Beginning
Binalaan ni Propeta Micaya si Ahab(A)
18 Si Jehoshafat ay nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan; at nakisanib siya kay Ahab sa pamamagitan ng pag-aasawa.
2 Pagkalipas ng ilang taon, siya ay pumunta kay Ahab sa Samaria. At nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanya at sa mga taong kasama niya, at hinimok siya na umahon laban sa Ramot-gilead.
3 Sinabi ni Haring Ahab ng Israel kay Jehoshafat na hari ng Juda, “Sasama ka ba sa akin sa Ramot-gilead?” Kanyang sinagot siya, “Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan. Kami ay sasama sa iyo sa digmaan.”
Nagtanong sa Propeta
4 At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”
5 Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta na apatnaraang katao, at sinabi sa kanila, “Pupunta ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil ako?” At sinabi nila, “Umahon ka; sapagkat ibibigay iyon ng Diyos sa kamay ng hari.”
6 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong iba pang propeta ng Panginoon na maaari naming mapagsanggunian?”
7 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na sa pamamagitan niya ay maaari tayong sumangguni sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya, sapagkat kailanman ay hindi siya nagsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi laging kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsabi ng ganyan ang hari.”
8 At tumawag ng isang pinuno ang hari ng Israel, at sinabi, “Dalhin kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”
9 Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono, na nakadamit-hari. Sila'y nakaupo sa may giikan sa pasukan ng pintuan ng Samaria, at ang lahat ng mga propeta ay nagsasalita sa harapan nila.
10 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa para sa kanyang sarili ng mga sungay na bakal, at kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sila'y mapuksa.’”
11 Lahat ng mga propeta ay nagsalita ng gayong propesiya, na sinasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
12 At ang sugo na umalis upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Tingnan mo, ang mga salita ng mga propeta na nagkakaisa ay kaaya-aya sa hari. Ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kaaya-aya.”
13 Ngunit sinabi ni Micaya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Diyos, iyon ang aking sasabihin.”
14 At pagdating niya sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang lumaban, o magpipigil ba ako?” At siya'y sumagot, “Umahon ka at magtagumpay, sila'y ibibigay sa inyong kamay.”
15 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit ba kitang uutusan na huwag magsalita sa akin ng anuman maliban sa katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”
16 Kaya't(B) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito'y walang panginoon; hayaang umuwing payapa ang bawat isa sa kanyang tahanan.’”
17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi kasamaan?”
18 Sinabi ni Micaya, “Kaya't pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon: Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang lahat ng hukbo ng langit na nakatayo sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sinong aakit kay Ahab na hari ng Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ At ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang iba'y nagsalita ng iba.
20 Dumating ang isang espiritu at tumayo sa harapan ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Aakitin ko siya.’ At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Sa anong paraan?’
21 At kanyang sinabi, ‘Ako'y hahayo at magiging isang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Aakitin mo siya, at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo!'
22 Kaya't ngayon, ang Panginoon ay naglagay ng sinungaling na espiritu sa bibig ng mga propeta mong ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”
23 Si Zedekias na anak ni Canaana ay lumapit at sinampal si Micaya, at sinabi, “Saan dumaan ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”
24 At sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magtago.”
25 Sinabi ng hari ng Israel, “Hulihin si Micaya, at ibalik siya kay Amon na tagapamahala ng lunsod at kay Joas na anak ng hari;
26 at sabihin ninyo, ‘Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakainin siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y bumalik nang payapa.’”
27 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay makabalik nang payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayong lahat, kayong mga taong-bayan!”
Ang Kamatayan ni Ahab(C)
28 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.
29 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong balabal.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo; at sila'y pumunta sa labanan.
30 Samantala, ang hari ng Siria ay nag-utos sa mga punong-kawal ng kanyang mga karwahe, na sinasabi, “Huwag kayong makipaglaban sa maliit o sa malaki man, kundi sa hari ng Israel lamang.”
31 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat, kanilang sinabi, “Iyon ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y pumihit upang lumaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw at tinulungan siya ng Panginoon. Inilayo sila ng Diyos sa kanya;
32 sapagkat nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa paghabol sa kanya.
33 Subalit isang lalaki ang nagpahilagpos ng kanyang pana at hindi sinasadyang tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng baluti, kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Ipihit mo at ilayo mo ako sa labanan, sapagkat ako'y nasugatan.”
34 Ang labanan ay naging mainit nang araw na iyon; at ang hari ng Israel ay nanatili sa kanyang karwahe paharap sa mga taga-Siria hanggang sa kinahapunan, at sa paglubog ng araw ay namatay siya.
