Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 55

Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan

Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
    mga daing ko ay huwag namang layuan.
Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
    sa bigat ng aking mga suliranin.
Sa maraming banta ng mga kaaway,
    nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
    namumuhi sila't may galit ngang tunay.

Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
    sa aking takot na ako ay pumanaw.
Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
    sinasaklot ako ng sindak na labis.
Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
    hahanapin ko ang dakong panatag.
Aking liliparin ang malayong lugar,
    at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
Ako ay hahanap agad ng kanlungan
    upang makaiwas sa bagyong darating.”

Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
    yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
    araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
    pati pang-aapi ay nasasaksihan.

12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
    kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
    kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
    aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
    at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
    ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.

16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
    aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
    Aking itataghoy ang mga hinaing,
    at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
    at pababaliking taglay ang tagumpay,
    matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
    ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[c]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
    ayaw nang magbago at magbalik-loob.

20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
    at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
    ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
    ngunit parang tabak ang talas at tulis.

22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
    aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
    ang taong matuwid, di niya bibiguin.

23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
    O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
    Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.

Mga Awit 74

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Panaghoy 2:1-9

Pinarusahan ni Yahweh ang Jerusalem

Sa matinding galit ni Yahweh, ipinahiya niya ang Zion!
    Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel;
    sa araw ng kanyang poot nakalimutan niyang Zion ang kanyang tuntungan.

Walang awang winasak ni Yahweh ang lahat ng nayon ni Jacob;
    sinira niya ang matitibay na kuta ng Juda;
    ang kaharian at mga pinuno nito'y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.

Sa tindi ng kanyang galit ay iginupo niya ang hukbo ng Israel;
    hindi niya kami tinulungan nang dumating ang kaaway.
    Nag-aalab ang galit niya sa amin, gaya ng paglamon ng apoy sa buong paligid.

Para siyang kaaway, tinudla niya kami ng pana,
    at nilipol ang lahat ng kinalulugdan nami't ipinagmamalaking mamamayan.
    Ibinuhos niya sa Jerusalem ang tindi ng kanyang galit, parang isang apoy na sa kanya'y tumupok.

Tulad ng kaaway, winasak ni Yahweh ang Israel.
    Giniba niya ang mga palasyo at lahat ng kuta;
    inilagay niya ang Juda sa walang katapusang pagdadalamhati.

Pinaguho niya ang tabernakulo nito gaya ng isang halamanan;
    winakasan ni Yahweh ang mga itinakdang pista at Araw ng Pamamahinga,
    at itinakwil niya ang mga hari at mga pari dahil ang kanyang galit ay matindi.

Itinakwil ni Yahweh ang kanyang altar, tinalikuran ang kanyang templo;
    ipinagiba niya sa mga kaaway ang mga pader nito.
    Dahil sa kanilang tagumpay, nagkaingay sa tuwa ang mga kaaway sa lugar na dati'y buong galak naming pinagdarausan ng pagsamba.

Ipinasya ni Yahweh na wasakin ang pader ng Zion,
    itinakda niya ang ganap na pagkasira nito; hindi niya iniurong ang kanyang balak na pagwasak.
    Ngayon, ang muog at ang kuta ay nakaguho.

Gumuho na rin ang mga pintuang-bayan, bali ang mga panara nito, pati na rin ang mga tarangkahan.
    Nangalat sa mga bansa ang kanyang hari at mga pinuno; wala nang kautusang umiiral,
    at wala na ring pangitain mula kay Yahweh ang kanyang mga propeta.

Panaghoy 2:14-17

14 Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
    Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
    Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.

15 O lunsod ng Jerusalem,
    hinahamak ka't pinagtatawanan ng lahat ng nagdaraan.
    Sinasabi nila, “Ito ba ang lunsod na huwaran ng kagandahan? Ito ba ang kagalakan ng lahat ng bansa?”

16 Iniismiran ka ng iyong mga kaaway at kanilang sinasabi,
    “Nawasak na rin natin siya!
    Sa wakas bumagsak din siya sa ating mga kamay.”

17 Isinagawa nga ni Yahweh ang kanyang balak; tinupad niya ang kanyang banta.
    Walang awa niya tayong winasak;
    pinagtagumpay niya ang ating kaaway at dinulutan ng kagalakan sa paglupig sa atin.

2 Corinto 1:23-2:11

23 Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. 24 Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.

Sapagkat[a] ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? Kaya sumulat muna ako sa inyo noon upang sa pagpunta ko riyan ay hindi ako mabigyan ng lungkot ng mga taong dapat sana ay magpasaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kagalakan ay kagalakan din ninyong lahat. Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo.

Patawarin ang Nagkasala

Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin idinulot; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob dahil sa matinding lungkot. Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo.

Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. 10 Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, 11 upang hindi tayo malamangan ni Satanas, sapagkat hindi lingid sa atin ang kanyang mga pamamaraan.

Marcos 12:1-11

Ang Talinghaga tungkol sa mga Masasamang Magsasaka(A)

12 At(B) tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang tore. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pag-aani ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala. Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga magsasaka. Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay. Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang igagalang nila ang kanyang anak. Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin lahat ng kanyang mamanahin.’ Kaya't sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan.

“Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba. 10 Hindi(C) ba ninyo nabasa ang sinasabi sa kasulatan?

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-panulukan.

11 Ito'y ginawa ng Panginoon,

    at kahanga-hangang pagmasdan.’”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.