Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 32

Pinagbantaan ng Asiria ang Jerusalem(A)

32 Pagkatapos ng mga bagay na ito at ng ganitong gawa ng katapatan, si Senakerib na hari ng Asiria ay dumating at sinalakay ang Juda at kinubkob ang mga lunsod na may kuta, na iniisip na sakupin ang mga iyon para sa kanyang sarili.

Nang makita ni Hezekias na si Senakerib ay dumating at nagbabalak labanan ang Jerusalem,

nakipagsanggunian siya sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga mandirigma na patigilin ang tubig sa mga bukal na nasa labas ng lunsod; at kanilang tinulungan siya.

Napakaraming tao ang nagtipon at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal at ang batis na umaagos sa lupain, na sinasabi, “Bakit paparito ang mga hari ng Asiria, at makakatagpo ng maraming tubig?”

At si Hezekias[a] ay gumawang may katatagan, at itinayo ang lahat ng pader na bumagsak, at pinataas ang mga muog, at sa labas nito ay nagtayo siya ng iba pang pader. Pinatibay niya ang Milo sa lunsod ni David. Gumawa rin siya ng maraming sandata at mga kalasag.

Siya'y naglagay ng mga pinunong mandirigma upang mamuno sa mga tao, at sila'y tinipon niya sa liwasang-bayan sa pintuan ng lunsod at nagsalita ng pampalakas-loob sa kanila, na sinasabi,

“Kayo'y magpakalakas at magpakatapang na mabuti. Huwag kayong matakot o manlupaypay sa harapan ng hari ng Asiria at sa lahat ng mga hukbong kasama niya sapagkat sa panig natin ay mayroong lalong dakila kaysa kanya.

Ang nasa kanya ay isang kamay na laman, ngunit kasama natin ang Panginoon nating Diyos na tutulong at lalaban sa ating mga pakikipaglaban.” At ang bayan ay nagtiwala mula sa mga salita ni Hezekias na hari ng Juda.

Pagkatapos nito, sinugo ni Senakerib na hari ng Asiria, na noo'y sumasalakay sa Lakish kasama ang lahat ng mga tauhan, ang kanyang mga lingkod sa Jerusalem kay Hezekias na hari ng Juda at sa lahat ng mamamayan ng Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,

10 “Ganito ang sabi ni Senakerib na hari ng Asiria, ‘Sa ano kayo umaasa upang kayo'y makatagal na nakukubkob sa Jerusalem?

11 Hindi ba't inililigaw kayo ni Hezekias, upang kayo'y maibigay niya upang mamatay sa gutom at uhaw, nang sabihin niya sa inyo, “Ililigtas tayo ng Panginoon nating Diyos sa kamay ng hari ng Asiria?”

12 Hindi ba ang Hezekias ding ito ang nag-alis ng kanyang matataas na dako at mga dambana at nag-utos sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y magsisisamba sa harapan ng isang dambana, at sa ibabaw niyon ay magsusunog kayo ng inyong mga handog?”

13 Hindi ba ninyo nalalaman kung ano ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa lahat ng mga tao ng ibang mga lupain? Ang mga diyos ba ng mga bansa ng mga lupaing iyon ay nakapagligtas sa kanilang lupain sa aking kamay?

14 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga bansang iyon na lubos na giniba ng aking mga ninuno ang nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay, na magagawa ng inyong Diyos na kayo'y mailigtas sa aking kamay?

15 Kaya't ngayo'y huwag kayong padaya kay Hezekias o hayaang iligaw kayo sa ganitong paraan. Huwag ninyo siyang paniwalaan, sapagkat walang diyos ng alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay at sa kamay ng aking mga ninuno. Gaano pa kaya ang inyong Diyos na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay!’”

16 Ang kanyang mga lingkod ay nagsalita ng marami pa laban sa Panginoong Diyos at sa kanyang lingkod na si Hezekias.

17 Siya'y sumulat ng mga liham upang alipustain ang Panginoong Diyos ng Israel at upang magsalita laban sa kanya, “Gaya ng mga diyos ng mga bansa ng mga lupain na hindi nakapagligtas ng kanilang bayan sa aking kamay, gayundin hindi maililigtas ng Diyos ni Hezekias ang kanyang bayan sa aking kamay.”

18 Iyon ay kanilang isinigaw sa malakas na tinig sa wika ng Juda sa mga mamamayan ng Jerusalem na nasa pader, upang takutin at sindakin sila, upang kanilang masakop ang lunsod.

