Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 9-12

Dumalaw ang Reyna ng Sheba(A)

Nang(B) mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, siya'y pumunta sa Jerusalem upang siya'y subukin ng mahihirap na tanong, kasama ang maraming alalay, at mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mga mamahaling bato. Nang siya'y dumating kay Solomon, sinabi niya sa kanya ang lahat ng nasa kanyang isipan.

Sinagot ni Solomon ang lahat niyang mga tanong; walang bagay na nalingid kay Solomon na hindi niya maipaliwanag sa kanya.

Nang makita ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, ang bahay na kanyang itinayo,

ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaupo ng kanyang mga pinuno, at ang pagsisilbi ng kanyang mga lingkod, at ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, at ang kanilang mga pananamit, at ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang iniaalay sa bahay ng Panginoon, ay hindi na siya halos makahinga.[a]

Sinabi niya sa hari, “Totoo ang ulat na narinig ko sa aking sariling lupain tungkol sa iyong pamumuhay at karunungan,

ngunit hindi ko pinaniwalaan ang mga ulat hanggang sa ako'y dumating at nakita ito ng aking sariling mga mata. Ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan ay hindi nasabi sa akin; nahigitan mo pa ang ulat na aking narinig.

Maliligaya ang iyong mga tauhan! Maliligaya itong iyong mga lingkod na patuloy na nakatayo sa harapan mo at naririnig ang iyong karunungan!

Purihin ang Panginoon mong Diyos na nalugod sa iyo at inilagay ka sa kanyang trono, upang maging hari para sa Panginoon mong Diyos! Sapagkat minamahal ng iyong Diyos ang Israel at itatatag sila magpakailanman, ginawa ka niyang hari nila upang iyong igawad ang katarungan at katuwiran.”

Kanyang binigyan ang hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mahahalagang bato. Walang gayong mga pabango na gaya ng ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.

10 Bukod doon, ang mga lingkod ni Huram at ang mga lingkod ni Solomon, na nagpadala ng ginto mula sa Ofir ay nagdala ng mga kahoy na algum at mga mamahaling bato.

11 Ang hari ay gumawa ng mga hagdanan mula sa mga kahoy na algum para sa bahay ng Panginoon at para sa bahay ng hari, at ng mga alpa, at mga salterio para sa mga mang-aawit. Wala pang nakitang gaya ng mga iyon sa lupain ng Juda.

12 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng naisin niya, anumang hingin niya, na higit pang kapalit ng kanyang dinala sa hari. At siya'y bumalik at umuwi sa kanyang sariling lupain, kasama ang kanyang mga lingkod.

Ang Kayamanan ni Solomon(C)

13 Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa loob ng isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto,

14 bukod pa sa dinala ng mga negosyante at mga mangangalakal; at ang lahat ng mga hari sa Arabia at ang mga tagapamahala ng lupain ay nagdala ng ginto at pilak kay Solomon.

15 Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawandaang kalasag na yari sa pinitpit na ginto; animnaraang siklo ng pinitpit na ginto ang ginamit sa bawat kalasag.

16 Siya'y gumawa ng tatlong daang kalasag na yari sa pinitpit na ginto; tatlong daang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag; at ang mga ito ay inilagay ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon.

17 Gumawa rin ang hari ng isang malaking tronong garing, at binalot ng dalisay na ginto.

18 Ang trono ay may anim na baytang at isang gintong tuntungan na nakakapit sa trono, at sa bawat tagiliran ng upuan ay ang mga patungan ng kamay at dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay,

19 at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa bawat dulo ng isang baytang sa ibabaw ng anim na baytang. Walang ginawang gaya noon sa alinmang kaharian.

20 Ang lahat ng inuman ni Solomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay dalisay na ginto; ang pilak ay hindi itinuturing na mahalaga sa mga araw ni Solomon.

21 Sapagkat ang mga sasakyang-dagat ng hari ay nagtungo sa Tarsis na kasama ng mga lingkod ni Huram; minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real.[b]

22 Sa gayon nakahigit si Haring Solomon sa lahat ng hari sa lupa sa kayamanan at sa karunungan.

23 Lahat ng mga hari sa lupa ay nagnais na makaharap si Solomon upang makinig sa karunungan niya na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya.

24 Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga bagay na yari sa pilak at ginto, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, ganoon karami taun-taon.

25 Kaya't(D) si Solomon ay may apat na libong silungan ng kabayo at mga karwahe, at labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa mga bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem.

26 Siya'y(E) namuno sa lahat ng mga hari mula sa Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto.

27 Ginawa ng hari ang pilak sa Jerusalem na karaniwan gaya ng bato, at ang mga sedro na kasindami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela.

