M’Cheyne Bible Reading Plan
Binalaan ni Propeta Micaya si Ahab(A)
18 Si Jehoshafat ay nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan; at nakisanib siya kay Ahab sa pamamagitan ng pag-aasawa.
2 Pagkalipas ng ilang taon, siya ay pumunta kay Ahab sa Samaria. At nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanya at sa mga taong kasama niya, at hinimok siya na umahon laban sa Ramot-gilead.
3 Sinabi ni Haring Ahab ng Israel kay Jehoshafat na hari ng Juda, “Sasama ka ba sa akin sa Ramot-gilead?” Kanyang sinagot siya, “Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan. Kami ay sasama sa iyo sa digmaan.”
Nagtanong sa Propeta
4 At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”
5 Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta na apatnaraang katao, at sinabi sa kanila, “Pupunta ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil ako?” At sinabi nila, “Umahon ka; sapagkat ibibigay iyon ng Diyos sa kamay ng hari.”
6 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong iba pang propeta ng Panginoon na maaari naming mapagsanggunian?”
7 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na sa pamamagitan niya ay maaari tayong sumangguni sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya, sapagkat kailanman ay hindi siya nagsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi laging kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsabi ng ganyan ang hari.”
8 At tumawag ng isang pinuno ang hari ng Israel, at sinabi, “Dalhin kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”
9 Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono, na nakadamit-hari. Sila'y nakaupo sa may giikan sa pasukan ng pintuan ng Samaria, at ang lahat ng mga propeta ay nagsasalita sa harapan nila.
10 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa para sa kanyang sarili ng mga sungay na bakal, at kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sila'y mapuksa.’”
11 Lahat ng mga propeta ay nagsalita ng gayong propesiya, na sinasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
12 At ang sugo na umalis upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Tingnan mo, ang mga salita ng mga propeta na nagkakaisa ay kaaya-aya sa hari. Ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kaaya-aya.”
13 Ngunit sinabi ni Micaya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Diyos, iyon ang aking sasabihin.”
14 At pagdating niya sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang lumaban, o magpipigil ba ako?” At siya'y sumagot, “Umahon ka at magtagumpay, sila'y ibibigay sa inyong kamay.”
15 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit ba kitang uutusan na huwag magsalita sa akin ng anuman maliban sa katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”
16 Kaya't(B) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito'y walang panginoon; hayaang umuwing payapa ang bawat isa sa kanyang tahanan.’”
17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi kasamaan?”
18 Sinabi ni Micaya, “Kaya't pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon: Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang lahat ng hukbo ng langit na nakatayo sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sinong aakit kay Ahab na hari ng Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ At ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang iba'y nagsalita ng iba.
20 Dumating ang isang espiritu at tumayo sa harapan ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Aakitin ko siya.’ At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Sa anong paraan?’
21 At kanyang sinabi, ‘Ako'y hahayo at magiging isang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Aakitin mo siya, at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo!'
22 Kaya't ngayon, ang Panginoon ay naglagay ng sinungaling na espiritu sa bibig ng mga propeta mong ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”
23 Si Zedekias na anak ni Canaana ay lumapit at sinampal si Micaya, at sinabi, “Saan dumaan ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”
24 At sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magtago.”
25 Sinabi ng hari ng Israel, “Hulihin si Micaya, at ibalik siya kay Amon na tagapamahala ng lunsod at kay Joas na anak ng hari;
26 at sabihin ninyo, ‘Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakainin siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y bumalik nang payapa.’”
27 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay makabalik nang payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayong lahat, kayong mga taong-bayan!”
Ang Kamatayan ni Ahab(C)
28 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.
29 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong balabal.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo; at sila'y pumunta sa labanan.
30 Samantala, ang hari ng Siria ay nag-utos sa mga punong-kawal ng kanyang mga karwahe, na sinasabi, “Huwag kayong makipaglaban sa maliit o sa malaki man, kundi sa hari ng Israel lamang.”
31 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat, kanilang sinabi, “Iyon ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y pumihit upang lumaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw at tinulungan siya ng Panginoon. Inilayo sila ng Diyos sa kanya;
32 sapagkat nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa paghabol sa kanya.
