M’Cheyne Bible Reading Plan
Nilupig ni Haring Asa ang Taga-Etiopia
14 Kaya't natulog si Abias na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, at si Asa na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Sa kanyang mga araw ang lupain ay nagpahinga ng sampung taon.
2 At si Asa ay gumawa ng mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon niyang Diyos.
3 Inalis niya ang mga ibang dambana at ang matataas na dako, at winasak ang mga haligi at ibinagsak ang mga sagradong poste,[a]
4 at inutusan ang Juda na hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at tuparin ang batas at ang utos.
5 Kanya ring inalis sa lahat ng bayan ng Juda ang matataas na dako at ang mga dambana ng kamanyang. At ang kaharian ay nagpahinga sa ilalim niya.
6 Siya'y nagtayo ng mga lunsod na may kuta sa Juda sapagkat ang lupain ay nagkaroon ng kapahingahan. Siya'y hindi nagkaroon ng pakikidigma sa mga taong iyon sapagkat binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan.
7 At sinabi niya sa Juda, “Itayo natin ang mga lunsod na ito, at palibutan ng mga pader at mga muog, mga pintuan at mga halang. Ang lupain ay sa atin pa rin, sapagkat hinanap natin ang Panginoon nating Diyos. Ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako.” Kaya't sila'y nagtayo at umunlad.
8 Si Asa ay may hukbo na binubuo ng tatlong daang libo mula sa Juda, may sandata ng mga kalasag at mga sibat, at dalawandaan at walumpung libo mula sa Benjamin, na may dalang mga kalasag at pana. Lahat ng mga ito ay mga lalaking malalakas at matatapang.
9 Si Zera na taga-Etiopia ay lumabas laban sa kanila na may hukbo na isang milyong katao at tatlong daang karwahe; at siya'y dumating hanggang sa Maresha.
10 At lumabas si Asa upang harapin siya at sila'y humanay sa pakikipaglaban sa libis ng Sefata sa Maresha.
11 Si Asa ay tumawag sa Panginoon niyang Diyos, “ Panginoon, walang iba liban sa iyo na makakatulong, sa pagitan ng malakas at ng mahina. Tulungan mo kami, O Panginoon naming Diyos, sapagkat kami ay nananalig sa iyo, at sa iyong pangalan ay pumarito kami laban sa karamihang ito. O Panginoon, ikaw ang aming Diyos; huwag mong papagtagumpayin ang tao laban sa iyo.”
12 Kaya't ginapi ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at sa harapan ng Juda; at ang mga taga-Etiopia ay nagsitakas.
13 At si Asa at ang mga tauhang kasama niya ay humabol sa kanila hanggang sa Gerar, at ang mga taga-Etiopia ay nabuwal hanggang sa walang naiwang buháy; sapagkat sila'y nawasak sa harapan ng Panginoon at ng kanyang hukbo. Ang mga taga-Juda ay nagdala ng napakaraming samsam.
14 Kanilang tinalo ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar, sapagkat ang takot sa Panginoon ay nasa kanila. Kanilang sinamsaman ang lahat ng bayan, sapagkat napakaraming samsam sa kanila.
15 Kanila ring sinalakay ang mga tolda ng mga taong may mga hayop, at nagdala ng napakaraming tupa at mga kamelyo. Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem.
Si Asa ay Gumawa ng Pagbabago
15 Ang Espiritu ng Diyos ay dumating kay Azarias na anak ni Obed,
2 at siya'y lumabas upang salubungin si Asa, at sinabi sa kanya, “Pakinggan ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: Ang Panginoon ay nasa panig ninyo samantalang kayo'y nasa panig niya. Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo; ngunit kung siya'y tatalikuran ninyo, kanyang tatalikuran kayo.
3 Sa loob ng mahabang panahon ang Israel ay walang tunay na Diyos, walang tagapagturong pari, at walang kautusan.
4 Ngunit nang sa kanilang kahirapan ay nanumbalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, at kanilang hinanap siya, kanilang natagpuan siya.
