Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 120-127

Awit ng Pag-akyat.

120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,

    at sinagot niya ako.
“O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
    mula sa dilang mandaraya.”

Anong ibibigay sa iyo,
    at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
    ikaw na mandarayang dila?

Matalas na palaso ng mandirigma,
    na may nag-aapoy na baga ng enebro!

Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
    na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
    kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
Ako'y para sa kapayapaan;
    ngunit kapag ako'y nagsasalita,
    sila'y para sa pakikidigma!

Awit ng Pag-akyat.

121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
    ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
    na siyang gumawa ng langit at lupa.

Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
    siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
Siyang nag-iingat ng Israel
    ay hindi iidlip ni matutulog man.

Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
    ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
    ni ng buwan man kapag gabi.

Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
    kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
    mula sa panahong ito at magpakailanpaman.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
    “Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
Ang mga paa natin ay nakatayo
    sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;

Jerusalem, na natayo
    na parang lunsod na siksikan;
na inaahon ng mga lipi,
    ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
    upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
    ang mga trono ng sambahayan ni David.

Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
    “Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
    at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
    aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
    hahanapin ko ang iyong ikabubuti.

Awit ng Pag-akyat.

123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
    O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
Gaya ng mga mata ng mga alipin
    na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
    na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
    hanggang sa siya'y maawa sa amin.

Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
    sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
    ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
    ng paghamak ng palalo.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
    sabihin ngayon ng Israel—
kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
    nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
nilamon na sana nila tayong buháy,
    nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
tinabunan na sana tayo ng baha,
    dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
    ang ating kaluluwa.

Purihin ang Panginoon,
    na hindi tayo ibinigay
    bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
    na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
    at tayo ay nakatakas!
Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
    na siyang lumikha ng langit at lupa.

Awit ng Pag-akyat.

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
    na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
    gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
    sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
    ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
    at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
    ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!

Awit ng Pag-akyat.

126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
    tayo ay gaya ng mga nananaginip.
Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
    at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
    “Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
    kami ay natutuwa.
Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
    na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
    ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
Siyang lumalabas na umiiyak,
    na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
    na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay Solomon.

127 Malibang ang Panginoon ang magtayo ng bahay,
    ang mga nagtatayo nito ay walang kabuluhang nagpapagod.
Malibang ang Panginoon ang magbantay sa lunsod,
    ang bantay ay nagpupuyat nang walang kabuluhan.
Walang kabuluhan na kayo'y bumabangon nang maaga,
    at malalim na ang gabi kung magpahinga,
na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal;
    sapagkat binibigyan niya ng tulog ang kanyang minamahal.
Narito, ang mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula,
    ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.
Gaya ng mga palaso sa kamay ng mandirigma,
    ay ang mga anak sa panahon ng pagkabata.
Maligaya ang lalaki na ang kanyang lalagyan ng pana
    ay punô ng mga iyon!
Siya'y hindi mapapahiya,
    kapag siya'y nakipag-usap sa kanyang mga kaaway sa pintuang-bayan.

Mga Hukom 18:1-15

Nilibot ng mga Espiya ang Buong Lupain

18 Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. At nang panahong iyon ay humahanap ang lipi ng mga Danita ng isang lupaing matitirahan sapagkat hanggang sa araw na iyon ay wala pang lupain mula sa mga lipi ng Israel ang naibigay sa kanila.

Kaya't ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalaki mula sa kabuuang bilang ng kanilang angkan, mula sa Sora at sa Estaol, upang tiktikan ang lupain, at galugarin. At sinabi nila sa kanila, “Kayo'y humayo at inyong siyasatin ang lupain.” At sila'y pumunta sa lupaing maburol ng Efraim, sa bahay ni Micaias, at tumuloy roon.

Nang sila'y malapit na sa bahay ni Micaias nakilala nila ang tinig ng binatang Levita. Kaya't sila'y pumasok roon, at sinabi nila sa kanya, “Sinong nagdala sa iyo rito? At ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? Anong pakay mo rito?”

At sinabi niya sa kanila, “Ganito't ganoon ang ginawa sa akin ni Micaias. Kanyang inupahan ako, at ako'y naging kanyang pari.”

Sinabi nila sa kanya, “Ipinapakiusap namin sa iyo na sumangguni ka sa Diyos, upang aming malaman, kung ang aming misyon ay magtatagumpay.”

