M’Cheyne Bible Reading Plan
Naging Matatag at Lumawak ang Kaharian ni David(A)
18 Pagkatapos nito'y sinalakay ni David ang mga Filisteo at sinakop sila; kinuha niya ang Gat at ang mga nayon niyon sa kamay ng mga Filisteo.
2 Tinalo niya ang Moab, at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at sila'y nagdala ng mga kaloob.
3 Tinalo rin ni David sa Hamat si Hadadezer na hari ng Soba, habang siya'y papunta sa Hamat upang itatag ang kanyang kapangyarihan sa tabi ng Ilog Eufrates.
4 Kumuha si David sa kanya ng isang libong karwahe, pitong libong mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad; at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karwahe, ngunit nagtira nang sapat para sa isandaang karwahe.
5 Nang ang mga taga-Aram sa Damasco ay dumating upang sumaklolo kay Hadadezer na hari ng Soba, nakapatay si David ng dalawampu't dalawang libong lalaking mga taga-Aram.
6 Pagkatapos ay naglagay si David ng mga himpilan sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Aram ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng tagumpay si David saanman siya pumunta.
7 Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.
8 Mula(B) sa Thibath at Chun na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha si David ng napakaraming tanso na siyang ginawa ni Solomon na dagat-dagatang tanso, mga haligi, at mga sisidlang tanso.
9 Nang mabalitaan ni Tou na hari ng Hamat na natalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Soba,
10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram kay Haring David, upang bumati sa kanya, at purihin siya, sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at tinalo niya ito sapagkat si Hadadezer ay laging nakikipagdigma kay Tou. At siya'y nagpadala ng lahat ng uri ng kasangkapang ginto, pilak, at tanso.
11 Ang mga ito naman ay itinalaga ni Haring David sa Panginoon, pati ang pilak at ginto na kanyang kinuha sa lahat ng bansa; mula sa Edom, Moab, sa mga anak ni Ammon, sa mga Filisteo, at mula sa Amalek.
12 At(C) pinatay ni Abisai na anak ni Zeruia ang labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.
13 Naglagay siya ng mga himpilan sa Edom; at lahat ng mga Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saanman siya pumunta.
14 Kaya't si David ay naghari sa buong Israel at siya'y naglapat ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa buong bayan niya.
15 Si Joab na anak ni Zeruia ang namuno sa hukbo; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala.
16 Si Zadok na anak ni Ahitub, at si Abimelec na anak ni Abiatar ay mga pari at si Sausa ay kalihim;
17 si Benaya na anak ni Jehoiada ay namamahala sa mga Kereteo at sa mga Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno na naglilingkod sa hari.
Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman
5 Halikayo ngayon, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulhol dahil sa mga kahirapan na sa inyo'y darating.
2 Ang(A) inyong mga kayamanan ay bulok na, at ang inyong mga damit ay kinakain na ng bukbok.
3 Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang ng mga ito ay magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy ay lalamunin nito ang inyong laman. Kayo'y nag-imbak ng mga kayamanan para sa mga huling araw.
4 Tingnan(B) ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Kayo'y namuhay na may pagpapasasa sa ibabaw ng lupa, at namuhay kayong may karangyaan. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng katayan.
6 Inyong hinatulan at pinaslang ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
Katiyagaan sa Kahirapan
7 Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan.
8 Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na.[a]
9 Mga kapatid, huwag kayong magbulung-bulungan laban sa isa't isa, upang huwag kayong mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan.
10 Mga kapatid, kunin ninyong halimbawa ng pagtitiis at ng pagtitiyaga ang mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon.
11 Tunay(C) na tinatawag nating mapapalad ang mga nagtiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung paanong ang Panginoon ay punô ng pagkahabag at pagkamaawain.
12 Ngunit(D) higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag ninyong ipanumpa ang langit o ang lupa, o ang anumang ibang panunumpa, kundi ang inyong “Oo” ay maging oo; at ang inyong “Hindi” ay maging hindi, upang kayo'y huwag mahulog sa ilalim ng kahatulan.