19 At sila'y nagsalita tungkol sa Diyos ng Jerusalem na gaya ng sa mga diyos ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.

Pinahiya at Pinatay si Senakerib

20 Kaya't si Haring Hezekias at si propeta Isaias na anak ni Amos, ay nanalangin dahil dito at dumaing sa langit.

21 At ang Panginoon ay nagsugo ng isang anghel na siyang pumatay sa lahat ng malalakas na mandirigma, at mga pinuno at mga punong-kawal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya't siya'y bumalik sa kanyang sariling lupain na nahihiya. Nang siya'y dumating sa bahay ng kanyang diyos, pinatay siya roon ng tabak ng ilan sa kanyang sariling mga anak.

22 Sa gayon iniligtas ng Panginoon si Hezekias at ang mga mamamayan ng Jerusalem mula sa kamay ni Senakerib na hari ng Asiria at sa kamay ng lahat niyang mga kaaway; at kanyang binigyan sila ng kapahingahan sa bawat panig.

23 At maraming nagdala ng mga kaloob sa Panginoon sa Jerusalem at ng mahahalagang bagay kay Hezekias na hari ng Juda, anupa't siya'y dinakila sa paningin ng lahat ng mga bansa mula noon.

Ang Karamdaman at Kapalaluan ni Hezekias(B)

24 Nang mga araw na iyon ay nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Siya'y nanalangin sa Panginoon at kanyang sinagot siya at binigyan ng isang tanda.

25 Ngunit si Hezekias ay hindi tumugon ayon sa kabutihang ginawa sa kanya, sapagkat ang kanyang puso ay naging palalo. Kaya't ang poot ay dumating sa kanya, sa Juda, at sa Jerusalem.

26 Subalit nagpakababa si Hezekias dahil sa pagmamataas ng kanyang puso, siya at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't ang poot ng Panginoon ay hindi dumating sa kanila sa mga araw ni Hezekias.

Ang Kayamanan at Karangalan ni Hezekias

27 Si Hezekias ay nagkaroon ng napakalaking kayamanan at karangalan. Siya'y gumawa para sa kanyang sarili ng mga kabang-yaman para sa pilak, ginto, mga mamahaling bato, mga pabango, mga kalasag, at ng lahat ng uri ng mga mamahaling bagay;

28 ng mga kamalig para sa inaning butil, alak, at langis at ng mga silungan para sa lahat ng uri ng hayop, at mga kulungan ng tupa.

29 Bukod dito'y naglaan siya para sa kanyang sarili ng mga lunsod, at maraming mga kawan at mga bakahan sapagkat binigyan siya ng Diyos ng napakaraming pag-aari.

30 Ang Hezekias ding ito ang nagpasara ng pang-itaas na labasan ng tubig ng Gihon at pinadaloy pababa sa dakong kanluran ng lunsod ni David. At si Hezekias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang mga gawa.

31 Kaya't tungkol sa mga sugo ng mga pinuno ng Babilonia, na isinugo sa kanya upang mag-usisa tungkol sa tanda na ginawa sa lupain, ipinaubaya ito sa kanya ng Diyos, upang subukin siya at upang malaman ang lahat ng nasa kanyang puso.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekias(C)

32 Ang iba pa sa mga ginawa ni Hezekias, at ang kanyang mabubuting gawa ay nakasulat sa pangitain ni propeta Isaias na anak ni Amos, sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.

33 At si Hezekias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa gulod ng mga libingan ng mga anak ni David. Binigyan siya ng parangal ng buong Juda at ng mga mamamayan ng Jerusalem sa kanyang kamatayan. At si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Apocalipsis 18

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian.

At(A) siya'y sumigaw nang may malakas na tinig na nagsasabi,

“Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia!
    Ito'y naging tirahan ng mga demonyo,
pugad ng bawat espiritung karumaldumal,
    at pugad ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon;
sapagkat(B) lahat ng mga bansa ay uminom
    ng alak ng galit ng kanyang pakikiapid,
at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kanya,
    at ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan.”

At(C) narinig ko ang isa pang tinig na mula sa langit na nagsasabi,

“Magsilabas kayo sa kanya, bayan ko,
    upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan,
at huwag kayong makabahagi
    sa kanyang mga salot;
sapagkat(D) ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong na umaabot hanggang sa langit,
    at natatandaan ng Diyos ang kanyang mga kasalanan.
Ibigay(E) din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo,
    at bayaran ninyo ng makalawang ulit ang kanyang mga gawa;
    sa kopang kanyang pinaghaluan ay inyong ipaghalo siya ng makalawang ulit.
Kung(F) gaano siya nagmalaki at namuhay sa kalayawan,
    ay gayundin ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at pagluluksa.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
    ‘Ako'y nakaupong isang reyna.
Hindi ako balo
    at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa.’
Kaya't sa loob ng isang araw ay darating ang mga salot sa kanya,
    kamatayan, pagluluksa at gutom;
at siya'y lubos na susunugin sa apoy;
    sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya.”

