Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 14

Namatay si Juan na Tagapagbautismo(A)

14 Nang panahong iyon ay narinig ng pinunong[a] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Ang taong iyon ay si Juan na Tagapagbautismo! Siya'y ibinangon mula sa kamatayan kaya't nagagawa niya ang mga himalang ito.” Nauna noon ay (B) ipinadakip ni Herodes si Juan. Iginapos niya ito at ibinilanggo dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[b] Sapagkat (C) pinagsasabihan siya noon ni Juan, “Labag sa batas na angkinin mo ang babaing iyan.” At kahit nais niyang ipapatay si Juan, natatakot siya sa taong-bayan sapagkat kinikilala nila si Juan na isang propeta. Subalit pagsapit ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna ng mga panauhin ang anak na babae ni Herodias na ikinalugod naman ni Herodes. Kaya't nangako siya at nanumpa na ibibigay niya ang anumang hihingin ng dalaga. Sa sulsol ng kanyang ina ay sinabi ng dalaga, “Ibigay ninyo sa akin ngayon, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!” Ikinalungkot ito ng hari, subalit dahil sa kanyang binitawang pangako sa harap ng mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay ang kahilingang iyon. 10 Nagpadala siya ng tauhan at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga, at dinala naman niya ito sa kanyang ina. 12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita ito kay Jesus.

Pinakain ang Limang Libo(D)

13 Nang marinig ito ni Jesus, nilisan niya ang lugar na iyon. Sumakay siya sa isang bangka patungo sa isang hindi mataong lugar at doon ay nag-iisa siya. Subalit nang mabalitaan ito ng napakaraming tao, naglakad sila mula sa mga bayan at sinundan siya. 14 Pagdating ni Jesus sa pampang at nakita niya ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na naroon. 15 Nang palubog na ang araw, nilapitan siya ng kanyang mga alagad at sinabi, “Malayo sa kabayanan ang lugar na ito, at pagabi na. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao para makabili sila ng makakain nila.” 16 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.” 17 At sinabi naman nila sa kanya, “Limang tinapay lang po at dalawang isda ang mayroon tayo rito.” 18 “Dalhin ninyo rito sa akin” ang sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang napakaraming tao. Nang makuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat para sa mga ito. Pinagputul-putol niya ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad. Ipinamahagi ito ng mga alagad sa mga tao. 20 Ang lahat ay kumain at nabusog. Pagkatapos ay tinipon ng mga alagad ang mga labis na mga pinagputul-putol na tinapay, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 21 Mga limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata ang mga kumain.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(E)

22 Pagkatapos ay agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna niya sa kabilang pampang, habang pinauuwi niya ang napakaraming tao. 23 Matapos niyang pauwiin ang mga tao, nag-iisang umakyat siya sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, naroroon pa rin siyang nag-iisa. 24 Ngunit nang mga sandaling iyon, ang bangka ay pumapalaot na at hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin. 25 Nang madaling-araw na,[c] lumapit sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng lawa. 26 Nang makita ng mga alagad na lumalakad siya sa ibabaw ng tubig, nasindak sila at nagsabi, “May multo!” At nagsisigaw sila sa takot. 27 Subalit nagsalita kaagad si Jesus, at sinabi sa kanila, “Laksan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.” 28 Sumagot sa kanya si Pedro, “Panginoon, kung ikaw po iyan, papuntahin mo ako diyan sa iyo sa ibabaw ng tubig.” 29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig papalapit kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin ni Pedro[d] ang hangin, natakot siya. At nang siya'y nagsisimula nang lumubog ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Kaagad iniabot ni Jesus ang kamay niya at hinawakan si Pedro, at sinabihan, “Ikaw na maliit ang pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Nang makasampa na sila sa bangka ay huminto na ang hangin. 33 Sumamba sa kanya ang mga nasa bangka. Sabi nila, “Totoong ikaw ang Anak ng Diyos.”

Pinagaling ang mga Maysakit sa Genesaret(F)

34 Pagdating nila sa kabilang pampang, dumaong sila sa Genesaret. 35 Nang makilala siya ng mga tao sa lugar na iyon, ipinamalita nila ito sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit. 36 Nakiusap sila sa kanya na mahawakan nila kahit ang laylayan ng kanyang damit. At lahat ng nakahawak nito ay gumaling.

