Beginning
Ang Pakikidigma ni Abias kay Jeroboam(A)
13 Nang ikalabingwalong taon ni Haring Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda.
2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Micaya na anak ni Uriel na taga-Gibea. Noon ay mayroong digmaan sa pagitan nina Abias at Jeroboam.
3 Si Abias ay nakipaglabang kasama ang isang hukbo ng matatapang na mandirigma, apatnaraang libong mga piling lalaki. At si Jeroboam ay humanay sa pakikipaglaban sa kanya na may walong daang libong piling malalakas na mandirigma.
4 At si Abias ay tumayo sa Bundok ng Zemaraim na nasa lupaing maburol ng Efraim, at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Jeroboam at buong Israel!
5 Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoong Diyos ng Israel ang paghahari sa Israel magpakailanman kay David at sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang tipan ng asin?
6 Gayunma'y si Jeroboam na anak ni Nebat, na lingkod ni Solomon na anak ni David, ay tumindig at naghimagsik laban sa kanyang panginoon;
7 at may ilang mga walang-hiyang lalaki na nagtipun-tipon sa paligid niya at hinamon si Rehoboam na anak ni Solomon, nang si Rehoboam ay bata pa at walang matatag na pasiya at hindi makapanalo sa kanila.
8 “At ngayo'y inyong inaakalang madadaig ang kaharian ng Panginoon sa kamay ng mga anak ni David, sapagkat kayo'y napakarami at may dala kayong mga gintong batang baka, na ginawa ni Jeroboam upang maging mga diyos ninyo.
9 Hindi ba pinalayas ninyo ang mga pari ng Panginoon, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo'y gumawa ng mga pari para sa inyo gaya ng mga bayan ng ibang mga lupain? Sinumang dumarating upang italaga ang sarili sa pamamagitan ng isang batang baka o ng pitong lalaking tupa ay nagiging pari ng hindi mga diyos.
10 Ngunit sa ganang amin, ang Panginoon ang aming Diyos, at hindi namin siya tinalikuran. Mayroon kaming mga pari na naglilingkod sa Panginoon na mga anak ni Aaron at mga Levita para sa kanilang paglilingkod.
11 Sila'y naghahandog sa Panginoon tuwing umaga at hapon ng mga handog na sinusunog at ng kamanyang, at nag-aalay ng tinapay na handog sa hapag na dalisay na ginto, at iniingatan ang ilawang ginto upang ang mga ilawan nito ay magningas tuwing hapon, sapagkat aming iningatan ang bilin ng Panginoon naming Diyos; ngunit inyong tinalikuran siya.
12 Tingnan ninyo, ang Diyos ay kasama namin sa aming unahan, at ang kanyang mga pari na may mga trumpetang pandigma upang patunugin ang hudyat upang digmain kayo. O mga anak ni Israel, huwag kayong lumaban sa Panginoon, sa Diyos ng inyong mga ninuno; sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”
13 Si Jeroboam ay nagsugo ng isang pagtambang upang lumigid at sumalakay sa kanila mula sa likuran; kaya't ang kanyang mga kawal ay nasa harapan ng Juda at ang pagtambang ay nasa likuran nila.
14 Nang ang Juda ay lumingon, ang labanan ay nasa harapan at likuran nila at sila'y sumigaw sa Panginoon, at hinipan ng mga pari ang mga trumpeta.
15 Pagkatapos ay sumigaw ng pakikipaglaban ang mga lalaki ng Juda; at nang sumigaw ang mga anak ng Juda, ginapi ng Diyos si Jeroboam at ang buong Israel sa harapan ni Abias at ng Juda.
16 At ang mga Israelita ay tumakas sa harapan ng Juda; at sila'y ibinigay ng Diyos sa kamay ng Juda.[a]
17 Tinalo sila ni Abias at ng kanyang mga tauhan sa isang napakalaking patayan; sa gayon, ang napatay sa Israel ay limang daang libong mga piling lalaki.
18 Gayon nagapi ang mga anak ni Israel nang panahong iyon, at ang mga anak ni Juda ay nagtagumpay, sapagkat sila'y nagtiwala sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
19 Hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Bethel at ang mga nayon niyon, ang Jeshana at ang mga nayon niyon, at ang Efron at ang mga nayon niyon.
20 Hindi na nabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan sa mga araw ni Abias; at sinaktan siya ng Panginoon at siya'y namatay.
