Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 12:1-21

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)

12 Sa pagkakataong iyon ay bumagtas sina Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Inabot ng gutom ang kanyang mga alagad at sila'y nagsimulang mamitas ng mga uhay at kumain. Subalit nang ito'y makita ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, ang mga alagad mo'y gumagawa ng ipinagbabawal sa araw ng Sabbath.” Sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom? Hindi ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na ihinandog, na hindi nararapat ayon sa batas na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi iyon ay para sa mga pari lamang? O hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ang mga pari sa loob ng templo ay hindi nagpapasaklaw sa Sabbath, subalit hindi sila itinuturing na nagkasala? Ngunit sinasabi ko sa inyo, narito ang isang higit na dakila kaysa templo. Kung alam lamang ninyo ang ibig sabihin nito: ‘Ang nais ko ay habag, at hindi handog,’ ay hindi ninyo sana hinatulan ang mga walang sala. Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(B)

Umalis doon si Jesus at pumasok sa sinagoga. 10 At naroon ang isang taong paralisado ang isang kamay. Tinanong nila si Jesus, “Ayon ba sa batas ang magpagaling ng maysakit sa araw ng Sabbath?” Itinanong nila ito upang makahanap ng maipaparatang sa kanya. 11 Sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, kung isa sa inyo ay may tupang nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabbath, hindi ba niya ito aabutin at iaahon? 12 Higit namang napakahalaga ng isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa batas ang gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.” 13 At sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga niya ito at ito'y nanumbalik sa dati, wala nang sakit katulad ng isa. 14 Gayunma'y umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya at nag-usap kung paano siya papatayin. 15 Subalit alam ito ni Jesus kaya't umalis siya roon. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at silang lahat ay kanyang pinagaling. 16 Ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ipamamalita ang tungkol sa kanya. 17 Naganap ito bilang katuparan ng sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias, na nagsasaad:

18 “Masdan ninyo ang hinirang kong lingkod,
    ang aking iniibig, na sa kanya ang kaluluwa ko'y nalulugod.
Ilalagay ko ang aking Espiritu sa kanya,
    at sa mga bansa ang katarungan ay ipahahayag niya.
19 Hindi siya makikipag-away o sisigaw man,
at walang makaririnig ng kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Nagalusang tambo ay hindi niya babaliin,
    nagbabagang mitsa ay hindi niya papatayin,
    hanggang ang katarungan ay maihatid niya sa tagumpay;
21     at magkakaroon ng pag-asa ang mga bansa sa kanyang pangalan.”

Marcos 3

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(A)

Minsang pumasok si Jesus sa sinagoga, naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado[a] ang isang kamay. Ilan sa mga naroon ang naghahanap ng maipaparatang laban kay Jesus.[b] Nagbantay silang mabuti at tiningnan kung kanyang pagagalingin ang lalaki[c] sa araw ng Sabbath. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” Tinanong ni Jesus ang mga naroroon, “Alin ba ang ipinahihintulot kung araw ng Sabbath: ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama; ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” Hindi makasagot ang mga naroon. Galit na tumingin sa kanila si Jesus at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay, at ito'y gumaling. Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano papatayin si Jesus.

Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa

Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagtungo sa lawa. Sumunod sa kanila ang napakaraming tao mula sa Galilea. Nang mabalitaan ang lahat ng ginagawa niya, nagdatingan ang napakaraming tao mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Nagpahanda (B) si Jesus ng isang bangkang magagamit upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Dahil marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit para lang mahawakan siya. 11 At tuwing makikita siya ng maruruming espiritu, nagpapatirapa ang mga ito sa kanyang harapan at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit silang pinagbawalan ni Jesus na sabihin kung sino siya.

Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawa(C)

13 Umakyat si Jesus sa bundok, tinawag niya ang kanyang mga pinili, at lumapit ang mga ito sa kanya. 14 Humirang siya ng labindalawa [na tinawag din niyang mga apostol][d] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral, 15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon na pinangalanan niyang Pedro; 17 si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo na binansagan niyang Boanerges, ibig sabihi'y mga Anak ng Kulog; 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo; 19 at si Judas Iscariote na nagkanulo sa kanya.

