Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 3-4

Pinasimulang(A) itayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem sa ibabaw ng Bundok Moria, na doon ay nagpakita ang Panginoon kay David na kanyang ama, sa lugar na itinakda ni David, sa giikan ni Ornan na Jebuseo.

Siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.

Ang mga ito ang sukat na ginamit ni Solomon para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Ang haba sa mga siko ayon sa matandang panukat ay animnapung siko, at ang luwang ay dalawampung siko.

Ang portiko na nasa harapan ng bahay ay dalawampung siko, kasinluwang ng bahay; at ang taas ay isandaan at dalawampung siko. Ito ay kanyang binalutan ng lantay na ginto sa loob.

Mismong ang bahay ay kanyang nilagyan ng kisame ng kahoy na sipres, at binalot ito ng lantay na ginto, at ginawan ito ng mga palma at mga tanikala.

Kanyang pinalamutian ang bahay ng mga mamahaling bato. Ang ginto ay mula sa Parvaim.

Kanyang binalutan ng ginto ang bahay, ang mga biga, mga pasukan, mga dingding, at ang mga pinto; at inukitan niya ng mga kerubin ang mga dingding.

Kanyang(B) ginawa ang dakong kabanal-banalan; ang haba nito ay katumbas ng luwang ng bahay, dalawampung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko. Kanyang binalutan ito ng dalisay na ginto na may timbang na animnaraang talento.

Ang bigat ng mga pako ay limampung siklong ginto. At kanyang binalutan ng ginto ang mga silid sa itaas.

10 Sa(C) dakong kabanal-banalan ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy at binalot ang mga ito ng ginto.

11 Ang mga pakpak ng mga kerubin na sama-samang nakabuka ay dalawampung siko ang haba; ang pakpak ng isa ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak na limang siko ay abot sa pakpak ng unang kerubin.

12 Ang pakpak ng isang kerubin ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak ay limang siko rin na nakalapat sa pakpak ng unang kerubin.

13 Ang mga pakpak ng mga kerubing ito ay umaabot ng dalawampung siko; ang mga kerubin ay nakatayo sa kanilang mga paa, nakaharap sa bahay.

14 Ginawa(D) niya ang tabing na asul, ube, matingkad na pulang tela at pinong lino, at ginawan ang mga ito ng mga kerubin.

15 Sa harapan ng bahay ay gumawa siya ng dalawang haligi na tatlumpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawat isa sa mga iyon ay limang siko.

16 Siya'y gumawa ng mga tanikalang gaya ng kuwintas at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isandaang granada, at inilagay sa mga tanikala.

17 Kanyang itinayo ang mga haligi sa harapan ng templo, ang isa'y sa timog, at ang isa'y sa hilaga; ang nasa timog ay tinawag na Jakin,[a] at ang nasa hilaga ay Boaz.[b]

Mga Kagamitan para sa Templo(E)

Gumawa(F) siya ng dambanang tanso na dalawampung siko ang haba, dalawampung siko ang luwang, at sampung siko ang taas.

Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang lalagyan ng tubig; ito ay pabilog, sampung siko mula sa labi't labi, at ang taas nito ay limang siko; at ang sukat sa palibot ay tatlumpung siko.

Sa ilalim nito ay mga anyo ng mga baka na sampung siko na nakapaligid sa sisidlan ng tubig. Ang mga baka ay dalawang hanay na hinulmang kasama niyon.

Ito ay nakatayo sa ibabaw ng labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, at ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan. Ang sisidlan ng tubig ay nakapatong sa ibabaw ng mga iyon, at lahat ng kanilang bahaging likuran ay nasa paloob.

Ang kapal nito ay isang dangkal at ang labi nito ay yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng liryo, ito'y naglalaman ng tatlong libong bat.[c]

Gumawa(G) rin siya ng sampung hugasan, at inilagay ang lima sa timog, at lima sa hilaga. Sa mga ito nila huhugasan ang mga ginamit sa handog na sinusunog, at ang lalagyan ng tubig ay paliguan ng mga pari.

Siya'y(H) gumawa ng sampung ilawang ginto ayon sa utos at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa timog at lima sa hilaga.

Gumawa(I) rin siya ng sampung hapag at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa dakong timog at lima sa hilaga. Siya'y gumawa ng isandaang palangganang ginto.