28 Ang(F) mga kabayo ay inangkat para kay Solomon mula sa Ehipto at mula sa lahat ng mga lupain.

29 Ang iba nga sa mga gawa ni Solomon, mula sa una hanggang katapusan, di ba nakasulat sa kasaysayan ni Natan na propeta, at sa propesiya ni Ahias na Shilonita, at sa mga pangitain ni Iddo na propeta tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat?

30 Si Solomon ay naghari sa Jerusalem sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon.

31 At si Solomon ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at siya'y inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Naghimagsik ang mga Lipi sa Hilaga(G)

10 Si Rehoboam ay pumunta sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay pumunta sa Shekem upang gawin siyang hari.

Nang ito ay mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto, na doon siya tumakas mula kay Haring Solomon), si Jeroboam ay bumalik mula sa Ehipto.

Sila'y nagsugo at ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong Israel ay dumating at sinabi nila kay Rehoboam,

“Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin. Ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod ng iyong ama at ang kanyang mabigat na pasanin sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”

Sinabi niya sa kanila, “Pumarito kayong muli sa akin pagkalipas ng tatlong araw.” Kaya't ang taong-bayan ay umalis.

Pagkatapos si Haring Rehoboam ay sumangguni sa matatanda na tumayo sa harapan ni Solomon na kanyang ama noong siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Ano ang maipapayo ninyo sa akin sa pagsagot ko sa bayang ito?”

Sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging mabait sa bayang ito, bibigyan sila ng kasiyahan, at magsasalita ka ng mabubuting salita sa kanila, sila ay magiging lingkod mo magpakailanman.”

Ngunit tinalikuran niya ang payong ibinigay sa kanya ng matatanda at sumangguni siya sa mga kabataang lumaking kasama niya at nakatayo sa harapan niya.

Sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong maipapayo upang ating masagot ang bayang ito na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin?’”

10 Sinabi sa kanya ng mga kabataang lumaking kasama niya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin; ngayon ay pagaanin mo para sa amin;’ ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay higit na makapal kaysa mga balakang ng aking ama.

11 Ngayon, yamang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”

12 Kaya't si Jeroboam at ang buong bayan ay pumunta kay Rehoboam nang ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Muli kayong bumalik sa akin sa ikatlong araw.”

13 Mabagsik silang sinagot ng hari at tinalikuran ni Haring Rehoboam ang payo ng matatanda.

14 Si Haring Rehoboam ay nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan, na sinasabi, “Pinabigat ng aking ama ang pasanin ninyo, ngunit aking dadagdagan pa. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”

15 Sa gayo'y hindi nakinig ang hari sa taong-bayan; sapagkat iyon ay isang pagbabago ng mga pangyayari na ginawa ng Diyos upang matupad ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita.

16 Nang(H) makita ng buong Israel na hindi sila pinakinggan ng hari, sumagot ang bayan sa hari, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Bawat isa sa inyong tolda, O Israel! Tumingin ka ngayon sa sarili mong bahay, David.” Kaya't ang buong Israel ay humayo sa kani-kanilang tolda.

17 Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na nakatira sa mga lunsod ng Juda.

18 Nang suguin ni Haring Rehoboam si Hadoram, na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, ay pinagbabato siya ng mga anak ni Israel hanggang sa mamatay. At si Haring Rehoboam ay dali-daling sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.

19 Sa gayon ang Israel ay naghimagsik laban sa sambahayan ni David hanggang sa araw na ito.

Ang Propesiya ni Shemaya(I)

11 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang sambahayan ni Juda at ni Benjamin, na isandaan at walumpung libong mandirigma upang lumaban sa Israel, at ibalik ang kaharian kay Rehoboam.

Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos:

“Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari ng Juda, at sa buong Israel sa Juda at Benjamin,

‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o lalaban sa inyong mga kapatid. Bumalik ang bawat lalaki sa kanyang bahay; sapagkat ang bagay na ito ay galing sa akin.’” Kaya't sila'y nakinig sa salita ng Panginoon, at nagbalik at hindi umahon laban kay Jeroboam.

Pinatibay ni Rehoboam ang mga Lunsod

Si Rehoboam ay nanirahan sa Jerusalem, at nagtayo siya ng mga lunsod sa Juda bilang sanggalang.

Kanyang itinayo ang Bethlehem, Etam, Tekoa,

Bet-zur, Soco, Adullam,

Gat, Maresha, Zif,

Adoraim, Lakish, Azeka,

10 Zora, Ayalon, Hebron, mga lunsod na may kuta na nasa Juda at sa Benjamin.

11 Kanyang pinatibay ang mga kuta, at naglagay ng punong-kawal at nag-imbak ng pagkain, langis, at alak.

12 Siya'y naglagay ng mga kalasag at mga sibat sa lahat ng mga bayan at pinalakas silang mabuti. Sa gayon niya hinawakan ang Juda at Benjamin.

