Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezra 4-7

Pagsalungat sa Muling Pagtatayo ng Templo

Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na ang mga bumalik na bihag ay nagtatayo ng templo para sa Panginoong Diyos ng Israel,

lumapit(A) sila kay Zerubabel at sa mga puno ng mga sambahayan at sinabi sa kanila, “Isama ninyo kami sa inyong pagtatayo, sapagkat sinasamba namin ang inyong Diyos na gaya ng inyong ginagawa; at kami ay naghahandog sa kanya mula ng mga araw ni Esarhadon na hari ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”

Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Jeshua, at ng iba pa sa mga puno ng mga sambahayan ng Israel, “Kayo'y walang pakialam sa amin sa pagtatayo ng isang bahay para sa aming Diyos; kundi kami lamang ang magtatayo para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, gaya ng iniutos sa amin ni Ciro na hari ng Persia.”

Nang magkagayo'y pinanlupaypay ng mga tao ng lupain ang taong-bayan ng Juda, at tinakot silang magtayo.

Umupa sila ng mga tagapayo laban sa kanila upang biguin ang kanilang layunin, sa lahat ng mga araw ni Ciro na hari ng Persia, maging hanggang sa paghahari ni Dario na hari ng Persia.

Pagsalungat sa Muling Pagtatayo ng Jerusalem

Sa(B) paghahari ni Artaxerxes, sumulat sila ng isang bintang laban sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem.

At sa mga araw ni Artaxerxes, sumulat sina Bislam, Mitridates, Tabeel at ang iba pa sa kanilang mga kasama kay Artaxerxes na hari ng Persia. Ang liham ay nakasulat sa Aramaico at isinalin.[a]

Si Rehum na punong-kawal at si Simsai na eskriba ay sumulat ng ganito kay Artaxerxes na hari laban sa Jerusalem.

Nang magkagayo'y sumulat sina Rehum na punong-kawal, si Simsai na eskriba, at ang iba pa nilang mga kasamahan, ang mga hukom, mga tagapamahala, mga pinuno, mga taga-Persia, mga lalaki ng Erec, mga taga-Babilonia, mga lalaki ng Susa, na ito'y mga Elamita,

10 at ang iba pang mga bansa na ipinatapon ng dakila at marangal na si Osnapar, at pinatira sa mga lunsod ng Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog,—at ngayon

11 ito ang sipi ng sulat na kanilang ipinadala, “Sa Haring Artaxerxes: Ang iyong mga lingkod, ang mga lalaki sa lalawigan sa kabila ng Ilog ay bumabati. At ngayon,

12 dapat malaman ng hari na ang mga Judio na umahong galing sa iyo patungo sa amin ay nagpunta sa Jerusalem. Kanilang muling itinatayo ang mapaghimagsik at masamang lunsod na iyon, tinatapos nila ang mga pader, at kinukumpuni ang mga pundasyon.

13 Dapat malaman ngayon ng hari na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo at ang mga pader ay natapos, sila'y hindi magbabayad ng buwis, buwis sa kalakal, o upa, at ang kikitain ng kaharian ay hihina.

14 Ngayon, sapagkat kami ay nakikibahagi ng asin ng palasyo, at hindi marapat sa amin na makita ang ikasisirang-puri ng hari, kaya't kami ay nagsugo at ipinaaalam sa hari,

15 upang maisagawa ang isang pagsusuri sa aklat ng mga talaan ng iyong mga magulang. Matatagpuan mo sa aklat ng mga talaan at malalaman na ang lunsod na ito ay isang mapaghimagsik na lunsod, nakakasira sa mga hari at mga lalawigan, at nagkaroon ng pag-aalsa roon noong unang panahon. Iyon ang dahilan kung bakit ang lunsod na ito ay giniba.

16 Ipinaaalam namin sa hari, na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo, at ang mga pader ay natapos, hindi ka na magkakaroon pa ng pag-aari sa lalawigan sa kabila ng Ilog.”

17 Nagpadala ng sagot ang hari: “Kay Rehum na punong-kawal, at kay Simsai na eskriba, at sa iba pa nilang mga kasamahan na nakatira sa Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog, pagbati. At ngayon,

18 ang sulat na inyong ipinadala sa amin ay maliwanag na binasa sa harapan ko.

19 Ako'y gumawa ng utos, at ang pagsaliksik ay naisagawa at natagpuan na ang lunsod na ito nang una ay nag-alsa laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at panggugulo ay nagawa roon.

20 Ang mga makapangyarihang hari ay namahala sa Jerusalem, na naghari sa buong lalawigan sa kabila ng Ilog, at sa kanila ay ibinayad ang buwis, buwis sa kalakal, at upa.

