Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang mga araw na iyon ay dumating sa ilang ng Judea si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral. “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang paghahari ng langit.”

Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito,

“Isang tinig ang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
    tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang lalakaran.’ ”

Nakasuot si Juan ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at may sinturong balat sa kanyang baywang. Ang kinakain niya ay mga balang at pulot-pukyutan. Pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, ang mga mamamayan sa buong Judea, at ang mga nasa buong paligid ng Jordan. Sila'y kanyang binabautismuhan sa Ilog Jordan, matapos silang magpahayag ng kanilang mga kasalanan. Subalit nang makita niyang marami sa mga Fariseo at mga Saduceo ang dumarating sa kanya upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino'ng nagbabala sa inyo upang takasan ang darating na poot? Mamunga kayo ng patunay ng pagsisisi. At huwag na kayong mag-akala at sabihin sa inyong mga sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sinasabi ko sa inyo, May kakayahan ang Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham kahit sa mga batong ito. 10 Kahit ngayo'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga puno. Kaya't ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 11 Kayo'y binabautismuhan ko sa tubig tungo sa pagsisisi, ngunit ang dumarating sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa akin, ni hindi nga ako karapat-dapat magdala ng kanyang mga sandalyas. Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Hawak-hawak niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang giikan at tipunin ang kanyang mga trigo sa kamalig, ngunit ang ipa ay kanyang susunugin sa di-maaápulang apoy.”

Binautismuhan si Jesus(B)

13 Pagkatapos nito, mula sa Galilea ay pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya. 14 Pinigilan siya ni Juan. “Ako nga itong dapat magpabautismo sa iyo,” sabi niya, “ngunit ikaw pa ang lumalapit sa akin?” 15 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus, “Pumayag ka nang mangyari ito ngayon, sapagkat dapat nating gampanan ang buong katuwiran.” Sumang-ayon si Juan. 16 At nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Noon din ay nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng kalapati, at dumadapo sa kanya. 17 At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”

Marcos 1

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Ito ang pasimula ng ebanghelyo[a] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos. Nasusulat (B) sa aklat ni propeta Isaias,

“Narito, ang aking sugo ay ipinadadala ko sa iyong unahan.[b]
    Siya ang maghahanda ng iyong daraanan.
Isang (C) tinig ang sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
    Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang lalakaran.’ ”

Dumating sa ilang si Juan na nagbabautismo at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi tungo sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Pumupunta sa kanya ang lahat ng mga tao mula sa lupain ng Judea at sa Jerusalem. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan. Nakadamit (D) si Juan ng balahibo ng kamelyo, at yari sa balat ang kanyang sinturon. Mga balang at pulot-pukyutan ang kanyang pagkain. Ganito ang kanyang ipinapangaral, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin. At hindi man lamang ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas. Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”

Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(E)

Dumating noon si Jesus mula sa Nazareth ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa ilog Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus mula sa tubig, bigla niyang nakitang nabuksan ang kalangitan, habang ang Espiritu'y bumababa sa kanya tulad ng isang kalapati. 11 At (F) narinig mula sa kalangitan ang isang tinig, “Ikaw ang minamahal kong Anak, ikaw ang lubos kong kinalulugdan.”

12 Pagkatapos ay kaagad siyang pinapunta ng Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw habang tinutukso ni Satanas. Kasama ni Jesus doon ang mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.

Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(G)

14 Nang maibilanggo na si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at nangaral ng Magandang Balita mula sa Diyos. 15 Sinabi niya, (H) “Dumating na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Kaya magsisi na kayo at sumampalataya sa Magandang Balitang ito!”

Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad

16 Habang dumaraan si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila noon ng lambat sa dagat. 17 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” 18 Kaagad iniwan ng dalawa ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus. 19 Nang makalakad pa nang kaunti ay nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila noon at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila kaagad ni Jesus. Sumunod naman sila sa kanya at iniwan ang ama nilang si Zebedeo at ang kanilang mga upahang tauhan.

