Chronological
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at sila'y kanyang dinala na walang kasamang iba sa isang mataas na bundok. 2 At nagbagong-anyo siya sa harapan nila, nagliwanag ng tulad sa araw ang kanyang mukha, at naging parang ilaw sa kaputian ang kanyang mga damit. 3 At doon ay nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti at naririto tayo. Kung nais mo po, gagawa ako ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” 5 Nagsasalita (B) (C) pa siya noon nang napailalim sila sa isang maningning na ulap, at isang tinig mula roon ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nasisiyahan. Siya ang inyong pakinggan.” 6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at labis na natakot. 7 Subalit lumapit si Jesus at sila'y hinawakan. Sinabi niya, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.” 8 Pagtingin nila ay wala silang nakitang sinuman, kundi si Jesus lamang. 9 At nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.” 10 Tinanong (D) siya ng kanyang mga alagad, “Kung gayon, bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan munang dumating si Elias?” 11 Sumagot siya, “Talagang darating si Elias at panunumbalikin ang lahat ng mga bagay. 12 Subalit (E) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, ngunit siya'y hindi nila kinilala, sa halip ay kanilang ginawa sa kanya ang anumang kanilang maibigan. Gayundin naman, ang Anak ng Tao ay malapit nang dumanas ng pagdurusa sa kanilang mga kamay.” 13 At naunawaan ng mga alagad na tungkol kay Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Demonyo(F)
14 At pagdating nila sa maraming tao, may isang lalaking lumapit sa kanya at lumuhod sa harapan niya. 15 Sinabi niya, “Panginoon, maawa ka po sa aking anak na lalaki. Siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; madalas siyang bumabagsak sa apoy at pati sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila kayang pagalingin.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong walang pananampalataya at napakasamang lahi, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal pa akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito.” 18 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Ang bata ay gumaling nang oras ding iyon. 19 Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at nagtanong sila, “Bakit po hindi namin nakayang palayasin iyon?” 20 Sinabi (G) niya sa kanila, “Maliit kasi ang inyong pananampalataya. Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinlaki ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon mula rito,’ at ito'y lilipat. Walang anuman na hindi ninyo kayang gawin. 21 Ngunit hindi lumalabas ang ganitong uri ng demonyo maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.”[a]
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(H)
22 Nang sila'y nagkatipon[b] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ipagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. 23 Siya'y kanilang papatayin subalit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga alagad.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating (I) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis[c] para sa templo at nagtanong sila, “Nagbabayad ba ng buwis sa templo ang inyong guro?” 25 Siya'y sumagot, “Opo, nagbabayad siya.” At pagdating niya sa bahay, naunang nagsalita si Jesus at nagtanong, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?” 26 At nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Samakatuwid, hindi na pinagbabayad ang mga anak. 27 Ngunit upang hindi sila magkasala dahil sa atin, pumunta ka sa lawa at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang lilitaw, at pagkabuka mo sa bibig niyon ay makakakita ka roon ng salaping pilak. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, pambuwis nating dalawa.”
9 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa inyo rito na hindi daranas ng kamatayan hangga't hindi nila nakikita ang makapangyarihang pagdating ng kaharian ng Diyos.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
2 Pagkaraan (B) ng anim na araw, ibinukod ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan at isinama sa pag-akyat sa isang mataas na bundok. Nagbagong-anyo si Jesus sa harap nila. 3 Nagningning sa kaputian ang kanyang damit, kaputiang hindi kayang gawin ninuman sa daigdig. 4 Nagpakita rin sa kanila doon sina Elias at Moises na kapwa nakikipag-usap kay Jesus. 5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Rabbi, mabuti po na narito tayo. Magtatayo po kami ng tatlong tolda; isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” 6 Hindi alam ni Pedro kung ano ang dapat niyang sabihin dahil sa matinding takot nila. 7 (C) May lumitaw na ulap at nililiman sila. Isang tinig ang narinig nila mula sa ulap, “Ito ang Minamahal kong Anak, siya ang inyong pakinggan!” 8 Nang tumingin sa paligid ang mga alagad, wala na silang nakitang kasama nila kundi si Jesus.
9 Habang bumababa sila sa bundok, mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10 Iningatan nila sa kanilang sarili ang bagay na ito, habang pinag-uusapan kung ano ang kahulugan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan. 11 Nagtanong (D) sila kay Jesus, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” 12 Sumagot siya, “Dapat nga munang dumating si Elias na nagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Gayunman, bakit nasusulat na ang Anak ng Tao'y daranas ng maraming hirap at itatakwil? 13 Sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at ginawa sa kanya ng mga tao ang lahat ng nais nila, gaya ng nasusulat tungkol sa kanya.”
