Chronological
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang taong may-ari ng lupain, isang umaga, maaga siyang lumabas upang kumuha ng mauupahang mga manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Pagkatapos silang magkasundo ng mga manggagawa sa halagang isang denaryo sa isang araw, pinapunta niya ang mga ito sa kanyang ubasan. 3 At paglabas niya nang mag-iikasiyam ng umaga,[a] nakakita siya sa pamilihan ng ibang taong nakatayo lamang at walang ginagawa. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at ibibigay ko sa inyo kung anuman ang nararapat.’ 5 At pumunta nga sila. Sa paglabas niyang muli nang magtatanghaling-tapat na[b] at nang ikatlo ng hapon,[c] ay ganoon din ang ginawa niya. 6 At nang malapit na ang ikalima ng hapon,[d] muli siyang lumabas at nakakita ng iba pang nakatayo. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito at walang ginagawa?’ 7 ‘Wala po kasing umuupa sa amin,’ sagot nila. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’ 8 (A) Papalubog na ang araw, nang sabihin ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa, at ibigay mo sa kanila ang sahod nila, buhat sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.’ 9 Nang lumapit ang mga nagsimulang magtrabaho nang mag-iikalima ng hapon, ang bawat isa sa kanila'y tumanggap ng isang denaryo. 10 At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y mas malaki ang kanilang matatanggap; ngunit tumanggap din silang lahat ng tig-iisang denaryo. 11 Pagkatapos nilang tanggapin ito ay nagreklamo sila sa may-ari ng lupain. 12 Sinabi nila, ‘Silang huling dumating ay isang oras lamang nagtrabaho, ngunit ang ibinayad mo sa kanila ay pareho lang ng sa amin na maghapong nagtiis ng hirap at matinding init.’ 13 Ngunit sumagot siya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang masama sa iyo. Di ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang nauukol sa iyo at umalis ka na. Napagpasyahan kong ibigay sa huling manggagawa ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin ang naisin ko sa sarili kong lupain? O minamasama mo ba ang aking kabutihang-loob?’ 16 Kaya nga (B) ang hulí ay mauuna, at ang una ay máhuhulí.”[e]
Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)
17 Habang umaakyat si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila, 18 “Tandaan ninyo, umaahon tayo patungong Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. At siya'y hahatulan nila ng kamatayan. 19 At siya'y ipauubaya nila sa mga Hentil upang hamakin, hagupitin, at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw, siya'y muling bubuhayin.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(D)
20 Pagkatapos nito, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus at may hiniling sa kanya. 21 Tanong ni Jesus sa kanya, “Ano ang nais mo?” Sagot ng babae, “Sabihin po ninyong itong dalawa kong anak na lalaki ay uupo sa inyong kaharian, ang isa sa inyong kanan, at ang isa naman ay sa kaliwa.” 22 Subalit sumagot si Jesus at sinabi, “Hindi ninyo nauunawaan ang inyong hinihiling. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?” Sagot nila, “Kaya po namin.” 23 Sinabi niya sa kanila, “Iinuman nga ninyo ang aking kopa, ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay. Ito ay para sa kanila na pinaglaanan ng aking Ama.” 24 Nang ito'y marinig ng sampu pang alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Subalit (E) tinawag sila ni Jesus at sa kanila'y sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila'y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga taong nasa katungkulan ay nagsasamantala sa kanila gamit ang kapangyarihan. 26 Hindi (F) ganyan ang dapat mangyari sa inyo. Kundi ang sinuman sa inyo na naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At sinuman sa inyo na naghahangad na maging pangunahin ay dapat maging alipin ninyo, 28 kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ialay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(G)
29 Habang sila'y lumalabas sa Jerico ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. 30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabing-daan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Maawa po kayo sa amin, Panginoon Anak ni David!” 31 Ngunit pinagsabihan sila ng mga tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw sa pagsasabi, “Mahabag po kayo sa amin, Panginoon, Anak ni David!” 32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Ano'ng nais ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, buksan po ninyo ang aming mga mata.” 34 Nahabag sa kanila si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakitang muli, at pagkatapos, sumunod sila sa kanya.
Matagumpay na Pumasok si Jesus sa Jerusalem(H)
21 Nang malapit na sila sa Jerusalem at nakarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, si Jesus ay nagsugo ng dalawang alagad. 2 Sinasabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon, at kaagad kayong makakakita ng isang inahing asno na nakatali at may kasamang isang bisiro. Kalagan ninyo at dalhin dito sa akin. 3 Kung may magsasabi sa inyo ng anuman, sabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala ang mga iyon.” 4 Nangyari ito upang matupad ang pinahayag sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
5 “Sabihin (I) ninyo sa anak na babae ng Zion,
Pagmasdan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno,
at sa bisiro ng isang inahing asno.”