Ang Lalaking may Masamang Espiritu(I)

21 Nagpunta sila sa Capernaum, at nang dumating ang araw ng Sabbath ay pumasok sa sinagoga si Jesus at kaagad nagturo. 22 Namangha (J) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya tulad ng may awtoridad at hindi gaya ng mga tagapagturo ng Kautusan. 23 Naroon sa sinagoga ang isang lalaking sinasaniban ng maruming espiritu. Bigla itong sumigaw: 24 “Ano'ng kailangan mo sa amin, Jesus na taga-Nazareth? Pumunta ka ba rito upang puksain kami? Kilala kita—ang Hinirang ng Diyos.” 25 Subalit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa kanya!” 26 Pinangisay ng maruming espiritu ang lalaki, nagsisigaw at pagkatapos ay lumabas mula dito. 27 Labis na namangha ang mga tao, at nag-usap-usap, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihang inuutusan niya maging ang maruruming espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya!” 28 Mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(K)

29 Mula sa sinagoga ay agad silang tumuloy sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil sa lagnat. Kaagad nilang sinabi kay Jesus[c] ang tungkol sa kanya. 31 Kaya't lumapit si Jesus sa babae, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Nawala kaagad ang lagnat ng babae at siya'y naglingkod sa kanila. 32 Pagsapit ng gabi, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasaniban ng demonyo. 33 Lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Nagpagaling siya ng maraming taong may iba't ibang uri ng sakit, at nagpalayas ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat alam ng mga ito kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(L)

35 Kinabukasan, madaling araw pa'y bumangon na si Jesus at lumabas na ng bahay. Nagtungo siya sa isang di-mataong lugar, at doon ay nanalangin. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan nito. 37 Nang siya'y natagpuan nila, sinabi nilang, “Hinahanap ka ng lahat.” 38 Sumagot si Jesus, “Pumunta tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral din ako roon. Ito ang dahilan ng aking pagparito.” 39 Kaya (M) nilakbay ni Jesus ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Pinagaling ang Isang Ketongin(N)

40 May isang ketonging lumapit kay Jesus, lumuhod at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo'y magagawa ninyong linisin ako.” 41 Labis na nahabag si Jesus sa ketongin, kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Nais ko. Maging malinis ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at ito'y luminis. 43 Pagkatapos niya itong pagbilinan nang mahigpit, kaagad niya itong pinaalis. 44 Ganito (O) ang bilin niya sa lalaki, “ Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, magpasuri ka sa pari at maghandog ka ayon sa utos ni Moises. Gawin mo ito bilang patunay sa kanila na malinis ka na.” 45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Kaya't hindi na hayagang makapasok sa mga bayan si Jesus, at sa halip ay nanatili na lamang sa labas ng bayan. Gayunman, kahit doo'y patuloy siyang dinadayo ng mga tao na mula pa sa iba't ibang dako.

Lucas 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Emperador Tiberio, habang si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, si Herodes ang pinuno[a] ng Galilea, si Felipe na kanyang kapatid ang pinuno ng Iturea at Traconite, at si Lysanias naman ang pinuno ng Abilinia; at sina Anas at Caifas naman ang mga Kataas-taasang Pari, dumating ang salita ng Diyos sa anak ni Zacarias na si Juan na nasa ilang. Tinungo niya ang buong lupain sa palibot ng Jordan upang ipangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng kasalanan. Gaya ng nasusulat sa aklat ni propetang si Isaias,

“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.
Tatambakan ang bawat lambak,
    at papatagin ang bawat bundok at burol.
Itutuwid ang likong daan,
    at papatagin ang daang lubak-lubak.
At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas ng Diyos.’ ”