5 Nang mga panahong iyon ay walang kapayapaan sa taong lumabas, o sa taong pumasok, sapagkat malalaking ligalig ang nagpahirap sa lahat ng naninirahan sa mga lupain.
6 Sila'y nagkadurug-durog, bansa laban sa bansa, at lunsod laban sa lunsod sapagkat niligalig sila ng Diyos ng bawat uri ng kaguluhan.
7 Ngunit kayo, magpakatapang kayo! Huwag ninyong hayaang manghina ang inyong mga kamay, sapagkat ang inyong mga gawa ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni Azarias na anak ni Obed, lumakas ang loob niya. Inalis niya ang mga karumaldumal na diyus-diyosan sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga lunsod na kanyang sinakop sa lupaing maburol ng Efraim. Kanyang inayos ang dambana ng Panginoon na nasa harapan ng portiko ng Panginoon.
9 At kanyang tinipon ang buong Juda at Benjamin, at ang mga galing sa Efraim, Manases, at Simeon na nakikipamayang kasama nila, sapagkat napakalaki ang bilang ng tumakas patungo sa kanya mula sa Israel nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.
10 Sila'y nagtipon sa Jerusalem sa ikatlong buwan ng ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa.
11 Sila'y naghandog sa Panginoon nang araw na iyon, mula sa samsam na kanilang dinala, pitong daang baka at pitong libong tupa.
12 At sila'y nakipagtipan upang hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ng kanilang buong puso at kaluluwa.
13 Sinumang ayaw humanap sa Panginoong Diyos ng Israel ay papatayin, maging bata o matanda, lalaki o babae.
14 Sila'y sumumpa sa Panginoon na may malakas na tinig, may mga sigawan, may mga trumpeta, at may mga tambuli.
15 Ikinagalak ng buong Juda ang panata, sapagkat sila'y namanata ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang hangarin. At siya'y natagpuan nila at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.
16 Maging si Maaca na kanyang ina ay inalis ni Haring Asa sa pagiging inang reyna, sapagkat siya'y gumawa ng kasuklamsuklam na larawan para sa sagradong poste.[b] Pinutol ni Asa ang kanyang larawan, dinurog ito, at sinunog sa batis ng Cedron.
17 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis sa Israel. Gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa lahat ng kanyang mga araw.
18 At kanyang ipinasok sa bahay ng Diyos ang mga kaloob na itinalaga ng kanyang ama, at ang mga sarili niyang kaloob na kanyang itinalaga—pilak, ginto, at mga sisidlan.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ikatatlumpu't limang taon ng paghahari ni Asa.
Pagsamba sa Langit
4 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang isang pintong bukas sa langit! At ang unang tinig na aking narinig na nagsasalita sa akin, na gaya ng sa trumpeta, ay nagsabi, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.”
2 Ako'y(A) biglang nasa Espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong nakalagay at sa trono ay may isang nakaupo.
3 At ang nakaupo doon ay may anyong katulad ng batong jaspe at sardio, at naliligid ang trono ng isang bahaghari na tulad ng esmeralda.
4 At sa palibot ng trono ay may dalawampu't apat na trono, at ang nakaupo sa mga trono ay dalawampu't apat na matatanda, na nakasuot ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga koronang ginto.
5 At(B) mula sa trono ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga dagundong ng kulog, at may pitong nagniningas na sulo ng apoy sa harapan ng trono, na siyang pitong Espiritu ng Diyos;
6 at(C) (D) sa harapan ng trono, ay may parang isang dagat na salamin na katulad ng kristal. At sa gitna ng trono, at sa palibot ng trono ay may apat na nilalang na buháy na punô ng mga mata sa harapan at sa likuran.
7 Ang unang nilalang ay tulad ng isang leon, ang ikalawang nilalang ay tulad ng isang baka, ang ikatlong nilalang ay may mukha ng isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay tulad ng isang agilang lumilipad.
