Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 25

Si Haring Amasias ng Juda(A)

25 Si Amasias ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoadan na taga-Jerusalem.

At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ngunit hindi taos sa puso.

Nang ang kapangyarihang maghari ay matatag na sa kanyang kamay, kanyang pinatay ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.

Ngunit(B) hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, na doo'y iniutos ng Panginoon, “Ang mga ninuno ay hindi papatayin ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay papatayin ng dahil sa mga ninuno; kundi bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”

Pakikidigma Laban sa Edom(C)

Pagkatapos ay tinipon ni Amasias ang mga lalaki ng Juda, at inayos sila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng mga punong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan para sa buong Juda at Benjamin. Kanyang binilang ang mga mula sa dalawampung taong gulang pataas at natagpuang sila ay tatlong daang libong piling lalaki, nababagay sa pakikidigma at may kakayahang humawak ng sibat at kalasag.

Siya'y umupa rin ng isandaang libong matatapang na mandirigma mula sa Israel sa halagang isandaang talentong pilak.

Ngunit dumating sa kanya ang isang tao ng Diyos, na nagsasabi, “O hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagkat ang Panginoon ay hindi kasama ng Israel, pati ng lahat ng mga anak ni Efraim na ito.

Ngunit kung iyong inaakalang sa paraang ito ay magiging malakas ka sa digmaan, ibubuwal ka ng Diyos sa harapan ng iyong mga kaaway, sapagkat ang Diyos ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal.”

At sinabi ni Amasias sa tao ng Diyos, “Ngunit anong aming gagawin sa isandaang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel?” At ang tao ng Diyos ay sumagot, “Ang Panginoon ay makapagbibigay sa iyo nang higit kaysa rito.”

10 Nang magkagayo'y pinaalis ni Amasias ang hukbo na dumating sa kanya mula sa Efraim, upang muling umuwi. At sila'y nagalit nang matindi sa Juda, at umuwing may malaking galit.

11 Ngunit si Amasias ay nagpakatapang at pinangunahan ang kanyang mga tauhan, at pumunta sa Libis ng Asin at pinatay ang sampung libong mga taga-Seir.

12 Ang mga lalaki ng Juda ay nakabihag ng sampung libong buháy at dinala sila sa tuktok ng isang malaking bato at inihulog sila mula sa tuktok ng bato, at silang lahat ay nagkaluray-luray.

13 Ngunit ang mga tauhan ng hukbo na pinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag nang sumama sa kanya sa pakikipaglaban ay sumalakay sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at pumatay sa kanila ng tatlong libo, at kumuha ng maraming samsam.

14 Pagkatapos na si Amasias ay manggaling mula sa pagpatay sa mga Edomita, kanyang dinala ang mga diyos ng mga anak ni Seir, at inilagay ang mga iyon upang maging kanyang mga diyos, at sinamba ang mga iyon at naghandog sa kanila.

15 Kaya't ang Panginoon ay nagalit kay Amasias at nagsugo sa kanya ng isang propeta, na nagsabi sa kanya, “Bakit bumaling ka sa mga diyos ng isang bayan na hindi nakapagligtas ng kanilang sariling bayan mula sa iyong kamay?”

16 Ngunit habang siya'y nagsasalita ay sinabi sa kanya ng hari, “Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? Tumigil ka, bakit kailangang patayin ka pa?” Kaya't tumigil ang propeta, ngunit nagsabi, “Nalalaman ko na ipinasiya ng Diyos na puksain ka, sapagkat ginawa mo ito at hindi mo pinakinggan ang aking payo.”

Pakikidigma Laban sa Israel(D)

17 Pagkatapos ay humingi ng payo si Amasias na hari sa Juda, at nagsugo kay Joas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na nagsasabi, “Halika, tayo'y magharap.”

18 At si Joas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang dawag sa Lebanon ay nagsugo sa isang sedro sa Lebanon, na nagsasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae para mapangasawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon, at tinapakan ang dawag.

19 Sinasabi mo, ‘Tingnan mo, nagapi ko ang Edom,’ at itinaas ka ng iyong puso sa kayabangan. Ngunit ngayon ay manatili ka sa bahay; bakit ka lilikha ng kaguluhan na iyong ikabubuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

20 Ngunit ayaw makinig ni Amasias, sapagkat iyon ay mula sa Diyos, upang kanyang maibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, sapagkat sinunod nila ang mga diyos ng Edom.

21 Kaya't umahon si Joas na hari ng Israel; at siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagtuos sa Bet-shemes na sakop ng Juda.

22 At ang Juda ay natalo ng Israel, at bawat isa'y tumakas pauwi sa kanyang tahanan.

23 Binihag ni Joas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Joas, na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dinala siya sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko, mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Pintuan sa Panulukan.

24 Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak, at lahat ng kagamitang natagpuan sa bahay ng Diyos, at si Obed-edom na kasama nila. Sinamsam din niya ang mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.

