M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Panalangin ni Solomon(A)
12 Pagkatapos si Solomon ay tumayo sa harapan ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kanyang mga kamay.
13 Si Solomon ay may ginawang isang tuntungang tanso na limang siko ang haba, limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. Inilagay niya ito sa gitna ng bulwagan at tumayo siya sa ibabaw nito. Pagkatapos ay lumuhod siya sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas ang kanyang mga kamay sa langit.
14 Kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit o sa lupa, na nag-iingat ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad nang buong puso sa harapan mo;
15 ikaw na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kanya. Tunay na ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at sa pamamagitan ng iyong kamay ay tinupad mo sa araw na ito.
16 Ngayon,(B) O Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang iyong ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi ka mawawalan ng kahalili sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa aking kautusan, gaya ng paglakad mo sa harapan ko.’
17 Kaya't ngayon, O Panginoon, Diyos ng Israel, pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David.
18 “Ngunit(C) totoo bang ang Diyos ay maninirahang kasama ng mga tao sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!
19 Isaalang-alang mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kanyang pagsamo, O Panginoon kong Diyos, iyong pakinggan ang daing at dalangin na idinudulog ng iyong lingkod sa iyo.
20 Ang(D) iyong mga mata ay maging bukas nawa sa araw at gabi sa bahay na ito, ang dakong iyong ipinangako na paglalagyan mo ng iyong pangalan, at nawa'y pakinggan mo ang panalangin na iniaalay ng iyong lingkod sa dakong ito.
21 Pakinggan mo ang mga samo ng iyong lingkod at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalangin paharap sa dakong ito; pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tirahan; at kapag iyong narinig, magpatawad ka.
22 “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa at pinasumpa siya, at siya'y dumating at nanumpa sa harapan ng iyong dambana sa bahay na ito,
23 ay pakinggan mo nawa mula sa langit, at kumilos ka, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang nagkasala sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo at pawalang-sala ang matuwid sa pamamagitan ng pagganti sa kanya ayon sa kanyang matuwid na gawa.
24 “Kung ang iyong bayang Israel ay matalo ng kaaway, sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, kapag sila'y nanumbalik at kilalanin ang iyong pangalan, at manalangin at dumaing sa iyo sa bahay na ito,
25 dinggin mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at muli mo silang dalhin sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga ninuno.
26 “Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, kung sila'y manalangin paharap sa dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikuran ang kanilang kasalanan, kapag pinarurusahan mo sila,
27 pakinggan mo nawa mula sa langit, at patawarin ang kasalanan ng iyong mga lingkod, ng iyong bayang Israel, kapag iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na dapat nilang lakaran; at bigyan ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.
28 “Kung may taggutom sa lupain, kung may salot o pagkalanta, o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa alinman sa kanilang mga lunsod, anumang salot o anumang sakit mayroon;
29 anumang panalangin, anumang pagsamong gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, na bawat isa'y nakakaalam ng sarili niyang kahirapan, at sarili niyang kalungkutan at iniunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,
30 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan, at magpatawad ka, at humatol sa bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman, ayon sa lahat niyang mga lakad (sapagkat ikaw, ikaw lamang, ang nakakaalam ng puso ng mga anak ng mga tao);
31 upang sila'y matakot sa iyo at lumakad sa iyong mga daan sa lahat ng mga araw na sila'y nabubuhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno.
32 “Gayundin naman, kapag ang isang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel ay dumating mula sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig, kapag siya'y dumating at nanalangin paharap sa bahay na ito,
33 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng itinatawag sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
34 “Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makipagdigma sa kanilang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa iyo paharap sa lunsod na ito na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,
35 pakinggan mo nawa mula sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan.
