Beginning
Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo(A)
2 Si Solomon ay nagpasiyang magtayo ng templo para sa pangalan ng Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.
2 Si(B) Solomon ay nangalap ng pitumpung libong lalaki upang magbuhat ng mga pasan at walumpung libong lalaki upang tumibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan upang mamahala sa kanila.
3 At si Solomon ay nagpasabi kay Huram na hari ng Tiro, “Kung ano ang iyong ginawa kay David na aking ama na pinadalhan mo ng mga sedro upang magtayo siya ng bahay na matitirahan, gayundin ang gawin mo sa akin.
4 Malapit na akong magtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos, at italaga ito sa kanya upang pagsunugan ng mabangong insenso sa harapan niya, at para sa palagiang handog na tinapay, at para sa mga handog na sinusunog sa umaga at hapon, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan ng Panginoon naming Diyos, gaya ng itinalaga magpakailanman para sa Israel.
5 Ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila sapagkat ang aming Diyos ay higit na dakila kaysa lahat ng mga diyos.
6 Ngunit sinong makapagtatayo para sa kanya ng isang bahay, yamang sa langit, maging sa pinakamataas na langit ay hindi siya magkakasiya? Sino ako upang ipagtayo ko siya ng isang bahay, maliban sa isang dakong pagsusunugan ng insenso sa harapan niya?
7 Ngayo'y padalhan mo ako ng isang lalaki na bihasang gumawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, at sa kulay-ube, matingkad na pula, at asul na tela, na sanay rin sa pag-ukit, upang makasama ng mga bihasang manggagawang kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na inilaan ni David na aking ama.
8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres, at algum na mula sa Lebanon, sapagkat alam ko na ang iyong mga lingkod ay marunong pumutol ng troso sa Lebanon. Ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod,
9 upang ipaghanda ako ng napakaraming kahoy, sapagkat ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kahanga-hanga.
10 Ako'y magbibigay sa iyong mga lingkod na mga mamumutol ng kahoy ng dalawampung libong koro[a] ng binayong trigo, dalawampung libong koro,[b] ng sebada, dalawampung libong bat[c] ng alak, at dalawampung libong bat[d] ng langis.”
11 Si Huram na hari ng Tiro ay sumagot sa sulat na kanyang ipinadala kay Solomon, “Sapagkat minamahal ng Panginoon ang kanyang bayan ay ginawa ka niyang hari sa kanila.”
12 Sinabi rin ni Huram, “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel na gumawa ng langit at lupa na nagbigay kay Haring David ng isang pantas na anak, na pinagkalooban ng mahusay na pagpapasiya at pang-unawa, upang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili.
13 At ngayo'y nagsugo ako ng isang bihasa at matalinong lalaki, si Huramabi,
14 na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kanyang ama ay taga-Tiro. Siya ay sinanay sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa kulay-ube, asul, at sa matingkad na pula at pinong tela, at sa lahat ng uri ng pag-ukit at sa paggawa ng anumang palamuti na maaaring ipagawa sa kanya, kasama ng iyong mga bihasang manggagawa na mga manggagawa rin ng aking panginoong si David na iyong ama.
15 Kaya't ngayon, ang trigo at sebada, ang langis at ang alak na binanggit ng aking panginoon ay ipadala niya sa kanyang mga lingkod.
16 Aming puputulin ang gaano mang karaming troso na kailangan mo mula sa Lebanon, at aming dadalhin sa iyo na parang mga balsa na idaraan sa dagat hanggang sa Joppa, upang iyong madala sa Jerusalem.”
Pinasimulan ang Pagtatayo ng Templo(C)
17 Pagkatapos ay binilang ni Solomon ang lahat ng mga dayuhan na nasa lupain ng Israel, ayon sa pagbilang na ginawa sa kanila ni David na kanyang ama; at iyon ay umabot ng isandaan limampu't tatlong libo at animnaraan.
18 Pitumpung libo sa kanila ay kanyang itinalaga na tagabuhat ng pasan, walumpung libo na mga tagatibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan bilang kapatas upang mapagtrabaho ang taong-bayan.
3 Pinasimulang(D) itayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon sa Jerusalem sa ibabaw ng Bundok Moria, na doon ay nagpakita ang Panginoon kay David na kanyang ama, sa lugar na itinakda ni David, sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
2 Siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.
3 Ang mga ito ang sukat na ginamit ni Solomon para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Ang haba sa mga siko ayon sa matandang panukat ay animnapung siko, at ang luwang ay dalawampung siko.