At(G) ang mga hari sa lupa na nakiapid at namuhay sa kalayawan na kasama niya, ay iiyakan at tatangisan siya kapag nakita nila ang usok ng pagsusunog sa kanya.

10 Sila'y tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    ikaw na makapangyarihang lunsod ng Babilonia!
Sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo.”

11 Ang(H) mga mangangalakal sa lupa ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bibili pa ng kanilang kalakal;

12 kalakal(I) na ginto at pilak, mahalagang bato at mga perlas, pinong lino, kulay-ube, sutla at pula; ng sari-saring mababangong kahoy, at bawat kasangkapang garing, bawat kasangkapang mahalagang kahoy, tanso, bakal, marmol,

13 kanela, pampalasa, kamanyang, mira at insenso; alak at langis, at mainam na harina at trigo, mga baka at mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga alipin; at ng mga kaluluwa ng mga tao.

14 “Ang mga bungang ninanais ng kaluluwa mo
    ay wala na sa iyo,
at lahat ng mga bagay na mararangya at mariringal
    ay nalipol sa iyo,
    at hindi na kailanman matatagpuan pang muli!”

15 Ang(J) mga mangangalakal ng mga bagay na ito na tumatangis at tumataghoy, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya,

16 na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    siyang nagsusuot ng pinong lino at ng kulay-ube, at pula,
    at napapalamutian ng ginto, mahahalagang bato at perlas!
17 Sapagkat(K) sa loob ng isang oras ay nalipol ang ganito kalaking kayamanan!”

At ang bawat pinuno ng barko, ang bawat naglalayag saan mang dako, ang mga mandaragat, at lahat ng naghahanap-buhay sa dagat, ay nakatayo sa malayo,

18 at(L) nagsisisigaw pagkakita sa usok ng pagsusunog sa kanya, na nagsasabi,

“Anong lunsod ang katulad ng dakilang lunsod?”

19 At(M) sila'y nagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo at nagsisigawan, na nag-iiyakan at nananaghoy, na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    na siyang nagpapayaman sa lahat na may mga barko sa dagat, dahil sa kanyang mga kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak!
20 Magalak(N) ka tungkol sa kanya, O langit,
    at kayong mga banal at mga apostol, at mga propeta;
sapagkat iginawad na ng Diyos para sa inyo ang hatol sa kanya!”

21 Pagkatapos(O) ay dinampot ng isang malakas na anghel ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat na sinasabi,

“Sa ganitong karahasan ibabagsak ang dakilang Babilonia,
    at hindi na matatagpuan pa.
22 At(P) (Q) ang tunog ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng trumpeta
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
at wala nang manggagawa ng anumang gawa
    ang matatagpuan pa sa iyo;
at ang ingay ng gilingan
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
23 at ang liwanag ng ilawan
    ay hindi na tatanglaw pa sa iyo
at ang tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
sapagkat ang mga mangangalakal mo ay dating mga pangunahin sa lupa;
    sapagkat dinaya ng iyong pangkukulam ang lahat ng mga bansa.
24 At(R) natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal,
    at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.”

Zacarias 14

Ang Jerusalem at ang mga Bansa

14 Narito, isang araw darating para sa Panginoon, ang samsam na kinuha sa iyo ay paghahati-hatian sa gitna mo.

Sapagkat aking titipunin ang lahat ng bansa upang lumaban sa Jerusalem, at ang lunsod ay masasakop, ang mga bahay ay lolooban, at ang mga babae ay pagsasamantalahan. Ang kalahati ng lunsod ay bibihagin, ngunit ang nalabi sa bayan ay hindi aalisin sa lunsod.

Kung magkagayo'y lalabas ang Panginoon at makikipaglaban sa mga bansang iyon, gaya nang siya'y makipaglaban sa araw ng labanan.

Sa araw na iyon ay tatayo ang kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tapat ng Jerusalem sa dakong silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa gitna niya, sa silangan hanggang sa kanluran, sa pamamagitan ng napakalawak na libis. Ang kalahati ng Bundok ay malilipat sa dakong hilaga, at ang kalahati ay sa dakong timog.