21 Ngunit si Abias ay naging makapangyarihan. Kumuha siya ng labing-apat na asawa at nagkaroon ng dalawampu't dalawang anak na lalaki, at labing-anim na anak na babae.
22 Ang iba pa sa mga gawa ni Abias, ang kanyang mga lakad, at ang kanyang mga sinabi ay nakasulat sa kasaysayan ni propeta Iddo.
Nilupig ni Haring Asa ang Taga-Etiopia
14 Kaya't natulog si Abias na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, at si Asa na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Sa kanyang mga araw ang lupain ay nagpahinga ng sampung taon.
2 At si Asa ay gumawa ng mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon niyang Diyos.
3 Inalis niya ang mga ibang dambana at ang matataas na dako, at winasak ang mga haligi at ibinagsak ang mga sagradong poste,[b]
4 at inutusan ang Juda na hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at tuparin ang batas at ang utos.
5 Kanya ring inalis sa lahat ng bayan ng Juda ang matataas na dako at ang mga dambana ng kamanyang. At ang kaharian ay nagpahinga sa ilalim niya.
6 Siya'y nagtayo ng mga lunsod na may kuta sa Juda sapagkat ang lupain ay nagkaroon ng kapahingahan. Siya'y hindi nagkaroon ng pakikidigma sa mga taong iyon sapagkat binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan.
7 At sinabi niya sa Juda, “Itayo natin ang mga lunsod na ito, at palibutan ng mga pader at mga muog, mga pintuan at mga halang. Ang lupain ay sa atin pa rin, sapagkat hinanap natin ang Panginoon nating Diyos. Ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako.” Kaya't sila'y nagtayo at umunlad.
8 Si Asa ay may hukbo na binubuo ng tatlong daang libo mula sa Juda, may sandata ng mga kalasag at mga sibat, at dalawandaan at walumpung libo mula sa Benjamin, na may dalang mga kalasag at pana. Lahat ng mga ito ay mga lalaking malalakas at matatapang.
9 Si Zera na taga-Etiopia ay lumabas laban sa kanila na may hukbo na isang milyong katao at tatlong daang karwahe; at siya'y dumating hanggang sa Maresha.
10 At lumabas si Asa upang harapin siya at sila'y humanay sa pakikipaglaban sa libis ng Sefata sa Maresha.
11 Si Asa ay tumawag sa Panginoon niyang Diyos, “ Panginoon, walang iba liban sa iyo na makakatulong, sa pagitan ng malakas at ng mahina. Tulungan mo kami, O Panginoon naming Diyos, sapagkat kami ay nananalig sa iyo, at sa iyong pangalan ay pumarito kami laban sa karamihang ito. O Panginoon, ikaw ang aming Diyos; huwag mong papagtagumpayin ang tao laban sa iyo.”
12 Kaya't ginapi ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at sa harapan ng Juda; at ang mga taga-Etiopia ay nagsitakas.
13 At si Asa at ang mga tauhang kasama niya ay humabol sa kanila hanggang sa Gerar, at ang mga taga-Etiopia ay nabuwal hanggang sa walang naiwang buháy; sapagkat sila'y nawasak sa harapan ng Panginoon at ng kanyang hukbo. Ang mga taga-Juda ay nagdala ng napakaraming samsam.
14 Kanilang tinalo ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar, sapagkat ang takot sa Panginoon ay nasa kanila. Kanilang sinamsaman ang lahat ng bayan, sapagkat napakaraming samsam sa kanila.
15 Kanila ring sinalakay ang mga tolda ng mga taong may mga hayop, at nagdala ng napakaraming tupa at mga kamelyo. Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem.
Si Asa ay Gumawa ng Pagbabago
15 Ang Espiritu ng Diyos ay dumating kay Azarias na anak ni Obed,
2 at siya'y lumabas upang salubungin si Asa, at sinabi sa kanya, “Pakinggan ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: Ang Panginoon ay nasa panig ninyo samantalang kayo'y nasa panig niya. Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo; ngunit kung siya'y tatalikuran ninyo, kanyang tatalikuran kayo.
3 Sa loob ng mahabang panahon ang Israel ay walang tunay na Diyos, walang tagapagturong pari, at walang kautusan.
4 Ngunit nang sa kanilang kahirapan ay nanumbalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, at kanilang hinanap siya, kanilang natagpuan siya.