Sinabi ng pari sa kanila, “Humayo kayong payapa. Ang inyong lakad ay nasa ilalim ng pagmamatyag ng Panginoon.”

Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalaki at dumating sa Lais. Kanilang nakita ang mga taong naroon na naninirahang tiwasay na gaya ng mga Sidonio, tahimik at hindi nanghihina, hindi nagkukulang ng anuman sa daigdig, at nagtataglay ng kayamanan.

Nang sila'y dumating sa kanilang mga kapatid sa Sora at Estaol, kanilang sinabi sa kanila, “Ano ang inyong masasabi?”

At kanilang sinabi, “Tumindig kayo at tayo'y umahon laban sa kanila, sapagkat aming nakita ang lupain at, ito'y napakabuti. Wala ba kayong gagawin? Huwag kayong maging makupad na humayo kundi iyong pasukin at angkinin ang lupain.

10 Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang bayang panatag. Ang lupain ay malawak—ibinigay na iyon ng Diyos sa inyong kamay, isang dakong hindi nagkukulang ng anumang bagay sa lupa.”

Kinuha ng Danita ang mga Inanyuang Larawan ni Micaias

11 Umalis mula roon ang animnaraang lalaki sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Estaol, na may sandata ng mga sandatang pandigma.

12 Sila'y humayo at nagkampo sa Kiryat-jearim sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Mahanedan hanggang sa araw na ito. Iyon ay nasa likod ng Kiryat-jearim.

13 Sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at dumating sa bahay ni Micaias.

14 Nang magkagayo'y nagsalita ang limang lalaki na naniktik sa lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, “Nalalaman ba ninyo na sa mga gusaling ito ay mayroong efod, terafim, at isang larawang inanyuan na yari sa bakal? Isipin ninyo ngayon ang inyong gagawin.”

15 Sila'y lumiko roon, at dumating sa bahay ng binatang Levita, sa bahay ni Micaias, at tinanong siya sa kanyang kalagayan.

Mga Gawa 8:1-13

Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya.

Pinag-usig ni Saulo ang Iglesya

Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol.

Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya.

Ngunit(A) winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.

Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita

Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita.

Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo.

Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya.

Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling.

At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.

Ngunit may isang tao na ang pangalan ay Simon, na noong una ay gumagamit ng salamangka sa lunsod at pinahanga ang mga tao sa Samaria, ang nagsasabing siya'y isang dakila.

10 Silang lahat ay nakinig sa kanya buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, na sinasabi, “Ang taong ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila.”

11 Siya'y pinakinggan nila, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay kanyang pinahahanga sila ng kanyang mga salamangka.

12 Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae.

13 Maging si Simon mismo ay naniwala at pagkatapos mabautismuhan, nanatili siyang kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.

Juan 5:30-47

Mga Patotoo kay Jesus

30 “Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili. Humahatol ako ayon sa aking naririnig, at ang paghatol ko'y matuwid, sapagkat hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 Kung ako'y nagpapatotoo para sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi totoo.

32 Iba ang nagpapatotoo para sa akin at alam ko na ang patotoo niya para sa akin ay totoo.

33 Kayo'y(A) nagpadala ng sugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.

34 Hindi sa tinatanggap ko ang patotoong mula sa tao, subalit sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo'y maligtas.

35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag, at ninais ninyong kayo'y magalak sumandali sa kanyang liwanag.

36 Subalit mayroon akong patotoo na lalong dakila kaysa kay Juan. Ang mga gawaing ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang mga gawaing ito na aking ginagawa ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako'y sinugo ng Ama.

37 Ang(B) Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, o hindi ninyo nakita ang kanyang anyo.

38 At walang salita niya na nananatili sa inyo sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa kanyang sinugo.

39 Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin.

40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.

42 Subalit nalalaman ko na ang pag-ibig ng Diyos ay wala sa inyo.

43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kung iba ang pumarito sa kanyang sariling pangalan, iyon ang inyong tatanggapin.

44 Paano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa't isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa tanging Diyos?

45 Huwag ninyong isiping paparatangan ko kayo sa Ama. May isang nagpaparatang sa inyo, si Moises, siya na inyong inaasahan.

46 Sapagkat kung kayo'y sumasampalataya kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin, sapagkat siya'y sumulat tungkol sa akin.

47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa kanyang mga sinulat ay paano kayong maniniwala sa aking mga salita?”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001