Beginning
Hindi Sinunod ni Reyna Vasti si Haring Ahasuerus
1 Nangyari(A) noon sa mga araw ni Ahasuerus, ang Ahasuerus na naghari mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan.
2 Nang mga araw na iyon, nang maupo si Haring Ahasuerus sa trono ng kanyang kaharian, na nasa kastilyo ng Susa,
3 sa ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya'y nagbigay ng isang malaking handaan para sa kanyang mga pinuno at mga lingkod. Ang hukbo ng Persia at Media at ang mga maharlika at gobernador ng mga lalawigan ay naroon,
4 samantalang ipinapakita niya ang malaking kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangalan at karangyaan ng kanyang kamahalan sa loob ng maraming araw, na isang daan at walumpung araw.
5 Nang maganap na ang mga araw na ito, ang hari ay nagdaos ng isang kapistahan na tumagal ng pitong araw para sa buong bayan na nasa kastilyo ng Susa, sa malalaki at maliliit na tao, sa bulwagan ng halamanan ng palasyo ng hari.
6 May mga tabing na telang puti, at palawit na asul na naiipit ng mga panaling pinong lino at ng kulay-ube sa mga argolyang pilak at mga haliging marmol. Mayroon ding mga upuang ginto at pilak sa sahig na mosaik na yari sa porbido, marmol, perlas at mamahaling bato.
7 Ang mga inumin ay nakalagay sa mga sisidlang ginto na iba't ibang uri, at ang alak ng kaharian ay labis-labis, ayon sa kasaganaan ng hari.
8 Ang pag-inom ay ayon sa kautusan; walang pinipilit, sapagkat ipinag-utos ng hari sa lahat ng pinuno ng kanyang palasyo na gawin ang ayon sa nais ng bawat isa.
9 Si Reyna Vasti ay nagdaos din ng kapistahan para sa mga kababaihan sa palasyo na pag-aari ni Haring Ahasuerus.
10 Nang ikapitong araw, nang ang hari ay masaya na dahil sa alak, kanyang inutusan sina Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar, at Carkas, ang pitong eunuko na naglilingkod kay Haring Ahasuerus,
11 na iharap si Reyna Vasti na suot ang kanyang korona sa harapan ng hari, upang ipakita sa mga tao at sa mga pinuno ang kanyang kagandahan; sapagkat siya'y magandang pagmasdan.
12 Ngunit si Reyna Vasti ay tumanggi na pumunta sa utos ng hari na ipinaabot ng mga eunuko. Kaya't ang hari ay lubhang nagalit, at ang kanyang galit ay nag-alab sa katauhan niya.
Naalis sa Pagkareyna si Vasti
13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga pantas na nakakaalam ng mga panahon—sapagkat gayon ang paraan ng hari sa lahat ng dalubhasa sa kautusan at sa paghatol,
14 ang sumusunod sa kanya ay sina Carsena, Zetar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena, at Memucan, ang pitong pinuno ng Persia at Media, na nakakita sa mukha ng hari, at naupong una sa kaharian:
15 “Ayon sa kautusan, anong ating gagawin kay Reyna Vasti sapagkat hindi niya sinunod ang utos ni Haring Ahasuerus na ipinaabot ng mga eunuko?”
16 At si Memucan ay sumagot sa harapan ng hari at ng mga pinuno, “Si Reyna Vasti ay hindi lamang sa hari nagkasala, kundi pati sa lahat ng mga pinuno, at sa lahat ng mga mamamayang nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus.
17 Sapagkat ang ginawang ito ng reyna ay mababalitaan ng lahat ng kababaihan, at hahamakin nila ang kanilang mga asawa, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Si Haring Ahasuerus ay nag-utos kay Reyna Vasti na humarap sa kanya, ngunit hindi siya pumunta!’
18 Sa araw na ito ang lahat ng kababaihan ng mga pinuno ng Persia at Media, na nakabalita ng ginawang ito ng reyna ay magsasabi ng gayon sa lahat ng pinuno ng hari, kaya't magkakaroon ng napakaraming paghamak at pagkapoot.