4 Ang portiko na nasa harapan ng bahay ay dalawampung siko, kasinluwang ng bahay; at ang taas ay isandaan at dalawampung siko. Ito ay kanyang binalutan ng lantay na ginto sa loob.
5 Mismong ang bahay ay kanyang nilagyan ng kisame ng kahoy na sipres, at binalot ito ng lantay na ginto, at ginawan ito ng mga palma at mga tanikala.
6 Kanyang pinalamutian ang bahay ng mga mamahaling bato. Ang ginto ay mula sa Parvaim.
7 Kanyang binalutan ng ginto ang bahay, ang mga biga, mga pasukan, mga dingding, at ang mga pinto; at inukitan niya ng mga kerubin ang mga dingding.
8 Kanyang(E) ginawa ang dakong kabanal-banalan; ang haba nito ay katumbas ng luwang ng bahay, dalawampung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko. Kanyang binalutan ito ng dalisay na ginto na may timbang na animnaraang talento.
9 Ang bigat ng mga pako ay limampung siklong ginto. At kanyang binalutan ng ginto ang mga silid sa itaas.
10 Sa(F) dakong kabanal-banalan ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy at binalot ang mga ito ng ginto.
11 Ang mga pakpak ng mga kerubin na sama-samang nakabuka ay dalawampung siko ang haba; ang pakpak ng isa ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak na limang siko ay abot sa pakpak ng unang kerubin.
12 Ang pakpak ng isang kerubin ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak ay limang siko rin na nakalapat sa pakpak ng unang kerubin.
13 Ang mga pakpak ng mga kerubing ito ay umaabot ng dalawampung siko; ang mga kerubin ay nakatayo sa kanilang mga paa, nakaharap sa bahay.
14 Ginawa(G) niya ang tabing na asul, ube, matingkad na pulang tela at pinong lino, at ginawan ang mga ito ng mga kerubin.
15 Sa harapan ng bahay ay gumawa siya ng dalawang haligi na tatlumpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawat isa sa mga iyon ay limang siko.
16 Siya'y gumawa ng mga tanikalang gaya ng kuwintas at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isandaang granada, at inilagay sa mga tanikala.
17 Kanyang itinayo ang mga haligi sa harapan ng templo, ang isa'y sa timog, at ang isa'y sa hilaga; ang nasa timog ay tinawag na Jakin,[e] at ang nasa hilaga ay Boaz.[f]
Mga Kagamitan para sa Templo(H)
4 Gumawa(I) siya ng dambanang tanso na dalawampung siko ang haba, dalawampung siko ang luwang, at sampung siko ang taas.
2 Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang lalagyan ng tubig; ito ay pabilog, sampung siko mula sa labi't labi, at ang taas nito ay limang siko; at ang sukat sa palibot ay tatlumpung siko.
3 Sa ilalim nito ay mga anyo ng mga baka na sampung siko na nakapaligid sa sisidlan ng tubig. Ang mga baka ay dalawang hanay na hinulmang kasama niyon.
4 Ito ay nakatayo sa ibabaw ng labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, at ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan. Ang sisidlan ng tubig ay nakapatong sa ibabaw ng mga iyon, at lahat ng kanilang bahaging likuran ay nasa paloob.
5 Ang kapal nito ay isang dangkal at ang labi nito ay yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng liryo, ito'y naglalaman ng tatlong libong bat.[g]
6 Gumawa(J) rin siya ng sampung hugasan, at inilagay ang lima sa timog, at lima sa hilaga. Sa mga ito nila huhugasan ang mga ginamit sa handog na sinusunog, at ang lalagyan ng tubig ay paliguan ng mga pari.
7 Siya'y(K) gumawa ng sampung ilawang ginto ayon sa utos at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa timog at lima sa hilaga.
8 Gumawa(L) rin siya ng sampung hapag at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa dakong timog at lima sa hilaga. Siya'y gumawa ng isandaang palangganang ginto.
9 Ginawa niya ang bulwagan ng mga pari, ang malaking bulwagan, at ang mga pinto para sa bulwagan at binalot ng tanso ang kanilang mga pinto;
10 at kanyang inilagay ang sisidlan ng tubig sa dakong timog-silangang sulok ng bahay.
