Book of Common Prayer
Ang Dakilang Hari
Awit ni David.
24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
2 Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
3 Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
4 Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
6 Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]
7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.
9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit na katha ni David.
103 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.
2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.
3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
5 Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay,
kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
6 Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;
natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
7 Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin;
ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
8 Si(A) Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.
9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.
11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.
14 Alam niya na alabok itong ating pinagmulan,
at sa alabok din naman ang ating kahahantungan.
15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,
sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak;
16 nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan,
nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan.
17 Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
18 At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
20 O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,
kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,
sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;
O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!
Ang Magiging Hari ng Zion
9 O(A) Zion, magdiwang ka sa kagalakan!
O Jerusalem, ilakas mo ang awitan!
Pagkat dumarating na ang iyong hari
na mapagtagumpay at mapagwagi.
Dumarating siyang may kapakumbabaan,
batang asno ang kanyang sinasakyan.
10 “Ipapaalis(B) niya ang mga karwahe sa Efraim,
gayundin ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Panudla ng mga mandirigma ay mawawala,
pagkat paiiralin niya'y ang pagkakasundo ng mga bansa.
Hangganan ng kaharian niya'y dagat magkabila,
mula sa Ilog Eufrates hanggang dulo ng lupa.”
Muling Aayusin ang Zion
11 Sinabi(C) pa ni Yahweh,
“Alang-alang sa ating tipan na pinagtibay ng dugo,
ibabalik ko ang mga anak mong itinapon sa balong tuyo.
12 Kayo, mga bilanggo, na di nawalan ng pag-asa,
ay maaari nang bumalik sa inyong lupain.
Ang magandang kalagayan ninyo noong unang panahon,
ay aking hihigitan at pag-iibayuhin.
9 At sa araw na iyon, mawawasak ang alinmang bansang mangangahas sumakop sa Jerusalem.
10 “Ang(A) (B) lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido.
13 Sinabi pa ni Yahweh, “Sa panahong iyon, lilitaw ang isang bukal at lilinisin nito ang kasalanan at karumihan ng sambahayan ni David at ng mga taga-Jerusalem.
Ang Pagpatay sa Pastol ni Yahweh
7 Ito(A) ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Tabak, kumilos ka laban sa tagapangalaga ng aking mga tupa, laban sa aking lingkod. Patayin mo ang pastol upang magkawatak-watak ang mga tupa; lilipulin ko naman pati ang maliliit. 8 Malilipol ang dalawang ikatlong bahagi ng naninirahan sa lupain; ikatlong bahagi lamang ang matitira. 9 Ang mga ito'y padadaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos.”
12 Ipaglaban mo nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. 13 Iniuutos(A) ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. 15 Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem
41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. 43 Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44 Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”
Si Jesus sa Templo(A)
45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(B) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”
47 Araw-araw,(C) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.