Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 140

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
    mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
    na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
    at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
    at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
    ingatan mo ako sa mararahas na tao,
    na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
    at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
    naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)

Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
    pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
    tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
    huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)

Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
    takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
    Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
    kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
    at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
    ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.

Mga Awit 142

Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.

142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
    sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
    sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
    ang aking landas ay iyong nalalaman!

Sa daan na aking tinatahak
    sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
    walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
    walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
    ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
Pakinggan mo ang aking pagsamo,
    sapagkat ako'y dinalang napakababa.

Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
Ilabas mo ako sa bilangguan,
    upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
    sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.

Mga Awit 141

Awit ni David.

141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
    Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
    at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.

Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
    Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
    na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
    at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.

Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
    huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
    sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
    at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
    gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.

Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
    sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
    at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
    habang ako naman ay tumatakas.

Mga Awit 143

Awit ni David.

143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
    iyong dinggin ang aking mga daing!
    Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
At(A) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
    sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
    kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
    pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
    ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.

Aking naaalala ang mga araw nang una,
    aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
    aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
    ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)

Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
    Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
    baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
    sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
    tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
    sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
    sa landas na pantay!

11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
    Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
    at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
    sapagkat ako'y iyong lingkod.

Job 2

Si Job ay Nagkaroon ng mga Bukol

Isang araw, muling dumating ang mga anak ng Diyos upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at dumating din si Satanas upang iharap ang sarili sa Panginoon.

Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”

At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job, wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan? Siya'y nanatili pa rin sa kanyang katapatan, bagaman ako'y inudyukan mo laban sa kanya, upang sirain siya nang walang kadahilanan.”

Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, “Balat sa balat! Lahat ng pag-aari ng tao ay ibibigay niya dahil sa kanyang buhay.

Ngunit iunat mo ngayon ang iyong kamay, galawin mo ang kanyang buto at laman, at kanyang susumpain ka nang mukhaan.”

At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Siya'y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.”

Kaya't umalis si Satanas mula sa harapan ng Panginoon, at nilagyan si Job ng mga nakakapandiring bukol mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa puyo ng kanyang ulo.

At kumuha siya ng isang pirasong basag na palayok upang kayurin ang sarili at siya'y umupo sa mga abo.

Pagkatapos ay sinabi ng kanyang asawa sa kanya, “Mananatili ka pa ba sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka na.”

10 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Nagsasalita kang gaya ng pagsasalita ng mga hangal na babae. Tatanggap lang ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi.

Dinalaw Siya ng Tatlong Kaibigan

11 Nang mabalitaan ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat ng kasamaang ito na dumating sa kanya, dumating ang bawat isa sa kanila mula sa kanya-kanyang sariling pook: si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita. Sila'y nagkaisang pumunta upang makiramay sa kanya at aliwin siya.

12 Nang kanilang matanaw siya mula sa malayo, siya ay hindi nila nakilala. Kanilang inilakas ang kanilang tinig, umiyak at sinira ng bawat isa sa kanila ang kanya-kanyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo paharap sa langit.

13 At sila'y umupo sa ibabaw ng lupa na kasama niya na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kanya, sapagkat kanilang nakita na ang kanyang paghihirap ay napakalaki.

Mga Gawa 9:1-9

Tinawag si Saulo(A)

Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari.

Humingi siya sa pinakapunong pari[a] ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem.

Sa kanyang paglalakbay, dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit.

Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?”

Sinabi niya, “Sino ka, Panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig.

Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.”

Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman.

Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.

Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man.

Juan 6:27-40

27 Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak.”

28 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang kailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?”

29 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ito ang gawa ng Diyos na inyong sampalatayanan ang kanyang sinugo.”

30 Sinabi naman nila sa kanya, “Ano ngayon ang tanda na iyong ginagawa na aming makikita upang sumampalataya kami sa iyo? Ano ang iyong ginagawa?

31 Ang(A) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, ‘Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.’”

32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.

34 Sinabi nila sa kanila, “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.”

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.

36 Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya.

37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.

38 Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.

40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001