Sinumbatan ng Isang Propeta si Jehoshafat
19 Si Jehoshafat na hari ng Juda ay ligtas na umuwi sa kanyang bahay sa Jerusalem.
2 Subalit si Jehu na anak ni Hanani na propeta ay lumabas upang salubungin siya, at sinabi kay Haring Jehoshafat, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at mahalin ang mga napopoot sa Panginoon? Dahil dito, ang poot ay lumabas laban sa iyo mula sa harapan ng Panginoon.
3 Gayunman, may ilang kabutihang natagpuan sa iyo, sapagkat winasak mo ang mga sagradong poste[a] sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Diyos.”
4 Si Jehoshafat ay nanirahan sa Jerusalem; at siya'y muling lumabas sa bayan, mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at kanyang ibinalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
5 Siya'y humirang ng mga hukom sa lupain sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda, sa bawat lunsod,
6 at sinabi sa mga hukom, “Isaalang-alang ninyo kung ano ang inyong ginagawa, sapagkat kayo'y humahatol hindi para sa tao, kundi para sa Panginoon; siya'y kasama ninyo sa pagbibigay ng hatol.
7 Ngayon, sumainyo nawa ang takot sa Panginoon. Mag-ingat kayo sa inyong ginagawa, sapagkat walang pagpilipit ng katarungan sa Panginoon nating Diyos, o pagtatangi o pagtanggap man ng mga suhol.”
8 Bukod dito'y naglagay si Jehoshafat sa Jerusalem ng ilang mga Levita, mga pari, at mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel upang humatol para sa Panginoon at upang pagpasiyahan ang mga alitan. Ang kanilang mga luklukan ay nasa Jerusalem.
9 At kanyang tinagubilinan sila, “Ganito ang inyong gagawin sa takot sa Panginoon, sa katapatan at sa inyong buong puso:
10 tuwing may usaping dumating sa inyo mula sa inyong mga kapatid na naninirahan sa kanilang mga lunsod, tungkol sa pagdanak ng dugo, sa kautusan o batas, mga tuntunin o mga kahatulan, ay inyong tuturuan sila, upang sila'y huwag magkasala sa harap ng Panginoon, at ang poot ay huwag dumating sa inyo at sa inyong mga kapatid. Gayon ang inyong gagawin, at kayo'y hindi magkakasala.
11 Si Amarias na punong pari ay mamumuno sa inyo sa lahat ng bagay ng Panginoon; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sambahayan ng Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari, at ang mga Levita ay maglilingkod sa inyo bilang mga pinuno. Gumawa kayong may katapangan at ang Panginoon nawa'y makasama ng matuwid!”
Digmaan Laban sa Edom
20 Pagkatapos nito, ang mga Moabita at mga Ammonita, at pati ang ilan sa mga Meunita[b] ay dumating laban kay Jehoshafat upang makipaglaban.
2 Ilang katao ang dumating at nagsabi kay Jehoshafat, “Napakaraming tao ang dumarating laban sa iyo mula sa Edom,[c] mula sa kabila ng dagat; sila'y naroon na sa Hazazon-tamar” (na siya ring En-gedi).
3 Si Jehoshafat ay natakot, at nagpasiyang hanapin ang Panginoon, at nagpahayag ng pag-aayuno sa buong Juda.
4 Kaya't ang Juda'y nagtipun-tipon upang humingi ng tulong sa Panginoon; mula sa lahat ng bayan ng Juda ay dumating sila upang hanapin ang Panginoon.
5 Si Jehoshafat ay tumayo sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng bagong bulwagan,
6 at kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno, di ba ikaw ay Diyos sa langit? Di ba ikaw ay namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Sa iyong kamay ay kapangyarihan at lakas, anupa't walang makakaharap sa iyo.
7 Hindi(D) ba't ikaw, O aming Diyos, ang nagpalayas sa mga naninirahan sa lupaing ito sa harapan ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailanman?
8 Sila'y nanirahan doon at ipinagtayo ka ng santuwaryo para sa iyong pangalan, na sinasabi,
9 ‘Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak, kahatulan,[d] salot, o taggutom, kami ay tatayo sa harapan ng bahay na ito at sa iyong harapan, sapagkat ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito; at kami ay dadaing sa iyo sa aming kahirapan, at ikaw ay makikinig at magliligtas?’
10 Tingnan(E) mo ngayon, ang mga tao mula sa Ammon at Moab, at sa Bundok ng Seir, na hindi mo ipinalusob sa Israel nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, kundi kanilang iniwasan at hindi nila pinuksa—
11 kanilang ginagantihan kami sa pamamagitan ng pagparito upang palayasin kami sa pag-aari na ibinigay mo sa amin upang manahin.
12 O Diyos namin, hindi mo ba sila hahatulan? Sapagkat kami ay walang magagawa laban sa napakaraming taong ito na dumarating laban sa amin. Hindi namin alam kung ano ang gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”
13 Samantala, ang buong Juda ay nakatayo sa harapan ng Panginoon, kasama ang kanilang mga bata, kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.