Si Jesus at si Beelzebul(D)

20 Pagtuloy ni Jesus sa isang bahay, muling nagtipon ang maraming tao kaya't hindi na nila makuhang kumain. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, pumunta sila upang siya'y sawayin sapagkat sinasabi ng mga tao, “Nawawala na siya sa sarili.” 22 Ang (E) sabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasaniban siya ni Beelzebul. Nagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.” 23 Dahil dito'y pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi ang ilang talinghaga, “Paanong mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24 Kung hinahati ng isang kaharian ang sarili, babagsak ang kahariang iyon. 25 At kung hinahati ng isang sambahayan ang sarili, hindi rin mananatili ang sambahayang iyon. 26 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, babagsak siya at darating ang kanyang wakas. 27 Walang maaaring makapasok sa bahay ng malakas na tao upang magnakaw malibang gapusin muna ang taong iyon; kung siya'y nakagapos na, saka pa lamang mananakawan ang kanyang bahay.

28 “Tinitiyak ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin. 29 Ngunit (F) sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapatatawad kailanman; nakagawa siya ng isang kasalanang walang hanggan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinabi nila, “Siya'y sinasaniban ng maruming espiritu.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(G)

31 Dumating ang ina at ang mga kapatid ni Jesus. Naroon sila sa labas ng bahay, at ipinatawag si Jesus. 32 Maraming tao ang nakaupo sa palibot ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki, hinahanap ka nila.” 33 “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?” tanong ni Jesus. 34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid! 35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Lucas 6

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)

Minsan isang Sabbath,[a] habang nagdaraan si Jesus sa isang triguhan, namitas ang kanyang mga alagad ng uhay at pagkaligis dito ng kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito. Ngunit ilan sa mga Fariseo ang nagsabi, “Bakit ninyo ginagawa ang ipinagbabawal kung Sabbath?” Kaya't sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na ihinandog at kinain ito at ipinamigay pa sa kanyang mga kasama. Hindi ito ipinahihintulot kainin ninuman maliban ng mga pari.” At sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”

Ang Taong Paralisado ang Kamay(B)

Araw din ng Sabbath nang pumasok si Jesus sa sinagoga upang magturo. Naroroon ang isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Si Jesus ay minatyagang mabuti ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo kung magpapagaling siya sa Sabbath. Nagnanais silang may maibintang laban sa kanya. Ngunit alam niya ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” Tumindig ang lalaki at tumayo nga ito roon. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tatanungin ko kayo, dapat bang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa araw ng Sabbath? Ang magligtas ng buhay o pumuksa?” 10 At pagkalibot ng tingin sa kanilang lahat ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong mga kamay.” Ganoon nga ang ginawa ng lalaki at gumaling ang kanyang kamay. 11 Ngunit nagngitngit sila sa galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.

Ang Pagtawag sa Labindalawa(C)

12 Nang mga araw na iyon, umakyat sa bundok si Jesus upang manalangin. Magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya sa kanila ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. 14 Ang mga ito ay sina Simon na tinawag niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; sina Santiago at Juan; sina Felipe, Bartolome, 15 Mateo, at Tomas; si Santiago na anak ni Alfeo; si Simon na tinawag na Makabayan; 16 si Judas na anak ni Santiago; at si Judas Iscariote, na naging taksil.

Si Jesus ay Nagturo at Nagpagaling ng may Sakit(D)

17 At bumaba si Jesus kasama nila, at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang malaking pangkat ng kanyang mga alagad at ang napakaraming taong buhat sa buong Judea at sa Jerusalem at sa mga baybaying bayan ng Tiro at Sidon. 18 Pumunta sila roon upang mapakinggan siya at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling din niya ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. 19 Sinikap ng lahat ng tao na mahipo siya sapagkat may kapangyarihang nagmumula sa kanya na nagpapagaling sa lahat.

Ang Mapapalad at ang mga Kahabag-habag(E)

20 At tumingin si Jesus sa kanyang mga alagad, at sinabi niya,

“Pinagpala kayong mga dukha,
    sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 Pinagpala kayong ngayon ay nagugutom,
    sapagkat kayo ay bubusugin.
Pinagpala kayong ngayon ay tumatangis,
    sapagkat kayo ay hahalakhak.

