Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 18-21

Naging Matatag at Lumawak ang Kaharian ni David(A)

18 Pagkatapos nito'y sinalakay ni David ang mga Filisteo at sinakop sila; kinuha niya ang Gat at ang mga nayon niyon sa kamay ng mga Filisteo.

Tinalo niya ang Moab, at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at sila'y nagdala ng mga kaloob.

Tinalo rin ni David sa Hamat si Hadadezer na hari ng Soba, habang siya'y papunta sa Hamat upang itatag ang kanyang kapangyarihan sa tabi ng Ilog Eufrates.

Kumuha si David sa kanya ng isang libong karwahe, pitong libong mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad; at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karwahe, ngunit nagtira nang sapat para sa isandaang karwahe.

Nang ang mga taga-Aram sa Damasco ay dumating upang sumaklolo kay Hadadezer na hari ng Soba, nakapatay si David ng dalawampu't dalawang libong lalaking mga taga-Aram.

Pagkatapos ay naglagay si David ng mga himpilan sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Aram ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng tagumpay si David saanman siya pumunta.

Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.

Mula(B) sa Thibath at Chun na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha si David ng napakaraming tanso na siyang ginawa ni Solomon na dagat-dagatang tanso, mga haligi, at mga sisidlang tanso.

Nang mabalitaan ni Tou na hari ng Hamat na natalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Soba,

10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram kay Haring David, upang bumati sa kanya, at purihin siya, sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at tinalo niya ito sapagkat si Hadadezer ay laging nakikipagdigma kay Tou. At siya'y nagpadala ng lahat ng uri ng kasangkapang ginto, pilak, at tanso.

11 Ang mga ito naman ay itinalaga ni Haring David sa Panginoon, pati ang pilak at ginto na kanyang kinuha sa lahat ng bansa; mula sa Edom, Moab, sa mga anak ni Ammon, sa mga Filisteo, at mula sa Amalek.

12 At(C) pinatay ni Abisai na anak ni Zeruia ang labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.

13 Naglagay siya ng mga himpilan sa Edom; at lahat ng mga Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saanman siya pumunta.

14 Kaya't si David ay naghari sa buong Israel at siya'y naglapat ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa buong bayan niya.

15 Si Joab na anak ni Zeruia ang namuno sa hukbo; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala.

16 Si Zadok na anak ni Ahitub, at si Abimelec na anak ni Abiatar ay mga pari at si Sausa ay kalihim;

17 si Benaya na anak ni Jehoiada ay namamahala sa mga Kereteo at sa mga Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno na naglilingkod sa hari.

Ang Sugo ni David ay Nilapastangan ni Hanun(D)

19 Pagkatapos nito, si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

At sinabi ni David, “Papakitunguhan kong may katapatan si Hanun na anak ni Nahas, sapagkat ang kanyang ama ay nagpakita ng katapatan sa akin.” Kaya't nagpadala si David ng mga sugo upang aliwin si Hanun[a] tungkol sa kanyang ama. Nang ang mga lingkod ni David ay dumating kay Hanun sa lupain ng mga anak ni Ammon upang aliwin siya,

sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, sapagkat siya'y nagsugo ng mga mang-aaliw sa iyo? Hindi ba ang kanyang mga lingkod ay pumarito sa iyo upang siyasatin, ibagsak, at tiktikan ang lupain?”

Sa gayo'y sinunggaban ni Hanun ang mga lingkod ni David, inahitan sila at ginupit sa gitna ang kanilang mga suot hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.

At sila'y humayo. Nang ibalita kay David ang nangyari sa mga lalaki, nagsugo siya upang salubungin sila, sapagkat lubhang napahiya ang mga lalaki. At sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at pagkatapos ay bumalik kayo.”

Nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, si Hanun at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak upang umupa ng mga karwahe at mga mangangabayo mula sa Mesopotamia, sa Aram-maaca, at mula sa Soba.

Umupa sila ng tatlumpu't dalawang libong karwahe at ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo, na dumating at nagkampo sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagkatipon mula sa kanilang mga bayan at dumating upang makipaglaban.

Nang ito'y mabalitaan ni David, sinugo niya si Joab at ang buong hukbo ng mga mandirigma.

Ang mga anak ni Ammon ay lumabas at humanay sa pakikipaglaban sa pasukan ng lunsod, at ang mga hari na pumaroon ay sama-sama sa kaparangan.

Natalo ang Ammon at ang Aram

10 Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatuon sa kanya sa harapan at sa likuran, pinili niya ang ilan sa mga piling lalaki ng Israel, at inihanay sila laban sa mga taga-Aram,

11 at ang nalabi sa mga tauhan ay kanyang ipinamahala sa kanyang kapatid na si Abisai, at sila'y humanay laban sa mga anak ni Ammon.

