Book of Common Prayer
Panalangin Upang Tulungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo”.
69 O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig
sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
2 lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malalaking along nagngangalit.
3 Ako ay malat na sa aking pagtawag,
ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;
pati ang mata ko'y di na maidilat,
sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
4 Silang(A) napopoot nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
mga sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin, ako ay mapatay.
Ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
5 Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,
ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo.
6 Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,
ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;
Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel!
Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
7 Ako ay nilait nang dahil sa iyo,
napahiyang lubos sa kabiguan ko.
8 Sa mga kapatid parang ako'y iba,
kasambahay ko na'y di pa ako kilala.
9 Ang(B) malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban;
ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.
10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,
at ako'y hinamak ng maraming tao;
11 ang suot kong damit, na aking panluksa,
ay pinagtawana't hinamak na lubha.
12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,
ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
13 Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin,
sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin.
Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay gawin.
14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,
sa putik na ito't tubig na malalim;
sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
15 Huwag mong tulutang ako ay maanod,
o dalhin sa malalim at baka malunod;
hahantong sa libing, ako pagkatapos.
16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,
sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
17 Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan,
ibsan mo na ako sa bigat ng pasan.
18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan;
sagipin mo ako sa mga kaaway.
19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,
sinisiraang-puri't nilalapastangan;
di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman ako'y wala nang magawâ;
ang inasahan kong awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay kong abâ.
21 Sa(C) halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.
Suka at di tubig ang ipinainom.
22 O(D) bumagsak sana sila at masira,
habang nagdiriwang sila't naghahanda.
23 Bulagin mo sila't nang di makakita,
papanghinain mo ang katawan nila.
24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,
bayaan mong ito'y kanilang madama.
25 Mga(E) kampo nila sana ay iwanan,
at walang matira na isa mang buháy.
26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila;
pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa.
27 Itala mong lahat ang kanilang sala,
sa mangaliligtas, huwag silang isama.
28 Sa(F) aklat ng buhay, burahin ang ngalan,
at huwag mong isama sa iyong talaan.
29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,
O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas!
30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,
dadakilain ko't pasasalamatan.
31 Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog,
higit pa sa bakang ipagkakaloob.
32 Kung makita ito nitong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata't naroong nilikha!
35 Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda'y muling itatatag;
doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay.
36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,
may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.
IKATLONG AKLAT
Ang Katarungan ng Diyos
Awit ni Asaf.
73 Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,
sa lahat ng taong ang puso'y malinis.
2 Ngunit ang sarili'y halos bumagsak,
sa paghakbang ko'y muntik nang madulas!
3 Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga,
at sa biglang yaman ng mga masama.
4 Ni hindi nagdanas ng anumang hirap,
sila'y masisigla't katawa'y malakas.
5 Di tulad ng ibang naghirap nang labis,
di nila dinanas ang buhay na gipit.
6 Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,
at ang dinaramit nila'y pandarahas.
7 Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,
at masasama rin ang nasa isipan;
8 mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila,
ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
9 Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,
labis kung mag-utos sa mga nilalang;
10 kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,
anumang sabihi'y paniwalang lubos.
11 Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman,
walang malay yaong Kataas-taasan.”
12 Ang mga masama'y ito ang kagaya,
di na kinukulang ay naghahanap pa.
13 Samantalang ako, malinis ang palad,
hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat.
14 Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap,
sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,
sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
16 kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,
mahirap-hirap mang ito'y unawain.
17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,
na ang masasama ay mapapahamak;
18 dinala mo sila sa dakong madulas,
upang malubos na, kanilang pagbagsak;
19 walang abug-abog sila ay nawasak,
kakila-kilabot yaong naging wakas!
20 Parang panaginip nang ako'y magising,
pati anyo nila'y nalimutan na rin.
21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,
at ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
22 di ko maunawa, para akong tanga,
sa iyong harapa'y hayop ang kagaya.
23 Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako,
sa aking paglakad ay inaakay mo.
24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,
marangal na ako'y iyong tatanggapin.
25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,
at maging sa lupa'y, aking kailangan?
26 Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man,
ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
27 Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay,
at ang nagtataksil wawasaking tunay.
28 Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako!
Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag,
ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
6 Paglipas ng panahon, namatay si Jose, ang kanyang mga kapatid at ang kanilang salinlahi. 7 Ngunit(A) mabilis ang pagdami ng mga Israelita kaya't sila'y naging makapangyarihan at halos napuno nila ang buong lupain.
8 Lumipas(B) ang panahon at nagkaroon ang Egipto ng ibang hari na hindi nakakakilala kay Jose. 9 Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila'y patuloy na dumarami at lumalakas kaysa atin. 10 Kailangang(C) gumawa tayo ng paraan upang mapigil ang kanilang pagdami. Baka salakayin tayo ng ating mga kaaway at kumampi pa sila sa mga ito, at pagkatapos ay tumakas sa[a] ating lupain.” 11 Kaya't naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lunsod ng Pitom at Rameses, mga lunsod na imbakan ng mga pagkain at kagamitan. 12 Ngunit habang inaapi, ang mga ito ay lalo namang dumarami at naninirahan ang mga Israelita sa iba't ibang bayan kaya't sila'y kinatakutan ng mga Egipcio. 13 Dahil dito, ang mga Israelita'y lalong walang awang 14 pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba't ibang mabibigat na gawaing bukid.
15 Isang araw, ipinatawag ng Faraon sina Sifra at Pua, ang mga komadronang Hebreo at sinabihan nang ganito: 16 “Sa pagpapaanak ninyo sa mga Hebrea, patayin ninyo kung lalaki ang sanggol, at hayaan ninyong mabuhay kung babae.” 17 Ngunit dahil sa takot nila sa Diyos, hindi sinunod ng mga komadrona ang utos ng hari; hindi nila pinapatay ang mga sanggol na lalaki. 18 Dahil dito'y ipinatawag sila ng hari at tinanong, “Bakit hindi ninyo pinapatay ang mga sanggol na lalaking isinisilang ng mga Hebrea?”
19 “Mangyari po, iba ang mga Hebrea sa mga Egipcia. Madali po silang manganak kaya naisilang na ang sanggol pagdating namin,” sagot nila. 20 Kaya't patuloy na dumami at lumakas ang mga Israelita. Ang mga komadrona naman ay kinalugdan ng Diyos. 21 Sila'y pinagkalooban niya ng mga sariling pamilya. 22 Iniutos(D) naman ng Faraon sa lahat ng kanyang nasasakupan na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Hebrea at hayaan namang mabuhay ang mga babae.
Iisang Katawan Ngunit Maraming Bahagi
12 Si(A) Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. 13 Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa pamamagitan ng iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.
14 Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. 15 Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? 18 Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. 19 Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. 20 Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.
21 Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pinapahalagahan. 24 Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Ngunit nang isaayos ng Diyos ang katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa't isa. 26 Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”
28 Sumagot(B) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”
29 “Ngunit(C) kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” tanong niya.
Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”
30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(D)
31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”
34 Pinalapit(E) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(F) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
9 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.