19 Kung ikalulugod ng hari, maglabas ng utos ang hari, at isulat sa mga kautusan ng mga taga-Persia at mga Medo, upang huwag mabago, na si Vasti ay hindi na makakalapit kay Haring Ahasuerus; at ibigay ng hari ang kanyang pagkareyna sa iba na mas mabuti kaysa kanya.
20 Kaya't kapag ang batas na ginawa ng hari ay naipahayag sa kanyang buong kaharian, sa buong nasasakupan nito, lahat ng babae ay magbibigay sa kanilang mga asawa ng karangalan, maging mataas at mababa.”
21 Ang payong ito ay ikinatuwa ng hari at ng mga pinuno; at ginawa ng hari ang ayon sa iminungkahi ni Memucan.
22 Siya'y nagpadala ng mga sulat sa lahat ng mga lalawigan ng kaharian, sa bawat lalawigan sa sarili nitong paraan ng pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika, na ang bawat lalaki ay magiging panginoon sa kanyang sariling bahay at magsalita ayon sa wika ng kanyang bayan.
2 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nang mapawi ang galit ni Haring Ahasuerus, kanyang naalala si Vasti at ang kanyang ginawa, at kung ano ang iniutos laban sa kanya.
2 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Magpahanap kayo ng magagandang kabataang birhen para sa hari.
3 Magtalaga ang hari ng mga pinuno sa lahat ng mga lalawigan ng kanyang kaharian, upang kanilang tipunin ang lahat ng magagandang kabataang birhen sa kabisera ng Susa sa bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Hegai, na eunuko ng hari, na tagapag-ingat ng mga babae. At ibigay sa kanila ang kanilang mga kailangan sa pagpapaganda.
4 Ang dalaga na kalugdan ng hari ay magiging reyna na kapalit ni Vasti.” Ang bagay na ito ay nakalugod sa hari; at gayon ang ginawa niya.
5 Noon ay may isang Judio sa kabisera ng Susa, na ang pangala'y Mordecai, na anak ni Jair, na anak ni Shimei, na anak ni Kish na Benjaminita;
6 na(B) dinala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nadalang kasama ni Jeconias[a] na hari sa Juda, na dinala ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
7 Pinalaki niya si Hadassa, samakatuwid ay si Esther, na anak na babae ng kanyang amain, sapagkat siya'y walang ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at kaakit-akit. Nang mamatay ang kanyang ama't ina, inampon siya ni Mordecai na parang tunay na anak.
8 Kaya't nang ang utos ng hari at ang kanyang batas ay naipahayag na, at nang matipon ang maraming dalaga sa kabisera ng Susa, sa pamamahala ni Hegai, si Esther ay dinala rin sa palasyo ng hari at inilagay sa pamamahala ni Hegai, na tagapag-ingat sa mga babae.
9 Ang dalaga ay nakalugod sa kanya at nakuha ang kanyang paglingap. Nagbigay siya agad sa kanya ng mga kailangan sa pagpapaganda at ng kanyang bahaging pagkain, at ng pitong piling dalaga mula sa palasyo ng hari. Kanyang inilipat siya at ang kanyang mga babaing alalay sa pinakamabuting dako sa bahay ng mga babae.
10 Hindi ipinaaalam ni Esther ang kanyang bayan o ang kanyang kamag-anak man; sapagkat ibinilin sa kanya ni Mordecai na huwag niyang ipaalam.
11 Si Mordecai ay lumalakad araw-araw sa harapan ng bulwagan ng mga babae upang malaman kung anong kalagayan ni Esther, at kung ano ang nangyayari sa kanya.
12 Nang dumating na ang panahon na ang bawat dalaga ay makapasok kay Haring Ahasuerus, pagkatapos ng labindalawang buwan sa ilalim ng mga pamamalakad para sa mga babae, yamang ganito ang nakaugaliang panahon para sa kanilang pagpapaganda, samakatuwid ay anim na buwan na may langis na mira, at anim na buwan na may pabango, at pampaganda para sa mga babae.
13 Kapag pumasok na ang dalaga sa hari, siya ay bibigyan ng anumang kanyang naisin upang dalhin niya mula sa lugar ng mga babae hanggang sa palasyo ng hari.