33 Subalit isang lalaki ang nagpahilagpos ng kanyang pana at hindi sinasadyang tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng baluti, kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Ipihit mo at ilayo mo ako sa labanan, sapagkat ako'y nasugatan.”
34 Ang labanan ay naging mainit nang araw na iyon; at ang hari ng Israel ay nanatili sa kanyang karwahe paharap sa mga taga-Siria hanggang sa kinahapunan, at sa paglubog ng araw ay namatay siya.
Ang 144,000—ang Bayang Israel
7 Pagkatapos(A) nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anumang punungkahoy.
2 At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Diyos na buháy at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkalooban ng kapangyarihang pinsalain ang lupa at ang dagat,
3 na(B) nagsasabi, “Huwag ninyong pinsalain ang lupa, o ang dagat, o ang mga punungkahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.”
4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, tinatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:
5 Sa lipi ni Juda ay 12,000 ang tinatakan;
sa lipi ni Ruben ay 12,000;
sa lipi ni Gad ay 12,000;
6 sa lipi ni Aser ay 12,000;
sa lipi ni Neftali ay 12,000;
sa lipi ni Manases ay 12,000;
7 sa lipi ni Simeon ay 12,000;
sa lipi ni Levi ay 12,000;
sa lipi ni Isacar ay 12,000;
8 sa lipi ni Zebulon ay 12,000;
sa lipi ni Jose ay 12,000;
sa lipi ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan.
Ang Di-Mabilang na mga Tao
9 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;
10 at nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi,
“Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!”
11 At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,
12 na nagsasabi,
“Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan,
pagpapasalamat, karangalan,
kapangyarihan, at kalakasan,
ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen.”
13 At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?”
14 Sinabi(C) ko sa kanya, “Ginoo, ikaw ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.
15 Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.
16 Sila'y(D) hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,
17 sapagkat(E) ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Ang Pangitain tungkol sa Pinakapunong Pari
3 Pagkatapos,(A) ipinakita niya sa akin si Josue na pinakapunong pari na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon, at si Satanas[a] na nakatayo sa kanyang kanan upang paratangan siya.
2 Sinabi(B) ng Panginoon kay Satanas, “Sawayin ka nawa ng Panginoon, O Satanas! Ang Panginoon na pumili sa Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo! Di ba ito'y isang gatong na inagaw sa apoy?”
3 Si Josue nga na nakasuot ng maruming damit ay nakatayo sa harapan ng anghel.
4 Sinabi ng anghel sa mga nakatayo sa harapan niya, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming kasuotan.” Sinabi ng anghel kay Josue, “Tingnan mo, aking inalis ang iyong kasamaan, at dadamitan kita ng magarang kasuotan.”
5 Aking sinabi, “Hayaang kanilang lagyan siya ng isang malinis na turbante sa kanyang ulo.” Kaya't nilagyan siya ng malinis na turbante sa kanyang ulo at dinamitan siya at ang anghel ng Panginoon ay nakatayo sa tabi.
6 Tinagubilinan ng anghel ng Panginoon si Josue,
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong susundin ang aking bilin, ikaw ang mamumuno sa aking bahay at mangangasiwa sa aking mga bulwagan. Bibigyan kita ng karapatang makalapit sa mga nakatayo rito.
8 Pakinggan(C) mo ngayon, O Josue na pinakapunong pari, ikaw at ang iyong mga kaibigan na nakaupo sa harapan mo, sapagkat sila'y mga palatandaan ng mga bagay na mangyayari. Ilalabas ko ang aking lingkod na Sanga.
9 Sapagkat, narito, ang bato na aking inilagay sa harapan ni Josue, sa ibabaw ng isang bato na may pitong mata, narito, ako'y mag-uukit ng titik nito,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing iyon sa loob ng isang araw.
10 Sa(D) araw na iyon,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa sa lilim ng puno ng ubas at ng puno ng igos.”
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)
6 Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias.
2 Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.
3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad.
4 Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio.
5 Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?”
6 Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya.
7 Sumagot sa kanya si Felipe, “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong[a] tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.”
8 Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,
9 “May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”
10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang.
11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.
12 Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”
13 Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
14 Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, “Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan.”
