Chronological
Tinukso ng Diyablo si Jesus(A)
4 Pagkatapos, dinala ng Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Pagkatapos mag-ayuno ng apatnapung araw at apatnapung gabi, siya ay nagutom. 3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, ipag-utos mong maging tinapay ang mga batong ito.” 4 Ngunit sumagot si Jesus,
“Nasusulat,
‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’ ”
5 Kasunod nito'y dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod at inilagay siya sa tuktok ng templo. 6 Sinabi nito sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, tumalon ka mula riyan, sapagkat nasusulat,
‘Uutusan niya ang kanyang mga anghel na ingatan ka,’
at ‘Mga kamay nila sa iyo ay sasalo,
upang ang paa mo'y hindi masaktan sa bato.’ ”
7 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’ ” 8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan at ang dangal ng mga ito. 9 Sinabi nito sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga ito, kung yuyukod ka at sasamba sa akin.” 10 Sumagot sa kanya si Jesus, “Layas, Satanas! Sapagkat nasusulat,
‘Ang Panginoong Diyos ang iyong sasambahin
at siya lamang ang iyong paglilingkuran.’ ”
11 At iniwan siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain sa Galilea(B)
12 Nabalitaan ni Jesus na si Juan ay dinakip kaya't pumunta siya sa Galilea. 13 Nilisan niya ang Nazareth at siya'y nanirahan sa Capernaum na nasa tabing-dagat, sa nasasakupan ng Zebulun at Neftali, 14 upang matupad ang salita ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias:
15 “Ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali—
daang patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil—
16 Ang bayang itong nasasadlak sa kadiliman
ay nakakita ng malaking tanglaw,
Sa kanilang nakaupo sa lilim ng kamatayan
ay may liwanag na sumilang.”
17 Mula noon ay nagsimulang mangaral ng ganito si Jesus, “Magsisi kayo, sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(C)
18 Habang naglalakad sa baybayin ng lawa ng Galilea, nakita ni Jesus ang magkapatid na si Simon (na binansagang Pedro) at si Andres, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila ay mga mangingisda. 19 At sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” 20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. 21 Sa paglalakad pa niya ay nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka silang kasama ang kanilang ama at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag niya ang magkapatid. 22 Agad nilang iniwan ang bangka pati ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.
Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(D)
23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea sa pagtuturo sa mga sinagoga ng mga Judio at pagpapahayag ng Magandang Balita ng kaharian. Pinagagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Kaya't kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong Syria. Dinala sa kanya ang lahat ng maysakit, ang mga pinahihirapan ng iba't ibang uri ng sakit at kirot, ang mga sinasaniban ng mga demonyo, ang mga may epilepsiya, at ang mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 At sumunod sa kanya ang napakaraming tao mula sa Galilea at sa Decapolis, mula sa Jerusalem at Judea, at mula sa ibayo ng Jordan.
Tinukso si Jesus(A)
4 Bumalik mula sa Jordan si Jesus na puspos ng Banal na Espiritu. Dinala siya ng Espiritu sa ilang 2 at doon ay apatnapung araw siyang tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon kaya't nagutom siya makalipas ang mga ito. 3 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” 4 Ngunit sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao.’ ” 5 Dinala siya ng diyablo sa mataas na lugar at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa sanlibutan. 6 Sinabi sa kanya ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang karapatan sa lahat ng ito at ang kaluwalhatian nila sapagkat ipinagkaloob na ito sa akin. Maibibigay ko ito kanino ko man ibigin. 7 Kaya't kung sasambahin mo ako, magiging iyo na ang lahat ng ito.” 8 Sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat,
‘Ang Panginoon mong Diyos ang sambahin mo
at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”
9 Dinala siya ng diyablo sa Jerusalem at inilagay sa tuktok ng templo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, tumalon kang pababa mula rito; 10 sapagkat nasusulat,
‘Uutusan niya ang kanyang mga anghel na alagaan ka.
11 At aalalayan ka nila,
nang hindi tumama sa bato ang iyong paa.’ ”
12 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus, “Sinasabi rin, ‘Huwag mong subukan ang Panginoon mong Diyos.’ ”
13 At matapos ang lahat ng pagsubok, nilayuan siya ng diyablo at naghintay ito ng ibang pagkakataon.
Ang Pasimula ng Gawain sa Galilea(B)
14 Bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu at sa buong lupain ay kumalat ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga taglay ang papuri ng lahat.
Ang Pagtataboy kay Jesus(C)
16 Dumating siya sa Nazareth na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang araw ng Sabbath at tumindig upang magbasa. 17 Iniabot sa kanya ang aklat ng propetang si Isaias at pagkabukas dito ay natunghayan niya ang dako kung saan nasusulat,
18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha.
Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag ang paglaya
at sa mga bulag na sila'y makakita
upang bigyang-laya ang mga inaapi,
19 at ipahayag ang pinapagpalang taon ng Panginoon.”
20 Inirolyo ni Jesus at isinauli ang aklat sa tagapaglingkod, at siya'y naupo. At ang mga mata ng lahat ng sinagoga ay nakatitig sa kanya. 21 Sinimulan niyang sabihin sa kanila, “Sa araw na ito ay natupad ang kasulatang inyong narinig.” 22 Pinuri siya ng lahat at namangha sila sa mapagpalang salita na sinabi niya. Sinabi nila, “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang talinghagang ito, ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili. Gawin mo rin dito sa iyong bayang tinubuan ang mga narinig naming nangyari sa Capernaum.’ ” 24 Sinabi niya, “Tandaan ninyo ang sinasabi ko: walang propetang kinikilala sa kanyang bayang tinubuan. 25 Ngunit ang totoo, maraming balong babae sa Israel noong panahon ni Elias, nang tatlong taon at anim na buwang hindi umulan na nagsanhi ng taggutom sa buong lupain. 26 Ngunit hindi isinugo si Elias sa isa man sa kanila kundi sa isang balong babae sa Zarefta sa lupain ng Sidon. 27 Marami rin namang ketongin sa Israel noong panahon ng propetang si Eliseo ngunit walang pinagaling sa kanila maliban kay Naaman na taga-Syria.” 28 Pagkarinig dito, nagngitngit sa galit ang lahat ng nasa sinagoga. 29 Nagtindigan sila at itinaboy siya papalabas ng bayan at dinala siya sa bingit ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan upang ihulog siya roon. 30 Ngunit siya ay dumaan lamang sa kalagitnaan nila at umalis.
Isang Taong may Maruming Espiritu(D)
31 Bumaba siya patungong Capernaum na isang bayan ng Galilea. Doon ay nagturo siya sa kanila sa araw ng Sabbath. 32 Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang mga sinasabi. 33 May isang lalaki sa sinagoga na sinasaniban ng espiritu ng karumal-dumal na demonyo. Sumigaw ito nang malakas, 34 “Ah! Jesus na taga-Nazareth, ano'ng pakialam mo sa amin? Naparito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka—ang Banal ng Diyos.” 35 Subalit sinaway siya ni Jesus na nagsabing, “Tumahimik ka at lumabas ka sa kanya.” At ang lalaki'y inilugmok ng demonyo sa harapan ng lahat at lumabas ito sa kanya na hindi sinaktan. 36 At namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, “Pambihirang katuruan ito! Sapagkat inuutusan niya ng may awtoridad at kapangyarihan ang maruruming espiritu at sila ay lumalabas.” 37 Kaya't kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako ng lupain.
Pinagaling ni Jesus ang Maraming Tao(E)
38 Nilisan ni Jesus ang sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay inaapoy sa lagnat ang biyenang babae ni Simon at nakiusap sila kay Jesus para sa kanya. 39 At tumayo si Jesus sa tabi nito, pinatigil niya ang lagnat at nawala nga ito. Kaya't pagtayo ng babae, agad itong naglingkod sa kanila. 40 Nang palubog na ang araw, dinala sa kanya ng lahat ang kani-kanilang may mga sari-saring karamdaman. At pagkapatong ng kanyang mga kamay sa bawat isa ay pinagaling sila. 41 Sa marami ay lumayas din ang mga demonyo na pasigaw na nagsasabing, “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Ngunit sinaway niya ang mga ito at pinagbawalang magsalita sapagkat kilala nila na siya ang Cristo.
Nangaral si Jesus sa mga Sinagoga(F)
42 Kinaumagahan, nagtungo si Jesus sa ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao. Lumapit sila sa kanya at pinipigilan siyang lumayo sa kanila. 43 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang mabuting balita tungkol sa paghahari ng Diyos sapagkat isinugo ako para rito.” 44 At siya ay nangaral sa mga sinagoga ng Judea.
Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad(G)
5 Samantalang si Jesus ay nakatayo sa baybay ng lawa ng Genesaret at habang nag-uunahang palapit sa kanya ang mga tao upang makinig sa salita ng Diyos, 2 nakita niya ang dalawang bangkang nakadaong sa tabi ng lawa. Wala na sa mga bangka ang mga mangingisda dahil naghuhugas na ng kanilang mga lambat. 3 Sinakyan niya ang bangka na pag-aari ni Simon. Hiniling niya kay Simon na sumagwan nang kaunti palayo sa lupa. Umupo siya at nagturo sa mga tao mula sa bangka. 4 Nang matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon, “Dumako kayo sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.” 5 Sumagot si Simon, “Ginoo, buong magdamag po kaming nagtiyaga ngunit wala kaming nahuli. Subalit dahil sa inyong utos, ihuhulog ko ang lambat.” 6 Pagkagawa nila nito, nakahuli sila ng napakaraming isda na halos ikapunit ng kanilang mga lambat. 7 Kaya't kinawayan nila ang kanilang mga kasamahan sa kabilang bangka upang lumapit at tumulong sa kanila. Lumapit nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang sa halos lumubog na ang mga ito. 8 Nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa harap ni Jesus habang sinasabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y taong makasalanan.” 9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang mga kasama ay namangha dahil sa nahuli nilang mga isda, 10 gayundin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, ikaw ay magiging tagapangisda na ng mga tao.” 11 Nang maidaong na nila sa lupa ang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Pinagaling ang Isang Ketongin(H)
12 Minsan ay nasa isang bayan si Jesus nang dumating ang isang lalaking punung-puno ng ketong. Pagkakita nito kay Jesus, patirapa itong nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako ay mapagagaling ninyo.” 13 Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinawakan ang lalaki at sinabi, “Nais ko, gumaling ka!” At agad nawala ang ketong ng lalaki. 14 Pinagbilinan ni Jesus ang lalaki, “Huwag mo itong ipagsasabi kaninuman. Humayo ka at ipasuri mo ang iyong sarili sa pari, at mag-alay ng ayon sa iniutos ni Moises tungkol sa iyong pagkalinis bilang patotoo sa kanila.” 15 Ngunit lalong kumalat ang balita tungkol kay Jesus at pinagkaguluhan siya ng napakaraming tao upang makinig at magpagamot ng kanilang mga karamdaman. 16 Ngunit siya ay umiwas patungong ilang at nanalangin.
Pinagaling ang Isang Paralitiko(I)
17 Isang araw, habang siya ay nagtuturo, nakaupong malapit ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Nagmula pa sila sa bawat nayon ng Galilea, Judea, at Jerusalem. Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nakay Jesus upang makapagpagaling. 18 At dumating ang mga lalaking may dalang isang lalaking paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang maipasok ito at mailagay sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit dahil sa dami ng tao ay hindi nila malaman kung paano ito mailalapit sa kanya. Kaya't umakyat sila sa bubungan, tinuklap ang bubong na tisa at sa harapan ni Jesus sa gitna ng silid ay ibinaba ang lalaking nakahiga sa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” 21 Kaya't nagsimulang magtanong ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo, “Sino ba itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Sino ba ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?” 22 Ngunit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 23 Alin ba ang mas madali? Ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’ 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi niya sa paralitiko, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka at umuwi ka na sa iyong bahay na dala ang iyong higaan.” 25 Kaagad tumayo ang lalaki sa harapan nila, binuhat ang kanyang higaan, at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Binalot ng pagkamangha ang lahat at pinuri nila ang Diyos. Napuno sila ng takot at nagsabing, “Kamangha-manghang mga bagay ang nasaksihan natin ngayon!”
Ang Pagtawag kay Levi(J)
27 Pagkatapos ng mga ito ay umalis si Jesus at nakita niya ang isang maniningil ng buwis na ang pangalan ay Levi. Nakaupo ito sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin!” 28 Tumayo si Levi, iniwan ang lahat at sumunod kay Jesus. 29 Ipinaghanda siya ni Levi sa bahay nito ng isang malaking piging. Kasalo nila roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't nagreklamo sa mga alagad ni Jesus ang mga Fariseo at kanilang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Bakit kayo nakikisalo at umiinom sa piling ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 31 Sumagot sa kanila si Jesus, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan sa manggagamot kundi ang mga maysakit. 32 Hindi ako pumarito upang tawaging magsisi ang matutuwid kundi ang mga makasalanan.”
Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(K)
33 Sinabi ng ilan kay Jesus, “Madalas mag-ayuno at manalangin ang mga alagad ni Juan. Gayundin naman ang sa mga Fariseo. Ngunit ang mga alagad mo ay kumakain at umiinom.” 34 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Dapat bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay ng ikakasal habang kapiling nila ang lalaking ikakasal? 35 Ngunit darating din naman ang mga araw kung kailan ilalayo sa kanila ang lalaking ikakasal. Sa mga araw na iyon pa lamang sila mag-aayuno.” 36 At sinabi niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumupunit ng bagong damit at ipinantatagpi iyon sa lumang damit. Kung gagawin iyon, masisira ang bago at ang tagping mula sa bago ay hindi babagay sa luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Papuputukin lamang ng bagong alak ang sisidlang balat. Matatapon lang ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa halip, dapat ilagay ang bagong alak sa bagong sisidlang balat. 39 At walang sinuman na matapos uminom ng lumang alak ang magnanais ng bagong alak. Sa halip, sasabihin niyang, ‘Mas masarap ang lumang alak.’ ”
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw na sinasabi, “Siya ang tinukoy ko nang sabihin kong, ‘Siya na dumarating kasunod ko ay higit kaysa akin, sapagkat siya'y nauna sa akin.’ ” 16 At tumanggap tayong lahat mula sa kanyang kapuspusan; kagandahang-loob na sinundan pa ng kagandahang-loob. 17 Sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises; ang kagandahang-loob at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanma'y walang nakakita sa Diyos; ang natatanging Diyos[a] na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya.
