Chronological
Maraming Pinagaling si Jesus(A)
14 Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakahiga dahil may lagnat. 15 Hinawakan niya ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinaglingkuran si Jesus. 16 Kinagabihan ay dinala nila sa kanya ang maraming taong sinasaniban ng mga demonyo. Sa pamamagitan ng salita ay pinalayas niya ang mga espiritu at pinagaling ang lahat ng mga maysakit. 17 Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga karamdaman, at ang mga sakit natin ay kanyang pinasan.”
Ang Pagsunod kay Jesus(B)
18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa paligid niya, kanyang ipinag-utos na sila'y tumawid sa ibayo. 19 Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi sa kanya, “Guro, susundan ko po kayo, saan man kayo magpunta.” 20 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang mga asong-gubat ay may lungga, at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang sariling matutulugan.” 21 Sinabi sa kanya ng isa pang alagad, “Panginoon, payagan po muna ninyo akong umuwi at mailibing ko ang aking ama.” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin. Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay.”
Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(C)
23 Nang makasakay si Jesus sa bangka, sinundan siya ng kanyang mga alagad. 24 At biglang nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, at halos matabunan na ng mga alon ang bangka. Subalit natutulog noon si Jesus. 25 Siya'y kanilang pinuntahan at ginising, na sinasabi, “Panginoon, iligtas mo kami! Mamamatay kami rito!” 26 Sinabi niya sa kanila, “Ano'ng ikinatatakot ninyo? Kayong mahihina ang pananampalataya!” Bumangon siya at pinagsabihan ang mga hangin at ang dagat. At nagkaroon ng ganap na katahimikan. 27 Kaya't namangha ang mga tao at sinabi nila, “Anong uri ng tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ang mga Gadarenong Inaalihan ng mga Demonyo(D)
28 Pagdating niya sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasaniban ng demonyo. Nanggaling ang mga lalaking ito sa mga libingan at sila'y mababangis kaya't walang taong makadaan doon. 29 Bigla silang sumigaw, “Ano'ng kailangan mo sa amin, Anak ng Diyos? Pumarito ka ba upang parusahan na kami bago pa sumapit ang takdang panahon?” 30 Noon ay may isang malaking kawan ng baboy na nanginginain sa di kalayuan mula sa kanila. 31 Nakiusap kay Jesus ang mga demonyo. Sinabi nila, “Kung palalabasin mo kami, papuntahin mo na lang kami sa kawan ng mga baboy.” 32 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo roon.” Nagsilabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ay rumagasang patungong bangin, nahulog sa dagat at nalunod. 33 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng mga hayop at sila'y pumasok sa lungsod. Doon ay ibinalita nila ang buong pangyayari, lalung-lalo na ang nangyari sa mga taong sinaniban ng mga demonyo. 34 Lumabas ang lahat ng mga taong-bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, sila'y nakiusap sa kanya na lisanin ang kanilang lupain.
