Book of Common Prayer
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
dininig niya ako sa aking dalangin.
2 Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.
3 Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
4 Tutudlain kayo ng panang matalim,
at idadarang pa sa may bagang uling.
5 Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
6 Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
ng hindi mahilig sa kapayapaan.
7 Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
pakikipagbaka ang laman ng ulo.
Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
2 Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.
3 Di niya ako hahayaang mabuwal,
siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
4 Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
hindi natutulog at palaging gising!
5 Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
laging nasa piling, upang magsanggalang.
6 Di ka maaano sa init ng araw,
kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
7 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
sa mga panganib, ika'y ililigtas.
8 Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.
Awit ng Parangal para sa Jerusalem
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
“Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
2 Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.
3 Itong Jerusalem ay napakaganda,
matatag at maayos na lunsod siya.
4 Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
5 Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
6 Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
7 Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
8 Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
9 Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.
Panalangin Upang Kahabagan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
123 Ang aking pangmasid doon nakatuon,
sa luklukang trono mo, O Panginoon.
2 Tulad ko'y aliping ang inaasahan
ay ang amo niya para sa patnubay,
kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala,
hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.
3 Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan,
labis na paghamak aming naranasan.
4 Kami'y hinahamak ng mga mayaman,
laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang.
Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
2 “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
3 maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
5 sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
125 Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,
kailanma'y di makikilos, hindi mauuga.
2 Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok,
gayon nagtatanggol
sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.
3 Taong masasama
ay di hahayaang laging mamahala,
pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama.
4 Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan,
sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
5 Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan,
parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay.
Kapayapaan para sa Israel!
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
2 Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
3 Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!
4 Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
5 Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.
6 Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
Pagpupuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni Solomon.
127 Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay,
ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;
maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay,
ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay.
2 Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay;
maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay,
pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.
3 Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak,
ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.
4 Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,
ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
5 Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,
hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan,
kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.
Sina Moises at Aaron sa Harapan ng Faraon
5 Pagkatapos nito, nagpunta sa Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na payagan ninyong pumunta sa ilang ang kanyang bayang Israel upang magpista bilang parangal sa kanya.”
2 “Sinong Yahweh? Sino siyang mag-uutos sa akin na payagan kong umalis ang mga Israelita? Wala akong kilalang Yahweh. Hindi! Hindi ko papayagang umalis ang mga Israelita,” sagot ng Faraon.
3 Sinabi nila, “Nagpakita po sa amin ang Diyos naming mga Hebreo kaya isinasamo naming payagan na ninyo kaming maglakbay nang tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog kay Yahweh na aming Diyos. Kung hindi, lilipulin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”
4 Sinabi ng hari ng Egipto kina Moises at Aaron, “At bakit ninyo ilalayo ang mga tao sa kanilang trabaho? Bumalik kayo ngayon din sa inyong mga trabaho. 5 Mas marami na nga ang mga Hebreo kaysa mga Egipcio, nais pa ninyong tumigil sa pagtatrabaho?” sabi sa kanila ng Faraon.
6 Nang araw ding iyon, ipinatawag ng Faraon ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas na Israelita. Sinabi niya, 7 “Huwag na ninyo silang bibigyan ng dayaming ginagamit sa paggawa ng tisa. Hayaan ninyong sila ang manguha ng gagamitin nila. 8 At ang dami ng gagawin nila ay tulad din ng dati; huwag babawasan kahit isa. Tinatamad lang ang mga iyan kaya nagpapaalam na maghandog sa kanilang Diyos. 9 Lalo ninyong damihan ang kanilang gawain at lalo silang higpitan sa pagtatrabaho para hindi sila makapakinig ng kung anu-anong kasinungalingan.”
10 Pagkasabi nito ng Faraon, lumakad ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas. Sinabi nila sa mga tao, “Ipinapasabi ng Faraon na hindi na kayo bibigyan ng dayami. 11 Kayo na ang bahalang manguha ng kailangan ninyo kung saan mayroon, at ang tisang gagawin ninyo araw-araw ay sindami rin ng dati.” 12 Ginalugad ng mga Israelita ang buong Egipto sa paghahanap ng dayami. 13 Sila'y inaapura ng mga tagapangasiwa at pilit na pinagagawa ng tisang sindami rin noong sila'y binibigyan pa ng dayami. 14 Kapag kulang ang kanilang nagawa, ang mga kapatas na Israelita ay binubugbog ng mga tagapangasiwa, at tinatanong: “Bakit kakaunti ang nagawa ninyo ngayon?”
15 Dahil dito, pumunta sa Faraon ang mga kapatas at nagreklamo, “Bakit po naman ninyo kami ginaganito? 16 Pinagagawa pa po kami ng tisa ngunit hindi na binibigyan ng dayami. At ngayon po'y binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang may pagkukulang!”
17 Sinabi ng Faraon, “Mga batugan! Tinatamad lang kayo kaya ninyo hinihiling sa akin na payagan kayong maghandog kay Yahweh. 18 Sige, magbalik na kayo sa inyong trabaho. Hindi kayo bibigyan ng dayami, at ang gagawin ninyong tisa ay sindami pa rin ng dati ninyong ginagawa.”
19 Nakita ng mga kapatas ang hirap ng kanilang katayuan nang sabihin sa kanilang sindami rin ng dati ang kanilang gagawin. 20 Pag-uwi nila mula sa pakikipag-usap sa Faraon, nakita nila sa daan sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila. 21 Sinabi nila sa dalawa, “Parusahan sana kayo ni Yahweh. Dahil sa ginawa ninyong ito, nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Binigyan pa ninyo sila ng dahilang patayin kami.”
Nanalangin si Moises
22 Kaya, nanalangin si Moises, “Yahweh, bakit po ninyo pinahihirapan ng ganito ang inyong bayan? Bakit pa ninyo ako sinugo kung ganito rin lamang ang mangyayari? 23 Mula nang makipag-usap ako sa Faraon ay lalo niyang pinahirapan ang inyong bayan, ngunit wala kayong ginagawa upang tulungan sila.”
6 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Hindi lamang siya mapipilitang pumayag na kayo'y umalis, ipagtatabuyan pa niya kayo.”
20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. 21 Ganito(A) ang nakasulat sa Kautusan:
“Sinabi ng Panginoon,
‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”
22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.
23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.
Kaayusan sa Iglesya
26 Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. 30 At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan.
Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos,
39 Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.
Sanhi ng Pagkakasala(A)
42 “Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig [sa akin.][a] 43 Kung(B) ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. [44 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][b] 45 Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. [46 Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.][c] 47 At(C) kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na iisa lang ang mata, kaysa may dalawang mata ngunit itatapon ka naman sa impiyerno. 48 Doo'y(D) hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay.
49 “Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy [at ang bawat handog sa Diyos ay lalagyan ng asin.][d] 50 Mabuti(E) ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang katangian ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.