Marcos 6

Hindi Kinilala si Jesus sa Nazareth(A)

Umalis doon si Jesus kasama ang mga alagad at pumunta sa sariling bayan. Nang sumapit ang Sabbath, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha ang marami sa mga nakinig sa kanya. “Saan niya natutuhan ang lahat ng ito?” tanong nila. “Ano'ng karunungan ito na ibinigay sa kanya? Paano niya nagagawa ang mga kababalaghang ito? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naririto rin ang kanyang mga kapatid na babae?” At ayaw nilang maniwala dahil sa kanya. Kaya't (B) sinabi ni Jesus, “Ang propeta'y hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng kahit anong himala roon liban sa pagpapatong ng kanyang mga kamay sa ilang maysakit upang sila'y mapagaling. Nagtaka siya sa kanilang hindi pagsampalataya.

Ang Pagsusugo sa Labindalawa(C)

Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga karatig-nayon. Tinawag niya ang labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa, at pinagkalooban ng kapangyarihan laban sa mga maruruming espiritu. Ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay gaya ng tinapay, balutan, at salapi sa kanilang mga pamigkis maliban sa isang tungkod. Pinapagsuot sila ng sandalyas ngunit hindi pinapagdala ng damit na bihisan. 10 Sinabi niya sa kanila, “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang umalis kayo sa lugar na iyon. 11 Kung (D) (E) tanggihan kayo at ayaw pakinggan sa alinmang bayan, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa lugar na iyon bilang patotoo laban sa kanila.” 12 Humayo nga ang labindalawa at ipinangaral sa mga tao na dapat silang magsisi. 13 Nagpalayas (F) sila ng maraming demonyo, nagpahid ng langis sa maraming maysakit at nagpagaling sa mga ito.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)

14 Nabalitaan (H) ni Haring Herodes ang mga bagay na ito sapagkat tanyag na ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng iba, “Iyan si Juan na Tagapagbautismo na muling nabuhay kaya siya nakakagawa ng mga himala.” 15 Sabi naman ng iba, “Si Elias iyan.” May iba pang nagsasabi, “Siya'y propeta, tulad ng mga propeta noong una.” 16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na aking pinapugutan ng ulo!” 17 Si (I) Herodes mismo ang nagpadakip at nagpakulong kay Juan. Ginawa niya ito dahil sa kinakasama niyang si Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 18 Laging sinasabi noon ni Juan kay Herodes, “Hindi tamang angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.” 19 Kaya't nagtanim ng galit kay Juan si Herodias at hinangad itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa, 20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Pinagsikapan pa ni Herodes na huwag itong mapahamak dahil alam niyang si Juan ay matuwid at banal. Nasisiyahan siya sa pakikinig kay Juan bagama't labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito. 21 Ngunit dumating ang pagkakataon nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Nagdaos ng piging si Herodes para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, bagay na nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo anuman ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Nanumpa pa siya sa dalaga, “Ibibigay ko sa iyo anumang hingin mo, kahit na kalahati ng aking kaharian.” 24 Lumabas ang dalaga at itinanong sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” Sumagot si Herodias, “Hingin mo ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 25 Nagmamadaling bumalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi, “Gusto kong ibigay mo sa akin ngayon din sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 26 Labis na nanlumo ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, hindi niya magawang tanggihan ang dalaga. 27 Noon di'y inutusan ng hari ang isang kawal upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[a] Sumunod ang kawal at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 28 Bumalik itong dala ang ulo ni Juan sa isang pinggan. Ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(J)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at ibinalita sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Napakaraming tao ang dumarating at umaalis, at halos wala na silang panahong makakain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa karamihan upang makapagpahinga kayo kahit sandali.” 32 Sumakay sila sa isang bangka at nagtungo sa isang ilang na lugar. 33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakakilala sa kanila. Nagtakbuhan ang mga tao mula sa lahat ng bayan at nauna pang dumating sa pupuntahan nina Jesus. 34 Pagbaba (K) ni Jesus sa pampang ay nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad ng mga tupang walang pastol. At marami siyang itinuro sa kanila. 35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ilang ang pook na ito, at gumagabi na. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makabili ng makakain sa mga karatig-nayon.” 37 Ngunit sumagot si Jesus, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Makabibili ba tayo ng dalawandaang denaryong[b] halaga ng tinapay upang mapakain ang mga taong ito? ” 38 “Ilang tinapay ang dala ninyo?” tanong ni Jesus. “ Tingnan nga ninyo.” Pagkatapos tingnan ay sinabi nila sa kanya, “Limang tinapay, at dalawang isda.” 39 Inutusan ni Jesus ang mga alagad na paupuin ang mga tao nang pangkat-pangkat sa luntiang damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao, tig-iisandaan at tiglilimampu bawat pangkat. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, nagpasalamat, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda upang ipamahagi sa lahat. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Tinipon ng mga alagad ang mga lumabis, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 44 Limang libong lalaki ang nakakain ng tinapay.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(L)