8 At(E) ang apat na nilalang na buháy, na may anim na pakpak ang bawat isa sa kanila, ay punô ng mga mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang humpay na nagsasabi araw at gabi,
“Banal, banal, banal,
ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat,
ang noon at ang ngayon at ang darating!”
9 At kapag ang mga nilalang na buháy ay nagbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat sa nakaupo sa trono, doon sa nabubuhay magpakailanpaman,
10 ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono, at sumasamba doon sa nabubuhay magpakailanpaman; at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harapan ng trono, na nagsasabi,
11 “Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin,
na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay
at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha.
Ang Kagandahan ng Templo
2 Nang ikadalawampu't isang araw ng ikapitong buwan, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,
2 “Magsalita ka ngayon kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at sa lahat ng nalabi sa bayan, at sabihin mo,
3 ‘Sino(A) ang naiwan sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kanyang dating kaluwalhatian? Ano ito ngayon sa tingin ninyo? Hindi ba walang kabuluhan sa inyong paningin?
4 Gayunma'y magpakalakas ka ngayon, O Zerubabel, sabi ng Panginoon; at magpakalakas ka, O Josue, na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari. Lakasan ninyo ang inyong loob, kayong sambayanan sa lupain, sabi ng Panginoon. Kayo'y magsigawa, sapagkat ako'y sumasainyo sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
5 ayon(B) sa pangako na aking sinabi sa inyo nang kayo'y lumabas sa Ehipto. Ang aking Espiritu ay naninirahan sa inyo. Huwag kayong matakot.
6 Sapagkat(C) ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Minsan pa, sa sandaling panahon, aking uugain ang langit at ang lupa, ang dagat at ang tuyong lupa.
7 Aking uugain ang lahat ng mga bansa upang ang kayamanan ng lahat ng mga bansa ay dumating, at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Akin ang pilak at akin ang ginto, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Ang susunod na kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging higit na dakila kaysa dati, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.’”
10 Nang ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi,
11 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Itanong ninyo ngayon sa mga pari upang pagpasiyahan ang katanungang ito:
12 ‘Kung ang isang tao ay may dalang itinalagang karne sa laylayan ng kanyang damit, ang kanyang laylayan ay makasagi ng tinapay, o nilaga, o alak, o langis, o anumang pagkain, nagiging banal ba ito?’” Sumagot ang mga pari, “Hindi.”
13 Nang(D) magkagayo'y sinabi ni Hagai, “Kung ang isang taong marumi dahil sa paghipo sa isang bangkay ay masagi ang alinman sa mga ito, nagiging marumi ba ito?” Sumagot ang mga pari, “Nagiging marumi iyon.”
14 Nang magkagayo'y sumagot si Hagai, at nagsabi, “Gayon ang bayang ito, at gayon ang bansang ito sa harap ko, sabi ng Panginoon. Gayon ang bawat gawa ng kanilang mga kamay, at ang kanilang inihahandog doon ay marumi.
15 Ngunit ngayon, inyong pakaisipin kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito. Bago ipatong ang isang bato sa isa pang bato sa templo ng Panginoon,
16 mula sa panahong iyon, kapag ang isang tao ay lumalapit sa isang bunton ng dalawampung takal, magkakaroon ng sampu lamang; kapag ang isa ay lumalapit sa pigaan ng alak upang kumuha ng limampung sukat, may dalawampu lamang.
17 Sinalot ko kayo ng pagkalanta at ng amag at ng yelo sa lahat ng gawa ng inyong mga kamay; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Isaalang-alang mula sa araw na ito, mula sa ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, mula nang araw na ilagay ang saligan ng templo ng Panginoon isaalang-alang ninyo.
19 Ang binhi ba'y nasa kamalig pa? O kahit ang puno ng ubas, ang puno ng igos, ang granada, at ang puno ng olibo ay wala pa ring bunga? Gayunman, mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo.”
