Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat
Isang Awit na kinatha para sa Punong Mang-aawit.
66 Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
2 At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay!
Awitan siya't luwalhatiin siya!
3 Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:
“Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;
yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan.
4 Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba,
awit ng papuri yaong kinakanta;
ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah)[a]
5 Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,
ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
6 Naging(A) tuyong lupa kahit na karagatan,
mga ninuno nati'y doon dumaan;
doo'y naramdaman labis na kagalakan.
7 Makapangyarihang hari kailanman,
siya'y nagmamasid magpakailanman;
kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah)[b]
8 Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,
inyong iparinig papuring malugod.
9 Iningatan niya tayong pawang buháy,
di tayo bumagsak, di niya binayaan!
10 O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang,
sinubok mo kami upang dumalisay;
at tulad ng pilak, kami'y idinarang.
11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,
at pinagdala mo kami nang mabigat.
12 Sa mga kaaway ipinaubaya,
sinubok mo kami sa apoy at baha,
bago mo dinala sa dakong payapa.
13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo
ng aking pangako na handog sa iyo.
14 Pati pangako ko, nang may suliranin,
ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
15 Natatanging handog ang iaalay ko;
susunuging tupa, kambing, saka toro,
mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah)[c]
16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos,
at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan.
17 Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri,
kanyang karangalan, aking sinasabi.
18 Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy,
di sana ako dininig ng ating Panginoon.
19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,
sa aking dalangin, ako ay sinagot.
20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,
pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan,
at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan.
Awit ng Pagpapasalamat
Isang Awit na kinatha upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
67 O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,
kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah)[d]
2 upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
3 Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
4 Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah)[e]
5 Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
6 Nag-aning mabuti ang mga lupain,
pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!
7 Magpatuloy nawa iyong pagpapala
upang igalang ka ng lahat ng bansa.
Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
2 Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
3 Wala silang tinig o salitang ginagamit,
wala rin silang tunog na ating naririnig;
4 ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
5 tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
walang nakapagtatago sa init nitong taglay.
Ang Batas ni Yahweh
7 Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
8 Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
9 Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.
12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.
14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.
Ang Diyos ay Sumasaatin
Katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Alamot[a]
46 Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan.
2 Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok matangay;
3 kahit na magngalit yaong karagatan,
at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah)[b]
4 May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
5 Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
6 Nangingilabot din bansa't kaharian,
sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
7 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah)[c]
8 Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga!
9 Maging pagbabaka ay napatitigil,
sibat at palaso'y madaling sirain;
baluting sanggalang ay kayang tupukin!
10 Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman,
kataas-taasan sa lahat ng bansa,
sa buong sanlibuta'y pinakadakila.”
11 Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan;
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah)[d]
8 Nang makita ni Israel ang mga anak ni Jose, tinanong ito, “Ito ba ang iyong mga anak?”
9 “Opo! Sila po ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos dito sa Egipto,” tugon niya.
Sinabi ni Israel, “Ilapit mo sila sa akin at babasbasan ko.” 10 Halos hindi na makakita noon si Israel dahil sa kanyang katandaan. Inilapit nga ni Jose ang mga bata at sila'y niyakap at hinagkan ng matanda. 11 Sinabi ni Jacob kay Jose, “Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak.”
12 Inalis ni Jose ang mga bata sa kandungan ni Israel at yumuko siya sa harapan nito.
13 Pagkatapos, inilapit niya sa matanda ang dalawang bata, si Efraim sa gawing kaliwa at si Manases sa gawing kanan nito. 14 Ngunit pinagkurus ni Israel ang kanyang kamay at ipinatong ang kanan sa ulo ng nakababatang si Efraim at ang kaliwa sa ulo ni Manases. 15 At sila'y binasbasan,
“Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan,
ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham;
ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay,
simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.
16 At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas,
pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas;
maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras
ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac.
Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”
17 Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases. 18 Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.”
19 Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”
20 Sinabi(A) pa niya ito:
“Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin,
dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din.
Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin:
‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’”
Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.
21 Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.”
11 Kung(A) naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo.
12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(B)(C) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.
Ang Kaluwalhatiang Sasaatin
18 Para(D) sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. 19 Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. 20 Nabigo(E) ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa 21 na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. 23 At(F) hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan. 24 Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? 25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga.
27 Huwag(A) ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan.”
28 Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”
29 “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.
30 “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? 31 Ang(B) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan niya ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.
32 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na galing sa Diyos ay ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”
34 Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36 Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya sa akin. 37 Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. 38 Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39 At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.