21 Kaya't gumawa kayo ng utos upang patigilin ang mga taong ito, at upang ang lunsod na ito ay hindi muling maitayo, hanggang sa ang isang utos ay magawa ko.

22 Kayo'y mag-ingat na huwag magpabaya sa bagay na ito; bakit kailangang lumaki ang pinsala na ikasisira ng hari?”

23 Nang mabasa ang sipi ng sulat ni Haring Artaxerxes sa harapan nina Rehum, ni Simsai na eskriba, at ng kanilang mga kasamahan, sila'y dali-daling pumunta sa mga Judio sa Jerusalem at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan.

24 Nang(C) magkagayo'y natigil ang paggawa sa bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at ito ay napatigil hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario na hari ng Persia.

Muling Sinimulan ang Pagtatayo ng Templo

Noon,(D) ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Iddo ay nagsalita ng propesiya sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na namumuno sa kanila.

Nang(E) magkagayo'y tumindig si Zerubabel na anak ni Shealtiel, at si Jeshua na anak ni Jozadak, at sinimulang itayong muli ang bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Diyos na tumulong sa kanila.

Nang panahon ding iyon ay pumunta sa kanila si Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, at si Setarboznai at ang kanilang mga kasama, at sinabi sa kanila ang ganito, “Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo ang bahay na ito?”

Kanilang tinanong din sila ng ganito, “Anu-ano ang mga pangalan ng mga taong gumagawa ng bahay na ito?”

Ngunit ang mata ng kanilang Diyos ay nakatingin sa matatanda ng mga Judio, at sila'y hindi nila napatigil hanggang sa ang isang ulat ay makarating kay Dario at ang sagot ay maibalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon.

Ang sipi ng sulat na ipinadala ni Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog at ni Setarboznai, at ng kanyang mga kasamang tagapamahala na nasa lalawigan sa kabila ng Ilog kay Haring Dario;

sila'y nagpadala sa kanya ng ulat na kinasusulatan ng sumusunod: “Kay Dario na hari, buong kapayapaan.

Dapat malaman ng hari na kami ay pumunta sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Diyos. Ito'y itinatayo na may malalaking bato, at ang mga kahoy ay inilapat sa mga pader. Ang gawaing ito ay masikap na nagpatuloy at sumusulong sa kanilang mga kamay.

Nang magkagayo'y tinanong namin ang matatandang iyon at sinabi sa kanila ang ganito, ‘Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo at tapusin ang gusaling ito?’

10 Tinanong din namin sa kanila ang kanilang mga pangalan, para sa iyong kaalaman, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangunguna sa kanila.

11 Ganito ang sagot nila sa amin: ‘Kami ay mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang bahay na itinayo, maraming taon na ang nakaraan, na itinayo at tinapos ng isang dakilang hari ng Israel.

12 Ngunit(F) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng langit, kanyang ibinigay sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na Caldeo, na siyang gumiba ng bahay na ito, at dinala ang mga mamamayan sa Babilonia.

13 Ngunit(G) sa unang taon ni Ciro na hari ng Babilonia, gumawa ng utos si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos.

14 At ang mga kagamitang ginto at pilak sa bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa loob ng templo ng Babilonia, ay inilabas sa templo ng Babilonia ni Haring Ciro at ibinigay sa isang ang pangalan ay Shesbazar, na siya niyang ginawang tagapamahala.

15 At sinabi ng hari sa kanya, “Kunin mo ang mga kagamitang ito, humayo ka at ilagay mo sa templo na nasa Jerusalem, at hayaan mong itayong muli ang bahay ng Diyos sa lugar nito.”

16 Pagkatapos ay dumating ang Shesbazar na iyon, at inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Mula sa panahong iyon hanggang ngayon ay itinatayo ito, ngunit hindi pa ito tapos.’

17 Dahil dito, kung inaakalang mabuti ng hari, magsagawa nga ng pagsasaliksik sa aklatan ng kaharian na nasa Babilonia, upang makita kung mayroong utos na pinalabas si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos sa Jerusalem. At ipasabi sa amin ng hari ang kanyang pasiya tungkol sa bagay na ito.”

Muling Natuklasan ang Utos ni Ciro

Nang magkagayo'y nag-utos si Haring Dario, at gumawa ng pagsasaliksik sa Babilonia, sa bahay ng mga aklat na kinalalagyan ng mga kasulatan.

Sa Ecbatana[b] sa palasyong nasa lalawigan ng Media, isang balumbon ang natagpuan na doo'y nakasulat ang ganito: “Isang tala.