14 Sa gabi ay pumaparoon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang lugar ng mga babae sa pamamahala ni Saasgaz, na eunuko ng hari, na nag-iingat sa mga asawang-lingkod. Hindi na siya muling papasok sa hari malibang ang hari ay malugod sa kanya at ipatawag sa kanyang pangalan.
15 Nang sumapit ang panahon ni Esther na anak ni Abihail, na amain ni Mordecai, na umampon sa kanya bilang sariling anak na babae, upang humarap sa hari, wala siyang hininging anuman maliban sa ipinayo ni Hegai na eunuko ng hari, na tagapag-ingat sa mga babae. At si Esther ay hinangaan ng lahat ng nakakita sa kanya.
Si Esther ay Napiling Maging Reyna
16 Nang si Esther ay dalhin kay Haring Ahasuerus sa kanyang palasyo nang ikasampung buwan na siyang buwan ng Tebet, nang ikapitong taon ng kanyang paghahari,
17 minahal ng hari si Esther nang higit kaysa lahat ng mga babae, at siya'y nakatagpo ng biyaya at paglingap nang higit kaysa lahat ng mga birhen. Kaya't kanyang inilagay ang korona ng kaharian sa kanyang ulo at ginawa siyang reyna na kapalit ni Vasti.
18 Nang magkagayo'y gumawa ng malaking kapistahan ang hari para sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga lingkod, iyon ay handaan ni Esther. Nagkaloob din ang hari ng pagbabawas ng buwis sa mga lalawigan, at nagbigay ng mga kaloob ayon sa kasaganaan ng hari.
Iniligtas ni Mordecai ang Hari
19 Nang matipon sa ikalawang pagkakataon ang mga birhen, nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari.
20 Hindi pa ipinapakilala ni Esther ang kanyang pinagmulan o ang kanyang bayan man, gaya ng ibinilin sa kanya ni Mordecai. Sinusunod ni Esther si Mordecai na gaya ng kanyang pagpapalaki sa kanya.
21 Sa mga araw na iyon, samantalang nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari, sina Bigtan at Teres na dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan ay nagalit at hinangad na pagbuhatan ng kamay si Haring Ahasuerus.
22 Ang bagay na ito ay nalaman ni Mordecai at sinabi niya ito kay Reyna Esther, at sinabi ni Esther sa hari sa pangalan ni Mordecai.
23 Nang ang pangyayari ay siyasatin at matuklasang totoo, ang dalawang lalaki ay kapwa binigti sa punungkahoy. At ito'y isinulat sa Aklat ng mga Kasaysayan sa harapan ng hari.
3 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Amedata na Agageo, at itinaas siya at binigyan ng katungkulang[b] mataas kaysa lahat ng mga pinuno na kasama niya.
2 At lahat ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari ay yumukod at nagbigay-galang kay Haman sapagkat iniutos na gayon ng hari tungkol sa kanya. Ngunit si Mordecai ay hindi yumukod o gumalang man sa kanya.
3 Nang magkagayo'y sinabi kay Mordecai ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari, “Bakit mo sinusuway ang utos ng hari?”
4 Nang sila'y makipag-usap sa kanya araw-araw at sila'y ayaw niyang pakinggan, kanilang sinabi kay Haman upang makita kung mangingibabaw ang mga salita ni Mordecai, sapagkat sinabi niya sa kanila na siya'y Judio.
5 Nang makita ni Haman na si Mordecai ay hindi yumuyukod, o gumagalang man sa kanya, napuno ng poot si Haman.
6 Ngunit inisip niyang walang kabuluhan na mag-isang patayin si Mordecai. Kaya't yamang ipinaalam nila sa kanya ang pinagmulan ni Mordecai, inisip ni Haman na lipulin ang lahat ng mga Judio, samakatuwid ay ang kababayan ni Mordecai sa buong nasasakupan ng kaharian ni Ahasuerus.
7 Nang unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ikalabindalawang taon ni Haring Ahasuerus, kanilang pinagpalabunutan ang Pur sa harapan ni Haman para sa araw at buwan. Ang palabunutan ay tumapat sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
8 At sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “May mga taong nakakalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian. Ang kanilang kautusan ay kaiba sa bawat ibang bayan at hindi nila sinusunod ang mga kautusan ng hari; kaya't walang pakinabang ang hari na sila'y pabayaang magpatuloy.