36 “Kung sila'y magkasala laban sa iyo,—sapagkat walang taong hindi nagkakasala,—at ikaw ay galit sa kanila, at ibinigay mo sila sa isang kaaway, kaya't sila'y dinalang-bihag sa isang lupaing malayo o malapit;
37 ngunit kung sila'y magising sa lupaing pinagdalhan sa kanila bilang bihag, at sila'y magsisi at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sinasabi, ‘Kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng may kalikuan at kasamaan,’
38 kung sila'y magsisi ng kanilang buong pag-iisip at buong puso sa lupain ng kanilang pagkabihag, kung saan sila'y dinalang-bihag at manalangin paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,
39 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan ang kanilang panalangin at ang kanilang mga samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.
40 Ngayon, O Diyos ko, mabuksan nawa ang iyong mga mata at makinig ang iyong mga tainga sa panalangin sa dakong ito.
41 “Ngayon(E) nga'y bumangon ka, O Panginoong Diyos, at pumunta ka sa iyong pahingahang dako, ikaw at ang kaban ng iyong kapangyarihan. Mabihisan nawa ng kaligtasan, O Panginoong Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan.
42 O Panginoong Diyos, huwag mong tatalikuran ang iyong hinirang.[a] Alalahanin mo ang iyong tapat na pag-ibig kay David na iyong lingkod.”
Ang Ating Tagumpay sa Sanlibutan
5 Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos, at ang bawat umiibig sa magulang[a] ay umiibig din naman sa anak.
2 Dito'y ating nakikilala na iniibig natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kanyang mga utos.
3 Sapagkat(A) ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat.
4 Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.
5 Sino ang dumadaig sa sanlibutan, kundi ang sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos?
Ang mga Patotoo sa Anak ng Diyos
6 Ito ang siyang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo, si Jesu-Cristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.
7 Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[b]
8 ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlo ay nagkakaisa.
9 Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay higit na dakila ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na siya'y nagpapatotoo tungkol sa kanyang Anak.
10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may patotoo sa kanyang sarili. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawa siyang sinungaling, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.
11 At(B) ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak.
12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo upang inyong malaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.
14 Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya.
15 At kung ating nalalaman na tayo'y pinapakinggan niya sa anumang ating hingin, nalalaman natin na natanggap natin ang mga kahilingang hinihingi natin sa kanya.
16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na nagkakasala ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Diyos ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala ng hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan, hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin ninyo.
17 Lahat ng kalikuan ay kasalanan, at may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.
18 Alam natin na ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; subalit ang ipinanganak ng Diyos ay nag-iingat sa kanyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama.
19 Alam natin na tayo'y sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.
20 At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan.
21 Mga munting anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.[c]
Si Habakuk ay Dumaing dahil sa Kawalan ng Katarungan
1 Ang pahayag ng Diyos na nakita ni propeta Habakuk.
2 O Panginoon, hanggang kailan ako hihingi ng tulong,
at hindi mo papakinggan?
O dadaing sa iyo ng “Karahasan!”
at hindi ka magliligtas?
3 Bakit mo hinahayaang makita ko ang kamalian,
at tingnan ang kasamaan?
Ang kasiraan at karahasan ay nasa harapan ko;
paglalaban at pagtatalo ay lumilitaw.
4 Kaya't ang batas ay hindi pinapansin,
at ang katarungan ay hindi kailanman nangingibabaw.
Sapagkat pinaliligiran ng masama ang matuwid;
kaya't ang katarungan ay nababaluktot.
Ang Sagot ng Panginoon
5 Magmasid(A) kayo sa mga bansa, at tumingin kayo;
mamangha at magtaka.
Sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawain sa inyong mga araw
na hindi ninyo paniniwalaan kapag sinabi sa inyo.
6 Sapagkat(B) narito, aking ginigising ang mga Caldeo,
ang malupit at marahas na bansa,
na lumalakad sa kaluwangan ng lupa,
upang sakupin ang mga tahanang hindi kanila.
7 Sila'y kakilakilabot at nakakatakot;
ang kanilang katarungan at karangalan ay mula sa kanilang sarili.
