Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 17

Si Jehoshafat ang Pumalit kay Asa

17 Si Jehoshafat na kanyang anak ay nagharing kapalit niya at pinalakas ang kanyang sarili laban sa Israel.

Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may kuta sa Juda, at naglagay ng mga tanggulan sa lupain ng Juda, at sa mga lunsod ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama.

Ang Panginoon ay kasama ni Jehoshafat, sapagkat siya'y lumakad sa mga unang lakad ng kanyang ama[a] at hindi niya hinanap ang mga Baal;

kundi hinanap ang Diyos ng kanyang ama at lumakad sa kanyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel.

Kaya't pinatatag ng Panginoon ang kaharian sa kanyang kamay. Ang buong Juda ay nagdala kay Jehoshafat ng mga kaloob at siya'y nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan.

Ang kanyang puso ay matapang sa mga pamamaraan ng Panginoon; at bukod dito'y inalis niya ang matataas na dako at ang mga sagradong poste[b] sa Juda.

Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari ay kanyang sinugo ang kanyang mga pinuno, sina Benhail, Obadias, Zacarias, Natanael, at Micaya upang magturo sa mga bayan ng Juda.

Kasama nila ang mga Levita na sina Shemaya, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jonathan, Adonias, Tobia, at Tobadonias, at kasama ng mga Levitang ito ay ang mga paring sina Elishama at Jehoram.

At sila'y nagturo sa Juda na may aklat ng kautusan ng Panginoon. Sila'y humayo sa palibot ng lahat na bayan ng Juda at nagturo sa gitna ng bayan.

Ang Kadakilaan ni Jehoshafat

10 At ang takot sa Panginoon ay dumating sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nasa palibot ng Juda, at sila'y hindi nakipagdigma laban kay Jehoshafat.

11 Ang ilan sa mga Filisteo ay nagdala ng mga kaloob kay Jehoshafat at ng pilak bilang buwis; ang mga taga-Arabia ay nagdala naman sa kanya ng pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalaki.

12 At si Jehoshafat ay lalong naging makapangyarihan. Siya'y nagtayo sa Juda ng mga muog at mga lunsod-imbakan,

13 at siya'y nagkaroon ng maraming mga imbakan sa mga bayan ng Juda. Nagkaroon siya ng mga kawal, mga magigiting na mandirigma sa Jerusalem.

14 Ito ang bilang nila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: mula sa Juda, ang mga punong-kawal ng libu-libo; si Adna na punong-kawal, na may kasamang tatlong daang libong magigiting na mandirigma;

15 at sunod sa kanya ay si Jehohanan na punong-kawal, na may dalawandaan at walumpung libo.

16 Kasunod niya ay si Amasias na anak ni Zicri, isang kusang-loob para sa paglilingkod sa Panginoon; na may dalawandaang libong magigiting na mandirigma.

17 Mula sa Benjamin: si Eliada na isang magiting na mandirigma, na may dalawandaang libong tauhan na may sakbat na pana at kalasag,

18 at sunod sa kanya ay si Jozabad na may isandaan at walumpung libo na may sandata sa pakikipagdigma.

19 Ang mga ito ay naglingkod sa hari bukod sa mga inilagay ng hari sa mga lunsod na may kuta sa buong Juda.

Apocalipsis 6

Ang Pitong Tatak

Pagkatapos ay nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buháy, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, “Halika!”

Tumingin(A) ako at nakita ko ang isang kabayong puti, at ang nakasakay doon ay may isang pana; binigyan siya ng isang korona at siya'y humayong lumulupig, at upang lumupig.

Nang buksan niya ang ikalawang tatak ay narinig ko ang ikalawang nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!”

At(B) may lumabas na isa pang pulang kabayo at ang nakasakay doon ay pinagkaloobang alisin sa lupa ang kapayapaan upang magpatayan ang isa't isa; at binigyan siya ng isang malaking tabak.

Nang(C) buksan niya ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!” At nakita ko ang isang kabayong itim; at ang nakasakay rito ay may isang timbangan sa kanyang kamay.

At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Isang takal na trigo para sa isang denario at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; ngunit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!”

Nang buksan niya ang ikaapat na tatak ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Halika!”

Tumingin(D) ako at naroon ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay roon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. At sila'y pinagkalooban ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng taggutom, ng salot, at ng mababangis na hayop sa lupa.

Nang buksan niya ang ikalimang tatak ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos, at dahil sa patotoong taglay nila.

10 Sila'y sumigaw nang may malakas na tinig, “Kailan pa, O Makapangyarihang Panginoon, banal at totoo, bago mo hatulan at ipaghiganti ang aming dugo sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa?”

11 At binigyan ang bawat isa sa kanila ng isang puting balabal at sa kanila'y sinabi na magpahinga pa sila ng kaunting panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papataying tulad nila.

12 Nang(E) buksan niya ang ikaanim na tatak, nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng damit-sako at ang bilog na buwan ay naging gaya ng dugo;

13 at(F) ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na nalalaglag ang kanyang mga bungang bubot kapag inuuga ng malakas na hangin.

14 Ang(G) langit ay nahawi na gaya ng isang balumbong nilululon, at ang bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinalalagyan.

15 Ang(H) mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok;

16 at(I) sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa poot ng Kordero;

17 sapagkat(J) dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?”[a]

Zacarias 2

Ang Pangitain tungkol sa Pising Panukat

Tumingin ako sa itaas at nakita ko at narito, ang isang lalaki na may panukat na pisi sa kanyang kamay.

Nang magkagayo'y sinabi ko, “Saan ka pupunta?” Sinabi niya sa akin, “Upang sukatin ang Jerusalem, upang tingnan kung ano ang luwang at haba nito.”