Ang Pangako ng Panginoon
20 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Hagai nang ikadalawampu't apat na araw ng buwan, na sinasabi,
21 “Magsalita ka kay Zerubabel na gobernador ng Juda, at iyong sabihin, Aking uugain ang mga langit at ang lupa;
22 at aking ibabagsak ang trono ng mga kaharian, at aking sisirain ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa; at ibubuwal ang mga karwahe at ang mga sumasakay sa mga iyon; at ang mga kabayo at ang mga sakay ng mga iyon ay mahuhulog, ang bawat isa sa pamamagitan ng tabak ng kanyang kasama.
23 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kukunin kita, O Zerubabel, na aking lingkod, na anak ni Sealtiel, sabi ng Panginoon, at gagawin kitang gaya ng singsing na pantatak; sapagkat pinili kita, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.”
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang lalaking kabilang sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio.
2 Siya ay pumunta kay Jesus[a] nang gabi na, at sinabi sa kanya, “Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na mula sa Diyos; sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, malibang kasama niya ang Diyos.”
3 Sumagot sa kanya si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ‘Malibang ang isang tao'y ipanganak na muli[b] ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’”
4 Sinabi sa kanya ni Nicodemo, “Paanong maipapanganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa tiyan ng kanyang ina, at ipanganak?”
5 Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.
6 Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu.
7 Huwag kang magtaka na aking sinabi sa iyo, ‘Kailangang kayo'y ipanganak na muli.’
8 Humihihip ang hangin kung saan nito ibig at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo nalalaman kung saan ito nanggagaling at kung saan tutungo. Ganoon ang bawat isang ipinapanganak ng Espiritu.
9 Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paanong mangyayari ang mga bagay na ito?”
10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ikaw ay isang guro sa Israel at hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito?
11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, kami ay nagsasalita tungkol sa nalalaman namin, at nagpapatotoo sa nakita namin, subalit hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.
12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na makalupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paano ninyong paniniwalaan kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na makalangit?
13 Wala pang umakyat sa langit, maliban sa kanya na bumabang galing sa langit, ang Anak ng Tao.[c]
14 Kung(A) paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao;
15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
17 Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.
18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan; ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagkat hindi siya sumampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos.
19 At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama.
20 Sapagkat ang bawat isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang ang kanyang mga gawa ay huwag malantad.
21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang malinaw na mahayag na ang kanyang mga gawa ay naaayon[d] sa Diyos.”
Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo
22 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon ay nanatili siyang kasama nila at nagbabautismo.
23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat doo'y maraming tubig. Ang mga tao'y pumunta roon at nabautismuhan.
24 Sapagkat(B) si Juan ay hindi pa ipinapasok sa bilangguan.
25 Noon ay nagkaroon ng isang pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paglilinis.
26 Sila'y lumapit kay Juan, at sa kanya'y sinabi, “Rabi, iyong kasama mo sa kabila ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo at ang lahat ay lumalapit sa kanya.”
27 Sumagot si Juan, “Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kanya mula sa langit.
28 Kayo(C) mismo ay aking mga saksi na sinabi kong, ‘Hindi ako ang Cristo, kundi ako'y sinugong una sa kanya.’
29 Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ngunit ang kaibigan ng lalaking ikakasal na nakatayo at nakikinig sa kanya ay lubos na nagagalak dahil sa tinig ng lalaking ikakasal. Kaya't ang kaligayahan kong ito ay ganap na.
30 Siya'y kailangang tumaas, nguni't ako'y kailangang bumaba.”[e]
Siya na Mula sa Langit
31 Ang nanggagaling sa itaas ay mataas sa lahat, ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa; ang nanggagaling sa langit ay mataas sa lahat.
32 Nagpapatotoo siya ng kanyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap ng kanyang patotoo.
33 Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay[f] dito na ang Diyos ay totoo.
34 Sapagkat siya na sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi niya sinusukat ang pagbibigay niya ng Espiritu.
35 Minamahal(D) ng Ama ang Anak at inilagay sa kanyang kamay ang lahat ng mga bagay.
36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001