Nang unang taon ni Haring Ciro, si Haring Ciro ay nagbigay ng utos: Tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, hayaang muling maitayo ang bahay, ang lugar na kanilang pinag-aalayan ng mga handog at dinadala ang handog na sinusunog. Ang taas nito ay magiging animnapung siko, at ang luwang nito'y animnapung siko,

na may tatlong hanay ng malalaking bato at isang hanay ng kahoy; at ang magugugol ay babayaran mula sa kabang-yaman ng kaharian.

Gayundin, ang mga kagamitang ginto at pilak ng bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa Babilonia, ay isauli at ibalik sa templo na nasa Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang lugar, at ilagay mo ang mga iyon sa bahay ng Diyos.”

“Kaya't ngayon, Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, Setarboznai, at ang inyong mga kasamang tagapamahala na nasa mga lalawigan sa kabila ng Ilog, lumayo kayo.

Hayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Diyos; hayaan ninyong muling itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng matatanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Diyos sa lugar nito.

Bukod dito'y gumagawa ako ng utos kung ano ang inyong gagawin sa matatandang ito ng mga Judio para sa muling pagtatayo ng bahay na ito ng Diyos. Ang magugugol ay ibigay ng buo sa mga taong ito at walang pagkaantala mula sa kinita ng kaharian, mula sa buwis ng lalawigan sa kabila ng Ilog.

At anumang kailangan—mga batang toro, mga tupa, o mga kordero para sa mga handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, trigo, asin, alak, o langis, ayon sa kailangan ng mga pari na nasa Jerusalem, ay patuloy ninyong ibigay sa kanila araw-araw,

10 upang sila'y makapaghandog ng mga alay na kalugud-lugod sa Diyos ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak.

11 Gayundin, ako'y gumagawa ng utos na sinumang bumago ng kautusang ito, isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay, at siya'y tutuhugin doon, at ang kanyang bahay ay magiging tambakan ng dumi.

12 Ang Diyos na siyang gumawa upang makapanirahan ang kanyang pangalan doon, nawa'y ibagsak ang sinumang hari o bayan na mag-uunat ng kanilang kamay upang ito'y baguhin, o gibain ang bahay na ito ng Diyos na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng utos; ipatupad ito nang buong sikap.”

Itinalaga ang Templo

13 Pagkatapos, ayon sa salitang ipinadala ni Haring Dario, buong sikap na ginawa ni Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, ni Setarboznai, at ng kanilang mga kasama ang iniutos ni Haring Dario.

14 Ang(H) matatanda ng mga Judio ay nagtayo at umunlad sa pamamagitan ng ginawang propesiya ni Hagai na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang pagtatayo sa utos ng Diyos ng Israel, at sa utos nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na hari ng Persia.

15 Ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario.

16 At ang mga anak ni Israel, ang mga pari, mga Levita, at ang iba pa sa mga bumalik na bihag ay nagdiwang na may galak sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos.

17 Sila'y naghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos ng isandaang toro, dalawandaang lalaking tupa, apatnaraang kordero; at bilang handog pangkasalanan para sa buong Israel ay labindalawang kambing na lalaki, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel.

18 At kanilang inilagay ang mga pari sa kani-kanilang mga pangkat, at ang mga Levita sa kanilang mga paghali-halili, para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.

Ang Paskuwa

19 Nang(I) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ang mga bumalik na bihag ay nangilin ng Paskuwa.

20 Sapagkat ang mga pari at ang mga Levita ay magkakasamang naglinis ng kanilang sarili, silang lahat ay malilinis. Kaya't kanilang pinatay ang kordero ng Paskuwa para sa lahat ng bumalik na bihag, para sa mga kapatid nilang pari, at para sa kanilang sarili.

21 Ito ay kinain ng mga anak ni Israel na bumalik mula sa pagkabihag, at gayundin ng bawat isa na sumama sa kanila at inihiwalay ang sarili sa karumihan ng mga bansa ng lupain upang sumamba sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.

22 At kanilang isinagawa na may kagalakan ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. Pinasaya sila ng Panginoon, at ikiniling sa kanila ang puso ng hari ng Asiria, kaya't kanyang tinulungan sila sa paggawa ng bahay ng Diyos, ang Diyos ng Israel.

Si Ezra ay Dumating sa Jerusalem

Pagkatapos ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artaxerxes na hari ng Persia, si Ezra na anak ni Seraya, na anak ni Azarias, na anak ni Hilkias,

na anak ni Shallum, na anak ni Zadok, na anak ni Ahitub,

na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraiot,

na anak ni Zeraias, na anak ni Uzi, na anak ni Buki,

na anak ni Abisua, na anak ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na punong pari—

ang Ezrang ito ay umahon mula sa Babilonia. Siya'y isang eskribang dalubhasa sa kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoong Diyos ng Israel. Ipinagkaloob sa kanya ng hari ang lahat niyang hiniling, sapagkat ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.