Ang mga Pari at Levita ay Pumaroon sa Juda

13 At ang mga pari at mga Levita na nasa buong Israel ay napasakop sa kanya mula sa lahat ng lugar na kanilang tinitirhan.

14 Iniwan ng mga Levita ang kanilang mga lupain at ari-arian at nagtungo sa Juda at Jerusalem; sapagkat pinalayas sila ni Jeroboam at ng kanyang mga anak sa paglilingkod bilang mga pari ng Panginoon,

15 at(J) siya'y humirang ng sarili niyang mga pari para sa matataas na dako, at para sa mga kambing na demonyo, at para sa mga guya na kanyang ginawa.

16 At ang lahat ng naglagak ng kanilang mga puso upang hanapin ang Panginoong Diyos ng Israel ay dumating pagkatapos nila mula sa lahat ng lipi ng Israel sa Jerusalem upang maghandog sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga magulang.

17 Kanilang pinalakas ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon ay pinatatag nila si Rehoboam na anak ni Solomon, sapagkat sila'y lumakad ng tatlong taon sa landas nina David at Solomon.

Ang Sambahayan ni Rehoboam

18 Nag-asawa si Rehoboam kay Mahalat na anak ni Jerimot na anak ni David, at ni Abihail na anak ni Eliab, na anak ni Jesse;

19 at siya'y nagkaanak sa kanya ng mga lalaki; sina Jeus, Shemarias, at Zaham.

20 Pagkatapos niya, kinuha niya si Maaca na anak na babae ni Absalom; ipinanganak nito sa kanya sina Abias, Atai, Ziza, at Shelomit.

21 Minahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom nang higit kaysa lahat ng kanyang mga asawa at sa kanyang mga asawang-lingkod (nagkaroon siya ng labingwalong asawa at animnapung asawang-lingkod, at mayroong dalawampu't walong anak na lalaki at animnapung anak na babae);

22 at hinirang ni Rehoboam si Abias na anak ni Maaca bilang pinuno ng kanyang mga kapatid, sapagkat balak niyang gawin siyang hari.

23 Siya'y kumilos na may katalinuhan, at kanyang ikinalat ang ilan sa kanyang mga anak sa buong lupain ng Juda at Benjamin, sa lahat ng bayang may pader; at kanyang binigyan sila ng saganang pagkain at humanap ng mga asawa para sa kanila.

Ang Pagsalakay ng Ehipto sa Juda(K)

12 Nang ang paghahari ni Rehoboam ay naging matatag at malakas, kanyang tinalikuran ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.

Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sapagkat sila'y naging taksil sa Panginoon, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem,

kasama ang isanlibo at dalawang daang karwahe, at animnapung libong mangangabayo. At ang mga taong dumating na kasama niya mula sa Ehipto ay di mabilang—mga taga-Libya, mga Sukiim, at mga taga-Etiopia.

Kinuha niya ang mga lunsod ng Juda na may kuta at nakarating hanggang sa Jerusalem.

At si Shemaya na propeta ay dumating kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na nagtipun-tipon sa Jerusalem dahil kay Shishac, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya't pinabayaan ko naman kayo sa kamay ni Shishac.’”

Nang magkagayon, ang mga pinuno ng Israel at ang hari ay nagpakumbaba at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ay matuwid.”

Nang makita ng Panginoon na sila'y nagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Shemaya: “Sila'y nagpakumbaba; hindi ko sila pupuksain, kundi bibigyan ko sila ng ilang pagliligtas, at ang aking poot ay hindi mabubuhos sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Shishac.

Gayunman, sila'y magiging kanyang lingkod upang kanilang makilala ang aking paglilingkod at ang paglilingkod ng mga kaharian ng mga lupain.”

Ang Templo ay Giniba

Kaya't(L) umahon si Shishac na hari ng Ehipto laban sa Jerusalem, tinangay niya ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kinuha niyang lahat ang mga iyon. Kinuha rin niya ang mga kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.

10 Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso bilang kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala ang mga iyon sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.

11 Sa tuwing papasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay dumarating at dinadala ang mga iyon, at ibinabalik sa silid ng bantay.

12 Nang siya'y magpakumbaba, ang Panginoon ay hindi nagalit sa kanya, kaya't hindi na nagkaroon ng lubos na pagkawasak. Bukod dito, ang kalagayan sa Juda ay naging mabuti.

13 Sa gayo'y pinatatag ni Haring Rehoboam ang sarili sa Jerusalem at siya'y naghari. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y nagpasimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing pitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama na Ammonita.

14 Siya'y gumawa ng kasamaan, sapagkat hindi niya inilagak ang kanyang puso upang hanapin ang Panginoon.

15 Ang mga gawa ni Rehoboam, mula una hanggang sa katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa kasaysayan ni Shemaya na propeta at ni Iddo na propeta? At mayroong patuloy na mga digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam.

16 Si Rehoboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa lunsod ni David; at si Abias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001