna sa kanila.
17 Nang ito'y ibalita kay David, kanyang tinipon ang buong Israel, tumawid sa Jordan, pumaroon sa kanila, at inihanay ang kanyang hukbo laban sa kanila. Nang maihanda ni David ang pakikipaglaban sa mga taga-Aram, sila'y nakipaglaban sa kanya.
18 At ang mga taga-Aram ay tumakas mula sa harapan ng Israel. Ang pinatay ni David sa mga taga-Aram ay pitong libong katao na nakasakay sa karwahe, at apatnapung libong kawal na lakad, at si Sofac na punong-kawal ng hukbo.
19 Nang makita ng mga lingkod ni Hadadezer na sila'y natalo ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at napailalim sa kanya. Kaya't ang mga taga-Aram ay ayaw nang tumulong pa sa mga anak ni Ammon.
Kinubkob ang Rabba(B)
20 Sa(C) tagsibol ng taon, sa panahong ang mga hari ay humahayo upang makipaglaban, pinamunuan ni Joab ang hukbo, sinira niya ang lupain ng mga anak ni Ammon, at dumating at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem. At sinalakay ni Joab ang Rabba, at ibinagsak ito.
2 At kinuha ni David ang korona sa ulo ng kanilang hari, at kanyang napag-alamang may timbang na isang talentong ginto, at ito ay may mahalagang bato. Ito'y inilagay sa ulo ni David. At kanyang inilabas ang samsam ng lunsod na totoong napakarami.
3 At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagtrabaho sila na ang gamit ay mga lagari, mga suyod na bakal, at mga palakol. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga lunsod ng mga anak ni Ammon. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.
Sinalakay ang Filisteo(D)
4 Pagkatapos nito ay sumiklab ang digmaan sa Gezer laban sa mga Filisteo. Pinatay ni Shibecai na Husatita si Sipai, na isa sa mga anak ng mga higante, at ang mga Filisteo ay nagapi.
5 Nagkaroon(E) uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na Geteo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi.
6 Nagkaroon uli ng labanan sa Gat, na doo'y may isang napakalaking lalaki na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawampu't apat, anim sa bawat kamay at anim sa bawat paa; at siya rin nama'y ipinanganak mula sa mga higante.
7 Nang kanyang libakin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimea na kapatid ni David.
8 Ang mga ito ay ipinanganak mula sa mga higante sa Gat, at sila'y bumagsak sa kamay ni David at ng mga lingkod niya.
Pagbati
1 Si Pedro, na apostol ni Jesu-Cristo,
Sa mga hinirang na nangingibang-bayan na nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia,
2 pinili at itinalaga ng Diyos Ama, at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo:
Biyaya at kapayapaan nawa ang sa inyo'y sumagana.
Buháy na Pag-asa
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Sa pamamagitan ng kanyang malaking kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa mga patay,
4 tungo sa isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo,
5 na sa kapangyarihan ng Diyos ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang ipahayag sa huling panahon.
6 Sa ganito kayo'y nagagalak, bagama't ngayon sa sandaling panahon ay kailangan ninyong magdanas ng iba't ibang pagsubok,
7 upang ang kadalisayan ng inyong pananampalataya na mas mahalaga kaysa gintong nasisira, bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay mauwi sa kapurihan, kaluwalhatian at karangalan sa pagpapakita ni Jesu-Cristo.
8 Hindi ninyo siya nakita gayunma'y inyong iniibig; bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayunma'y inyong sinasampalatayanan, at kayo'y nagagalak na may galak na hindi maipaliwanag at puspos ng kaluwalhatian,
9 na inyong tinatanggap ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
10 Tungkol sa kaligtasang ito, nagsikap at nagsiyasat na mabuti ang mga propeta na nagpahayag tungkol sa biyayang darating sa inyo.
11 Kanilang siniyasat kung anong pagkatao o kapanahunan na tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila, nang ipahayag ang mangyayaring pagdurusa ni Cristo, at ang kaluwalhatiang susunod sa mga ito.
12 Ipinahayag sa kanila na hindi sila naglilingkod sa kanilang sarili kundi sa inyo, sa mga bagay na ngayo'y ibinalita sa inyo sa pamamagitan ng mga nangaral sa inyo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na sinugo mula sa langit; na ang mga bagay na ito'y pinananabikang makita ng mga anghel.