Ang Talinghaga ng Manghahasik(A)
4 Muling (B) nagturo si Jesus sa tabi ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa palibot niya, kaya't sumakay siya sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang mga tao nama'y nasa dalampasigan. 2 Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya sa kanila, 3 “Makinig kayo! May isang manghahasik ang lumabas upang maghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik ang ilang binhi ay nahulog sa tabing daan. Dumating ang mga ibon at kinain ito. 5 May mga binhi namang nahulog sa batuhang may manipis na lupa. Agad sumibol ang mga binhi sapagkat ang lupa ay hindi malalim. 6 Nang sumikat ang araw, nalanta at natuyo ang mga pananim, dahil walang gaanong ugat. 7 May mga binhi namang nalaglag sa tinikan. Lumago ang mga tinik at sinakal ang binhing tumubo kaya't hindi namunga. 8 Ang ibang binhi ay nalaglag sa matabang lupa. Tumubo ang mga ito, lumago at namunga nang marami—may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-isandaan.” 9 Sinabi ni Jesus, “Ang may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
10 Nang nag-iisa na siya, nilapitan si Jesus ng ilang nakikinig, kasama ang labindalawa. Itinanong nila ang kahulugan ng talinghaga. 11 Sinabi niya, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng paghahari ng Diyos. Ngunit sa kanilang nasa labas, sinasabi ang lahat sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Kaya nga (D)
‘tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita;
at makinig man nang makinig ay hindi sila makauunawa;
baka sila'y magbalik-loob at patawarin.’ ”
13 Tinanong sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang talinghaga? 14 Ang naghahasik ay naghahasik ng Salita. 15 May mga taong tulad ng binhing nahasik sa daan. Matapos silang makinig, agad dumarating si Satanas at inaagaw ang salitang inihasik sa kanila. 16 Ang iba nama'y tulad ng mga nahasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita, buong galak nila itong tinanggap. 17 Ngunit dahil walang ugat, sandali lamang silang nagtatagal at madali silang tumalikod pagdating ng kapighatian o mga pag-uusig dahil sa Salita. 18 Ang iba nama'y tulad ng nahasik sa tinikan. Nakinig sila sa Salita, 19 ngunit dahil sa mga alalahanin sa buhay na ito, daya ng kayamanan, at pagnanasa sa ibang bagay, nawawalan ng puwang ang Salita sa kanilang puso at ito'y hindi makapamunga. 20 Ang iba nama'y tulad ng nahasik sa matabang lupa. Nakinig sila sa Salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(E)
21 Sinabi (F) pa ni Jesus, “Ang ilaw bang sinindihan ay inilalagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan? Hindi ba't inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Sapagkat (G) anumang nakatago ay malalantad, at anumang nalilihim ay mabubunyag. 23 Ang may pandinig ay makinig.” 24 Sinabi rin (H) niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong pinakikinggan. Kung ano ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo, at higit pa roon ang ibibigay sa inyo. 25 Sapagkat (I) ang mayroon na ay bibigyan pa; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Binhing Tumutubo
26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: May isang taong naghasik ng binhi sa lupa. 27 Natutulog siya at gumigising sa araw at gabi, sumisibol pa rin at lumalaki ang binhi nang hindi niya namamalayan kung paano. 28 Ang lupa sa kanyang sarili ang nagpapasibol sa halaman,[a] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil. 29 Kapag (J) hinog na ang bunga, magsusugo agad ang magsasaka ng gagapas sapagkat panahon na ng pag-aani.”
Ang Butil ng Mustasa(K)
30 Nagpatuloy si Jesus, “Saan natin maihahambing ang paghahari ng Diyos? Ano'ng talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? 31 Tulad ito ng binhi ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi. 32 Ngunit kapag ito'y naihasik, lumalaki ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng halaman. Yumayabong ang mga sanga nito, kaya't ang mga ibon ay nakapagpupugad sa lilim nito.”
Ang Paggamit ng mga Talinghaga(L)
33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ipinangaral sa kanila ni Jesus ang Salita, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34 Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya ang lahat nang sarilinan sa kanyang mga alagad.