At kayo'y magsisitakas sa libis ng aking mga bundok sapagkat ang libis ng mga bundok ay aabot hanggang sa Azal. Kayo'y tatakas gaya noong kayo'y tumakas mula sa lindol nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda. Pagkatapos ang Panginoon kong Diyos ay darating, kasama ang lahat ng mga banal.

At mangyayari, sa araw na iyon ay hindi magkakaroon ng liwanag, ang mga nagniningning ay uunti.

At ito'y magiging isang araw na nalalaman ng Panginoon, hindi araw at hindi gabi; ngunit mangyayari na sa gabi ay magkakaroon ng liwanag.

Sa(A) araw na iyon ay aagos mula sa Jerusalem, ang buháy na tubig, kalahati niyon ay sa dagat sa dakong silangan, at kalahati niyon ay sa dagat sa dakong kanluran; iyon ay magpapatuloy sa tag-init at sa taglamig.

Ang Panginoon ay magiging Hari sa buong lupa; sa araw na iyon ang Panginoon ay magiging isa, at ang kanyang pangalan ay isa.

10 Ang buong lupain ay magiging kapatagan mula sa Geba hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas sa kanyang dako mula sa Pintuan ng Benjamin hanggang sa dako ng Unang Pintuan, hanggang sa Sulok na Pintuan, at mula sa Tore ng Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari.

11 Ito'y(B) titirhan sapagkat hindi na ito muling magkakaroon ng sumpa; ang Jerusalem ay tatahang tiwasay.

12 Ito ang magiging salot na ibibigay ng Panginoon sa lahat ng mga bayan na nakipagdigma laban sa Jerusalem: ang kanilang laman ay mabubulok habang sila'y nakatayo pa sa kanilang mga paa, at ang kanilang mga mata'y mabubulok sa kinalalagyan ng mga ito, at ang kanilang mga dila ay mabubulok sa kanilang mga bibig.

13 Sa araw na iyon ay darating sa kanila ang isang malaking pagkatakot sa Panginoon; at hahawak ang bawat isa sa kanila sa kamay ng kanyang kapwa, at ang kamay ng isa'y itataas laban sa kamay ng iba pa;

14 maging ang Juda ay makikipaglaban sa Jerusalem. Ang kayamanan ng lahat ng bansa sa palibot ay titipunin—ginto, pilak, at kasuotan na napakarami.

15 Isang salot na gaya ng salot na ito ang darating sa mga kabayo, mola, kamelyo, asno, at sa lahat ng hayop na naroroon sa mga kampong iyon.

16 Bawat(C) isa na nakaligtas mula sa lahat ng bansa na lumaban sa Jerusalem ay aahon taun-taon upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, at upang ipangilin ang mga kapistahan ng mga kubol.

17 Ang sinuman sa mga angkan sa lupa na hindi umahon sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, sila'y mawawalan ng ulan.

18 Kung ang angkan ng Ehipto ay hindi umahon at hindi pumaroon, ang ulan ay hindi babagsak sa kanila ngunit darating sa kanila ang salot na ipinalasap ng Panginoon sa mga bansang hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.

19 Ito ang magiging kaparusahan sa Ehipto at sa lahat ng bansa na hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.

20 Sa araw na iyon ay isusulat sa mga kampanilya ng mga kabayo, “Banal sa Panginoon.” Ang mga palayok sa bahay ng Panginoon ay magiging gaya ng mga mangkok sa harapan ng dambana;

21 at bawat palayok sa Jerusalem at sa Juda ay magiging banal sa Panginoon ng mga hukbo, upang lahat ng mag-aalay ay gamitin ang mga iyon sa paglalaga ng laman ng handog. Hindi na magkakaroon pa ng Cananeo[a] sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo sa araw na iyon.

Juan 17

Nanalangin si Jesus para sa Kanyang mga Alagad

17 Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak,

yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya.

At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo.

Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin.

At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan.

Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.

Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo;

sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.

Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo.

10 Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang sa iyo ay akin, at ako'y naluluwalhati sa kanila.

11 At ngayon ay wala na ako sa sanlibutan, subalit ang mga ito ay nasa sanlibutan, at ako'y papariyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.

12 Habang(A) ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan.

13 Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili.

14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga-sanlibutan, gaya ko naman na hindi taga-sanlibutan.

15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.

16 Hindi sila taga-sanlibutan, na gaya ko na hindi taga-sanlibutan.

17 Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.

18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan.

19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan.

20 Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita,

21 upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.

22 At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.

23 Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal.

24 Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan.

25 O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin.

26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001