45 Agad pinasakay ni Jesus ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna sa ibayo, sa Bethsaida, habang pinapauwi niya ang maraming tao. 46 Pagkatapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. 47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat habang si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48 Nakita ni Jesus na nahihirapan ang kanyang mga alagad sa pagsagwan dahil pasalungat sila sa hangin. Nang malapit na ang madaling araw,[c] sumunod sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malapit na niyang malampasan ang mga ito, 49 nakita nilang lumalakad siya sa ibabaw ng lawa. Inakala nilang siya'y isang multo kaya't sila'y nagsigawan. 50 Takot na takot silang lahat, kaya't agad silang sinabihan ni Jesus, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito! Huwag kayong matakot.” 51 Sumakay siya sa bangka at agad huminto ang hangin. Labis silang namangha, 52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang pangyayari tungkol sa tinapay. Sa halip, tumigas ang kanilang mga puso.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(M)

53 Nang makatawid na sila, dumating sila sa Genesaret at doon idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila mula sa bangka, nakilala agad si Jesus ng mga tao. 55 Kaya't nilibot ng mga tao ang buong lugar na iyon at sinundo ang mga maysakit. Dinala nila ang mga nakaratay sa higaan saanman nila mabalitaan na naroon si Jesus. 56 Saanmang nayon, bukid o bayan makarating si Jesus, dinadala ng mga tao ang kanilang maysakit sa mga pamilihan, at pinapakiusapan siya na ipahawak man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak nito ay gumaling.

Lucas 9:1-17

Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(A)

Tinipon ni Jesus ang labindalawa at pagkatapos ay binigyan niya ang mga ito ng kapangyarihan at karapatan sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga may karamdaman. At isinugo niya ang mga ito upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga may sakit. At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay; kahit tungkod, balutan, tinapay, o salapi. Huwag din dalawa ang dalhin ninyong damit panloob. Saanmang bahay kayo pumasok, mamalagi kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. Saanmang lugar na hindi kayo tanggapin, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bayang iyon bilang patotoo laban sa kanila.” Umalis sila at nagtungo sa mga nayon, habang ipinapangaral ang mabuting balita kahit saan at nagpapagaling ng mga karamdaman.

Nabagabag si Herodes(B)

Nabalitaan ng pinunong si Herodes ang lahat ng nangyayari. Nabagabag siya sapagkat sinasabi ng ilan na muling nabuhay si Juan. Sabi naman ng iba na si Elias ay nagpakita na at ayon naman sa iba, ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay nabuhay muli. Sinabi ni Herodes, “Ako ang nagpapugot ng ulo ni Juan. Ngunit sino ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya?” Kaya't sinikap niyang makita si Jesus.

Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(C)

10 Nang bumalik ang mga apostol ay ibinalita nila kay Jesus ang kanilang ginawa. Sila ay kanyang isinama at palihim na nagtungo sa isang bayan na kung tawagin ay Bethsaida. 11 Subalit nang malaman ito ng mga tao, sumunod sila sa kanya. Sila ay malugod naman niyang tinanggap at ipinahayag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga may karamdaman. 12 Nagsisimula nang matapos ang araw nang lumapit sa kanya ang labindalawa at nagsabi, “Pauwiin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga nayon at karatig-pook, nang sa gayo'y makahanap sila ng matutuluyan at makakain. Tayo po'y nasa ilang na lugar.” 13 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila sa kanya, “Wala po tayong dalang anuman kundi limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung aalis kami at bibili ng pagkain para sa mga taong ito.” 14 Sapagkat halos limang libong kalalakihan ang naroroon. At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila nang pangkat-pangkat na tiglilimampu.” 15 Pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Nang tipunin ang mga lumabis ay napuno ang labindalawang kaing.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.