Book of Common Prayer
Ang Mapagpakumbabang Dalangin
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
131 Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
tinalikuran ko't iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
2 Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
3 Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!
Awit ng Parangal para sa Templo
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
132 Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin;
huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,
O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito:
3-5 “Di ako uuwi, nangangako ako na hindi hihimlay,
hangga't si Yahweh ay wala pang lugar na matitirahan,
isang templong laan sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Aming(A) nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan,
sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
7 Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin,
sa harap ng trono siya ay sambahin!”
8 Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,
ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
9 Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
10 Alang-alang naman sa lingkod mong si David,
ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
11 Ang(B) iyong pangako, kay David mong lingkod,
huwag mong babawiin,
ganito ang iyong pangakong habilin:
“Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala,
matapos na ika'y pumanaw sa lupa.
12 Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan,
at ang mga utos ko ay igagalang,
ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.”
13 Pinili ni Yahweh,
na maging tahanan ang Lunsod ng Zion.
14 Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon,
ang paghahari ko'y magmumula roon.
15 Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay,
hindi magugutom ang dahop sa buhay.
16 Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas,
ang mga hinirang sumigaw sa galak.
17 Sa(C) lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila,
upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala.
18 Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana,
ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.”
Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
2 Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
3 Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
ang pangakong buhay na mananatili.
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
140 Sa mga masama ako ay iligtas,
iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
2 sila'y nagpaplano at kanilang hangad
palaging mag-away, magkagulo lahat.
3 Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]
4 Sa mga masama ako ay iligtas;
iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
na ang nilalayon ako ay ibagsak.
5 Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
ako ay masilo, sa bitag hulihin,
sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]
6 Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
7 Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
8 Taong masasama, sa kanilang hangad
ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]
9 Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
ang marahas nama'y bayaang mapuksa.
12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang(A) Maskil[a] ni David, nang siya'y nasa kuweba. Ito'y isa ring panalangin.
142 O Yahweh, ako ay humingi ng tulong,
ako'y maghihintay sa iyong pagtugon;
2 ang aking dinala'y lahat kong hinaing,
at ang sinabi ko'y pawang suliranin.
3 Nang ako ay halos wala nang pag-asa,
ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.
Sa landas na aking pinagdaraanan,
may handang patibong ang aking kaaway.
4 Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,
wala ni isa man akong makatulong;
wala kahit isa na magsasanggalang,
ni magmalasakit na kahit sinuman.
5 Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,
sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;
tunay na ikaw lang mahalaga sa akin.
6 Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,
pagkat halos ako'y di makagulapay;
iligtas mo ako sa mga kaaway,
na mas malalakas ang mga katawan.
7 Sa suliranin ko, ako ay hanguin,
at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin
sa kabutihan mong ginawa sa akin!
25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.
Ang Ikalawang Salot: Ang Napakaraming Palaka
8 Pagkaraan noon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 2-3 Kapag hindi ka pumayag, patuloy kong pahihirapan ang buong Egipto. Pupunuin ko ng palaka ang Ilog Nilo. Papasukin ng mga ito ang palasyo at aakyatin pati higaan mo. Papasukin din ng mga ito ang bahay ng mga tauhan mo at ng lahat ng Egipcio, ganoon din ang inyong mga lutuan at lalagyan ng pagkain. 4 Ikaw, ang iyong mga tauhan, at ang buong bayan ay pahihirapan nito.”
5 Sinabi pa ni Yahweh, “Sabihin mo naman kay Aaron na itapat niya sa ilog ang kanyang tungkod, gayon din sa mga kanal at mga lawa upang mapunô ng palaka ang buong Egipto.” 6 Ganoon nga ang ginawa ni Aaron. Umahon sa ilog ang mga palakang di mabilang sa dami at kumalat sa buong Egipto. 7 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan.
8 Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya.”
9 Sinabi ni Moises, “Karangalan kong malaman kung kailan ninyo nais na idalangin ko kayo kay Yahweh, pati ang inyong mga tauhan at nasasakupan. At mawawala na ang mga palaka, maliban ang mga nasa ilog.”
10 “Bukas kung ganoon,” sabi ng Faraon.
“Matutupad po ayon sa inyong sinabi para malaman ninyo na walang kapantay ang Diyos naming si Yahweh. 11 Mawawala ang mga palaka at ang matitira lamang ay ang nasa ilog.” 12 Lumakad na sina Moises at Aaron. At tulad ng pangako nila, idinalangin ni Moises na alisin ang mga palakang nagpapahirap sa Faraon. 13 Tinugon naman siya ni Yahweh; namatay lahat ang mga palaka sa mga bahay at mga bukid. 14 Ibinunton ng mga Egipcio ang mga patay na palaka at umaalingasaw ang baho nito sa buong Egipto. 15 Ngunit nagmatigas muli ang Faraon nang ito'y makahinga na naman nang maluwag. At tulad ng sinabi ni Yahweh, hindi pa rin siya nakinig kina Moises at Aaron.
Ang Ikatlong Salot: Ang mga Niknik
16 Inutusan ni Yahweh si Moises na sabihin kay Aaron na ihampas sa lupa ang tungkod upang maging niknik ang lahat ng alikabok sa buong Egipto. 17 Inihampas nga ni Aaron ang tungkod at ang lahat ng alikabok sa buong Egipto ay naging niknik na labis na nagpahirap sa mga tao't mga hayop. 18 Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik. 19 Dahil(A) dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.
7 Nang(A) ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, 8 gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? 9 Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. 10 Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. 11 Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman.
12 Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. 13 Hindi(B) kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. 14 Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo. 15 Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing binabasa nila ang mga aklat ni Moises. 16 Ngunit(C) kapag lumapit ang tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. 17 Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon ay mayroong kalayaan. 18 At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.
Ang Lalaking Mayaman(A)
17 Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”
18 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19 Alam(B) mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’”
20 Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa sa aking pagkabata ay tinupad ko na ang lahat ng mga iyan.”
21 Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman.
23 Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24 Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap [para sa mga mayayaman na][a] makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”
27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”
28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”
29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit(C) maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahúhulí ang mauuna.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.