9 Kung ikalulugod ng hari, hayaang ipag-utos na sila'y lipulin. Ako'y magbabayad ng sampung libong talentong pilak sa mga kamay ng mga namamahala ng gawain ng hari, upang ilagay ang mga iyon sa mga kabang-yaman ng hari.”
10 Nang magkagayo'y hinubad ng hari ang singsing sa kanyang kamay, at ibinigay kay Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng mga Judio.
11 At sinabi ng hari kay Haman, “Ang salapi ay ibinibigay sa iyo, gayundin ang mga tao upang gawin mo sa kanila kung ano ang inaakala mong mabuti.”
Inisip ni Haman na Lipulin ang mga Judio
12 Nang magkagayo'y ipinatawag ang mga kalihim ng hari nang ikalabintatlong araw ng unang buwan. Isang utos, ayon sa lahat na iniutos ni Haman, ang ipinasulat sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga tagapamahala ng lahat ng lalawigan, at sa mga pinuno ng bawat bayan, sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika; ito'y isinulat sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari.
13 Ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang wasakin, patayin at lipulin ang lahat ng Judio, bata at matanda, ang mga bata at ang mga babae sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, at upang samsamin ang kanilang mga ari-arian.
14 Ang isang sipi ng sulat ay ibibigay bilang utos sa bawat lalawigan sa pamamagitan ng paghahayag sa lahat ng bayan na sila'y maging handa para sa araw na iyon.
15 Mabilis na umalis ang mga sugo sa utos ng hari, at ang batas ay pinalabas sa kabisera ng Susa. Ang hari at si Haman ay naupo upang uminom; ngunit ang lunsod ng Susa ay nagkagulo.
Pinakiusapan ni Mordecai si Esther na Mamagitan
4 Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng ginawa ni Haman, pinunit ni Mordecai ang kanyang suot, at nagsuot ng damit-sako at may mga abo sa ulo. At lumabas siya sa gitna ng bayan, at tumangis nang malakas na may mapait na pagsigaw.
2 Siya'y umakyat sa pasukan ng pintuan ng hari, sapagkat walang makakapasok sa loob ng pintuan ng hari na nakasuot ng damit-sako.
3 Sa bawat lalawigan, sa tuwing darating ang utos at batas ng hari, ay nagkaroon ng malaking pagluluksa sa mga Judio, na may pag-aayuno, iyakan, at taghuyan; at karamihan sa kanila ay nahihigang may suot damit-sako at may mga abo sa ulo.
4 Nang dumating ang mga babaing alalay ni Esther at ang kanyang mga eunuko at ibalita iyon sa kanya, ang reyna ay lubhang nabahala. Siya'y nagpadala ng bihisan upang isuot ni Mordecai, upang hubarin niya ang kanyang damit-sako, ngunit ayaw niyang tanggapin ang mga ito.
5 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Esther si Hatac, na isa sa mga eunuko ng hari, na itinalaga na mag-alaga sa kanya, at inutusan niyang pumunta kay Mordecai, upang malaman kung ano iyon, at kung bakit gayon.
6 Sa gayo'y lumabas si Hatac patungo kay Mordecai, sa liwasang-bayan na nasa harapan ng pintuan ng hari.
7 Isinalaysay sa kanya ni Mordecai ang lahat na nangyari sa kanya, at ang halaga ng salaping ipinangako ni Haman na ibabayad sa mga kabang-yaman ng hari para sa pagpatay sa mga Judio.
8 Binigyan din siya ni Mordecai ng sipi ng utos na ipinahayag sa Susa upang patayin sila, upang ipakita ito kay Esther, at ipaliwanag ito sa kanya. Ipinagbilin niya sa kanya na siya'y pumunta sa hari upang makiusap at humiling sa kanya alang-alang sa kanyang bayan.