15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
16 Pagsapit ng gabi, lumusong ang kanyang mga alagad sa dagat.
17 Sumakay sila sa isang bangka at pinasimulan nilang tawirin ang dagat hanggang sa Capernaum. Madilim na noon at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus.
18 Lumalaki ang mga alon sa dagat dahil sa malakas na hanging humihihip.
19 Nang sila'y makasagwan na ng may lima hanggang anim na kilometro[b] ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka. Sila'y natakot,
20 subalit sinabi niya sa kanila, “Ako ito; huwag kayong matakot.”
21 Kaya't malugod siyang tinanggap nila sa bangka at kaagad na dumating ang bangka sa lupang kanilang patutunguhan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22 Kinabukasan ay nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang pampang ng dagat na doo'y walang ibang bangka maliban sa isa. Nakita rin nila na hindi sumakay sa bangka si Jesus na kasama ng kanyang mga alagad, kundi ang kanyang mga alagad lamang ang umalis.
23 Gayunman, may mga bangkang dumating mula sa Tiberias malapit sa pook na kanilang kinainan ng tinapay, pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon.
24 Nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus, o ang kanyang mga alagad man, sumakay sila sa mga bangka at dumating sa Capernaum na hinahanap si Jesus.
Si Jesus ang Tinapay ng Buhay
25 Nang siya'y kanilang makita sa kabilang pampang ng dagat, kanilang sinabi sa kanya, “Rabi, kailan ka dumating dito?”
26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y inyong hinahanap hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda, kundi dahil sa kayo'y kumain ng tinapay, at kayo'y nabusog.
27 Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak.”
28 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang kailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?”
29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ito ang gawa ng Diyos na inyong sampalatayanan ang kanyang sinugo.”
30 Sinabi naman nila sa kanya, “Ano ngayon ang tanda na iyong ginagawa na aming makikita upang sumampalataya kami sa iyo? Ano ang iyong ginagawa?
31 Ang(C) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, ‘Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.’”
32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.
33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.
34 Sinabi nila sa kanila, “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.
36 Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya.
37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.
38 Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.
40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”
41 Kaya't ang mga Judio ay nagbulung-bulungan tungkol sa kanya sapagkat kanyang sinabi, “Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.”
42 Kanilang sinabi, “Hindi ba ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya nasasabi, ‘Ako'y bumabang galing sa langit?’”
43 Sumagot si Jesus sa kanila, “Huwag kayong magbulung-bulungan.
44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
45 Nasusulat(D) sa mga propeta, ‘At tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Ang bawat nakarinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin.
46 Hindi dahil sa mayroong nakakita sa Ama maliban sa kanya na mula sa Diyos. Siya ang nakakita sa Ama.
47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.
48 Ako ang tinapay ng buhay.
49 Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay.
50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay.
51 Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
52 Kaya't ang mga Judio'y nagtalu-talo, na sinasabi, “Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kanyang laman?”
53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang inyong kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.
54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako'y sa kanya.
57 Kung paanong ang buháy na Ama ay nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa Ama, gayundin ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.
58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng tinapay na kinain ng inyong mga ninuno at sila'y namatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
Mga Salita ng Buhay na Walang Hanggan
60 Nang ito ay marinig ng marami sa kanyang mga alagad, sila ay nagsabi, “Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang may kayang makinig nito?”
61 Subalit si Jesus, palibhasa'y nalalaman niya na ang kanyang mga alagad ay nagbubulungan tungkol dito, ay nagsalita sa kanila, “Ito ba ay nakakatisod sa inyo?
62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa kinaroroonan niya nang una?
63 Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.
64 Subalit may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sapagkat nalalaman na ni Jesus buhat pa nang una kung sinu-sino ang hindi sumasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
65 Sinabi niya, “Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, walang taong makakalapit sa akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama.”
66 Dahil dito, marami sa kanyang mga alagad ay tumalikod at hindi na sumama sa kanya.
67 Kaya't sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?”
68 Sumagot(E) sa kanya si Simon Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.
69 Kami'y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
70 Sumagot sa kanila si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayo, ang labindalawa, at ang isa sa inyo ay diyablo?”
71 Siya nga ay nagsasalita tungkol kay Judas na anak ni Simon Iscariote,[c] sapagkat siya na isa sa labindalawa ang magkakanulo sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001