Ang Pagpapatotoo ni Juan
19 At ito ang patotoo ni Juan nang nagpadala ang mga Judio ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya, “Sino ka ba?” 20 Nagpahayag siya at hindi nagkaila, kundi sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 (A)At tinanong nila si Juan, “Kung gayon, ikaw ba si Elias?” Sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At sumagot siya, “Hindi.” 22 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Sino ka? Bigyan mo kami ng kasagutang maaari naming ibigay sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 (B)Sinabi niya,
“Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon,’
tulad ng sinabi ni propetang Isaias.” 24 Ang mga ito ay sugo mula sa mga Fariseo. 25 Muli silang nagtanong sa kanya, “Kung gayon bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, hindi rin ikaw si Elias, ni ang propeta?” 26 Sinagot sila ni Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo kilala; 27 siya ang dumarating na kasunod ko; hindi ako karapat-dapat na magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.” 28 Nangyari ito sa Betania sa kabilang ibayo ng Jordan kung saan nagbabautismo si Juan.
Ang Kordero ng Diyos
29 Nang sumunod na araw, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya, at sinabi niya, “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Siya ang binanggit ko sa inyo, ‘Kasunod ko ang lalaking mas una kaysa sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’ 31 Hindi ko siya nakilala; ngunit ako'y dumating at nagbabautismo sa tubig, upang siya'y maihayag sa Israel.” 32 Pagkatapos nito'y nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumaba gaya ng isang kalapati mula sa langit at nanatili ito sa kanya. 33 Hindi ko siya nakilala; ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makikitang bababa at mananatili ang Espiritu ay siyang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko't napatunayan na ito ang Anak ng Diyos.”
Ang Mga Naunang Alagad ni Jesus
35 Nang sumunod na araw, naroon muli't nakatayo si Juan kasama ng dalawa sa mga tagasunod niya. 36 Minasdan niya si Jesus habang naglalakad ito at sinabing, “Narito, ang kordero ng Diyos!” 37 Narinig ng dalawang tagasunod niya nang sabihin niya ito kaya sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus, nakita niya silang sumusunod kaya sinabi niya sa kanila, “Ano ang hinahanap ninyo?” At sinabi nila, “Rabbi, saan po kayo nakatira?” (Ang kahulugan ng “Rabbi” ay guro.) 39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo nang makita ninyo.” Sumama nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, at mag-iikaapat na ng hapon noon. 40 Isa sa dalawang nakarinig sa sinabi ni Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kapatid niyang si Simon at sinabi niya sa kanya, “Natagpuan na namin ang Mesiyas” (na ang katumbas ay Cristo). 42 Siya'y dinala niya kay Jesus. Tumingin si Jesus sa kanya at sinabi, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang itatawag na sa iyo ay Cefas[b] ”(na ang katumbas ay Pedro).
Si Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na magpunta sa Galilea. Doon ay natagpuan niya si Felipe at sinabi rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 Si Felipe ay taga-Bethsaida, lungsod nina Andres at Pedro. 45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa rito, “Natagpuan na namin siya na tinutukoy ni Moises sa Kautusan, na siya ring isinulat ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazareth, ang anak ni Jose.” 46 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “May mabuting bagay ba na maaring manggaling sa Nazareth?” Sinabi ni Felipe sa kanya, “Halika at tingnan mo.” 47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit kung kaya't siya'y nagsalita ng tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya.” 48 Sinabi ni Nathanael sa kanya, “Paano po ninyo ako nakilala?” Sinagot siya ni Jesus, “Bago ka tawagin ni Felipe, nakita kita habang nasa ilalim ng puno ng igos.” 49 Sinagot siya ni Nathanael at sinabi, “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang hari ng Israel!” 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniniwala ka ba dahil sinabi ko sa'yo na nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Mga dakilang bagay na higit pa sa mga ito ang makikita mo.” 51 (C)At sinabi pa niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit at ang mga anghel ng Diyos na umaakyat at bumababa sa Anak ng Tao.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.