9 At si Hatac ay pumunta, at sinabi kay Esther ang mga sinabi ni Mordecai.
10 Nang magkagayo'y nagsalita si Esther kay Hatac, at nagpasabi kay Mordecai,
11 “Lahat ng lingkod ng hari at ang bayan ng mga lalawigan ng hari ay nakakaalam, na may isang kautusan na kung ang sinumang lalaki o babae ay pumunta sa hari sa pinakaloob na bulwagan na hindi ipinatatawag ay papatayin. Malibang paglawitan siya ng hari ng gintong setro, maaaring mabuhay ang taong iyon. Ako'y tatlumpung araw nang hindi ipinatatawag ng hari.”
12 At sinabi nila kay Mordecai ang mga sinabi ni Esther.
13 Nang magkagayo'y ipinabalik sa kanila ni Mordecai ang sagot kay Esther: “Huwag mong isipin na sa palasyo ng hari ay makakatakas ka na higit kaysa lahat ng ibang mga Judio.
14 Sapagkat kung ikaw ay tatahimik sa panahong ito, ang tulong at kaligtasan ay babangon para sa mga Judio mula sa ibang lugar, ngunit ikaw at ang sambahayan ng iyong ninuno ay mapapahamak. At sinong nakakaalam na kung kaya ka nakarating sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?”
15 At sinabi ni Esther sa kanila na sagutin si Mordecai,
16 “Ikaw ay humayo, tipunin mo ang lahat na Judio na matatagpuan sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kumain o uminom man sa loob ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo. Pagkatapos ay pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako'y mamamatay, ay mamatay.”
17 Sa gayo'y umalis si Mordecai at ginawa ang ayon sa lahat na iniutos ni Esther sa kanya.
Ang Hari at si Haman sa Handaan ni Esther
5 Nang ikatlong araw, nagsuot si Esther ng kanyang damit pang-reyna, at tumayo sa pinakaloob na bulwagan ng palasyo ng hari, sa tapat ng tirahan ng hari. Ang hari ay nakaupo sa kanyang trono sa loob ng palasyo, sa tapat ng pasukan ng palasyo.
2 Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa bulwagan, nakuha ng reyna ang paglingap ng hari. Kaya't inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro na nasa kanyang kamay. At lumapit si Esther at hinipo ang dulo ng setro.
3 Itinanong ng hari sa kanya, “Ano iyon, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan? Ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng aking kaharian.”
4 Sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, pumunta sa araw na ito ang hari at si Haman sa salu-salong inihanda ko para sa hari.”
5 At sinabi ng hari, “Dalhin mong madali dito si Haman upang magawa namin ang gaya ng nais ni Esther.” Kaya't pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
6 Samantalang umiinom sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”
7 At sumagot si Esther, “Ang aking kahilingan ay ito:
8 Kung ako'y nakatagpo ng paglingap sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na aking ihahanda sa kanila, at bukas ay aking gagawin ang gaya ng sinabi ng hari.”
Nagpagawa si Haman ng Bitayan para kay Mordecai
9 Lumabas si Haman nang araw na iyon na galak na galak at may masayang puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa pintuan ng hari, na hindi siya tumayo o nanginig man sa harapan niya, siya'y napuno ng poot laban kay Mordecai.
10 Gayunma'y nagpigil si Haman sa kanyang sarili, at umuwi sa bahay. Siya'y nagsugo at ipinasundo ang kanyang mga kaibigan at si Zeres na kanyang asawa.
11 Ikinuwento ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang mga kayamanan, ang bilang ng kanyang mga anak na lalaki, at lahat ng pagkataas ng katungkulan na ipinarangal ng hari sa kanya, at kung paanong kanyang itinaas siya nang higit kaysa mga pinuno at mga lingkod ng hari.
12 Dagdag pa ni Haman, “Maging si Reyna Esther ay hindi nagpapasok ng sinuman na kasama ng hari sa kapistahan na kanyang inihanda kundi ako lamang. At bukas ay inaanyayahan na naman niya ako na kasama ng hari.
13 Gayunma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng hari.”
14 Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Zeres na kanyang asawa at ng lahat niyang kaibigan, “Magpagawa ka ng isang bitayan na may limampung siko ang taas, at kinaumagahan ay sabihin mo sa hari na bitayin doon si Mordecai. Pagkatapos ay lumakad kang masaya na kasama ng hari sa kapistahan.” Ang payong ito ay nagustuhan ni Haman at kanyang ipinagawa ang bitayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001