Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:97-120

Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh

(Mem)

97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
    araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
    kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
    pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
    pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
    ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
    pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
    matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
    kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.

Kaliwanagan mula sa Kautusan ni Yahweh

(Nun)

105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
    sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
    tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
    sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
    yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
    pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
    ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
    sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.

Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh

(Samek)

113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
    ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
    ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
    pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
    ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
    ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
    ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
    kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
    sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.

Mga Awit 81-82

Awit sa Araw ng Kapistahan

Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
Umawit sa saliw ng mga tamburin,
    kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
Hipan(A) ang trumpeta tuwing nagdiriwang,
    kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,
    batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.
Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
    nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.

Ganito ang wika na aking narinig:
“Mabigat mong dala'y aking inaalis,
    ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.
Iniligtas(B) kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;
    tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
    at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)[b]
Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,
    sana'y makinig ka, O bansang Israel.
Ang(C) diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
    ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.

11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
    di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
    ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
    sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
    lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
    ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
    at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”

Diyos ang Kataas-taasang Hari

Awit ni Asaf.

82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
    sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
“Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
    tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[c]
Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
    at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!

“Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
    Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
    sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
Ang(D) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
    katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”

O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
    ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!

Genesis 45:16-28

16 Nakarating sa palasyo ang balita na ang mga kapatid ni Jose ay dumating. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang mga kagawad. 17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Pakargahan mo ng pagkain ang mga hayop ng iyong mga kapatid, at pabalikin mo sila sa Canaan. 18 Sabihin mong dalhin dito ang inyong ama at ang buong sambahayan nila. Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang lupain upang malasap nila ang masaganang pamumuhay rito. 19 Sabihin mo ring magdala sila ng mga karwahe para magamit ng kani-kanilang asawa at mga anak paglipat sa Egipto. 20 Huwag na nilang panghinayangang iwanan ang kanilang ari-arian doon, sapagkat ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila.”

21 Sinunod ng mga anak ni Israel ang utos na ito. Binigyan sila ni Jose ng mga sasakyan, gaya ng utos ng Faraon, at pinadalhan din ng pagkain sa kanilang paglalakbay. 22 Ang bawat isa'y binigyan ng tig-iisang bihisan, maliban kay Benjamin. Lima ang kanyang bihisan at pinadalhan pa ng tatlong daang pirasong pilak. 23 Pinadalhan niya ang kanyang ama ng pinakamabuting produkto ng Egipto, karga ng sampung asno. Sampung asno rin ang may kargang trigo, tinapay at iba't ibang pagkain upang may baon ang kanilang ama sa paglalakbay. 24 Inutusan ni Jose na lumakad na ang kanyang mga kapatid ngunit bago umalis ay sinabi sa kanila, “Huwag na kayong magtatalu-talo sa daan.”

25 Umalis nga sila sa Egipto at umuwi sa Canaan. 26 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jacob, “Ama, buháy pa po si Jose! Siya ngayon ang namamahala sa buong Egipto!” Natigilan si Jacob, at halos hindi siya makapaniwala sa balitang ito.

27 Ngunit nang maisalaysay sa kanya ang bilin ni Jose at makita ang mga karwaheng ipinadala ni Jose, sumigla ang kanyang kalooban.

28 “Salamat sa Diyos!” sabi ni Jacob. “Buháy pa pala ang aking anak! Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.”

1 Corinto 8

Tungkol sa Pagkaing Inihandog sa Diyus-diyosan

Ngayon, ipaliliwanag ko naman sa inyo ang tungkol sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. Alam nating “may kaalaman tayong lahat,” gaya ng sabi ng iba. Ang kaalamang ito ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag. Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. Ngunit ang umiibig sa Diyos ay kilala ng Diyos.

Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. Kahit na may tinatawag na “mga diyos” sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon” ay marami, subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo.

Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil mahina ang kanilang budhi, ang akala nila'y nagkakasala sila kapag kumain sila niyon. Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan.

Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina sa kanyang paniniwala. 10 Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng kapatid na mahina ang budhi, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? 11 Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. 12 Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo sa inyong mga kapatid kaya't nagkakasala kayo kay Cristo dahil sinugatan ninyo ang kanilang budhi. 13 Kaya nga, kung dahil sa pagkain ay itinutulak ko sa pagkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang hindi siya magkasala.

Marcos 6:13-29

13 Pinalayas(A) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(B)

14 Nakarating(C) kay Haring Herodes[a] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”

16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(D) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[b]

21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[c] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.

24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.

25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”

26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.