Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 25-27

Si Haring Amasias ng Juda(A)

25 Si Amasias ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoadan na taga-Jerusalem.

At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ngunit hindi taos sa puso.

Nang ang kapangyarihang maghari ay matatag na sa kanyang kamay, kanyang pinatay ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari.

Ngunit(B) hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, na doo'y iniutos ng Panginoon, “Ang mga ninuno ay hindi papatayin ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay papatayin ng dahil sa mga ninuno; kundi bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan.”

Pakikidigma Laban sa Edom(C)

Pagkatapos ay tinipon ni Amasias ang mga lalaki ng Juda, at inayos sila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng mga punong-kawal ng libu-libo at ng daan-daan para sa buong Juda at Benjamin. Kanyang binilang ang mga mula sa dalawampung taong gulang pataas at natagpuang sila ay tatlong daang libong piling lalaki, nababagay sa pakikidigma at may kakayahang humawak ng sibat at kalasag.

Siya'y umupa rin ng isandaang libong matatapang na mandirigma mula sa Israel sa halagang isandaang talentong pilak.

Ngunit dumating sa kanya ang isang tao ng Diyos, na nagsasabi, “O hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagkat ang Panginoon ay hindi kasama ng Israel, pati ng lahat ng mga anak ni Efraim na ito.

Ngunit kung iyong inaakalang sa paraang ito ay magiging malakas ka sa digmaan, ibubuwal ka ng Diyos sa harapan ng iyong mga kaaway, sapagkat ang Diyos ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal.”

At sinabi ni Amasias sa tao ng Diyos, “Ngunit anong aming gagawin sa isandaang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel?” At ang tao ng Diyos ay sumagot, “Ang Panginoon ay makapagbibigay sa iyo nang higit kaysa rito.”

10 Nang magkagayo'y pinaalis ni Amasias ang hukbo na dumating sa kanya mula sa Efraim, upang muling umuwi. At sila'y nagalit nang matindi sa Juda, at umuwing may malaking galit.

11 Ngunit si Amasias ay nagpakatapang at pinangunahan ang kanyang mga tauhan, at pumunta sa Libis ng Asin at pinatay ang sampung libong mga taga-Seir.

12 Ang mga lalaki ng Juda ay nakabihag ng sampung libong buháy at dinala sila sa tuktok ng isang malaking bato at inihulog sila mula sa tuktok ng bato, at silang lahat ay nagkaluray-luray.

13 Ngunit ang mga tauhan ng hukbo na pinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag nang sumama sa kanya sa pakikipaglaban ay sumalakay sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at pumatay sa kanila ng tatlong libo, at kumuha ng maraming samsam.

14 Pagkatapos na si Amasias ay manggaling mula sa pagpatay sa mga Edomita, kanyang dinala ang mga diyos ng mga anak ni Seir, at inilagay ang mga iyon upang maging kanyang mga diyos, at sinamba ang mga iyon at naghandog sa kanila.

15 Kaya't ang Panginoon ay nagalit kay Amasias at nagsugo sa kanya ng isang propeta, na nagsabi sa kanya, “Bakit bumaling ka sa mga diyos ng isang bayan na hindi nakapagligtas ng kanilang sariling bayan mula sa iyong kamay?”

16 Ngunit habang siya'y nagsasalita ay sinabi sa kanya ng hari, “Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? Tumigil ka, bakit kailangang patayin ka pa?” Kaya't tumigil ang propeta, ngunit nagsabi, “Nalalaman ko na ipinasiya ng Diyos na puksain ka, sapagkat ginawa mo ito at hindi mo pinakinggan ang aking payo.”

Pakikidigma Laban sa Israel(D)

17 Pagkatapos ay humingi ng payo si Amasias na hari sa Juda, at nagsugo kay Joas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na nagsasabi, “Halika, tayo'y magharap.”

18 At si Joas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, “Ang isang dawag sa Lebanon ay nagsugo sa isang sedro sa Lebanon, na nagsasabi, ‘Ibigay mo ang iyong anak na babae para mapangasawa ng aking anak;’ at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon, at tinapakan ang dawag.

19 Sinasabi mo, ‘Tingnan mo, nagapi ko ang Edom,’ at itinaas ka ng iyong puso sa kayabangan. Ngunit ngayon ay manatili ka sa bahay; bakit ka lilikha ng kaguluhan na iyong ikabubuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?”

20 Ngunit ayaw makinig ni Amasias, sapagkat iyon ay mula sa Diyos, upang kanyang maibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, sapagkat sinunod nila ang mga diyos ng Edom.

21 Kaya't umahon si Joas na hari ng Israel; at siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagtuos sa Bet-shemes na sakop ng Juda.

22 At ang Juda ay natalo ng Israel, at bawat isa'y tumakas pauwi sa kanyang tahanan.

23 Binihag ni Joas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Joas, na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dinala siya sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko, mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Pintuan sa Panulukan.

24 Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak, at lahat ng kagamitang natagpuan sa bahay ng Diyos, at si Obed-edom na kasama nila. Sinamsam din niya ang mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria.

25 Si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nabuhay ng labinlimang taon pagkamatay ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel.

26 Ang iba pa sa mga gawa ni Amasias, mula una hanggang katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel?

27 Mula nang panahong talikuran niya ang Panginoon ay nagsabwatan sila laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas sa Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish, at pinatay siya roon.

28 Dinala siya na sakay sa mga kabayo, at inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David.

Si Haring Uzias ng Juda(E)

26 At kinuha ng buong bayan ng Juda si Uzias, na labing-anim na taong gulang at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang amang si Amasias.

Kanyang itinayo ang Eloth at isinauli sa Juda, pagkatapos na ang hari ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno.

Si Uzias ay labing-anim na taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.

