Book of Common Prayer
33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(A) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.
39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.
43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(B)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Awit ng Pagpupuri
33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
2 Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
3 Isang bagong awit, awiting malakas,
kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
at maaasahan ang kanyang ginawa.
5 Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
6 Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
ang araw, ang buwa't talang maririkit;
7 sa iisang dako, tubig ay tinipon,
at sa kalaliman ay doon kinulong.
8 Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
Dapat katakutan ng buong nilikha!
9 Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
sa kanyang salita, lumitaw na kusa.
10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
walang nalilingid sa kanilang gawa.
16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
di makakapagligtas, lakas nilang taglay.
18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.
22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
23 Pagkalipas ng mahabang panahon, namatay ang Faraon ngunit dumaraing pa rin ang mga Israelita sa patuloy na pang-aalipin sa kanila ng mga Egipcio. 24 Narinig(A) ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob. 25 Nakita niya ang kalagayan ng mga Israelita at siya'y nahabag sa kanila.
Tinawag ng Diyos si Moises
3 Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai,[a] ang Bundok ng Diyos. 2 Doon,(B) ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. 3 Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.”
4 Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”
“Ano po iyon?” sagot niya.
5 Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. 6 Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos.
7 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. 8 Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. 9 Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. 10 Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.”
11 Sumagot si Moises, “Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?”
12 “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos.
13 Sinabi(C) ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?”
14 Sinabi(D) ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga.[b] Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. 15 Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman.
Ang Pag-ibig
13 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. 2 Kung(A) ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. 6 Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
8 Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. 9 Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.
11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Pinagaling ang Batang Sinasapian ng Masamang Espiritu(A)
14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong at binati siya. 16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?”
17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!”
20 Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 “Kailan pa siya nagkaganyan?” tanong ni Jesus sa ama.
“Simula pa po noong maliit siya!” tugon niya. 22 “Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.”
23 “Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.”
24 Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.”
25 Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!”
26 Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya!” 27 Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.
28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?”
29 Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.