22 Pinagpala kayo kung kinapopootan kayo ng mga tao, at kung ipinagtatabuyan kayo at inaalipusta, at kung kinasusuklaman na tila masama ang inyong pangalan dahil sa Anak ng Tao. 23 Magalak kayo sa araw na iyon at lumundag sa kagalakan sapagkat tiyak na malaki ang inyong gantimpala sa langit. Ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta.

24 Subalit kaysaklap ng sasapitin ninyong mayayaman,
    sapagkat tinamasa na ninyo ang inyong kaginhawahan.
25 Kaysaklap ng sasapitin ninyong mga busog ngayon,
    sapagkat kayo ay magugutom.
Kaysaklap ng sasapitin ninyong tumatawa ngayon
    sapagkat kayo ay magluluksa at tatangis.

26 Kaysaklap ng sasapitin ninyo kapag lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Pag-ibig sa mga Kaaway(F)

27 “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig, ibigin ninyo ang inyong kaaway, at gawan ninyo ng kabutihan ang namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. 29 Kapag may sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit panloob. 30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo. At huwag mo nang bawiin pa ang iyong mga ari-arian sa umagaw nito. 31 Gawin mo sa iyong kapwa ang nais mong gawin nila sa iyo. 32 Kung ang mamahalin ninyo ay iyon lang mga nagmamahal sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagmamahal sa nagmamahal sa kanila. 33 Ano ang mapapala ninyo kung gagawa kayo ng mabuti doon lamang sa gumagawa sa inyo ng mabuti? Ganoon din ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Kung kayo'y nagpapautang doon lamang sa mga taong inaasahan ninyong makababayad, ano ang mapapala ninyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapautang sa inaasahan nilang makapagbabayad. 35 Kaya't mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gumawa kayo ng mabuti, at magpahiram kayo nang hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan sapagkat siya ay mabait sa mga walang utang na loob at sa masasama. 36 Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama na mahabagin.”

Ang Paghatol sa Iba(G)

37 “Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong humusga upang hindi kayo mahusgahan. Magpatawad kayo at kayo ay patatawarin. 38 Magbigay kayo at kayo ay bibigyan. Husto ang sukat, siksik, liglig at umaapaw ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat ang panukat na ginamit ninyo ang siya ring gagamiting panukat sa inyo.” 39 Sinabi pa niya sa kanila ang isang talinghaga, “Maaari bang akayin ng bulag ang kapwa bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay? 40 Hindi makahihigit sa kanyang guro ang isang alagad; subalit ang sinumang sinanay nang lubos ay magiging tulad ng kanyang guro. 41 Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid gayong hindi mo napapansin ang troso sa iyong mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ gayong ikaw mismo ay hindi nakakakita ng troso sa sarili mong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata at makakakita ka nang mabuti sa pag-alis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”

Ang Punongkahoy at ang Bunga Nito(H)

43 “Walang mabuting punong namumunga ng masama. Gayon din naman, walang masamang punong namumunga ng mabuti. 44 Bawat puno ay nakikilala sa sarili nitong bunga. Sapagkat hindi makapipitas ng igos sa tinikan ni hindi rin makapipitas ng ubas sa dawagan. 45 Gumagawa ng kabutihan ang mabuting tao dahil sa mabuting kayamanan ng kanyang puso, ngunit ang masamang tao ay gumagawa ng masama dahil sa kanyang kasamaan. Sapagkat mula sa kayamanan ng puso ay nagsasalita ang bibig.”

Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(I)

46 “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon! Panginoon!’ gayong hindi naman ninyo sinusunod ang inuutos ko? 47 Ipapakita ko sa inyo kung saan maihahalintulad ang lahat ng nagsisilapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at gumagawa nito. 48 Siya ay tulad ng isang taong sa pagtatayo ng kanyang bahay ay naghukay nang malalim at naglagay ng pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumaan ang baha at humampas sa bahay na iyon ay hindi iyon natinag sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito. 49 Ngunit ang nakarinig subalit hindi sumusunod sa mga ito at tulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay at itinayo ito sa lupang walang pundasyon. Kaya't nang hampasin ito ng agos ay agad na bumagsak. Malaki ang magiging sira ng bahay na iyon.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.