Panawagan tungo sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya't ihanda ninyo sa gawain ang inyong mga pag-iisip;[a] na supilin ninyo ang inyong sarili at ilagak ang inyong pag-asa sa biyayang darating sa inyo kapag inihayag na si Jesu-Cristo.
14 Tulad ng mga masunuring mga anak, huwag kayong gumaya sa masasamang pagnanasa ng inyong kamangmangan noong una.
15 Sa halip, yamang banal ang sa inyo'y tumawag, maging banal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay;
16 sapagkat(A) nasusulat, “Kayo'y maging banal, sapagkat ako'y banal.”
17 Kung inyong tinatawagan bilang Ama ang humahatol na walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa, mamuhay kayo na may takot sa panahon ng inyong pangingibang bayan.
18 Nalalaman ninyong kayo'y tinubos mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno, hindi ng mga bagay na nasisira, tulad ng pilak o ginto,
19 kundi ng mahalagang dugo ni Cristo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis.
20 Siya ay itinalaga na nang una bago itinatag ang sanlibutan, ngunit inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo.
21 Sa pamamagitan niya ay nanampalataya kayo sa Diyos, na bumuhay sa kanya mula sa mga patay at sa kanya'y nagbigay ng kaluwalhatian, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nakatuon sa Diyos.
22 Ngayong nilinis na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, kaya't kayo'y may tunay na pag-ibig sa isa't isa, mag-ibigan kayo sa isa't isa nang buong alab mula sa dalisay na puso.
23 Ipinanganak na kayong muli, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa pamamagitan ng buháy at nananatiling salita ng Diyos.
24 Sapagkat,(B)
“Ang lahat ng laman ay gaya ng damo,
at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay gaya ng bulaklak ng damo.
Ang damo'y natutuyo,
at ang bulaklak ay nalalanta,
25 subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
Ang salitang ito ay ang magandang balita na ipinangaral sa inyo.
Nangaral si Jonas sa mga Taga-Ninive
3 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi,
2 “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at ipangaral mo ang pangaral na aking sinabi sa iyo.”
3 Sa gayo'y bumangon si Jonas at pumunta sa Ninive, ayon sa salita ng Panginoon. Ang Ninive ay isang napakalaking lunsod, na tatlong araw na bagtasin ang luwang.
4 Nagpasimulang(A) pumasok si Jonas sa lunsod na may isang araw na lakarin ang layo. At siya'y sumigaw, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak!”
5 At ang mga mamamayan ng Ninive ay sumampalataya sa Diyos. Sila'y nagpahayag ng ayuno, at nagsuot ng damit-sako, mula sa pinakadakila sa kanila hanggang sa pinakahamak sa kanila.
6 Nang ang balita ay dumating sa hari ng Ninive, siya'y tumindig sa kanyang trono, hinubad niya ang kanyang balabal, nagbalot siya ng damit-sako, at naupo sa mga abo.
7 Gumawa siya ng pahayag at ipinalathala sa buong Ninive, “Sa utos ng hari at ng kanyang mga maharlikang tao: Huwag tumikim ng anuman ang tao ni hayop man, ang bakahan ni kawan man. Huwag silang kakain, ni iinom man ng tubig.
8 Kundi magbalot ng damit-sako ang tao at hayop at dumaing nang taimtim sa Diyos upang talikuran ng bawat isa ang kanyang masamang lakad, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay.
9 Sino ang nakakaalam, maaaring umatras at magbago ng isip ang Diyos at tumalikod sa kanyang nagniningas na galit, upang tayo'y huwag mamatay?”
10 Nang makita ng Diyos ang kanilang ginawa, na sila'y humiwalay sa kanilang masamang lakad, nagbago ng isip ang Diyos tungkol sa kasamaan na kanyang sinabing gagawin niya sa kanila; at hindi niya iyon ginawa.”
Mga Babaing Sumama kay Jesus
8 Pagkatapos nito, siya'y nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon na ipinangangaral at ipinahahayag ang magandang balita ng kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa,
2 at(A) ang ilang babae na pinagaling mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang lumabas,
3 si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba na nagkaloob sa kanila[a] mula sa kanilang mga ari-arian.