Ginawa niya ang bulwagan ng mga pari, ang malaking bulwagan, at ang mga pinto para sa bulwagan at binalot ng tanso ang kanilang mga pinto;

10 at kanyang inilagay ang sisidlan ng tubig sa dakong timog-silangang sulok ng bahay.

11 Gumawa rin si Huramabi ng mga palayok, mga pala, at mga palanggana. Gayon tinapos ni Huramabi ang gawain na ginawa niya para kay Haring Solomon sa bahay ng Diyos:

12 ang dalawang haligi, mga mangkok, ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang korona na tumatakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;

13 at ang apatnaraang granada para sa dalawang korona; dalawang hanay ng granada para sa bawat korona, upang tumakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi.

14 Gumawa rin siya ng mga patungan, at ng mga hugasan sa ibabaw ng mga patungan;

15 ng isang malaking sisidlan ng tubig,[d] at ng labindalawang baka na nasa ilalim nito.

16 Ang mga palayok, mga pala, mga pantusok, at lahat ng kasangkapan nito ay ginawa ni Huramabi mula sa tansong binuli para kay Haring Solomon para sa bahay ng Panginoon.

17 Sa kapatagan ng Jordan ipinahulma ng hari ang mga iyon, sa lupang luwad sa pagitan ng Sucot at Zereda.

18 Ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na ito nang maramihan, anupa't hindi matiyak ang timbang ng tanso.

19 Sa gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na nasa bahay ng Diyos: ang gintong dambana, ang mga hapag para sa tinapay na handog,

20 ang mga ilawan at mga ilaw nito na dalisay na ginto na magniningas sa loob ng santuwaryo ayon sa iniutos;

21 ang mga bulaklak, mga ilawan, mga panipit na ginto, na pawang yari sa pinakadalisay na ginto;

22 ang mga gunting, mga palanggana, mga sandok, mga pinggan para sa insenso na dalisay na ginto; at ang pintuan ng templo, para sa panloob na pintuan patungo sa dakong kabanal-banalan, at para sa pintuan ng templo ay yari sa ginto.

1 Juan 3

Ang mga Anak ng Diyos

Masdan(A) ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y matawag na mga anak ng Diyos; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat siya'y hindi nakilala nito.

Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat siya'y ating makikita bilang siya.

At sinumang may ganitong pag-asa sa kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman niyang malinis.

Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din naman sa kautusan; at ang kasalanan ay ang paglabag sa kautusan.

Nalalaman(B) ninyo na siya'y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa kanya'y walang kasalanan.

Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi nagkakasala; sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kanya, ni hindi nakakilala sa kanya.

Mga munting anak, huwag kayong padaya kanino man. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid.

Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo; sapagkat buhat pa nang pasimula ay nagkakasala na ang diyablo. Dahil dito, nahayag ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala, sapagkat ang kanyang binhi ay nananatili sa kanya at hindi siya maaaring magkasala, sapagkat siya'y ipinanganak ng Diyos.

10 Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, pati ang hindi umiibig sa kanyang kapatid.

Mag-ibigan sa Isa't isa

11 Sapagkat(C) ito ang mensahe na inyong narinig buhat nang pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa't isa,

12 na(D) hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinaslang ang kanyang kapatid. At bakit niya ito pinaslang? Sapagkat ang kanyang mga gawa ay masasama at ang mga gawa ng kanyang kapatid ay matutuwid.

13 Mga kapatid, huwag kayong magtaka, kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan.

14 Nalalaman(E) nating tayo'y dumaan na mula sa kamatayan patungo sa buhay, sapagkat iniibig natin ang isa't isa. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan.

15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay hindi nananatili sa sinumang mamamatay-tao.

16 Dito natin nakikilala ang pag-ibig, sapagkat ibinigay niya ang kanyang buhay alang-alang sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay alang-alang sa mga kapatid.

17 Subalit ang sinumang may mga pag-aari sa sanlibutang ito, at nakikita ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagsasarhan niya ito ng kanyang damdamin, paanong nananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kanya?

18 Mga munting anak, huwag tayong umibig sa salita, ni sa dila kundi sa gawa at sa katotohanan.

19 Dito natin makikilala na tayo'y mula sa katotohanan, at magkakaroon ng kapanatagan ang ating mga puso sa harapan niya,

20 tuwing hahatulan tayo ng ating puso; sapagkat ang Diyos ay higit na dakila kaysa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.