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(E)
14 Nang magbalik sila sa mga alagad, nakita nilang napapaligiran ang mga ito ng napakaraming tao at nakikipagtalo sa mga tagapagturo ng Kautusan. 15 Nang makita ng maraming tao si Jesus, agad silang namangha at tumakbo upang batiin siya. 16 Tinanong sila ni Jesus, “Ano'ng pinagtatalunan ninyo?” 17 Sumagot sa kanya ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko rito ang aking anak na lalaki na sinasaniban ng isang espiritu na sanhi ng kanyang pagkapipi. 18 Tuwing siya'y sasaniban nito, ibinubuwal siya, bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin at siya'y naninigas. Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila magawa.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Salinlahing walang pananampalataya! Hanggang kailan ko kayo makakasama? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya rito.” 20 Dinala nga nila ito sa kanya. Nang makita siya ng espiritu, bigla nitong pinangisay ang bata. Natumba ito sa lupa, at nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama, “Kailan pa ito nangyayari sa kanya?” Sinabi niya, “Mula pa sa pagkabata. 22 Madalas siya nitong itinutumba sa apoy at sa tubig upang patayin. Kung may magagawa ka, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.” 23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung magagawa mong sumampalataya, mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.” 24 Kaagad sumigaw ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako! Tulungan mo po ako sa aking kawalan ng pananampalataya!” 25 Nang makita ni Jesus na dumaragsa ang tao sa paligid, sinaway niya ang maruming espiritu, “Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo, lumabas ka sa kanya at huwag ka nang babalik!” 26 Nagsisigaw ang espiritu, pinangisay ang bata, pagkatapos ay lumabas. Nagmistulang patay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya.” 27 Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay at ibinangon. At ang bata'y tumindig. 28 Nang pumasok siya sa bahay, palihim siyang tinanong ng mga alagad, “Bakit hindi namin kayang palayasin ang espiritung iyon?” 29 Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”[a]
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(F)
30 Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng sinuman ang kanyang kinaroroonan, 31 sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao at siya'y kanilang papatayin. Pagkatapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natatakot naman silang magtanong sa kanya.
Sino ang Pinakadakila?(G)
33 Nakarating sila sa Capernaum. Nang si Jesus ay nasa loob na ng bahay, tinanong niya ang mga alagad, “Ano ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” 34 Hindi (H) sila sumagot, sapagkat pinag-usapan nila sa daan kung sino ang pinakadakila. 35 Umupo (I) si Jesus, tinawag ang labindalawa at sinabi, “Sinumang nais maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” 36 Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Kinalong niya ito, at sa kanila'y sinabi, 37 “Ang (J) sinumang tumatanggap sa maliit na batang tulad nito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. At sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”
Ang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin(K)
38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan. Pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumasama sa atin.” 39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan. Sapagkat walang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ang agad makapagsasalita ng masama tungkol sa akin. 40 Sapagkat (L) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41 Tandaan (M) ninyo ito: sinumang magpainom sa inyo ng isang basong tubig dahil sa pangalan ko ay hindi maaaring mawalan ng gantimpala.
