Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 95

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

95 Tayo na't lumapit
    kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.

At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
“Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”

Mga Awit 88

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[a] Isang Maskil[b] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.

88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
    pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
    sa aking pagdaing ako ay tulungan.

Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
    Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
    ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
    animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
    parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
    na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
    ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[c]

Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
    hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
    Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
    sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.

10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
    para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[d]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
    o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
    o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?

13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
    sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
    Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
    ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
    ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
    sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
    ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.

Mga Awit 91-92

Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin

91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
    at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
ay makakapagsabi kay Yahweh:
    “Muog ka't kanlungan,
    ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas,
    at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas.
Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak,
    at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak;
    iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,
    maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway.
    Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,
    sa pagpuksa'y wala kang takot, sa araw man dumating.

Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao,
    sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo;
    di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano.
Ika'y magmamasid at sa panonood, mapapatunayan,
    iyong makikita, taong masasama'y pinaparusahan.

Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
    at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
    kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(A) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
    saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(B) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(C) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
    di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.

14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
    at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
    aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
    aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
    at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”

Awit ng Papuri sa Diyos

Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.

92 Ang magpasalamat
    kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.

O pagkadakila!
Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,
ang iyong isipan
ay sadyang mahirap naming maunawa.
Sa(D) kapos na isip,
ang bagay na ito ay di nalalaman,
hindi malilirip
ni mauunawa ng sinumang mangmang:
ang mga masama
kahit na dumami't sila ma'y umunlad,
kanilang hantungan
ay tiyak at lubos na kapahamakan;
sapagkat ikaw lang,
Yahweh, ang dakila't walang makatulad.

Nababatid naming
lilipuling lahat ang iyong kaaway,
at lahat ng taong
masama ang gawa ay mapipilan.
10 Ako'y ginawa mong
sinlakas ng torong mailap sa gubat,
ako'y pinagpala't
pawang kagalakan aking dinaranas.
11 Aking nasaksihan
yaong pagkalupig ng mga kaaway,
pati pananaghoy
ng mga masama'y aking napakinggan.

12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.

Genesis 47:1-26

47 Isinama ni Jose ang lima sa kanyang mga kapatid at nagpunta sa Faraon. Sinabi niya, “Dumating na po ang aking ama't mga kapatid buhat sa Canaan, dala ang kanilang mga kawan, at lahat ng ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” At ipinakilala niya sa Faraon ang kanyang mga kapatid.

Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”

“Kami po'y mga pastol, tulad ng aming mga ninuno,” tugon nila. “Nakarating po kami rito sapagkat sa amin sa Canaan ay wala na kaming mapagpastulan. Kung maaari po, doon na ninyo kami patirahin sa lupain ng Goshen.”

Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong narito na ang iyong ama at mga kapatid, at ikaw naman ang namamahala sa buong Egipto, ibigay mo sa kanila ang pinakamainam na lupain. Doon mo sila patirahin sa Goshen. Kung may mapipili kang mahuhusay na pastol, sila ang pamahalain mo sa aking mga kawan.”

Isinama ni Jose ang kanyang ama sa palasyo at pagdating doo'y binasbasan ni Jacob ang Faraon. “Ilang taon na kayo?” tanong ng Faraon kay Jacob.

Sumagot siya, “Umabot na po sa 130 taon ang aking pagpapalipat-lipat ng tahanan. Maikli at mahirap ang aking naging buhay dito sa lupa. Malayung-malayo sa naging buhay ng aking mga ninuno.” 10 Matapos magpaalam sa Faraon, umalis na si Jacob. 11 Sa utos ng Faraon, ibinigay ni Jose sa kanyang ama at mga kapatid ang pinakamabuting lupain ng Rameses sa bansang Egipto. 12 Ang buong sambahayan ni Jacob hanggang sa kaliit-liitan ay kinalinga ni Jose.

Ang Pamamahala ni Jose sa Panahon ng Taggutom

13 Nang maubos na ang pagkain sa buong Canaan at Egipto, at ang mga tao'y hirap na hirap na sa gutom, 14 kay Jose bumibili ng pagkain ang lahat. Iniipon naman ni Jose ang pinagbilhan at dinadala sa kabang-yaman ng Faraon. 15 Dumating ang panahong wala nang maibayad ang mga tao, kaya't sinabi nila kay Jose, “Mamamatay kami ng gutom, bigyan mo kami ng pagkain.”

16 Kaya't sinabi ni Jose, “Kung wala na kayong salapi, palitan na lang ninyo ng hayop ang pagkaing ibibigay ko sa inyo.” 17 At gayon nga ang kanilang ginawa; ipinagpalit nila ang kanilang mga kabayo, tupa, kambing, baka at asno sa pagkaing kinukuha nila. Isang taon silang binibigyan ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng mga hayop.

18 Nang sumunod na taon, lumapit na naman sa kanya ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi namin maikakaila sa inyong kamahalan na ngayo'y ubos na ang lahat naming salapi at mga alagang hayop. Wala na pong nalalabi sa amin kundi ang aming katawan at bukirin.

19 “Kaya, tulungan naman ninyo kami; huwag ninyo kaming hayaang mamatay sa gutom at mapabayaan ang aming lupain. Bigyan ninyo kami ng makakain at binhing pananim nang kami'y huwag mamatay. Payag na po kaming maging alipin ng Faraon at ibenta sa kanya ang aming lupain.”

20 Nangyari nga ito, kaya't nakuha ni Jose para sa Faraon ang lahat ng lupain ng mga taga-Egipto dahil sa tindi ng taggutom noon. 21 Ang lahat ng tao sa Egipto ay ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon. 22 Ang hindi lamang nabili ni Jose ay ang lupain ng mga pari, sapagkat ang mga ito ay may sapat na sustento ng Faraon. 23 Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayo'y nabili ko na kayo at ang inyong mga lupain para sa Faraon. Bibigyan ko kayo ng binhing itatanim. 24 Ibibigay ninyo sa Faraon ang ikalimang bahagi ng inyong aanihin. Inyo na ang nalalabi para muling itanim at maging pagkain ng inyong pamilya.”

25 Sumagot ang mga tao, “Napakabuti ninyo sa amin; iniligtas ninyo kami. Handa po kaming maglingkod sa Faraon.” 26 Mula noon, ginawang batas ni Jose sa lupain ng Egipto na ang ikalimang bahagi ng ani ay para sa Faraon. Umiiral pa hanggang ngayon ang batas na ito maliban sa lupa ng mga pari, sapagkat ito'y hindi saklaw ng Faraon.

1 Corinto 9:16-27

16 Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18 Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko paggamit ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.

19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.

23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat(A) ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.

Marcos 6:47-56

47 Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad,[a] 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa pagpapakain ng tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(A)

53 Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. 54 Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. 55 Kaya't nagmadaling nagpuntahan ang mga tao sa mga karatig-pook. Saanman nila mabalitaang naroon si Jesus, dinadala nila ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. 56 At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.