At umahon din patungo sa Jerusalem sa ikapitong taon ni Artaxerxes na hari, ang ilan sa mga anak ni Israel, at ilan sa mga pari at mga Levita, ang mga mang-aawit at mga tanod sa pinto, at ang mga lingkod sa templo.

Siya'y dumating sa Jerusalem nang ikalimang buwan, sa ikapitong taon ng hari.

Sa unang araw ng unang buwan ay nagsimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, sapagkat ang mabuting kamay ng kanyang Diyos ay nasa kanya.

10 Inilagak ni Ezra ang kanyang puso upang saliksikin ang kautusan ng Panginoon, upang sundin ito at ituro sa Israel ang kanyang mga batas at mga tuntunin.

Ang Sulat ni Artaxerxes kay Ezra

11 Ito ang sipi ng sulat na ibinigay ng Haring Artaxerxes kay Ezra na pari, ang eskriba, isang marunong sa mga bagay ng mga utos ng Panginoon at ng kanyang mga alituntunin sa Israel:

12 “Si Artaxerxes, hari ng mga hari, kay Ezra na pari, na kalihim[c] ng kautusan ng Diyos ng langit. At ngayon,

13 ako'y gumagawa ng utos na sinumang kabilang sa bayan ng Israel o ang kanilang mga pari o mga Levita sa aking kaharian na nagnanais pumunta sa Jerusalem, ay maaaring sumama sa iyo.

14 Sapagkat ikaw ay sinugo ng hari at ng kanyang pitong tagapayo upang mag-usisa tungkol sa Juda at Jerusalem ayon sa kautusan ng iyong Diyos na nasa iyong kamay,

15 at upang dalhin din ang pilak at ginto na kusang inihandog ng hari at ng kanyang mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang tahanan ay nasa Jerusalem,

16 kasama ang lahat ng pilak at ginto na iyong matatagpuan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ang kusang-loob na handog ng taong-bayan at ng mga pari na mga kusang-loob na ipinanata para sa bahay ng kanilang Diyos na nasa Jerusalem.

17 Sa pamamagitan ng salaping ito, buong sikap kang bibili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na butil at ng mga inuming handog ng mga iyon, at ang mga iyon ay iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Diyos na nasa Jerusalem.

18 Anumang inaakala mo at ng iyong mga kapatid na mabuting gawin sa nalabi sa pilak at ginto, maaari ninyong gawin ayon sa kalooban ng inyong Diyos.

19 Ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para sa paglilingkod sa bahay ng iyong Diyos ay dalhin mo sa harapan ng Diyos ng Jerusalem.

20 Anumang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Diyos na may pagkakataon kang magbigay, ay magbigay ka mula sa kabang-yaman ng hari.

21 “At ako, si Haring Artaxerxes, ay gumagawa ng utos para sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan sa kabila ng Ilog: Anumang hingin sa inyo ni Ezra na pari, na eskriba ng kautusan ng Diyos ng langit ay gawin nang buong sikap,

22 hanggang sa isandaang talentong pilak, isandaang takal ng trigo, isandaang takal[d] na alak, isandaang takal na langis, at asin na walang takdang dami.

23 Anumang iniutos ng Diyos ng langit, gawin ito nang lubos para sa bahay ng Diyos ng langit; baka ang kanyang poot ay maging laban sa kaharian ng hari at ng kanyang mga anak.

24 Ipinagbibigay alam din namin sa inyo na hindi matuwid na patawan ng buwis, buwis sa kalakal, o upa ang sinuman sa mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga tanod sa pinto, mga lingkod sa templo, o ang iba pang lingkod ng bahay na ito ng Diyos.

25 “At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Diyos na taglay mo, humirang ka ng mga mahistrado at mga hukom na makakahatol sa buong bayan sa lalawigan sa kabila ng Ilog, yaong lahat na nakakaalam ng mga kautusan ng iyong Diyos; at yaong mga hindi nakakaalam niyon ay inyong turuan.

26 Sinumang hindi susunod sa kautusan ng iyong Diyos at sa kautusan ng hari, mahigpit na igagawad sa kanya ang hatol, maging sa kamatayan o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o sa pagkabilanggo.”

27 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng ating mga ninuno na naglagay ng ganitong bagay sa puso ng hari, upang pagandahin ang bahay ng Panginoon na nasa Jerusalem;

28 at nagpaabot sa akin ng kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng hari, at ng kanyang mga tagapayo, at sa harapan ng lahat ng mga makapangyarihang pinuno ng hari. Ako'y nagkaroon ng tapang, sapagkat ang kamay ng Panginoon kong Diyos ay nasa akin, at tinipon ko ang mga pangunahing lalaki mula sa Israel upang pumuntang kasama ko.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001