8 Ang kanilang mga kabayo ay matutulin kaysa mga leopardo,
higit na mababangis kaysa panggabing asong-gubat
at ang kanilang mga mangangabayo ay mabibilis.
Ang kanilang mga mangangabayo ay galing sa malayo;
sila'y lumilipad na parang agila na nagmamadali upang manakmal.
9 Silang lahat ay dumarating para sa karahasan;
na may mukhang pasulong.
Kanilang tinitipon ang mga bihag na parang buhangin.
10 Kanilang tinutuya ang mga hari,
at ang mga pinuno ay kanilang pinagtatawanan.
Kanilang kinukutya ang bawat tanggulan;
sapagkat kanilang binubuntunan ang lupa at sinasakop ito.
11 Pagkatapos ay lalampas sila na parang hangin
at magpapatuloy, mga taong nagkasala,
na ang sarili nilang kapangyarihan ay ang kanilang diyos!
Muling Dumaing si Habakuk
12 Di ba ikaw ay mula sa walang hanggan,
O Panginoon kong Diyos, aking Banal?
Kami ay hindi mamamatay.
O Panginoon, iyong itinakda sila sa paghuhukom;
at ikaw, O Malaking Bato, ang nagtatag sa kanila upang magtuwid.
13 “Ang iyong mga mata ay malilinis at hindi makakatingin sa kasamaan,”
at hindi makakatingin sa kamalian,
bakit mo minamasdan ang taong masasama,
at tumatahimik ka kapag sinasakmal ng masama
ang taong higit na matuwid kaysa kanya?
14 Sapagkat ginagawa mo ang mga tao na gaya ng mga isda sa dagat,
gaya ng mga gumagapang na bagay na walang namumuno.
15 Kanyang binubuhat silang lahat sa pamamagitan ng bingwit,
kanyang hinuhuli sila sa kanyang lambat,
at kanyang tinitipon sila sa kanyang panghuli,
kaya't siya'y nagagalak at nagsasaya.
16 Kaya't siya'y naghahandog sa kanyang lambat,
at nagsusunog ng kamanyang sa kanyang panghuli,
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyo'y nabubuhay siya sa karangyaan,
at ang kanyang pagkain ay sagana.
17 Patuloy ba niyang aalisan ng laman ang kanyang lambat,
at walang habag na papatayin ang mga bansa magpakailanman?
Tinanong ang Awtoridad ni Jesus(A)
20 Isang araw, samantalang tinuturuan ni Jesus[a] ang mga taong-bayan sa templo at ipinangangaral ang magandang balita, lumapit ang mga pari at ang mga eskriba na kasama ang matatanda.
2 At sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin, sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”
3 Siya'y sumagot sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at sabihin ninyo sa akin:
4 Ang bautismo ba ni Juan ay mula sa langit, o mula sa mga tao?”
5 At sila'y nag-usapan sa isa't isa na sinasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ ay sasabihin niya, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
6 Subalit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ ay babatuhin tayo ng mga taong-bayan, sapagkat sila'y napapaniwala na si Juan ay isang propeta.”
7 Kaya't sila'y sumagot na hindi nila nalalaman kung saan iyon nagmula.
8 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga ng mga Magsasaka sa Ubasan(B)
9 At(C) sinimulan niyang isalaysay sa taong-bayan ang talinghagang ito: “Isang tao ang nagtanim ng ubasan. Ipinagkatiwala niya ito sa mga magsasaka, at pumunta sa ibang lupain nang mahabang panahon.
10 Nang dumating ang panahon ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang siya'y bigyan mula sa bunga ng ubasan, subalit binugbog siya ng mga magsasaka, at pinaalis na walang dala.
11 Nagsugo siya ng isa pang alipin, subalit ito'y kanilang binugbog din at hiniya, at pinaalis na walang dala.
12 At nagsugo pa siya ng ikatlo. Ito ay kanilang sinugatan at pinagtabuyan.
13 Pagkatapos ay sinabi ng panginoon ng ubasan, ‘Anong gagawin ko? Susuguin ko ang minamahal kong anak, baka siya'y igagalang nila.’
