Chronological
Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(A)
12 Nang magkatipun-tipon ang libu-libong tao na halos matapakan na ang isa't isa, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo. Ito ay ang kanilang pagkukunwari. 2 Walang natatakpan na hindi malalantad, at walang natatago na hindi mabubunyag. 3 Kaya nga anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at anumang ibulong ninyo sa lihim na silid ay ipapahayag mula sa bubungan.
Ang Dapat Katakutan(B)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan at pagkatapos nito ay wala na silang magagawa. 5 Ipapakita ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo ang may kapangyarihang magtapon sa inyo sa impiyerno matapos kayong patayin. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan. 6 Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos. 7 Maging ang buhok sa inyong ulo ay bilang lahat. Huwag kayong mangamba. Higit kayong mahalaga kaysa mga maya.
Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(C)
8 “Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila rin sa harap ng mga anghel ng Diyos. 10 Sinumang magsalita ng laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit hindi mapapatawad ang magsalita ng paglapastangan sa Banal na Espiritu. 11 Kapag iniharap nila kayo sa sinagoga at sa mga pinuno at mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mag-alala kung paano ninyo ipagtanggol ang inyong sarili, o kung ano ang inyong sasabihin, 12 sapagkat tuturuan kayo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal
13 Isa sa mga tao ang nagsabi kay Jesus, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” 14 Ngunit sumagot siya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging hukom o tagahati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” 16 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. 17 Napag-isip-isip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ 18 Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko iimbakin ang aking mga ani at ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking sarili, "Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya." 20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ 21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”
Pagtitiwala sa Diyos(D)
22 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, o kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong isusuot. 23 Sapagkat mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit. 24 Masdan ninyo ang mga uwak! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng Diyos. Mas mahalaga kayo kaysa mga ibon. 25 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras[a] sa kanyang buhay? 26 Kung hindi ninyo magawa ang ganito kaliit, bakit aalalahanin ninyo ang ibang bagay? 27 Masdan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang! Hindi sila nagpapagod ni naghahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karingalan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 28 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na narito ngayon ngunit itatapon sa pugon bukas, kayo pa kaya? O kayong maliit ang pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mabalisa sa paghahanap ng kung ano ang makakain o maiinom. Huwag kayong mangamba, 30 sapagkat ang mga ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Ngunit pagtuunan ninyo ng pansin ang kanyang paghahari at idaragdag sa inyo ang lahat ng mga ito. 32 Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipamigay sa mga dukha. Igawa ninyo ang inyong sarili ng mga sisidlang hindi naluluma, isang di-maubos na kayamanan sa langit, doo'y hindi makalalapit ang magnanakaw at makapaninira ang mga bukbok. 34 Sapagkat kung saan nakalagak ang inyong kayamanan, doon din naman malalagak ang inyong puso.”
Mga Lingkod na Handa(E)
35 “Humanda kayo sa paglilingkod[b] at paliwanagin ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa kasalan upang sa pagbabalik nito at pagkatok ay agad nila siyang mapagbuksan. 37 Pinagpala ang mga lingkod na madaratnang nagbabantay hanggang sa pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya upang maglingkod, sila ay pauupuin niya sa hapag-kainan at sila'y kanyang paglilingkuran. 38 Pinagpala ang mga lingkod na matagpuan ng panginoon na handa sa kanyang pagdating, hatinggabi man o madaling-araw. 39 Unawain ninyo ito: kung alam ng panginoon ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay. 40 Kaya dapat din kayong maging handa! Sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” 42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang pamamahalain ng panginoon sa mga lingkod upang bigyan sila ng pagkain sa takdang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na sa pagbabalik ng kanyang panginoon ay madaratnang gumaganap ng tungkulin. 44 Tunay na sinasabi ko sa inyong sa kanya ipagkakatiwala ang lahat ng kanyang ari-arian. 45 Ngunit kung sabihin ng lingkod na iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa bago makabalik ang aking panginoon,’ at sinimulan niyang pahirapan ang iba pang mga lingkod na lalaki at mga lingkod na babae at siya'y kumain, uminom at maglasing, 46 darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Ang lingkod na iyon ay pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat. 47 Ang lingkod na nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit hindi nakahanda o kumilos ayon sa kalooban nito ay maraming ulit hahagupitin. 48 Ngunit ang hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ay hahagupitin ng kaunti sa nagawa nitong pagkakamali. Ang binigyan ng marami ay pananagutin ng marami at ang pinagkatiwalaan ng marami ay papanagutin sa higit na marami.”
Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(F)
49 “Naparito ako upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sanang ito'y nagniningas na. 50 Kailangan kong magdaan sa isang bautismo at nababagabag ako hangga't hindi ito nagaganap! 51 Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi, sa halip ay pagkakabaha-bahagi. 52 Sapagkat mula ngayon, ang limang tao sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi—tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Sila ay magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki at ang anak na lalaki laban sa ama, ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina, ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”
Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(G)
54 Sinabi rin niya sa mga tao, “Kapag nakakita kayo ng ulap na tumataas sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘Paparating na ang ulan,’ at gayon nga ang nangyayari. 55 At kapag nakikita ninyong umiihip ang hanging habagat sinasabi ninyong, ‘Magiging mainit,’ at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong magtaya ng panahon sa anyo ng lupa at langit, subalit bakit hindi ninyo mabasa ang tanda ng kasalukuyang panahon?”
Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(H)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid? 58 Makipag-ayos ka sa nagsakdal sa iyo bago pa kayo makarating sa hukom. Kung hindi, baka kaladkarin ka niya sa hukom at ibigay ka ng hukom sa tanod at itapon ka ng tanod sa bilangguan. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”
Magsisi o Mamatay
13 Nang oras na iyon, dumating ang ilan at nagbalita kay Jesus na may mga taga-Galilea na ipinapatay ni Pilato habang nag-aalay sila sa Diyos. 2 At sinabi niya sa kanila, “Inaakala ba ninyong higit na makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa ibang mga taga-Galilea dahil nagdusa sila nang ganoon? 3 Sinasabi ko sa inyo, hindi! Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo'y mapapahamak ding tulad nila. 4 Iyon namang labingwalong namatay nang nabagsakan ng tore sa Siloam, inaakala ba ninyong higit silang makasalanan kaysa ibang taga-Jerusalem? 5 Sinasabi ko sa inyo, hindi! Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo'y mapapahamak ding tulad nila.”
Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga
6 Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Isang tao ang may puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Pinuntahan niya ito upang maghanap ng bunga roon, ngunit wala siyang natagpuan. 7 Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan mo ito; tatlong taon na akong pumupunta rito upang maghanap ng bunga sa punong igos na ito ngunit wala pa akong matagpuan. Kaya putulin mo na ito! Sayang lang ang lupa sa kanya!’ 8 Sumagot ito sa kanya, ‘Panginoon, bigyan pa po ninyo ito ng isang taon at huhukayin ko ang paligid nito at lalagyan ko ng pataba. 9 Baka naman magbunga na ito sa darating na taon, ngunit kung hindi pa, puputulin na ninyo ito.’ ”
Ang Pagpapagaling sa Babaing Kuba
10 Isang araw ng Sabbath, nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga. 11 Naroon ang isang babaing labingwalong taon nang may espiritu ng kapansanan. Hukot ang kanyang katawan at hindi na niya makayang makaunat. 12 Nang makita ni Jesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi sa kanya, “Babae, kinalagan ka na sa iyong kapansanan.” 13 At ipinatong niya ang kanyang kamay sa babae at nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. 14 Ngunit ikinagalit ng pinuno ng sinagoga ang pagpapagaling ni Jesus nang Sabbath kaya't sinabi niyon sa mga tao, “May anim na araw na dapat magtrabaho, kaya nga sa mga araw na iyon kayo magpunta upang magpagaling at hindi sa araw ng Sabbath.” 15 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kung Sabbath ay kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong baka o asno mula sa sabsaban at inilalabas ito upang painumin? 16 Iginapos ni Satanas nang labingwalong taon ang babaing ito na anak ni Abraham. Hindi ba dapat lang na makalagan siya sa pagkakagapos na iyon sa araw ng Sabbath?” 17 Pagkasabi niya noon, napahiya ang lahat ng kumakalaban sa kanya. Nagalak ang buong madla sa lahat ng kahanga-hangang ginawa niya.
Talinghaga ng Butil ng Mustasa at ng Pampaalsa(I)
18 Sinabi niya, “Saan maihahalintulad ang paghahari ng Diyos at sa ano ko ito maihahambing? 19 Tulad ito ng isang butil ng mustasa na pagkakuha ng isang tao ay inihasik sa kanyang halamanan. Tumubo ito at naging puno at namugad sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.”
20 At muli ay sinabi niya, “Sa ano ko maihahalintulad ang paghahari ng Diyos? 21 Tulad ito ng pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”
Ang Makipot na Pintuan(J)
22 Nagturo si Jesus sa mga bayan at nayon habang naglalakbay patungong Jerusalem. 23 Minsan ay may nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” Kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap pumasok doon ngunit hindi makapapasok. 25 Sa sandaling tumayo na ang panginoon ng bahay at naisara na ang pinto, magsisimula na kayong tumayo sa labas at tumuktok sa pintuan at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan po ninyo kami!’ Sasabihin niya sa inyo bilang sagot, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ 26 Kaya't sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasama ninyo at nagturo kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Subalit sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Layuan ninyo ako, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, at Jacob at lahat ng mga propeta, habang kayo'y ipinagtatabuyan palabas. 29 May mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Makinig kayo: May mga huling mauuna at may mga unang mahuhuli.”
Ang Pagtangis ni Jesus sa Jerusalem(K)
31 Nang mga oras na iyon ay dumating ang ilang Fariseo na nagsabi kay Jesus, “Umalis ka na at pumunta sa ibang lugar sapagkat gusto kang ipapatay ni Herodes.” 32 Sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon, na tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ang aking gawain. 33 Gayunman, kailangan kong magpatuloy sa aking paglalakbay ngayon at bukas at sa makalawa. Sapagkat hindi maaaring ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem. 34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong ninais kupkupin ang iyong mga anak tulad ng pagkupkop ng inahin sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang pakpak, ngunit ayaw mo. 35 Tandaan ninyo: Pababayaan ng Diyos ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyong hinding-hindi ninyo ako makikita hanggang sa sumapit ang panahong sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’ ”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.