Book of Common Prayer
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]
6 O(A) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong(B) masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Sheminit.[a]
12 O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao,
wala nang taong tapat at totoo.
2 Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa,
nagkukunwari at nagdadayaan sila.
3 Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila,
at sarhan ang bibig ng hambog magsalita;
4 silang laging nagsasabi,
“Kami'y magsasalita ng nais namin;
at sa gusto nami'y walang makakapigil!”
5 “Darating na ako,” sabi ni Yahweh,
“Upang saklolohan ang mga inaapi.
Sa pinag-uusig na walang magkupkop,
hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!”
6 Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan,
ang katulad nila'y pilak na lantay;
tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay.
7 Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan,
sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan;
8 Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar,
ang mga gawang liko ay ikinararangal!
Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat
94 Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
ipakita mo ngayon ang karapatang ganito.
2 Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
3 Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
4 Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
5 Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
6 Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
7 Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
9 Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11 Batid(A) ni Yahweh mga plano nating baluktot,
katulad lang ng hininga, madaling malagot.
12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13 Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14 Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15 mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.
16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17 O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18 Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19 Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23 Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.
17 “Ako'y nagpasaklolo ngunit walang tumulong sa akin,
inatasan ni Yahweh ang mga karatig-bansa upang ako'y gawing isang kawawa,
kaya ako'y nagmistulang maruming basahan.
18 “Nasa panig ng katuwiran si Yahweh, ako ang naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit makinig kayo, mga bansa, at tingnan ninyo ang aking paghihirap;
binihag ang aking kadalagahan at kabinataan.
19 “Tinawag ko ang aking mga kakampi ngunit hindi nila ako tinulungan;
namatay ang aking mga pari at mga pinuno ng lunsod,
sa paghahanap ng pagkaing magpapanumbalik ng kanilang lakas.
20 “Masdan mo ako, O Yahweh, sapagkat labis akong nababagabag.
Naliligalig ang aking kaluluwa, ako'y lubhang naguguluhan, sapagkat naging mapaghimagsik ako.
Kabi-kabila ang patayan, sa loob at labas ng kabahayan.
21 “Pakinggan mo ang aking daing; walang umaaliw sa akin.
Natuwa pa nga ang mga kaaway ko sa ginawa mo sa akin.
Madaliin mo ang araw na iyong ipinangako, na sila'y magiging gaya ko rin.
22 “Hatulan mo sila sa kanilang kasamaan; pahirapan mo sila,
tulad ng pagpapahirap mo sa akin dahil sa aking mga pagsalangsang;
napapahimutok ako sa tindi ng hirap at para akong kandilang nauupos.”
8 Mga(A) kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. 9 Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.
Nagbago ng Balak si Pablo
12 Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat[a] at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa kagandahang-loob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. 13 Ang isinulat namin sa inyo ay iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. 14 Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong maipagmamalaki namin kayo.
15 Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang dalawang ulit kayong pagpalain. 16 Binalak(B) kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. 17 Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? 18 Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”. 19 Ang(C) Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” 20 sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. 22 Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako.
Pag-aalinlangan tungkol sa Karapatan ni Jesus(A)
27 Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. 28 Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”
29 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 30 Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo: sa Diyos ba o sa mga tao?”
31 At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating galing sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. 32 Ngunit kung sasabihin naman nating galing sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. 33 Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam.”
“Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito,” tugon ni Jesus sa kanila.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.