5 Nang mga panahong iyon ay walang kapayapaan sa taong lumabas, o sa taong pumasok, sapagkat malalaking ligalig ang nagpahirap sa lahat ng naninirahan sa mga lupain.
6 Sila'y nagkadurug-durog, bansa laban sa bansa, at lunsod laban sa lunsod sapagkat niligalig sila ng Diyos ng bawat uri ng kaguluhan.
7 Ngunit kayo, magpakatapang kayo! Huwag ninyong hayaang manghina ang inyong mga kamay, sapagkat ang inyong mga gawa ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni Azarias na anak ni Obed, lumakas ang loob niya. Inalis niya ang mga karumaldumal na diyus-diyosan sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga lunsod na kanyang sinakop sa lupaing maburol ng Efraim. Kanyang inayos ang dambana ng Panginoon na nasa harapan ng portiko ng Panginoon.
9 At kanyang tinipon ang buong Juda at Benjamin, at ang mga galing sa Efraim, Manases, at Simeon na nakikipamayang kasama nila, sapagkat napakalaki ang bilang ng tumakas patungo sa kanya mula sa Israel nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.
10 Sila'y nagtipon sa Jerusalem sa ikatlong buwan ng ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa.
11 Sila'y naghandog sa Panginoon nang araw na iyon, mula sa samsam na kanilang dinala, pitong daang baka at pitong libong tupa.
12 At sila'y nakipagtipan upang hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ng kanilang buong puso at kaluluwa.
13 Sinumang ayaw humanap sa Panginoong Diyos ng Israel ay papatayin, maging bata o matanda, lalaki o babae.
14 Sila'y sumumpa sa Panginoon na may malakas na tinig, may mga sigawan, may mga trumpeta, at may mga tambuli.
15 Ikinagalak ng buong Juda ang panata, sapagkat sila'y namanata ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang hangarin. At siya'y natagpuan nila at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.
16 Maging si Maaca na kanyang ina ay inalis ni Haring Asa sa pagiging inang reyna, sapagkat siya'y gumawa ng kasuklamsuklam na larawan para sa sagradong poste.[c] Pinutol ni Asa ang kanyang larawan, dinurog ito, at sinunog sa batis ng Cedron.
17 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis sa Israel. Gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa lahat ng kanyang mga araw.
18 At kanyang ipinasok sa bahay ng Diyos ang mga kaloob na itinalaga ng kanyang ama, at ang mga sarili niyang kaloob na kanyang itinalaga—pilak, ginto, at mga sisidlan.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ikatatlumpu't limang taon ng paghahari ni Asa.
Mga Kaguluhan sa Israel(B)
16 Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasha na hari ng Israel ay pumunta laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang mahadlangan niya ang sinumang lalabas o pupunta kay Asa na hari ng Juda.
2 At kumuha si Asa ng pilak at ginto mula sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari, at ipinadala ang mga ito kay Ben-hadad, na hari ng Siria, na naninirahan sa Damasco, na sinasabi,
3 “Magkaroon nawa ng pagkakasundo sa pagitan nating dalawa, gaya ng sa aking ama at sa iyong ama. Ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasha na hari ng Israel upang siya'y lumayo sa akin.”
4 At nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong-kawal ng kanyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang nasakop ang Ijon, Dan, Abel-maim, at ang lahat ng mga bayang imbakan ng Neftali.
5 Nang mabalitaan ito ni Baasha, inihinto niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kanyang paggawa.
6 Pagkatapos ay isinama ni Haring Asa ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama at ang kahoy nito, na ginagamit ni Baasha sa pagtatayo at ginamit din niya sa pagtatayo ng Geba at Mizpah.
Si Propeta Hanani
7 Nang panahong iyon ay pumunta kay Asa na hari sa Juda si Hanani na propeta, at sinabi sa kanya, “Sapagkat ikaw ay umasa sa hari ng Siria, at hindi ka umasa sa Panginoon mong Diyos, tinakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.
8 Hindi ba ang mga taga-Etiopia at ang mga Lubim ay isang napakalaking hukbo na may napakaraming mga karwahe at mangangabayo? Ngunit sapagkat ikaw ay umasa sa Panginoon, kanyang ibinigay sila sa iyong kamay.