25 Si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nabuhay ng labinlimang taon pagkamatay ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.

26 Ang iba pa sa mga gawa ni Amasias, mula una hanggang katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel?

27 Mula nang panahong talikuran niya ang Panginoon ay nagsabwatan sila laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas sa Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish, at pinatay siya roon.

28 Dinala siya na sakay sa mga kabayo, at inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

Apocalipsis 12

Ang Babae at ang Dragon

12 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong ng labindalawang bituin;

siya'y nagdadalang-tao at sumisigaw sa hirap sa panganganak at sa sakit ng pagluluwal.

At(A) may isa pang tanda na nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa kanyang mga ulo'y may pitong diadema.

Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At tumayo ang dragon sa harapan ng babae na malapit nang manganak, upang lamunin ang anak ng babae pagkapanganak niya.

At(C) siya'y nanganak ng isang batang lalaki na siyang magpapastol na may pamalong bakal sa lahat ng mga bansa. Ngunit ang kanyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kanyang trono.

Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw.

At(D) nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,

ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.

At(E) itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.

10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi,

“Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan,
    at ang kaharian ng ating Diyos,
    at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo,
sapagkat itinapon na ang tagapag-paratang sa ating mga kapatid
    na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.
11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero,
    at dahil sa salita ng kanilang patotoo,
sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.
12 Kaya't magalak kayo, O mga langit
    at kayong mga naninirahan diyan!
Kahabag-habag ang lupa at dagat
    sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo
na may malaking poot,
    palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!”

13 Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki.

14 Ngunit(G) ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.

15 At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos.

16 Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.

17 Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus.

18 At tumayo ang dragon[a] sa buhanginan ng dagat.

Zacarias 8

Nangako ang Panginoon na Ibabalik ang Jerusalem

Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi:

“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y labis na naninibugho sa Zion at ako'y may paninibugho sa kanya na may malaking poot.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y babalik sa Zion, at maninirahan sa gitna ng Jerusalem; ang Jerusalem ay tatawaging tapat na lunsod, at ang bundok ng Panginoon ng mga hukbo, ang banal na bundok.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Muling titirhan ng matatandang lalaki at matatandang babae ang mga lansangan ng Jerusalem, bawat isa'y may hawak na tungkod sa kanyang kamay dahil sa katandaan.

Ang mga lansangan ng lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at babae na naglalaro sa mga lansangan nito.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ito ay kagila-gilalas sa paningin ng mga nalabi sa bayang ito sa mga araw na ito, dapat din ba itong maging kagila-gilalas sa aking paningin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, aking ililigtas ang aking bayan mula sa lupaing silangan at mula sa lupaing kanluran;

at dadalhin ko sila upang manirahan sa gitna ng Jerusalem; at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos, sa katapatan at katuwiran.”

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Palakasin mo ang inyong mga kamay, kayong nakakarinig sa mga araw na ito ng mga salitang ito sa bibig ng mga propeta, mula nang araw na ilagay ang pundasyon sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, upang maitayo ang templo.

10 Sapagkat bago dumating ang mga araw na iyon ay walang upa para sa tao, ni anumang upa para sa hayop; at wala ring anumang kapayapaan mula sa kaaway para sa lumalabas o pumapasok, sapagkat aking inilagay ang bawat tao laban sa kanyang kapwa.

11 Ngunit ngayo'y hindi ko papakitunguhan ang nalabi sa bayang ito tulad noong mga nakaraang araw,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

12 Sapagkat magkakaroon ng paghahasik ng kapayapaan; ang puno ng ubas ay magbubunga, at ang lupa'y magbibigay ng pakinabang, at ang langit ay magbibigay ng kanyang hamog; at aking ipaaangkin sa nalabi sa bayang ito ang lahat ng bagay na ito.

13 Kung paanong kayo'y naging isang sumpa sa gitna ng mga bansa, O sambahayan ni Juda at Israel, gayon ko kayo ililigtas at kayo'y magiging isang pagpapala. Huwag kayong matatakot kundi palakasin ninyo ang inyong mga kamay.”

14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Kung paanong ipinasiya kong gawan kayo ng masama, nang galitin ako ng inyong mga ninuno, at hindi ako nahabag, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,

15 ay muli kong ipinapasiya sa mga araw na ito na gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sambahayan ni Juda; huwag kayong matakot.

16 Ito(A) ang mga bagay na inyong gagawin: Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuan.

17 Huwag kayong magpanukala ng masama sa inyong puso laban sa isa't isa, at huwag ninyong ibigin ang kasinungalingang sumpa, sapagkat ang lahat ng mga ito ay aking kinapopootan, sabi ng Panginoon.”

18 Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi,

19 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ang mga ayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito, at sa ikasampung buwan ay magiging kagalakan, kaligayahan, at masasayang kapistahan sa sambahayan ni Juda; kaya't inyong ibigin ang katotohanan at ang kapayapaan.

