Book of Common Prayer
Awit ni David.
25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
2 O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
huwag nawa akong mapahiya;
ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
3 Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.
4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
5 Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.
6 Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
7 Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!
8 Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon,
ipagpatawad mo ang aking kasalanan, sapagkat ito ay malaking tunay.
12 Sino ang taong natatakot sa Panginoon?
Siya ang tuturuan niya sa daan na dapat niyang piliin.
13 Siya mismo ay mananahan sa kasaganaan,
at aangkinin ng kanyang mga anak ang lupain.
14 Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila.
15 Palaging nasa Panginoon ang aking mga mata,
sapagkat mula sa lambat ay hihilahin niya ang aking mga paa.
16 Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan,
sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan.
17 Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin,
at sa aking kapanglawan ako ay hanguin.
18 Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan,
at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway,
at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian.
20 O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako;
huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo.
21 Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran,
sapagkat sa iyo ako'y naghihintay.
22 Tubusin mo ang Israel, O Diyos,
mula sa lahat ng kanyang kabalisahan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Muth-labben. Awit ni David.
9 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng buong puso ko;
aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo.
2 Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo.
O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo.
3 Nang magsibalik ang mga kaaway ko,
sila'y natisod at nalipol sa harapan mo.
4 Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko,
ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono.
5 Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama,
pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman.
6 Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak;
ang kanilang mga lunsod ay binunot mo,
ang tanging alaala nila ay naglaho.
7 Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang Panginoon,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol;
8 at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan,
at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan.
9 Ang muog para sa naaapi ay ang Panginoon,
isang muog sa magugulong panahon.
10 At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo;
sapagkat ikaw, O Panginoon, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo.
11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, sa mga nagsisitahan sa Zion!
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa!
12 Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila;
hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa.
13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.
15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)
17 Babalik sa Sheol ang masama
ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)
Awit ni David.
15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
3 siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
4 na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
5 siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.
Pinatunayan ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos
12 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Walang pag-aalinlangan na kayo ang bayan,
at mamamatay na kasama ninyo ang karunungan.
3 Ngunit ako'y may pagkaunawa na gaya ninyo;
hindi ako mas mababa sa inyo.
Sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
4 Ako'y katatawanan sa aking mga kaibigan,
ako na tumawag sa Diyos, at ako'y sinagot niya,
isang ganap at taong sakdal, ay katatawanan.
5 Sa pag-iisip ng isang nasa katiwasayan ay may pagkutya sa kasawian;
nakahanda iyon sa mga nadudulas ang mga paa.
6 Ang mga tolda ng mga magnanakaw ay may kapayapaan,
at silang nanggagalit sa Diyos ay tiwasay;
na inilalagay ang kanilang diyos sa kanilang kamay.
13 “Nasa Diyos ang karunungan at kalakasan;
kanya ang payo at kaunawaan.
14 Kapag siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo,
kapag ikinulong niya ang tao, walang makakapagbukas.
15 Kapag kanyang pinigil ang tubig, natutuyo ito;
kapag kanyang pinaagos, ang lupa ay inaapawan nito.
16 Nasa kanya ang kalakasan at ang karunungan,
ang nadaya at ang mandaraya ay kanya.
17 Kanyang pinalalakad na hubad ang mga tagapayo,
at ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Kanyang kinakalag ang gapos ng mga hari,
at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Ang mga pari ay hubad niyang pinalalakad,
at pinababagsak ang makapangyarihan.
20 Kanyang inaalisan ng pananalita ang pinagtitiwalaan,
at inaalis ang pagkaunawa ng mga nakakatanda.
21 Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pinuno,
at kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Inililitaw niya ang malalalim mula sa kadiliman,
at inilalabas sa liwanag ang pusikit na kadiliman.
23 Kanyang pinadadakila ang mga bansa, at winawasak ang mga ito.
Kanyang pinalalaki ang mga bansa, at itinataboy ang mga ito.
24 Kanyang inaalis ang pang-unawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
at kanyang pinalalaboy sila sa ilang na walang lansangan.
25 Sila'y nangangapa sa dilim na walang liwanag,
at kanyang pinasusuray sila na gaya ng isang lasing.
Ang Iglesya sa Antioquia
19 Samantala,(A) ang mga nagkawatak-watak dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia, na hindi sinasabi kaninuman ang salita, maliban sa mga Judio.
20 Subalit may ilan sa kanila, mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene, nang dumating sa Antioquia, ay nagsalita din sa mga Griyego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.
21 Sumasakanila ang kamay ng Panginoon at ang napakalaking bilang na sumampalataya ay nagbalik-loob sa Panginoon.
22 Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia.
23 Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso;
24 sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon.
25 At si Bernabe ay nagtungo sa Tarso upang hanapin si Saulo.
26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay kanyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari na sa buong isang taon ay nakasama nila ang iglesya, at nagturo sa napakaraming tao; at sa Antioquia ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano.
27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.
28 (B) Isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, ang tumayo at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong sanlibutan; at ito'y nangyari sa kapanahunan ni Claudio.
29 Ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, ay nagpasiyang magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea;
30 at kanilang ginawa ito at ipinadala nila sa matatanda sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Saulo.
Ipinagpauna ni Jesus ang Kanyang Kamatayan
21 Muli niyang sinabi sa kanila, “Aalis ako, at ako'y inyong hahanapin, at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta.”
22 Sinabi ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya sapagkat kanyang sinabi, ‘Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta.’”
23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo'y mga taga-ibaba, ako'y taga-itaas. Kayo'y mga taga-sanlibutang ito; ako'y hindi taga-sanlibutang ito.
24 Kaya't sinabi ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa inyong mga kasalanan, sapagkat malibang kayo'y sumampalataya na Ako Nga,[a] ay mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”
25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Bakit kailangan pang makipag-usap ako sa inyo?”
26 Mayroon akong maraming bagay na sasabihin at hahatulan tungkol sa inyo. Subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan ang mga bagay na narinig ko sa kanya.”
27 Hindi nila naunawaan na siya ay nagsasalita sa kanila tungkol sa Ama.
28 Sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, saka ninyo makikilala na ako nga siya, at wala akong ginagawa mula sa aking sarili kundi sinasabi ko ang mga bagay ayon sa itinuro sa akin ng Ama.
29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko, hindi niya ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya.”
30 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito ay marami ang sumasampalataya sa kanya.
Ang Malalaya at ang mga Alipin
31 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa kanya, “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko.
32 At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001