9 Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nagpaparoo't parito sa palibot ng buong lupa, upang ipakita ang kanyang kapangyarihan alang-alang sa kanila na ang mga puso ay tapat sa kanya. Ikaw ay gumawang may kahangalan sa bagay na ito; sapagkat mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga digmaan.”
10 Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa propeta at inilagay siya sa bilangguan sapagkat siya'y nagalit sa kanya dahil sa bagay na ito. At pinagmalupitan ni Asa ang ilan sa mga taong-bayan nang panahon ding iyon.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Asa(C)
11 Ang mga gawa ni Asa, mula una hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.
12 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, si Asa ay nagkaroon ng karamdaman sa kanyang mga paa; ang kanyang sakit ay naging malubha. Gayunman, maging sa kanyang pagkakasakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi humingi ng tulong sa mga manggagamot.
13 Si Asa ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at namatay sa ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari.
14 Kanilang inilibing siya sa libingan na kanyang ipinagawa para sa kanyang sarili sa lunsod ni David. Kanilang inihiga siya sa higaan na nilagyan ng iba't ibang uri ng espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango. Sila'y gumawa ng isang napakalaking apoy para sa kanyang karangalan.
Si Jehoshafat ang Pumalit kay Asa
17 Si Jehoshafat na kanyang anak ay nagharing kapalit niya at pinalakas ang kanyang sarili laban sa Israel.
2 Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may kuta sa Juda, at naglagay ng mga tanggulan sa lupain ng Juda, at sa mga lunsod ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama.
3 Ang Panginoon ay kasama ni Jehoshafat, sapagkat siya'y lumakad sa mga unang lakad ng kanyang ama[d] at hindi niya hinanap ang mga Baal;
4 kundi hinanap ang Diyos ng kanyang ama at lumakad sa kanyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel.
5 Kaya't pinatatag ng Panginoon ang kaharian sa kanyang kamay. Ang buong Juda ay nagdala kay Jehoshafat ng mga kaloob at siya'y nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan.
6 Ang kanyang puso ay matapang sa mga pamamaraan ng Panginoon; at bukod dito'y inalis niya ang matataas na dako at ang mga sagradong poste[e] sa Juda.
7 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari ay kanyang sinugo ang kanyang mga pinuno, sina Benhail, Obadias, Zacarias, Natanael, at Micaya upang magturo sa mga bayan ng Juda.
8 Kasama nila ang mga Levita na sina Shemaya, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jonathan, Adonias, Tobia, at Tobadonias, at kasama ng mga Levitang ito ay ang mga paring sina Elishama at Jehoram.
9 At sila'y nagturo sa Juda na may aklat ng kautusan ng Panginoon. Sila'y humayo sa palibot ng lahat na bayan ng Juda at nagturo sa gitna ng bayan.
Ang Kadakilaan ni Jehoshafat
10 At ang takot sa Panginoon ay dumating sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nasa palibot ng Juda, at sila'y hindi nakipagdigma laban kay Jehoshafat.
11 Ang ilan sa mga Filisteo ay nagdala ng mga kaloob kay Jehoshafat at ng pilak bilang buwis; ang mga taga-Arabia ay nagdala naman sa kanya ng pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalaki.
12 At si Jehoshafat ay lalong naging makapangyarihan. Siya'y nagtayo sa Juda ng mga muog at mga lunsod-imbakan,
13 at siya'y nagkaroon ng maraming mga imbakan sa mga bayan ng Juda. Nagkaroon siya ng mga kawal, mga magigiting na mandirigma sa Jerusalem.
14 Ito ang bilang nila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: mula sa Juda, ang mga punong-kawal ng libu-libo; si Adna na punong-kawal, na may kasamang tatlong daang libong magigiting na mandirigma;
15 at sunod sa kanya ay si Jehohanan na punong-kawal, na may dalawandaan at walumpung libo.
16 Kasunod niya ay si Amasias na anak ni Zicri, isang kusang-loob para sa paglilingkod sa Panginoon; na may dalawandaang libong magigiting na mandirigma.
17 Mula sa Benjamin: si Eliada na isang magiting na mandirigma, na may dalawandaang libong tauhan na may sakbat na pana at kalasag,
18 at sunod sa kanya ay si Jozabad na may isandaan at walumpung libo na may sandata sa pakikipagdigma.
19 Ang mga ito ay naglingkod sa hari bukod sa mga inilagay ng hari sa mga lunsod na may kuta sa buong Juda.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001