Ang Talinghaga ng Manghahasik(B)
4 Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:
5 “Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid.
6 Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig.
7 At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal.
8 At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
9 Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito,
10 sinabi(D) niya, “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa.
Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik(E)
11 “Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.
12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas.
13 At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod.
14 Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang.
15 At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga.
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(F)
16 “Walang(G) taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.
17 Sapagkat(H) walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag.
18 Kaya't(I) mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(J)
19 Pagkatapos ay pumaroon sa kanya ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki, subalit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.
20 At may nagsabi sa kanya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas; nais nilang makita ka.”
21 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa ito.”
Pinayapa ni Jesus ang Unos(K)
22 Isa sa mga araw na iyon, siya'y lumulan sa isang bangka kasama ang kanyang mga alagad at sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang panig ng lawa.” At sila'y naglayag.
23 Samantalang sila'y naglalayag siya'y nakatulog. Dumating ang unos sa lawa, at sila'y napupuno ng tubig at nanganganib.
24 Sila'y lumapit at ginising siya na nagsasabi, “Guro, Guro, tayo'y napapahamak!” Siya'y gumising at sinaway ang hangin at ang pagngangalit ng tubig. Ang mga ito'y huminto at nagkaroon ng kapayapaan.
25 Sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” At sila'y natakot at namangha, at sinabi sa isa't isa, “Sino nga kaya ito, na kanyang inuutusan maging ang hangin at tubig at sila'y sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Inaalihan ng Demonyo(L)
26 Pagkatapos sila'y dumating sa lupain ng mga Gadareno,[b] na katapat ng Galilea.
27 At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit[c] at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan.
28 Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, “Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.”
29 Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang.
30 At tinanong siya ni Jesus, “Anong pangalan mo?” At sinabi niya, “Lehiyon;” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya.
31 Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di-matarok na kalaliman.
32 At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya.
33 Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod.
34 Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran.
35 At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot.
36 Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo.
37 At nakiusap kay Jesus[d] ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik.
38 Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi,
39 “Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo.” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya.
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humawak sa Damit ni Jesus(M)
40 At nang bumalik si Jesus, masaya siyang tinanggap ng maraming tao, sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kanya.
41 At noon ay dumating ang isang lalaking ang pangalan ay Jairo, na isang pinuno sa sinagoga. At pagluhod niya sa paanan ni Jesus, siya ay nakiusap sa kanya na pumunta sa kanyang bahay,
42 sapagkat siya'y mayroong kaisa-isang anak na babae, mga labindalawang taong gulang, at ito'y naghihingalo. Sa kanyang pagpunta, siniksik siya ng maraming tao.
43 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,[e] at di mapagaling ng sinuman,
44 na lumapit sa kanyang likuran, hinawakan ang laylayan ng kanyang damit, at agad na tumigil ang kanyang pagdurugo.
45 Sinabi ni Jesus, “Sino ang humawak sa akin?” Nang tumatanggi ang lahat, sinabi ni Pedro,[f] “Guro, pinapalibutan ka at sinisiksik ng napakaraming tao.”
46 Subalit sinabi ni Jesus, “May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang umalis sa akin.”
47 At nang makita ng babae na siya'y hindi natatago, nangangatal siyang lumapit at nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang sinabi sa harapan ng mga tao kung bakit niya hinawakan si Jesus[g] at kung paanong siya ay kaagad gumaling.
48 At sinabi niya sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
49 Habang nagsasalita pa siya, may isang dumating na mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi, “Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro.”
50 Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, “Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya'y gagaling.”
51 Nang dumating siya sa bahay, hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinuman, maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at ang ama at ina ng bata.
52 Umiiyak ang lahat at tinatangisan siya. Subalit sinabi ni Jesus,[h] “Huwag kayong umiyak, sapagkat siya'y hindi patay, kundi natutulog.”
53 At kanilang pinagtawanan siya, dahil ang alam nila'y patay na ang bata.
54 Subalit paghawak niya sa kanyang kamay, siya'y tumawag at sinabi, “Bata, bumangon ka.”
55 Bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya kaagad. Ipinag-utos ni Jesus[i] na bigyan ng makakain ang bata.
56 At namangha ang kanyang mga magulang, subalit ipinagbilin ni Jesus[j] sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001