Pinatigil ni Jesus ang Unos(M)
35 Kinagabihan, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at tumawid ng lawa lulan ng bangkang sinasakyan ni Jesus. May iba pang mga bangkang sumabay sa kanila. 37 Dumating ang isang malakas na unos kaya't hinampas ng malalaking alon ang bangkang kanilang sinasakyan. Halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus nama'y natutulog sa hulihan ng bangka at nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” sabi nila, “wala ba kayong malasakit? Malulunod na tayo!” 39 Bumangon si Jesus, sinaway ang hangin at inutusan ang lawa, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan. 40 Sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?” 41 Labis silang natakot at sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ito? Pati hangin at tubig ay sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ni Jesus ang Sinasaniban ng Demonyo(N)
5 Dumating sila sa kabilang lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[b] 2 Pagbaba ni Jesus mula sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito'y sinasaniban ng maruming espiritu. 3 Siya'y naninirahan sa mga libingan at hindi mapigilan kahit ng tanikala. 4 Madalas siyang iposas at itanikala, ngunit nababali niya at nalalagot ang mga gapos. Walang may sapat na lakas na makasupil sa kanya. 5 Araw-gabi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili sa pamamagitan ng mga bato. 6 Malayo pa ay natanaw na niya si Jesus. Patakbo siyang lumapit at lumuhod sa harap niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng kailangan mo sa akin! Alang-alang sa Diyos, huwag mo akong pahirapan!” 8 Sinabi niya ito sapagkat iniutos sa kanya ni Jesus, “Ikaw na maruming espiritu, lumabas ka sa taong ito!” 9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[c] ang pangalan ko sapagkat marami kami.” 10 Nagmakaawa siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Noon nama'y may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain sa libis ng bundok na malapit doon. 12 Nakiusap sila kay Jesus, “Hayaan mo na lamang na makapasok kami sa mga baboy.” 13 Pinayagan naman sila ni Jesus. Lumabas ang mga masamang espiritu mula sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay kumaripas ng takbo papunta sa matarik na bangin patungong lawa at nalunod. 14 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng kawan, at ibinalita sa lungsod at sa mga karatig-nayon ang naganap. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinaniban ng maruming espiritu na nakaupo, nakadamit, at matino ang pag-iisip. At sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakasaksi ang naganap sa lalaking sinaniban ng demonyo at gayundin sa mga baboy. 17 Kaya't nakiusap sila kay Jesus na lisanin ang kanilang lugar. 18 Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang lalaking dating sinaniban ng mga demonyo na isama siya. 19 Ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi sa lalaki, “Umuwi ka at ibalita sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo, at kung paano siya nahabag sa iyo.” 20 Umalis nga ang lalaki[d] at ipinamalita sa buong Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus. Namangha ang lahat ng nakarinig nito.
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(O)
21 Nang muling makatawid si Jesus sa ibayo, nasa tabi pa lamang siya ng lawa ay pinalibutan siya ng napakaraming tao. 22 Dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita kay Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. 23 Nagmakaawa si Jairo kay Jesus, “Kung maaari ay sumama po kayo sa akin. Nag-aagaw-buhay na ang aking munting anak na babae. Ipatong po ninyo sa kanya ang inyong mga kamay upang siya'y gumaling at mabuhay!” 24 Sumama naman si Jesus.
Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, kaya't siya'y nasisiksik. 25 Kabilang sa naroon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap na ang kanyang dinanas dahil sa maraming manggagamot. Naubos na niya ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot. Ngunit sa halip na gumaling, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa karamihan hanggang makalapit sa kanyang likuran, at hinawakan ang damit nito. 28 Ganito ang nasa isip niya, “Tiyak na gagaling ako mahawakan ko lang ang kanyang damit.” 29 Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo, at naramdaman niya sa kanyang katawan na magaling na siya. 30 Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't lumingon siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humawak sa damit ko?” 31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong sinisiksik kayo ng maraming tao, bakit ninyo itatanong kung sino ang humawak sa inyo?” 32 Subalit tumingin pa rin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang humawak sa kanya. 33 Dahil alam ng babae ang nangyari sa kanya, nanginginig siya sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa sa harap niya, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Lumakad kang payapa. Tapos na ang iyong pagdurusa. Magaling ka na.”
35 Nagsasalita pa siya nang may mga taong dumating galing sa bahay ni Jairo. “Namatay na ang anak mong babae,” sabi nila. “Bakit mo pa inaabala ang Guro?” 36 Ngunit hindi pinansin[e] ni Jesus ang kanilang sinabi. Sa halip, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; basta manalig ka.” 37 Wala siyang isinama kundi sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at pagtaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, natutulog lang.” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat at pumasok sa silid na kinaroroonan ng bata, kasama ang ama at ina nito, pati ang mga alagad na kasama niya. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[f] na ang ibig sabihin ay “Neneng, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!” 42 Kaagad namang bumangon ang batang babae at lumakad-lakad. Siya'y labindalawang taong gulang na. Labis na namangha ang lahat. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sabihin ang pangyayaring ito kaninuman. Pagkatapos, iniutos niyang pakainin ang bata.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.