At narito, ang anghel na nakipag-usap sa akin ay umalis, at isa pang anghel ang dumating upang salubungin siya.

Sinabi sa kanya, “Tumakbo ka, sabihin mo sa binatang ito, ‘Ang Jerusalem ay titirhan na parang mga nayon na walang mga pader, dahil sa dami ng mga tao at hayop doon.

Sapagkat ako ay magiging sa kanya'y isang pader na apoy sa palibot, sabi ng Panginoon, at ako'y magiging kaluwalhatian sa gitna niya.’”

Ang mga Bihag ay Tinawagan upang Umuwi na

“Hoy! Hoy! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga, sapagkat ikinalat ko kayo na gaya ng apat na hangin ng kalangitan,” sabi ng Panginoon.

Hoy! Tumakas ka na Zion, ikaw na naninirahang kasama ng anak na babae ng Babilonia.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, pagkatapos na suguin ako ng kanyang kaluwalhatian sa mga bansa na nanamsam sa inyo: Tunay na ang sumaling sa inyo ay sumasaling sa itim ng kanyang mata.

“Sapagkat narito, iwawagayway ko ang aking kamay sa kanila, at sila'y magiging samsam sa mga naglilingkod sa kanila. Inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.

10 Umawit ka at magalak, O anak na babae ng Zion, sapagkat narito, ako'y dumarating at ako'y maninirahan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.

11 Maraming bansa ang sasama sa Panginoon sa araw na iyon, at magiging aking bayan; ako'y maninirahan sa gitna mo at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa iyo.

12 Mamanahin ng Panginoon ang Juda bilang bahagi niya sa banal na lupain at muling pipiliin ang Jerusalem.

13 Tumahimik kayong lahat ng tao sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y bumangon na mula sa kanyang banal na tahanan.

Juan 5

Pinagaling ang Isang Lumpo

Pagkaraan nito ay nagkaroon ng pista ang mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

Sa Jerusalem nga'y may isang tipunan ng tubig sa tabi ng Pintuan ng mga Tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Bet-zatha[a] na may limang portiko.

Sa mga ito ay nakahiga ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga lumpo.[b]

[Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tipunan ng tubig at kinakalawkaw ang tubig; at ang unang manaog sa tipunan ng tubig, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na dinaramdam.]

Naroon ang isang lalaki na may tatlumpu't walong taon nang maysakit.

Nang makita ni Jesus na siya'y nakahiga at nalamang siya'y matagal nang may sakit, ay sinabi niya sa kanya, “Ibig mo bang gumaling?”

Sumagot sa kanya ang lalaking may sakit, “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tipunan ng tubig kapag kinakalawkaw ang tubig; at samantalang ako'y lumalapit ay nakalusong na muna ang iba bago ako.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”

At kaagad gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath.

10 Kaya't(A) sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, “Ngayo'y araw ng Sabbath, at hindi ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan.”

11 Ngunit sila'y sinagot niya, “Ang nagpagaling sa akin ang siyang nagsabi sa akin, ‘Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.’”

12 Siya'y kanilang tinanong, “Sino ang taong nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?’”

13 Ngunit hindi nakilala ng taong pinagaling kung sino iyon, sapagkat si Jesus ay umalis na sa maraming tao na naroroon.

14 Pagkatapos ay natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ikaw ay gumaling na; huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama.”

15 Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya.

16 Dahil dito'y inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath.

17 Subalit sinagot sila ni Jesus, “Hanggang ngayo'y patuloy sa paggawa ang aking Ama, at ako'y patuloy rin sa paggawa.”

18 Dahil dito ay lalong pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin sapagkat hindi lamang nilabag niya ang araw ng Sabbath, kundi tinatawag din na kanyang sariling Ama ang Diyos, at ginagawa ang sarili niya na kapantay ng Diyos.

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.

20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.

21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.

22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;

23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay.

26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ay pinagkalooban din niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili.

27 At siya'y binigyan niya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya'y Anak ng Tao.

28 Huwag ninyong ipagtaka ito, sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig,

29 at(B) magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan.

Mga Patotoo kay Jesus

30 “Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili. Humahatol ako ayon sa aking naririnig, at ang paghatol ko'y matuwid, sapagkat hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 Kung ako'y nagpapatotoo para sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi totoo.

32 Iba ang nagpapatotoo para sa akin at alam ko na ang patotoo niya para sa akin ay totoo.

33 Kayo'y(C) nagpadala ng sugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.

34 Hindi sa tinatanggap ko ang patotoong mula sa tao, subalit sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo'y maligtas.

35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag, at ninais ninyong kayo'y magalak sumandali sa kanyang liwanag.

36 Subalit mayroon akong patotoo na lalong dakila kaysa kay Juan. Ang mga gawaing ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang mga gawaing ito na aking ginagawa ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako'y sinugo ng Ama.

37 Ang(D) Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, o hindi ninyo nakita ang kanyang anyo.

38 At walang salita niya na nananatili sa inyo sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa kanyang sinugo.

39 Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin.

40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.

42 Subalit nalalaman ko na ang pag-ibig ng Diyos ay wala sa inyo.

43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kung iba ang pumarito sa kanyang sariling pangalan, iyon ang inyong tatanggapin.

44 Paano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa't isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa tanging Diyos?

45 Huwag ninyong isiping paparatangan ko kayo sa Ama. May isang nagpaparatang sa inyo, si Moises, siya na inyong inaasahan.

46 Sapagkat kung kayo'y sumasampalataya kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin, sapagkat siya'y sumulat tungkol sa akin.

47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa kanyang mga sinulat ay paano kayong maniniwala sa aking mga salita?”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001