12 At sinabi niya, “Kung ang mga taga-Aram ay napakalakas para sa akin, tutulungan mo ako, ngunit kung ang mga anak ni Ammon ay napakalakas para sa iyo, tutulungan kita.

13 Magpakatatag ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos, at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti sa kanya.”

14 Kaya't si Joab at ang mga taong kasama niya ay lumapit sa harapan ng mga taga-Aram sa pakikipaglaban at sila'y tumakas sa harapan niya.

15 Nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga-Aram ay nagsitakas, sila ay tumakas din mula kay Abisai na kanyang kapatid at pumasok sa bayan. At si Joab ay pumunta sa Jerusalem.

16 Ngunit nang makita ng mga taga-Aram na sila'y natalo ng Israel, sila'y nagpadala ng mga sugo at isinama ang mga taga-Aram na nasa kabila ng Eufrates, na kasama ni Sofac na punong-kawal ng hukbo ni Hadadezer upang manguna sa kanila.

17 Nang ito'y ibalita kay David, kanyang tinipon ang buong Israel, tumawid sa Jordan, pumaroon sa kanila, at inihanay ang kanyang hukbo laban sa kanila. Nang maihanda ni David ang pakikipaglaban sa mga taga-Aram, sila'y nakipaglaban sa kanya.

18 At ang mga taga-Aram ay tumakas mula sa harapan ng Israel. Ang pinatay ni David sa mga taga-Aram ay pitong libong katao na nakasakay sa karwahe, at apatnapung libong kawal na lakad, at si Sofac na punong-kawal ng hukbo.

19 Nang makita ng mga lingkod ni Hadadezer na sila'y natalo ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at napailalim sa kanya. Kaya't ang mga taga-Aram ay ayaw nang tumulong pa sa mga anak ni Ammon.

Kinubkob ang Rabba(E)

20 Sa(F) tagsibol ng taon, sa panahong ang mga hari ay humahayo upang makipaglaban, pinamunuan ni Joab ang hukbo, sinira niya ang lupain ng mga anak ni Ammon, at dumating at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem. At sinalakay ni Joab ang Rabba, at ibinagsak ito.

At kinuha ni David ang korona sa ulo ng kanilang hari, at kanyang napag-alamang may timbang na isang talentong ginto, at ito ay may mahalagang bato. Ito'y inilagay sa ulo ni David. At kanyang inilabas ang samsam ng lunsod na totoong napakarami.

At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagtrabaho sila na ang gamit ay mga lagari, mga suyod na bakal, at mga palakol. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga lunsod ng mga anak ni Ammon. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

Sinalakay ang Filisteo(G)

Pagkatapos nito ay sumiklab ang digmaan sa Gezer laban sa mga Filisteo. Pinatay ni Shibecai na Husatita si Sipai, na isa sa mga anak ng mga higante, at ang mga Filisteo ay nagapi.

Nagkaroon(H) uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na Geteo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi.

Nagkaroon uli ng labanan sa Gat, na doo'y may isang napakalaking lalaki na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawampu't apat, anim sa bawat kamay at anim sa bawat paa; at siya rin nama'y ipinanganak mula sa mga higante.

Nang kanyang libakin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimea na kapatid ni David.

Ang mga ito ay ipinanganak mula sa mga higante sa Gat, at sila'y bumagsak sa kamay ni David at ng mga lingkod niya.

Ang Bayan ay Binilang(I)

21 Si Satanas ay tumayo laban sa Israel, at inudyukan si David na bilangin ang sambayanang Israel.

Kaya't sinabi ni David kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo, “Humayo kayo, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; dalhan ninyo ako ng ulat upang aking malaman ang bilang nila.”

Ngunit sinabi ni Joab, “Paramihin nawa ng Panginoon ang kanyang bayan nang makasandaang higit sa dami nila! Ngunit, panginoon kong hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? Bakit kailangan pa ng panginoon ko ang bagay na ito? Bakit siya'y magiging sanhi ng pagkakasala ng Israel?”

Gayunma'y ang salita ng hari ay nanaig kay Joab. Kaya't si Joab ay humayo, at nilibot ang buong Israel, at bumalik sa Jerusalem.

Ibinigay ni Joab kay David ang kabuuang bilang ng bayan. Sa buong Israel ay isang milyon at isandaang libo na humahawak ng tabak, at sa Juda ay apatnaraan at pitumpung libong lalaki na humahawak ng tabak.

Ngunit ang Levi at ang Benjamin ay hindi niya binilang, sapagkat ang utos ng hari ay kasuklamsuklam para kay Joab.