14 Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jahaziel na anak ni Zacarias, na anak ni Benaya, na anak ni Jeiel, na anak ni Matanias, isang Levita sa mga anak ni Asaf, sa gitna ng kapulungan.
15 At(F) kanyang sinabi, “Makinig kayo, buong Juda at mga mamamayan ng Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.
16 Bukas ay harapin ninyo sila. Sila'y aahon sa ahunan ng Sis; inyong matatagpuan sila sa dulo ng libis, sa silangan ng ilang ng Jeruel.
17 Hindi(G) ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Manatili kayo sa inyong puwesto, tumayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagtatagumpay ng Panginoon alang-alang sa inyo, O Juda at Jerusalem.’ Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob; bukas ay harapin ninyo sila sapagkat ang Panginoon ay sasama sa inyo.”
18 Pagkatapos ay itinungo ni Jehoshafat ang kanyang ulo sa lupa, at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa sa Panginoon, na sumasamba sa Panginoon.
19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Kohatita at sa mga anak ng mga Korahita ay tumayo upang purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, nang napakalakas na tinig.
20 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at lumabas sa ilang ng Tekoa. Habang sila'y lumalabas, si Jehoshafat ay tumayo at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Juda at mga mamamayan ng Jerusalem! Manalig kayo sa Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo'y magtatagumpay.”
21 Pagkatapos niyang sumangguni sa mga tao, kanyang hinirang ang mga aawit sa Panginoon at magpupuri sa kanya sa banal na kaayusan, habang sila'y nangunguna sa hukbo at nagsasabi, “Magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”
22 Nang sila'y magpasimulang umawit at magpuri, ang Panginoon ay naglagay ng pagtambang laban sa mga taga-Ammon, Moab, at Bundok ng Seir na dumating laban sa Juda kaya't sila'y nagapi.
23 Sapagkat sinalakay ng mga anak ni Ammon at ni Moab ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, at lubos silang pinuksa. Pagkatapos nilang patayin ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, silang lahat ay tumulong upang puksain ang isa't isa.
24 Nang ang Juda ay dumating sa bantayang tore sa ilang, sila'y tumingin sa dako ng napakaraming tao, sila'y mga bangkay na nakabuwal sa lupa at walang nakatakas.
25 Nang si Jehoshafat at ang kanyang mga tauhan ay pumaroon upang kunin ang samsam sa kanila, nakatagpo sila ng napakaraming baka, mga ari-arian, mga damit, at mahahalagang bagay na kanilang kinuha para sa kanilang sarili hanggang sa hindi na nila kayang dalhin. Tatlong araw nilang hinakot ang samsam na talagang napakarami.
26 Nang ikaapat na araw, sila'y nagtipun-tipon sa Libis ng Beraca;[e] sapagkat doo'y pinuri nila ang Panginoon. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Beraca hanggang sa araw na ito.
27 Pagkatapos sila'y bumalik, bawat lalaki ng Juda at Jerusalem, at si Jehoshafat sa unahan nila, pabalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagkat sila'y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.
28 Sila'y dumating sa Jerusalem na may mga salterio, alpa, at mga trumpeta patungo sa bahay ng Panginoon.
29 At ang takot sa Diyos ay dumating sa lahat ng mga kaharian ng mga bansa nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.
30 Kaya't ang kaharian ni Jehoshafat ay naging tahimik, sapagkat binigyan siya ng kanyang Diyos ng kapahingahan sa palibot.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(H)
31 Gayon naghari si Jehoshafat sa Juda. Siya'y tatlumpu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.
32 Siya'y lumakad sa landas ni Asa na kanyang ama at hindi siya lumihis doon. Ginawa niya ang matuwid sa paningin ng Panginoon.
33 Gayunman, ang matataas na dako ay hindi inalis; hindi pa nailalagak ng bayan ang kanilang puso sa Diyos ng kanilang mga ninuno.
34 Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoshafat, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nakatala sa Aklat ng mga Hari ng Israel.
35 Pagkatapos nito si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakiisa kay Ahazias na hari ng Israel na siyang gumawa ng masama.
36 Siya'y nakisama sa kanya sa paggawa ng mga sasakyang-dagat upang magtungo sa Tarsis, at kanilang ginawa ang mga sasakyang-dagat sa Ezion-geber.
37 At si Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresha ay nagsalita ng propesiya laban kay Jehoshafat, na sinasabi, “Sapagkat ikaw ay nakiisa kay Ahazias, wawasakin ng Panginoon ang iyong mga ginawa.” At ang mga sasakyang-dagat ay nawasak at sila'y hindi nakapunta sa Tarsis.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001