Book of Common Prayer
COPH.
145 O Panginoon, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin,
iingatan ko ang iyong mga tuntunin.
146 Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako,
upang aking matupad ang mga patotoo mo.
147 Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako;
ako'y umaasa sa mga salita mo.
148 Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay,
upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal;
O Panginoon, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan.
150 Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit,
sila'y malayo sa iyong mga tuntunin.
151 Ngunit ikaw ay malapit, O Panginoon;
at lahat mong utos ay katotohanan.
152 Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo
na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito.
RESH.
153 Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo.
154 Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako,
muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako!
155 Ang kaligtasan ay malayo sa masama,
sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas.
156 O Panginoon, dakila ang kaawaan mo,
muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo.
157 Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko;
ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam,
sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita.
159 Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo!
Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo.
160 Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan;
at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman.
SIN.
161 Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan,
ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita
gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam.
163 Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
164 Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko,
sapagkat matuwid ang mga batas mo.
165 May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan,
walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.
166 O Panginoon, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako,
at tinutupad ko ang mga utos mo.
167 Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
lubos ko silang minamahal.
168 Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo.
TAU.
169 O Panginoon, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa;
bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita!
170 Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa,
iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko,
sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo.
172 Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita,
sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid.
173 Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako,
sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo.
174 O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan,
at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan.
175 Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo,
at tulungan nawa ako ng mga batas mo.
176 Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod,
sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.
Awit ng Pag-akyat.
128 Ang bawat may takot sa Panginoon ay mapalad,
na sa kanyang mga daan ay lumalakad.
2 Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay;
ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo.
3 Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas
sa loob ng iyong tahanan;
ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo
sa palibot ng iyong hapag-kainan.
4 Narito, ang taong may takot sa Panginoon,
ay pagpapalain ng ganito.
5 Pagpalain ka ng Panginoon mula sa Zion!
Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay!
6 Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan,
mapasa Israel nawa ang kapayapaan!
Awit ng Pag-akyat.
129 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,”
sabihin ngayon ng Israel—
2 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,
gayunma'y laban sa akin ay hindi sila nagtagumpay.
3 Inararo ng mga mag-aararo ang likod ko;
kanilang pinahaba ang mga tudling nila.”
4 Matuwid ang Panginoon;
ang mga panali ng masama ay kanyang pinutol.
5 Lahat nawa ng napopoot sa Zion,
ay mapahiya at mapaurong!
6 Maging gaya nawa sila ng damo sa mga bubungan,
na natutuyo bago pa ito tumubo man,
7 sa mga ito'y hindi pinupuno ng manggagapas ang kanyang kamay,
ni ng nagtatali ng mga bigkis ang kanyang kandungan.
8 Hindi rin sinasabi ng mga nagdaraan,
“Ang pagpapala nawa ng Panginoon ay sumainyo!
Sa pangalan ng Panginoon ay binabasbasan namin kayo!”
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
16 Samantala, ang animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma, na pawang mga anak ni Dan ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan.
17 Ang limang lalaking humayo upang tiktikan ang lupain ay umahon at pumasok doon at kinuha ang larawang inanyuan, ang efod, at ang terafim. Ang pari ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan na kasama ng animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma.
18 Nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Micaias, at makuha ang larawang inanyuan, ang efod, ang terafim, ay sinabi ng pari sa kanila, “Anong ginagawa ninyo?”
19 At sinabi nila sa kanya, “Tumahimik ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig, sumama ka sa amin, at maging ama at pari ka namin. Mabuti ba kaya sa iyo ang maging pari sa bahay ng isang lalaki o maging pari sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?”
20 Tinanggap ng pari ang alok. Kanyang kinuha ang efod, ang terafim, ang larawang inanyuan, at humayo sa gitna ng bayan.
21 Kaya't ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay at inilagay ang mga bata, ang kawan, at ang mga dala-dalahan sa unahan nila.
22 Nang sila'y malayu-layo na sa bahay ni Micaias, ang mga lalaking nasa mga bahay na malapit sa bahay ni Micaias ay tinawagan at inabutan nila ang mga anak ni Dan.
23 Kanilang sinigawan ang mga anak ni Dan. Sila'y lumingon at sinabi kay Micaias, “Ano ang nangyari at ikaw ay naparitong kasama ang ganyang karaming tao?”
24 Siya'y sumagot, “Inyong kinuha ang aking mga diyos na aking ginawa, at ang pari, at kayo'y umalis, at ano pang naiwan sa akin? Bakit ninyo ako tinatanong, ‘Ano ang nangyari?’”
25 Sinabi ng mga anak ni Dan sa kanya, “Huwag nang marinig ang iyong tinig, baka daluhungin ka ng mapupusok na kasama namin, at mawala ang iyong buhay, pati ang buhay ng iyong sambahayan.”
26 Ipinagpatuloy ng mga anak ni Dan ang kanilang lakad, at nang makita ni Micaias na sila'y higit na malakas kaysa kanya, bumalik siya at umuwi sa kanyang bahay.
27 Kanilang kinuha ang ginawa ni Micaias, at ang kanyang pari. Dumating sila sa Lais, na isang bayang tahimik at tiwasay, pinatay sila ng tabak at sinunog nila ang lunsod.
28 Walang tumulong sapagkat malayo ito sa Sidon at sila'y walang pakikipag-ugnayan sa kaninuman.[a] Iyon ay nasa libis na bahagi ng Betrehob. At kanilang itinayo ang lunsod, at tinahanan nila.
29 Kanilang tinawag na Dan ang lunsod, ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama na ipinanganak sa Israel; gayunma'y ang pangalan ng bayan nang una ay Lais.
30 At itinayo ng mga anak ni Dan para sa kanilang sarili ang larawang inanyuan. Si Jonathan na anak ni Gershon, na anak ni Moises, at ang kanyang mga anak ang siyang naging mga pari sa lipi ng mga Danita hanggang sa araw na mabihag ang lupain.
31 Kaya't kanilang itinuring na kanila ang larawang inanyuang ginawa ni Micaias sa buong panahon na ang bahay ng Diyos ay nasa Shilo.
14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, sinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan.
15 Ang dalawa ay bumaba at ipinanalangin sila upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo,
16 sapagkat hindi pa ito dumarating sa kaninuman sa kanila, kundi sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus.
17 Ipinatong nina Pedro at Juan[a] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo.
18 Nang makita ni Simon na ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y inalok niya ng salapi,
19 na sinasabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo.”
20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng salapi!
21 Wala kang bahagi ni karapatan man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo'y hindi matuwid sa harapan ng Diyos.
22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso.
23 Sapagkat nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at nasa gapos ng kasamaan.”
24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang wala sa mga sinabi ninyo ang mangyari sa akin.”
25 Sina Pedro at Juan,[b] pagkatapos na makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay bumalik sa Jerusalem na ipinangaral ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo(A)
6 Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias.
2 Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.
3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad.
4 Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio.
5 Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming taong lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?”
6 Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya.
7 Sumagot sa kanya si Felipe, “Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong[a] tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa.”
8 Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya,
9 “May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?”
10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang.
11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila.
12 Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang.”
13 Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain.
14 Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, “Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan.”
15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001