Ang Mabisang Panalangin
13 Mayroon ba sa inyong nagdurusa? Manalangin siya. Mayroon bang masaya? Umawit siya ng papuri.
14 May(E) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng iglesya, at kanilang ipanalangin siya, at siya'y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon.
15 Ang panalangin na may pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung siya ay nagkasala, siya ay patatawarin.
16 Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.
17 Si(F) Elias ay isang taong may likas na gaya rin ng sa atin, at siya'y taimtim na nanalangin upang huwag umulan, at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.
18 At(G) muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan, at ang lupa ay sinibulan ng bunga nito.
19 Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay naliligaw mula sa katotohanan, at siya'y pinapanumbalik ng sinuman,
20 dapat(H) niyang malaman na ang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkaligaw sa kanyang landas ay magliligtas ng kaluluwa mula sa kamatayan, at magtatakip ng napakaraming kasalanan.
Ang Panalangin ni Jonas
2 Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Diyos mula sa tiyan ng isda,
2 at kanyang sinabi,
“Tinawagan ko ang Panginoon mula sa aking pagdadalamhati,
at siya'y sumagot sa akin;
mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw,
at iyong dininig ang aking tinig.
3 Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman,
sa pusod ng dagat,
at ang tubig ay nasa palibot ko;
ang lahat ng iyong alon at iyong mga daluyong
ay umaapaw sa akin.
4 Kaya't aking sinabi, ‘Ako'y inihagis
mula sa iyong harapan;
gayunma'y muli akong titingin
sa iyong banal na templo.’
5 Kinukulong ako ng tubig sa palibot.
Ang kalaliman ay nasa palibot ko.
Ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo.
6 Ako'y bumaba sa mga ugat ng mga bundok.
Ang lupain at ang mga halang nito ay nagsara sa akin magpakailanman.
Gayunma'y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay,
O Panginoon kong Diyos.
7 Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay,
naalala ko ang Panginoon;
at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.
8 Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
ay nagtatakuwil ng kanilang tunay na katapatan.
9 Ngunit ako'y mag-aalay sa iyo
na may tinig ng pasasalamat.
Aking tutuparin ang aking ipinanata.
Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon!”
10 At inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa.
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Senturion(A)
7 Nang matapos na ni Jesus[a] ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
2 May isang senturion[b] doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.
3 Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.
4 Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,
5 sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”
6 At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;
7 kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.
8 Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”
9 Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11 Kinabukasan[c] siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
13 Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
14 Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
15 Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus[d] sa kanyang ina.
16 Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
17 Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo(B)
18 Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.
19 Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”
20 At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”
21 Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus[e] ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.
22 At(C) sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.
23 At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”
24 Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?
25 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.
26 Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
27 Ito(D) yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,
‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan[f]
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’
28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”
29 (Nang(E) marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.
30 Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)
31 “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?
32 Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,
‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
tumangis kami at hindi kayo umiyak.’
33 Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’
34 Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’
35 Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”
Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo
36 Isa sa mga Fariseo ay humiling kay Jesus[g] na kumaing kasalo niya, at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo siya'y naupo sa hapag.
37 Nang(F) malaman ng isang babaing makasalanan sa lunsod na siya'y nakaupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, nagdala ito ng isang sisidlang alabastro na may pabango.
38 At tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus.[h] Pinasimulan niyang basain ang kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Patuloy niyang hinagkan ang mga paa ni Jesus[i] at binuhusan ang mga ito ng pabango.
39 Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya'y makasalanan.”
40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”
41 May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa'y umutang ng limang daang denario[j] at ang isa'y limampu.
42 Nang sila'y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko ay iyong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi niya sa kanya, “Tama ang hatol mo.”
44 At pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok.
45 Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako'y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.
47 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”
48 At sinabi niya sa babae,[k] “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 Pagkatapos, ang mga kasalo niya sa hapag ay nagpasimulang nagsabi sa isa't isa, “Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?”
50 At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001