Sinabi ni Juan sa maraming mga taong nagdatingan upang magpabautismo sa kanya, “Mga anak ng ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa darating na poot? Kaya mamunga kayo ng mga bungang karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa isa't isa, ‘Ama namin si Abraham.’ Sinasabi ko sa inyo na mula sa mga batong ito ay kaya ng Diyos na lumikha ng mga anak para kay Abraham. Ngayon pa man ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy. Pinuputol ang bawat punongkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti at itinatapon sa apoy.” 10 Kaya't tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang kailangan naming gawin?” 11 At pagsagot ay sinabi niya sa kanila, “Ang may dalawang damit panloob ay bigyan ang wala at ang may pagkain ay gayon din ang gawin.” 12 May mga nagdatingan ding mga maniningil ng buwis na magpapabautismo na nagsabi sa kanya, “Guro, ano ang nararapat naming gawin?” 13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong sumingil nang labis sa ipinag-uutos sa inyo.” 14 Nagtanong din sa kanya ang mga kawal, “At kami naman, ano naman ang dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ni magbintang nang mali. Makuntento kayo sa inyong sinasahod.” 15 Dahil sa pananabik ng mga tao, nagtatanungan sila kung si Juan na nga ba ang Cristo. 16 Sinagot silang lahat ni Juan, “Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig, ngunit may darating na higit na makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat na magkalag man lang ng kanyang sandalyas. Siya ang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu at apoy. 17 Nasa kanyang kamay ang kalaykay upang linisin nang husto ang kanyang giikan at tipunin ang trigo sa kanyang kamalig; subalit ang ipa ay kanyang susunugin sa apoy na hindi maaápula.” 18 Kaya nga't ipinangaral niya ang marami at iba't ibang bagay sa paghahayag ng mabuting balita. 19 Subalit si Herodes na pinuno, dahil siya'y napagsabihan ni Juan tungkol kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid at tungkol sa lahat ng mga masasamang ginawa ni Herodes, 20 idinagdag pa sa lahat ng ito nang ipinakulong niya si Juan sa bilangguan.

Binautismuhan si Jesus(B)

21 Nang mabautismuhan na ang lahat ng tao, binautismuhan din si Jesus. Habang siya ay nananalangin, nabuksan ang langit 22 at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. Sinabi ng isang tinig mula sa langit, “Ikaw ang pinakamamahal kong anak. Sa iyo ako lubos na nalulugod.”

Ang mga Ninuno ni Jesus(C)

23 Si Jesus ay magtatatlumpung taong gulang nang magsimula sa kanyang gawain. Siya ay anak ni Jose, tulad ng akala ng marami. Si Jose ay anak naman ni Eli, 24 na anak ni Matat, na anak ni Levi, na anak ni Melqui, na anak ni Janai, na anak ni Jose, 25 na anak ni Matatias, na anak ni Amos, na anak ni Nahum, na anak ni Esli, na anak ni Nagai, 26 na anak ni Maat, na anak ni Matatias, na anak ni Semein, na anak ni Josec, na anak ni Joda, 27 na anak ni Joanan, na anak ni Resa, na anak ni Zerubabel, na anak ni Salatiel, na anak ni Neri, 28 na anak ni Melqui, na anak ni Adi, na anak ni Cosam, na anak ni Elmadam, na anak ni Er, 29 na anak ni Josue, na anak ni Eliezer, na anak ni Jorim, na anak ni Matat, na anak ni Levi, 30 na anak ni Simeon, na anak ni Juda, na anak ni Jose, na anak ni Jonam, na anak ni Eliakim, 31 na anak ni Melea, na anak ni Mena, na anak ni Matata, na anak ni Natan, na anak ni David, 32 na anak ni Jesse, na anak ni Obed, na anak ni Boaz, na anak ni Salmon, na anak ni Naason, 33 na anak ni Aminadab, na anak ni Admin, na anak ni Arni, na anak ni Hesrom, na anak ni Perez, na anak ni Juda, 34 na anak ni Jacob, na anak ni Isaac, na anak ni Abraham, na anak ni Terah, na anak ni Nahor, 35 na anak ni Serug, na anak ni Reu, na anak ni Peleg, na anak ni Eber, na anak ni Sala, 36 na anak ni Cainan, na anak ni Arfaxad, na anak ni Sem, na anak ni Noe, na anak ni Lamec, 37 na anak ni Matusalem, na anak ni Enoc, na anak ni Jared, na anak ni Mahalaleel, na anak ni Cainan, 38 na anak ni Enos, na anak ni Set, na anak ni Adan, na anak ng Diyos.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.