Mga Sanhi ng Pagkakasala(N)
42 “Mabuti pa sa isang tao na talian ng isang malaking gilingang bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin. 43 Kung (O) ang isang kamay mo ay nagiging sanhi ng pagkakasala mo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang magkamit ng buhay na putol ang kamay kaysa may dalawang kamay kang pupunta sa impiyerno, kung saan ang apoy ay hindi mapapatay. 44 [Doon, ang mga uod at apoy ay hindi namamatay.][b] 45 Kung ang isa sa iyong paa ay nagiging sanhi ng pagkakasala mo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang magkamit ng buhay na putol ang isang paa kaysa may dalawa kang paa at itapon ka sa impiyerno. 46 [Doon, ang mga uod at apoy ay hindi namamatay.][c] 47 Kung (P) ang iyong mata ang nagiging sanhi ng pagkakasala mo, dukutin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata at itapon ka sa impiyerno. 48 Doon,(Q) ang mga uod nila at ang apoy ay hindi namamatay. 49 Sapagkat bawat isa ay aasinan ng apoy.[d] 50 Mabuti (R) ang asin, ngunit kung mawala ang alat nito, paano ito mapapaalat muli? Magtaglay kayo ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
28 Pagkalipas ng walong araw nang masabi niya ang mga ito, umakyat siya sa bundok kasama sina Pedro, Juan at Santiago upang manalangin. 29 Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti. 30 Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. 31 Maluwalhating nagpakita ang dalawang ito at nagsalita tungkol sa pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isagawa sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro at ang kanyang mga kasama; ngunit nang magising sila ay nakita nila ang kaluwalhatian ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 At nang papalayo na ang mga ito sa kanya ay sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti po na dumito tayo. Magtayo tayo ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Hindi nauunawaan ni Pedro ang kanyang sinasabi. 34 Nagsasalita pa siya nang dumating ang isang ulap at sila ay nililiman. Natakot sila nang matakpan sila nito. 35 Isang tinig ang narinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking anak, ang aking hinirang.[a] Sa kanya kayo makinig.” 36 Nang naglaho na ang tinig, natagpuang nag-iisa na si Jesus. Tumahimik sila at hindi ibinalita kaninuman ang alinman sa kanilang nakita.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Lalaki(B)
37 Kinabukasan, matapos silang bumaba ng bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao. 38 Mula sa karamihan ay naroon ang isang lalaking nagsisisigaw, “Guro! Nakikiusap po ako na tingnan ninyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya ang kaisa-isa kong anak. 39 Bigla na lamang po siyang sinasaniban ng espiritu at biglang sumisigaw. Pinangingisay siya nito hanggang bumula ang kanyang bibig. Lubha po siyang pinahihirapan nito at halos ayaw siyang hiwalayan. 40 Nagsumamo po ako sa inyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila kaya.” 41 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” Sinabi niya sa lalaki, “Dalhin mo rito ang iyong anak.” 42 Habang lumalapit ang anak, inilugmok siya ng demonyo at pinapangisay. Ngunit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu at pinagaling niya ang bata, at pagkatapos ay ibinigay sa kanyang ama. 43 Namangha ang lahat sa dakilang kapangyarihan ng Diyos.
Muling Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(C)
Subalit habang namamangha ang mga tao sa lahat ng kanyang ginagawa, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 44 “Unawain ninyong mabuti ang sasabihin kong ito: ang Anak ng Tao ay malapit nang isuko sa kamay ng mga tao.” 45 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabing ito. Ang kahulugan nito'y inilihim sa kanila upang hindi nila ito maunawaan. Takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa sinabi niyang ito.
Sino ang Pinakadakila?(D)
46 Nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Dahil batid ni Jesus ang kanilang iniisip, kinuha niya ang isang maliit na bata at pinatayo ito sa kanyang tabi. 48 Sinabi niya sa kanila, “Sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumanggap sa akin. At ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”
Sinumang Hindi Laban sa Inyo ay Kapanalig Ninyo(E)
49 Sinabi ni Juan, “Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan, at pinagbawalan namin siya sapagkat hindi namin siya kasamang sumusunod sa inyo.” 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat sinumang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo.”
Hindi Tinanggap si Jesus
51 Nang papalapit na ang araw ng pagtanggap sa kanya sa langit ay itinuon niya ang kanyang sarili sa pagpunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga sugo na mauuna sa kanya. Umalis ang mga ito at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya. 53 Ngunit hindi siya tinanggap ng mga tagaroon sapagkat siya'y nagpasya nang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng mga alagad na sina Santiago at Juan ay sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan tayo ng apoy mula sa langit upang tupukin sila?” 55 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sila'y sinaway. 56 Pumunta sila sa ibang nayon.
Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(F)
57 Habang naglalakbay sila ay may nagsabi sa kanya, “Susunod ako sa inyo saan man kayo magtungo.” 58 Sinabi sa kanya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad naman ang mga ibon ng himpapawid, ngunit ang Anak ng Tao ay walang sariling matitirahan.” 59 Sinabi niya sa isa, “Sumunod ka sa akin!” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan muna ninyo akong umalis upang ilibing ko ang aking ama.” 60 Ngunit sinabi niya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing sa sarili nilang patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang paghahari ng Diyos.” 61 Sinabi naman sa kanya ng isa pa, “Susunod po ako sa inyo Panginoon, ngunit hayaan muna ninyo akong makapagpaalam sa aking mga kasambahay.” 62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sinumang humawak sa araro at lingon nang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.