Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Lucas 14-15

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit

14 Isang araw ng Sabbath, pumasok si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain. Minamatyagan siyang mabuti ng mga Fariseo. Bigla na lamang pumunta sa kanyang harapan ang isang lalaking minamanas. Tinanong ni Jesus ang mga dalubhasa sa Kautusan at ang mga Fariseo, “Ipinahihintulot ba na magpagaling kung araw ng Sabbath o hindi?” Ngunit hindi sila umimik, kaya hinawakan niya ang maysakit at ito'y pinagaling at pinauwi. At sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman sa inyo ang may anak o toro na mahulog sa balon, hindi ba agad ninyo itong iaahon kahit na araw ng Sabbath?” Hindi nila masagot ang mga ito.

Mabuting Pakikitungo at Pagpapakababa

Nang mapansin niyang pinipili ng mga inanyayahan ang mga upuang pandangal, sinabi niya sa kanila ang isang talinghaga: “Kapag inanyayahan ka ng sinuman sa isang kasalan, huwag kang maupo sa upuang pandangal. Baka mayroon siyang inanyayahang mas kilala kaysa iyo. At sa paglapit ng nag-anyaya sa inyong dalawa ay sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang iyong upuan.’ Mapapahiya ka lamang at uupo sa pinakaabang upuan. 10 Sa halip, kung naanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakaabang upuan. Pagdating ng nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, lumipat ka sa mas marangal na upuan.’ Sa gayon ay mabibigyan ka ng dangal sa harap ng mga kasalo mo. 11 Sapagkat ibababa ang sinumang nagtataas ng sarili ngunit ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Sinabi rin niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang mga kaibigan mo, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o ang mayayaman mong kapitbahay; baka aanyayahan ka rin nila at sa gayo'y masusuklian ang iyong paanyaya. 13 Ngunit kung maghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, mga pilay, mga lumpo, at mga bulag. 14 Pagpapalain ka sapagkat hindi nila mababayaran ang iyong ginawa. Mababayaran ka na lamang sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

Talinghaga ng Malaking Hapunan(A)

15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya kaya't sinabi nito sa kanya, “Pinagpala ang makakasalo sa piging sa kaharian ng Diyos.” 16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Isang tao ang nagbigay ng isang piging at nag-anyaya ng marami. 17 Nang oras na ng hapunan, isinugo niya ang kanyang lingkod upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo! Sapagkat ang lahat ay handa na.’ 18 Ngunit lahat sila ay nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan kong puntahan iyon. Humihingi ako ng paumanhin.’ 19 Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares na baka at aalis ako upang subukin ang mga ito. Humihingi ako ng paumanhin.’ 20 Sinabi ng isa pa, ‘Bagong kasal ako kaya't hindi ako makadadalo.’ 21 Pagbalik ng lingkod, iniulat niya sa kanyang panginoon ang mga iyon. Sa galit ng panginoon ng sambahayan ay sinabi niya sa kanyang lingkod, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga dukha, mga pilay, mga bulag at mga lumpo.’ 22 Sinabi ng lingkod pagbalik nito, ‘Panginoon, natupad na ang ipinag-utos ninyo, pero may lugar pa rin.’ 23 Kaya sinabi ng panginoon sa lingkod, ‘Lumabas ka sa mga daan at bakuran. Pilitin mong pumarito ang mga tao upang mapuno ang aking bahay.’ 24 Sinasabi ko sa inyo, hindi makatitikim ng aking piging kahit isa man sa mga inanyayahan.”

Ang Kabayaran ng Pagiging Isang Alagad(B)

25 Sumama sa paglalakbay ni Jesus ang napakaraming tao. Humarap siya sa kanila at sinabi, 26 “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang lumalapit sa akin na hindi napopoot sa kanyang ama, ina, asawa, mga anak, mga kapatid, o maging sa kanyang sariling buhay. 27 Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin. 28 Sapagkat sino ba sa inyo na nagnanais magtayo ng tore ang hindi muna nauupo at inaalam ang magugugol upang matiyak kung mayroon siyang sapat na halaga hanggang matapos ito? 29 Baka kung nailagay na ang pundasyon at hindi ito makayang tapusin, kukutyain siya ng lahat ng makakakita sa kanya. 30 Sasabihin nila, ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naman niya kayang tapusin iyon.’ 31 O sinong hari ang makikipagdigma sa ibang hari ang hindi muna nauupo at sumasangguni sa kanyang mga tagapayo kung kayang manalo ng kanyang sampung libong kawal laban sa kalaban niyang sumusugod na may dalawampung libong kawal? 32 Kung hindi niya kaya, habang malayo pa ang kaaway ay magpapadala na siya ng sugo upang makipagkasundo para sa kapayapaan. 33 Kaya nga't sino man sa inyo na hindi magtatakwil sa lahat ng kanyang pag-aari ay hindi maaaring maging alagad ko.”