21 Mga minamahal, kung tayo'y hindi hinahatulan ng ating puso, tayo ay may kapanatagan sa harapan ng Diyos;

22 at anumang ating hingin ay tinatanggap natin mula sa kanya, sapagkat tinutupad natin ang kanyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang harapan.

23 At(F) ito ang kanyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at tayo'y mag-ibigan sa isa't isa ayon sa ibinigay niyang utos sa atin.

24 At ang tumutupad ng kanyang mga utos ay nananatili sa kanya, at siya sa kanya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kanyang ibinigay sa atin.

Nahum 2

Ang Pagbagsak ng Ninive

Ang tagapangalat ay umahon laban sa iyo.

    Magtalaga ka ng tao sa mga kuta;
    bantayan mo ang daan,
bigkisan mo ang iyong mga balakang,
tipunin mo ang lahat mong lakas.

Sapagkat ibinabalik ng Panginoon ang karilagan ng Jacob,

    gayundin ang karilagan ng Israel,
sapagkat hinubaran sila ng mga mandarambong
    at sinira ang mga sanga ng kanilang mga puno ng ubas.

Ang kalasag ng kanyang mga mandirigma ay pula,
    ang kanyang mga kawal ay nakadamit ng matingkad na pula.
Ang mga bakal ng karwahe ay kumikislap
    nang kanyang inihahanda sa pakikipaglaban;
    ang mga sibat na abeto ay iwinasiwas.

Ang mga karwahe ay humahagibis sa mga lansangan,

    sila'y paroo't-parito sa mga liwasan;
ang mga anyo ng mga ito ay gaya ng mga sulo;
ang mga ito'y humahagibis na parang kidlat.
Naaalala niya ang kanyang mga pinuno,
    sila'y natitisod sa kanilang paglakad;
sila'y nagmamadali sa pader,
    ang panakip ay inihanda.

Ang mga pintuan ng mga ilog ay bukas,

    at ang palasyo ay nalansag.
At ito'y nakatakda na, siya'y hinubaran at dinala;
    at ang kanyang mga alilang babae
ay nananaghoy na parang huni ng mga kalapati,
    at dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
Ang Ninive ay gaya ng lawa ng tubig sa lahat ng mga araw niya, gayon may nagsisitakas,
“Tigil! Tigil!”—ngunit walang lumilingon.

Samsamin ninyo ang pilak,

    samsamin ninyo ang ginto!
Walang katapusan ang kayamanan,
    o kayamanan ng bawat mahalagang bagay.

10 Siya'y walang laman, pinabayaan at wasak!
    Ang mga puso ay nanghihina, at ang mga tuhod ay nanginginig,
ang lahat ng mga balakang ay nanginginig,
    ang lahat ng mga mukha ay namumutla!
11 Nasaan ang yungib ng mga leon,
    ang pastulan ng mga batang leon,
na pinagdadalhan ng leon ng kanyang biktima,
    na kinaroroonan ng kanyang mga anak, na doo'y walang umaabala sa kanila?
12 Ang leon ay lumalapa nang sapat para sa kanyang mga anak,
    at lumalapa ng biktima para sa kanyang mga babaing leon;
pinupuno niya ang kanyang yungib ng biktima
    at ang kanyang mga yungib ng nilapang laman.

13 Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at aking susunugin ang iyong mga karwahe sa usok, at lalamunin ng tabak ang iyong mga batang leon. Kukunin ko ang iyong biktima mula sa lupa, at ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig pa.

Lucas 18

Ang Talinghaga ng Balo at ng Hukom

18 At isinalaysay ni Jesus[a] sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay.

Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.

At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’

May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao,

subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’”

At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom.

At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?

Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

Talinghaga ng Fariseo at ang Maniningil ng Buwis

Isinalaysay rin niya ang talinghagang ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila'y matutuwid at hinahamak ang iba.

10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis.

11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito.

12 Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’

13 Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.’

14 Sinasabi(A) ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas.”

Binasbasan ni Jesus ang mga Sanggol(B)

15 Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.

16 Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.

17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”

Ang Mayamang Lalaki(C)

18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.

20 Nalalaman(D) mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”

21 At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”

22 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.

23 Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.

24 Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!

25 Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”

27 Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”

28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”

29 At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,

30 na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”

Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(E)

31 Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.

32 Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan,

33 kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay.”

34 Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi.

Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(F)

35 Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.

36 At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.

37 Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.

38 At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”

39 Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”

40 At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao[b] sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,

41 “Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”

42 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

43 At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001