20 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Darating pa ang mga bayan, maging ang mga naninirahan sa maraming lunsod;

21 ang mga naninirahan sa isang lunsod ay lalapit sa isa, na magsasabi, ‘Pumunta tayo agad upang ating hilingin ang lingap ng Panginoon, at hanapin ang Panginoon ng mga hukbo; ako man ay pupunta.’

22 Maraming bayan at malalakas na bansa ang darating upang hanapin ang Panginoon ng mga hukbo sa Jerusalem, at hilingin ang lingap ng Panginoon.

23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa mga araw na iyon, sampung lalaki mula sa mga bansa ng bawat wika ang hahawak sa laylayan ng isang Judio, na nagsasabi, ‘Pasamahin ninyo kami, sapagkat aming narinig na ang Diyos ay kasama ninyo.’”

Juan 11

Namatay si Lazaro

11 Noon(A) ay mayroong isang tao na maysakit, si Lazaro na taga-Betania, ang nayon nina Maria at Marta na kanyang mga kapatid.

Si(B) Maria ang siyang nagbuhos sa Panginoon ng pabango, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang buhok. Ang kanyang kapatid na si Lazaro ay may sakit.

Kaya't ang magkapatid na babae ay nagbalita kay Jesus,[a] “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.”

Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi niya, “Ang sakit na ito'y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.”

Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro.

Nang mabalitaan niya na si Lazaro ay may sakit, siya'y nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya.

Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, “Pumunta tayong muli sa Judea.”

Sinabi sa kanya ng mga alagad, “Rabi, ngayo'y pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli kang pupunta roon?”

Sumagot si Jesus, “Hindi ba ang maghapon ay may labindalawang oras? Ang lumalakad samantalang araw ay hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito.

10 Ngunit ang taong lumalakad samantalang gabi ay natitisod, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.

11 Pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y pupunta roon, upang gisingin siya.”

12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling.”

13 Subalit ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkamatay ni Lazaro,[b] subalit inakala nila na ang tinutukoy niya ay ang karaniwang pagtulog.

14 Kaya't pagkatapos ay maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus, “Namatay si Lazaro,

15 at ikinagagalak ko alang-alang sa inyo na ako'y wala roon, upang kayo'y sumampalataya. Gayunma'y tayo na sa kanya.”

16 Si Tomas na tinatawag na Kambal[c] ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.

18 Ang Betania ay malapit sa Jerusalem, na may layong tatlong kilometro.[d]

19 At maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang sila'y aliwin dahil sa kanilang kapatid.

20 Nang marinig ni Marta na si Jesus ay dumarating, siya ay pumunta at sinalubong siya, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay.

21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka sana hindi sana namatay ang kapatid ko.

22 Subalit kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”

23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid.”

24 Sinabi ni Marta sa kanya, “Alam kong siya'y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, ay mabubuhay.

26 At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?”

27 Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan.

Umiyak si Jesus

28 Nang masabi na niya ito ay umalis siya, at tinawag ang kapatid niyang si Maria at palihim na sinabi, “Ang Guro ay narito at tinatawag ka.”

29 Nang marinig niya ito, dali-dali siyang tumayo at pumunta sa kanya.

30 (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)

31 Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria,[e] lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”

33 Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,

34 at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”

35 Umiyak si Jesus.

36 Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”

37 Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”

Binuhay si Lazaro

38 Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.

39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”

40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”

41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.

42 At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”

43 At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”

44 Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”

Sabwatan Laban kay Jesus(C)

45 Kaya't marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakakita ng ginawa niya ang sumampalataya sa kanya.

46 Subalit ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo, at sinabi sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.

47 Kaya't ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpatawag ng pagpupulong at sinabi, “Ano ang gagawin natin? Ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.

48 Kung siya'y ating pabayaan ng ganito, ang lahat ng mga tao ay maniniwala sa kanya. Darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo[f] at ang ating bansa.”

49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na pinakapunong pari nang panahong iyon ay nagsabi sa kanila, “Wala talaga kayong nalalaman.

50 Hindi ba ninyo nauunawaan na mas mabuti para sa inyo na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?”

51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili, kundi bilang pinakapunong pari nang panahong iyon siya'y nagpropesiya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa;

52 at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin niya sa iisa ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay.

53 Kaya't mula nang araw na iyon ay binalak nilang siya'y patayin.

54 Mula noon, si Jesus ay hindi na naglalakad nang hayagan sa gitna ng mga Judio, kundi pumunta siya sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Siya'y nanirahan doon kasama ng mga alagad.

55 Ang Paskuwa nga ng mga Judio ay malapit na, at maraming umahon tungo sa Jerusalem mula sa lupaing iyon bago magpaskuwa, upang linisin ang kanilang mga sarili.

56 Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi sa isa't isa habang nakatayo sila sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?”

57 Ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nag-utos na sinumang nakakaalam ng kinaroroonan ni Jesus[g] ay dapat ipagbigay-alam sa kanila upang siya'y kanilang madakip.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001