14 Subalit nang makita siya ng mga magsasaka ay sinabi nila sa kanilang mga sarili, ‘Ito ang tagapagmana, patayin natin siya upang ang mana ay maging atin.’
15 Kaya't kanilang itinapon siya sa labas ng ubasan at pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
16 Siya'y darating at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” At nang marinig nila ito ay sinabi nila, “Huwag nawang mangyari.”
17 Subalit(D) tumingin siya sa kanila at sinabi, “Ano nga itong nasusulat,
‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong panulok?’
18 Ang bawat mahulog sa ibabaw ng batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang mabagsakan nito.”
19 Pinagsikapan siyang pagbuhatan ng kamay sa oras na iyon ng mga eskriba at ng mga punong pari, sapagkat nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, subalit sila'y natakot sa taong-bayan.
Ang Katanungan tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(E)
20 Kaya't siya'y minatyagan nila at nagsugo ng mga espiya na nagkunwaring matatapat, upang siya'y hulihin sa kanyang salita, para siya'y maibigay sa mga pinuno at awtoridad ng gobernador.
21 At kanilang tinanong siya, “Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid at wala kang pinapanigang tao, kundi itinuturo mo ayon sa katotohanan ang daan ng Diyos.
22 Nararapat bang kami ay magbuwis kay Cesar, o hindi?”
23 Subalit batid niya ang kanilang katusuhan at sinabi sa kanila,
24 “Ipakita ninyo sa akin ang isang denario. Kanino ang larawan at ang nakasulat dito?” At sinabi nila, “Kay Cesar.”
25 At sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”
26 At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang salita sa harap ng mga taong-bayan. At sa pagkamangha nila sa kanyang sagot sila ay tumahimik.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(F)
27 May(G) lumapit sa kanyang ilang Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay.
28 At(H) kanilang tinanong siya, “Guro, isinulat ni Moises para sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang tao ay mamatay, na may iniwang asawa subalit walang anak, pakakasalan ng lalaki ang balo at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.
29 Ngayon, mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak;
30 gayundin ang pangalawa;
31 at pinakasalan ng pangatlo ang babae, at namatay ang pito na pawang walang iniwang anak.
32 Pagkatapos ay namatay naman ang babae.
33 Kaya't sa muling pagkabuhay, sino ang magiging asawa ng babaing iyon sapagkat siya'y naging asawa ng pito.
34 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga anak ng panahong ito ay nag-aasawa at pinag-aasawa,
35 subalit ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay hindi nag-aasawa o pinag-aasawa.
36 Hindi na sila mamamatay pa, sapagkat katulad na sila ng mga anghel at sila'y mga anak ng Diyos, palibhasa'y mga anak ng muling pagkabuhay.
37 Subalit(I) ang tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay ay ipinakita maging ni Moises sa kasaysayan tungkol sa mababang punungkahoy, na doon ay tinawag niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.
38 Ngunit siya'y hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat sa kanya silang lahat ay nabubuhay.”
39 At ang ilan sa mga eskriba ay sumagot, “Guro, mahusay ang iyong pagsagot.”
40 Sapagkat hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng anuman.
Mga Tanong tungkol sa Anak ni David(J)
41 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Paano nila nasasabi na ang Cristo ay anak ni David?
42 Gayong(K) si David mismo ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa aking kanan,
43 hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa.”’
44 Tinatawag siya ni David na Panginoon, kaya't paanong siya'y naging anak niya?”
Ang Babala tungkol sa mga Eskriba(L)
45 At sa pandinig ng lahat ng mga tao ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,
46 “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais lumakad na may mahahabang damit, at gustung-gusto ang mga pagpupugay sa mga pamilihan, ang pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang mga mararangal na lugar sa mga handaan.
47 Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo, at sa pagkukunwari ay nananalangin sila ng mahahaba. Sila ay tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001