At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.

Itinalaga niya ang sarili upang hanapin ang Diyos sa mga araw ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa pagkatakot sa Diyos; at habang kanyang hinahanap ang Panginoon, pinagtatagumpay siya ng Diyos.

Siya'y lumabas at nakipagdigma laban sa mga Filisteo, at ibinagsak ang pader ng Gat, ang pader ng Jabnia, at ang pader ng Asdod. Siya'y nagtayo ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at sa iba pang lugar sa gitna ng mga Filisteo.

Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga taga-Arabia na naninirahan sa Gurbaal, at laban sa mga Meunita.

Ang mga Ammonita ay nagbayad ng buwis kay Uzias, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap hanggang sa hangganan ng Ehipto, sapagkat siya'y naging napakalakas.

Bukod dito'y nagtayo si Uzias ng mga muog sa Jerusalem sa Pintuan sa Panulukan at sa Pintuan sa Libis, at sa Pagliko, at pinatibay ang mga iyon.

10 Siya'y nagtayo ng mga muog sa ilang at humukay ng maraming balon, sapagkat siya'y mayroong maraming kawan maging sa Shefela at sa kapatagan. Mayroon siyang mga magbubukid at manggagawa sa ubasan sa mga burol at sa matatabang lupain, sapagkat mahal niya ang lupa.

11 Bukod dito, si Uzias ay may hukbo ng mga kawal, nababagay sa digmaan, na pulu-pulutong ayon sa pagbilang na ginawa ni Jeiel na kalihim, at ni Maasias na pinuno, sa ilalim ng pangangasiwa ni Hananias, isa sa mga punong-kawal ng hari.

12 Ang buong bilang ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno na matatapang na mandirigma ay dalawang libo at animnaraan.

13 Sa ilalim ng kanilang pamumuno ay isang hukbo na tatlong daan pitong libo at limang daan, na may kakayahang lumaban na may kapangyarihan, upang tulungan ang hari laban sa kaaway.

14 At ang buong hukbo ay ipinaghanda ni Uzias ng mga kalasag, mga sibat, mga helmet, mga metal na saplot, mga pana, at mga batong pantirador.

15 Siya'y gumawa sa Jerusalem ng mga makina, nilikha ng mga bihasang tao, upang ilagay sa mga tore at sa panulukan, upang magpahilagpos ng mga pana at malalaking bato. At ang kanyang kabantugan ay kumalat sa malayo, sapagkat siya'y kagila-gilalas na tinulungan hanggang sa siya'y lumakas.

Si Uzias ay Pinarusahan Dahil sa Kanyang Kapalaluan

16 Ngunit nang siya'y lumakas, siya'y naging palalo na siya niyang ikinapahamak. Sapagkat kanyang nilapastangan ang Panginoon niyang Diyos, at pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng dambana ng insenso.

17 Ngunit si Azarias na pari ay pumasok kasunod niya, na may kasamang walumpung pari ng Panginoon na matatapang na lalaki.

18 Kanilang(F) hinadlangan si Haring Uzias, at sinabi sa kanya, “Hindi para sa iyo, Uzias, ang magsunog ng insenso sa Panginoon, kundi para sa mga pari na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga upang magsunog ng insenso. Lumabas ka sa santuwaryo sapagkat mali ang iyong ginawa, at hindi ito magbibigay sa iyo ng karangalan mula sa Panginoong Diyos.”

19 Nang magkagayo'y nagalit si Uzias. Noon ay mayroon siyang suuban sa kanyang kamay upang magsunog ng insenso. Nang siya'y magalit sa mga pari, may lumabas na ketong sa kanyang noo, sa harapan ng mga pari sa bahay ng Panginoon, sa tabi ng dambana ng insenso.

20 Si Azarias na punong pari at ang lahat ng mga pari ay tumingin sa kanya, siya'y may ketong sa kanyang noo! At siya'y mabilis nilang itinaboy papalabas at siya nama'y nagmamadaling lumabas, sapagkat sinaktan siya ng Panginoon.

21 Si Haring Uzias ay ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at palibhasa'y ketongin ay tumira siya sa isang bahay na nakabukod, sapagkat siya'y itiniwalag sa bahay ng Panginoon. Si Jotam na kanyang anak ang namahala sa sambahayan ng hari, na nangangasiwa sa mga mamamayan ng lupain.

22 Ang iba pa sa mga gawa ni Uzias, mula una hanggang katapusan, ay isinulat ni Isaias na propeta, na anak ni Amos.

23 At(G) si Uzias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y ketongin.” At si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Jotam ng Juda(H)

27 Si Jotam ay dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerushah na anak ni Zadok.

At kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias—liban lamang sa hindi niya pinasok ang templo ng Panginoon. Ngunit ang taong-bayan ay sumunod sa masasamang gawain.

Kanyang itinayo ang pang-itaas na pintuan ng bahay ng Panginoon, at marami siyang ginawa sa pader ng Ofel.

Bukod dito'y nagtayo siya ng mga lunsod sa lupaing maburol ng Juda, at ng mga kuta at mga tore sa magubat na burol.

Siya'y lumaban sa hari ng mga Ammonita at nagtagumpay laban sa kanila. At ang mga Ammonita ay nagbigay sa kanya nang taon ding iyon ng isandaang talentong pilak, at sampung libong koro ng trigo at sampung libo ng sebada. Ang mga Ammonita ay nagbayad sa kanya ng gayunding halaga sa ikalawa at ikatlong taon.

Kaya't si Jotam ay naging makapangyarihan, sapagkat inayos niya ang kanyang pamumuhay sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.

Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang mga pakikipagdigma, at ang kanyang pamumuhay ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda.

Siya'y dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem.

At si Jotam ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001