6 Pumunta nga ang mga alagad at ginawa kung ano ang ipinagbilin sa kanila ni Jesus. 7 Dinala nila ang inahing asno at ang bisiro at isinapin nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal. At doon ay naupo siya. 8 Karamihan sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga sa mga puno at ikinalat ang mga ito sa daan. 9 At (J) ang napakaraming taong nauuna sa kanya pati ang mga sumusunod sa kanya ay nagsigawan, na sinasabi, “Hosanna sa Anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosanna sa kataas-taasan!” 10 Pagpasok niya sa Jerusalem ay nagkagulo sa buong lungsod. “Sino ba ang taong ito?” tanong ng mga tao. 11 Sinabi ng marami, “Siya ang propetang si Jesus, na taga-Nazareth ng Galilea.”
Nilinis ni Jesus ang Templo(K)
12 Pumasok si Jesus sa templo,[f] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Pinagbabaligtad niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. 13 Sinabi (L) niya sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan,’
ngunit ginagawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”
14 Lumapit sa kanya sa templo ang mga bulag at ang mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Subalit nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga kamangha-manghang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo, nagsasabing, “Hosanna sa Anak ni David.” 16 At (M) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Oo. Hindi pa ba ninyo nababasa,
‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga musmos,
naghanda ka para sa iyong sarili ng papuring lubos?’ ”
17 Pagkatapos niyang iwan sila, lumabas siya sa lungsod papuntang Betania, at doon ay nagpalipas ng gabi.
Sinumpa ang Puno ng Igos(N)
18 Nang kinaumagahan, habang pabalik siya sa lungsod ay nagutom siya. 19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang natagpuang kahit ano roon, kundi mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Hindi ka na muling mamumunga kahit kailan!” At biglang natuyo ang puno ng igos. 20 Nang ito'y makita ng mga alagad, nagtaka sila at nagtanong, “Paano nangyaring biglang natuyo ang puno ng igos?” 21 Sumagot (O) si Jesus at sinabi sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at walang pag-aalinlangan, hindi lamang ang nagawa sa puno ng igos ang inyong magagawa, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka diyan at itapon mo ang sarili sa dagat,’ ito ay mangyayari. 22 At anumang hingin ninyo sa panalangin, kung may kalakip na pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”
Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(P)
23 Pagpasok ni Jesus sa templo ay lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan. Habang siya'y nagtuturo ay nagtanong sila, “Ano'ng awtoridad mo at ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” 24 Sumagot si Jesus sa kanila, “Mayroon din akong katanungan sa inyo, at kung sasagutin ninyo ay sasabihin ko sa inyo kung ano ang awtoridad ko sa paggawa ng mga bagay na ito. 25 Saan ba nagmula ang bautismo ni Juan? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At ito'y pinagtalunan nila, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ 26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ takot naman tayo sa maraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang aking awtoridad sa paggawa ko ng mga bagay na ito.
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong may dalawang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’ 29 Subalit siya'y sumagot at nagsabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin. 30 Lumapit din siya sa pangalawa, at gayundin ang sinabi. ‘Pupunta po ako’, ang sabi nito, ngunit hindi naman pumunta. 31 Alin sa dalawa ang sumunod sa kagustuhan ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae ay nauuna pa sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat (Q) dumating sa inyo si Juan upang ipakita ang daan ng katuwiran, gayunma'y hindi kayo naniwala sa kanya; subalit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae. At kahit nakita ninyo ito ay hindi pa rin kayo nagbago ng pag-iisip at naniwala sa kanya.
Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(R)
33 “Dinggin (S) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang taong pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng ubas sa kanyang bukirin, at binakuran niya ang palibot nito. Naglagay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan. 34 Nang malapit na ang panahon ng pamimitas ng bunga, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kumuha ng mga bunga para sa kanya. 35 Subalit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa. 36 Muli siyang nagpadala ng iba pang mga alipin na mas marami pa sa nauna; subalit ganoon din ang ginawa nila sa kanila. 37 Sa kahuli-hulihan ay pinapunta niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki. Wika niya, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 38 Subalit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya nang makuha natin ang kanyang mana.’ 39 Kaya't siya'y kinuha nila, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay. 40 Kaya't pagdating ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang kanyang gagawin sa mga magsasakang iyon?” 41 Sinabi nila sa kanya, “Papatayin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakila-kilabot na paraan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa mga takdang panahon.” 42 Sinabi (T) ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa mga kasulatan,
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong panulukan;
Ito'y gawa ng Panginoon,
at kahanga-hangang pagmasdan’?
43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng mga bunga nito.’ 44 [Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[g]
45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, naunawaan nilang tungkol sa kanila ang kanyang mga sinasabi. 46 At nang balak na sana nilang dakpin si Jesus, natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala nila na siya'y isang propeta.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.