11 Gumawa rin si Huramabi ng mga palayok, mga pala, at mga palanggana. Gayon tinapos ni Huramabi ang gawain na ginawa niya para kay Haring Solomon sa bahay ng Diyos:
12 ang dalawang haligi, mga mangkok, ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang korona na tumatakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
13 at ang apatnaraang granada para sa dalawang korona; dalawang hanay ng granada para sa bawat korona, upang tumakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi.
14 Gumawa rin siya ng mga patungan, at ng mga hugasan sa ibabaw ng mga patungan;
15 ng isang malaking sisidlan ng tubig,[h] at ng labindalawang baka na nasa ilalim nito.
16 Ang mga palayok, mga pala, mga pantusok, at lahat ng kasangkapan nito ay ginawa ni Huramabi mula sa tansong binuli para kay Haring Solomon para sa bahay ng Panginoon.
17 Sa kapatagan ng Jordan ipinahulma ng hari ang mga iyon, sa lupang luwad sa pagitan ng Sucot at Zereda.
18 Ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na ito nang maramihan, anupa't hindi matiyak ang timbang ng tanso.
19 Sa gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na nasa bahay ng Diyos: ang gintong dambana, ang mga hapag para sa tinapay na handog,
20 ang mga ilawan at mga ilaw nito na dalisay na ginto na magniningas sa loob ng santuwaryo ayon sa iniutos;
21 ang mga bulaklak, mga ilawan, mga panipit na ginto, na pawang yari sa pinakadalisay na ginto;
22 ang mga gunting, mga palanggana, mga sandok, mga pinggan para sa insenso na dalisay na ginto; at ang pintuan ng templo, para sa panloob na pintuan patungo sa dakong kabanal-banalan, at para sa pintuan ng templo ay yari sa ginto.
5 Kaya't(M) natapos ang lahat ng gawaing ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama; at itinago ang pilak, ginto, at ang lahat ng mga kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ng Diyos.
Ang Kaban ng Tipan ay Dinala sa Templo(N)
2 Pinulong(O) ni Solomon sa Jerusalem ang matatanda ng Israel, at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.
3 Ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa kapistahan na nasa ikapitong buwan.
4 Dumating ang lahat ng matatanda sa Israel at pinasan ng mga Levita ang kaban.
5 Kanilang dinala ang kaban, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapang nasa tolda; ang mga ito'y dinala ng mga pari at ng mga Levita.
6 Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipun-tipon sa harapan niya ay nasa harapan ng kaban, na naghahandog ng napakaraming mga tupa at mga baka, na ang mga ito ay hindi mabilang.
7 Ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa kabanal-banalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
8 Sapagkat iniladlad ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak sa ibabaw ng kaban, kaya't ang mga kerubin ay lumulukob sa kaban at sa mga pasanan nito.
9 Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa banal na dako sa harapan ng panloob na santuwaryo, ngunit ang mga ito ay hindi nakikita sa labas; at ang mga iyon ay naroroon hanggang sa araw na ito.
10 Walang(P) anumang bagay sa loob ng kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay doon ni Moises sa Horeb, na doon ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Ehipto.
Ang Kaluwalhatian ng Panginoon
11 Nang ang mga pari ay lumabas sa banal na dako (sapagkat ang lahat ng pari na naroroon ay nagtalaga ng kanilang mga sarili, at hindi sinunod ang kanilang pagkakapangkat-pangkat.
12 Lahat ng mga mang-aawit na mga Levita, sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang mga anak at mga kapatid, na nakadamit ng pinong lino, na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ay nakatayo sa gawing silangan ng dambana na may kasamang isandaan at dalawampung pari na umiihip ng mga trumpeta.
13 Katungkulan(Q)(R) ng mga umiihip ng trumpeta at ng mga mang-aawit na sila'y marinig na sama-sama sa pagpupuri at pasasalamat sa Panginoon), at nang ang awit ay inilakas, na may mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang kagamitang panugtog, sa pagpupuri sa Panginoon,
“Sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,”
ang bahay ng Panginoon ay napuno ng ulap,
14 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang makapaglingkod dahil sa ulap; sapagkat ang kaluwalhatian ng Panginoon ang pumuno sa bahay ng Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001