Subalit hindi kinalugdan ng Diyos ang bagay na ito, kaya't kanyang sinaktan ang Israel.

Sinabi ni David sa Diyos, “Ako'y nagkasala nang mabigat sa paggawa ko ng bagay na ito. Ngunit ngayon, hinihiling ko sa iyo, pawiin mo ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagkat nakagawa ako ng malaking kahangalan.”

Nagpadala ng Salot

Ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na propeta[b] ni David,

10 “Humayo ka at sabihin mo kay David na ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Inaalok kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga ito upang iyon ang gagawin ko sa iyo.’”

11 Kaya't pumunta si Gad kay David, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Mamili ka:

12 tatlong taóng taggutom o tatlong buwang pananalanta ng iyong mga kaaway, habang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umaabot sa iyo; o tatlong araw ng tabak ng Panginoon, salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mamumuksa sa lahat ng nasasakupan ng Israel.’ Ngayon, isipin mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kanya na nagsugo sa akin.”

13 Sinabi ni David kay Gad, “Ako'y nasa malaking kagipitan, hayaan mo akong mahulog sa kamay ng Panginoon, sapagkat lubhang malaki ang kanyang awa, ngunit huwag mong hayaang mahulog ako sa kamay ng tao.”

14 Sa gayo'y nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel, at pitumpung libong katao ang namatay sa Israel.

15 Ang Diyos ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem upang puksain ito, subalit nang kanyang pupuksain na ito, ang Panginoon ay tumingin, at iniurong niya ang pagpuksa. Sinabi niya sa mamumuksang anghel, “Tama na. Itigil mo na ang kamay mo.” Ang anghel ng Panginoon ay nakatayo noon sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.

16 Tumingin si David sa itaas at nakita niya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at langit na may hawak na tabak sa kanyang kamay na nakatutok sa Jerusalem. Nang magkagayon, si David at ang matatanda na nakadamit-sako ay nagpatirapa.

17 Sinabi ni David sa Diyos, “Hindi ba't ako ang nag-utos na bilangin ang bayan? Ako ang tanging nagkasala at gumawa ng malaking kasamaan. Ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang nagawa? Idinadalangin ko sa iyo, O Panginoon kong Diyos, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin at sa sambahayan ng aking ama; ngunit huwag mong bigyan ng salot ang iyong bayan.”

Si David ay Nagtayo ng Dambana sa Giikan ni Ornan

18 Pagkatapos ay inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya'y umakyat, at magtayo ng isang dambana para sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.

19 Kaya't si David ay pumunta ayon sa salita ni Gad na kanyang sinabi sa pangalan ng Panginoon.

20 Lumingon si Ornan at nakita ang anghel; samantalang ang kanyang apat na anak na kasama niya ay nagkukubli, si Ornan ay nagpatuloy sa paggiik ng trigo.

21 Samantalang si David ay papalapit kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David. Lumabas siya sa giikan, at yumukod kay David na ang kanyang mukha ay nasa lupa.

22 Sinabi ni David kay Ornan, “Ibigay mo sa akin ang lugar ng giikang ito upang aking mapagtayuan ng isang dambana para sa Panginoon. Ibigay mo ito sa akin sa kabuuang halaga nito upang ang salot ay tumigil sa bayan.”

23 Sinabi ni Ornan kay David, “Kunin mo na at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa kanyang paningin. Ipinagkakaloob ko ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kasangkapan ng giikan bilang panggatong, at ang trigo para sa handog na butil. Ibinibigay ko ang lahat ng ito.”

24 Ngunit sinabi ni Haring David kay Ornan, “Hindi. Bibilhin ko ito sa buong halaga, sapagkat hindi ako kukuha ng sa iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ako ng handog na sinusunog nang wala akong ginugol.”

25 Kaya't binayaran ni David si Ornan para sa lugar na iyon ng animnaraang siklong ginto ayon sa timbang.

26 Nagtayo roon si David ng isang dambana para sa Panginoon, at naghandog ng mga handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan. Tumawag siya sa Panginoon; at kanyang sinagot siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog.

27 Pagkatapos ay inutusan ng Panginoon ang anghel; at kanyang ibinalik sa kaluban ang kanyang tabak.

28 Nang panahong iyon, nang makita ni David na sinagot siya ng Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya'y nag-alay ng handog doon.

29 Sapagkat ang tabernakulo ng Panginoon na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na sinusunog, nang panahong iyon ay nasa mataas na dako sa Gibeon.

30 Ngunit si David ay hindi makapunta sa harap niyon upang sumangguni sa Diyos, sapagkat siya'y natatakot sa tabak ng anghel ng Panginoon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001