Asin na Walang Lasa(C)

34 “Mainam ang asin. Subalit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapapaalat? 35 Wala na itong silbi kahit sa lupa o sa tambakan ng dumi. Itatapon na lang ito sa labas. Makinig ang may pandinig.”

Ang Nawalang Tupa(D)

15 Lumalapit noon kay Jesus ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa kanya. Nagbulungan ang mga Fariseo at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo siya sa kanila.” Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito: “Sino sa inyo na may isandaang tupa at mawala ang isa, ang hindi mag-iiwan sa siyamnapu't siyam sa ilang at maghahanap sa nawala hanggang ito'y matagpuan? Kapag natagpuan na niya ito ay nagagalak niya itong papasanin, at pagdating sa bahay ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawalang tupa.’ Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng higit pang kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu't siyam na matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.”

Ang Nawalang Pilak

“O sino kayang babaing may sampung pirasong salaping pilak, kung mawawalan ng isang piraso ay hindi magsisindi ng ilawan at magwawalis ng bahay at matiyagang maghahanap hanggang sa matagpuan iyon? At kapag natagpuan na niya ito ay tatawagin ang mga kaibigan at kapitbahay at magsasabing, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking salaping pilak na nawawala.’ 10 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng kagalakan ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”

Ang Alibughang Anak

11 Sinabi pa niya, “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng nakababata sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo na sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati ng ama sa kanila ang kanyang ari-arian. 13 Pagdaan ng ilang araw, tinipon ng nakababata ang lahat ng kanya at umalis siya patungo sa malayong lupain. Doon ay nilustay niya ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay. 14 Nang maubos na niya ang lahat, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon kaya nagsimula na siyang mangailangan. 15 Namasukan siya sa isang mamamayan sa lupaing iyon at ipinadala siya nito sa bukid upang magpakain ng mga baboy. 16 Dahil sa gutom ay gusto na niyang kainin kahit ang mga pinagbalatan ng gulay na kinakain ng mga baboy ngunit wala kahit isa man na nagbigay sa kanya ng anuman. 17 Subalit nang matauhan ay sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Marami sa mga upahang lingkod ng aking ama ang sobra-sobra sa busog sa pagkain, samantalang ako rito'y namamatay sa gutom. 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin kong, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. 19 Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak. Ituring mo ako bilang isa sa iyong mga upahang lingkod.” ’ 20 Kaya siya ay tumindig at umuwi sa kanyang ama. Ngunit malayo pa lang siya ay natanaw na siya ng kanyang ama at labis itong naawa sa kanya. Tumakbo ito sa kanya, niyakap siya at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak.’ 22 Ngunit sinabi ng ama sa kanyang mga lingkod, ‘Magmadali kayo! Dalhin ninyo rito ang pinakamagandang balabal at isuot sa kanya. Suotan ninyo ng singsing ang kanyang daliri at ng mga sandalyas ang kanyang mga paa. 23 Kunin ninyo ang pinatabang guya at katayin. Tayo ay kakain at magdiriwang! 24 Sapagkat patay ang anak kong ito ngunit muling nabuhay. Siya ay nawala ngunit natagpuan.’ At nagsimula nga silang magdiwang.

25 “Nasa bukid noon ang nakatatandang anak at sa kanyang pag-uwi, nang malapit na siya sa bahay ay nakarinig siya ng tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa mga lingkod at tinanong kung ano ang nangyayari. 27 At sinabi nito sa kanya, ‘Narito na ang iyong kapatid! Ipinagkatay siya ng iyong ama ng pinatabang guya. Sapagkat nabawi siya ng iyong ama na ligtas at malusog.’ 28 Nagalit ang nakatatandang anak at ayaw pumasok. Kaya't lumabas ang kanyang ama at nakiusap sa kanya. 29 Ngunit sumagot siya sa kanyang ama, ‘Nakikita po ninyo na maraming taon na akong naglilingkod sa inyo at hindi ko sinuway kailanman ang inyong utos. Ngunit hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang kambing upang makipagsaya ako sa aking mga kaibigan. 30 Subalit nang bumalik ang anak mong ito na naglustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagkatay mo pa siya ng pinatabang guya.’ 31 Kaya't sinabi ng ama sa kanya, ‘Anak, lagi kitang kapiling at sa iyo ang lahat ng sa akin. 32 Ngunit nararapat lamang tayong magsaya at magalak sapagkat patay ang kapatid mong ito ngunit muling nabuhay. Siya ay nawala ngunit natagpuan.’ ”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.